Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Ang Mga Gawain ng mga Bahá’í
Ang Pandaigdig na Kapayapaan
Ang Pandaigdigang Kapayapaan
Malawa ang saklaw ng mga turo ng Baha’u’llah, yamang sinasaliksik ng mga ito ang gayong mga paksa tulad ng likas na katangian at layunin ng Rebelasyon, ang likas na karangalan ng tao, ang paglilinang ng mga katangiang espiritwal, at ang ugnayan ng sangkatauhan sa na daigdig ng kalikasan. Puspos din ang mga Kasulatang Bahá’í sa mga pagtukoy sa pandaigdigang kapayapaan—"ang sukdulang layunin ng buong sangkatauhan"—at gayundin ng mga paliwanag sa mga tuntuning panlipunan na nauugnay sa kapayapaang ito.
Kabilang sa mga tuntuning ito ay ang malayang pagsasaliksik sa katotohanan; ang kaisahan ng sangkatauhan, na siyang simulaing pinag-iinugan ng Pananampalatang Baha’i; ang pagwawaksi ng lahat ng mga anyo ng pagkiling; ang pagkakasundong dapat umiiral sa pagitan ng relihiyon at agham; ang pagkakapantay-pantay ng mga kalalakihan at kababaihan, ang dalawang pakpak na ginagamit ng ibon ng sangkatauhan upang pumailanlang; ang pagpapatupad ng sapilitang edukasyon; ang paggamit ng isang pangdaigdig na wikang pantulong; ang pagpawi sa labis na kayamanan at kahirapan; ang pagtatag ng isang pandaigdigang hukuman para hatulan ang mga pinagtatalunan ng mga bansa; at ang pagpapatibay sa katarungan bilang naghaharing panuntunan sa mga gawain ng tao. Hindi itinuturing ng mga Bahá’í ang mga simulaing ito bilang mga pahayag lamang ng hangaring hinagap lamang—ang pag-unawa sa mga ito ay bilang mga bagay na may agaran at praktikal na interes para sa mga indibidwal, mga pamayanan, at mga institusyon.
Noong Oktubre 1985, inihayag ng Universal House of Justice ang paglathala ng isang liham para sa pangkalahatan ng sangkatauhan sa paksa ng pandaigdigang kapayapaan, na pinamagatang "Ang Ipinangakong Kapayapaang Pandaigdig". Sa pagpapaliwanag sa mga kadahilanang pinagbabatayan ng pamayananng Bahá’í sa pagtitiwala nito sa pagsapit ng pandaigdigang kapayapaan bilang kasunod na yugto sa ebolusyon ng lipunan, malinaw na sinabi nito:
Ang Dakilang Kapayapaan nainibig ng mabubuting tao sa loob ng mga dantaon, na pinagpahayagan ng mga propeta at maka ng kanilang kaisipan sa loob ng di mabilang na salinlahi, at lagi nang ipinangangako ng mga santong kasulatan ng sangkatauhan sa loob ng mga panahon, sa wakas, ay abot-kamay na ngayon ng mga bansa. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ay maaari nang tingnan ng lahat ang buong planeta, kasama na ang malaking bilang at iba’t ibang uri ng taong narito, sa iisang pananaw. Ang pandaigdigang kapayapaan ay di lamang maaari nang mangyari kung hindi ito ay di na maiiwasan.
Pagsasaliksik sa paksang ito
Itinatanghal ng bahaging ito ng website ang buong teksto mula sa pahayag, Ang Ipinangakong Kapayapaang Pandaigdig, na nahahati sa ilang mga bahagi. Kasama rin dito ang ilang sipi mula sa mga Kasulatang Bahá’í na tanging nakatutok sa mga turong panlipunan ng Pananampalatayang Bahá'i, tulad ng pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan, pangkalahatang edukasyon, at ang pagpawi ng labis na kayamanan at kahirapan, at gayundin ng isang bilang ng nauugnay na mga pahayag, mga sanaysay, at iba pang mga mapagkukunan.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
