Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Ang Training Institute
Ang pagtatatag ng isang higit na mabuting daigdig ay nangangailangan ng isang patuloy na lumalaking bilang ng mga taong may kakayahang tumulong sa pagsasakatuparan ng napakaraming mga gawain.
Kaugnay nito, ang konsepto ng "training institute" ay ipinakilala ng Universal House of Justice noong kalagitnaan ng dekadang 1990. Ang layunin nito ay tulungan ang mga indibidwal upang mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga katuruang Bahá’í, at makamtan ang malalalim na pag-unawang espiritwal at ang mga kasanayang praktikal na kinakailangan nila upang maisagawa ang gawain ng pamayanan.
Ang likas na katangian ng training institute ay maaaring unawain sa pamamagitan ng paggunita ng isang nagpapatuloy na usapan sa pagitan ng mga magkakaibigan sa libu-libong mga puwang ng lipunan—sa mga magkakalapit-bahay, sa mga nayon, sa mga paaralan, sa mga unibersidad, at sa mga pinagtatrabahuan—tungkol sa pagtulong sa pagsulong ng kabihasnan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga katuruan ni Bahá’u’lláh’. Habang lumalaki ang bilang ng mga kalahok sa usapan, sinisimulan ang mga proseso upang makamtan ang sama-samang mga layuning espiritwal at materyal sa bawat puwang.
Maaari nating isipin ang gawain ng training institute, kung gayon, bilang pamamalakad sa isang sistema ng edukasyong pang-malayuan upang mapanatili at mapadali itong usapang yumayabong. Ang pangunahing mga elemento ng sistemang ito ay binubuo ng "study circle", ng tutor, at ng isang pangkat ng mga aralin, na nababatay sa mga kasulatang Bahá'í, na naghahayag sa mga malalalim na mga pag-unawang espiritwal at ang kaalamang natatamo mula sa pagsalin sa realidad ng mga turo ni Bahá'u'lláh. Ang mga aralin ay tumutulong sa indibidwal upang makapasok sa talakayan tungkol sa natutunan ng pamayanang Bahá’í mula sa karanasan habang sinisikap nitong makatulong sa pagsulong ng kabihasnan. Higit na mahalaga, nilalayon nitong maisama siya sa prosesong ito ng pagsisikap matuto at sa pagpapalaganap ng nauugnay na kaalaman.
Ang study circle ay isang maliit na grupong nagtatagpo nang ilang oras minsan o dalawang beses man lamang sa isang linggo, karaniwang sa tahanan ng isa sa mga miyembro nito, upang pag-aralan ang mga aralin sa kurso. Ang sinumang labinlimang taong gulang o higit pa, maging Bahá’í man o hindi, ay malugod na tinatanggap upang makilahok. Ang grupo ay tinitipon ng isang tutor na nauugnay sa training institute. Ang mga tutor ay walang bukod-tanging katayuan. Nauna lamang sila sa pag-aaral sa serye ng mga kurso. Kahit sino ay maaaring maglingkod bilang isang tutor sa ilang mga pagkakataon, habang sa ibang pagkakataon naman ay nakikilahok sila bilang miyembro. Ang lahat ng mga nakikilahok ay nakikita bilang masiglang mga tagapagsagawa ng sarili nilang pagkatuto, at sinisikap ng mga tutor na lumikha ng isang kapaligirang naghihikayat sa mga indibidwal upang akuin ang tungkulin para sa proseso ng edukasyong sinalihan nila. Ang study circle ay dapat maging isang puwang na nagbubunga ng pagbibigay-lakas ng espiritwal at moral ng mga indibidwal.
Kasama sa mga aralin ang mga sipi mula sa kasulatang Bahá’í na nauugnayan sa tanging mga tema at mga gawain ng paglilingkod. Sama-samang pinag-iisipan ng mga kalahok ang tungkol sa paglalapat ng mga siping ito sa kanilang indibidwal at sama-samang mga buhay. Kabilang sa mga katanungang sinusuri nila ay kung paano lumikha ng mga kapaligiran kung saan nagagawa ng mga taong makipag-ugnay sa mga puwersang espiritwal na pinakakawalan sa pamamagitan ng panalangin at pagsamba; kung paano pinalalakas ang mga bigkis ng pagkakaibigan at itinataguyod ang makabuluhang mga paraan ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao mula sa iba't ibang mga pinanggalingan; kung paano ginagawang maging di-maaaring mawalang bahagi ng pamumuhay ng kanilang pamayanan ang edukasyon ng mga bata; kung paano pinapanatili ang isang kapaligirang tumutulong sa mga kabataan upang mapaunlad ang kanilang mga kakayahang pangkaisipan at espiritwal; kung paano mabubuo ang pagtutugunan sa loob ng pamilya upang makamtan ang kasaganaang materyal at espiritwal.
Bilang tugon sa mga aralin na kanilang pinag-aaralan at sa tulong ng kanilang mga institusyon, ang mga kalahok ay bumabangon upang magsagawa ng tiyak na mga gawain ng paglilingkod. Unti-unting nababatid ng kalalakihan at kababaihan, bata man o matanda, na taglay nila sa kanilang mga kamay ang kapangyarihan upang hubugin nang panibago ang daigdig sa palibot nila. Habang dumarami ang mga taong nakatalaga sa larawang-isip ng indibidwal at sama-samang pagbabago na pinayayabong ng mga kurso ng instituto, ang kakayahan ay unti-unting nililinang sa pamayanan na naglalarawan ng isang paraan ng pamumuhay kung saan nasa kaibuturan nito ang paglilingkod at pagsamba.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
