Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Ang Mashriqu’l-Adhkár
Ang institusyon ng Mashriqu'l-Adhkár, na isinalin bilang "Ang Pook-Liwayway ng Pagbanggit sa Diyos", ay itinalaga ni Bahá’u’lláh Mismo. Ito ay isang pangunahing konsepto ng pamumuhay ng pamayanang Bahá’í na nagbibigay ng konkretong paghahayag sa pagkakaisa ng pagsamba at paglilingkod.

Magtayo kayo ng mga bahay sambahan sa buong lupain sa ngalan Niya na Siyang Panginoon ng lahat ng mga relihiyon ... Pagkatapos, taglay ang kaningningan at kagalakan, ipagdiwang doon ang papuri ng inyong Panginoon, ang Pinakamadamayin.
Ang mga Bahá’í sa mga lokalidad sa buong daigdig ay nagtatanim ngayon ng mga binhi na mula roon ay uusbong ang mga Mashriqu'-Adhkár. Ang proseso ay nagsisimula sa simpleng mga pagsisikap na magbukas ng personal at sama-samang mga puwang para sa pananalangin. Ang mga gawain ng paglilingkod sa gayon ay naisasama sa isang humuhusay na paraan ng paggawa at ang higit na naipagpapatuloy na mga pagsisikap upang puspusin ang mga aspeto ng pamumuhay ng pamayanan ng may isang madasaling diwa ay nagiging posible. Sa kalaunan ang pagtatatag ng isang pisikal na gusali ay nagtatanda sa isa pang mahalagang yugto sa pagsasakatuparan sa larawang-isip ng Bahá’u’lláh para sa mga Bahay Sambahan.
Ang pisikal na istruktura ng isang Mashriqul-Adhkár ay binubuo ng isang sentrong gusali—isang Bahay Sambahan—kasama ang ilang mga pantulong na mga instituyon. Habang ang Mashriqu'l-Adhkár ay bumubuo ng tampulan ng pagsamba sa isang lugar na heograpiya, ang layunin nito ay hindi lamang magbigay ng isang lugar para sa panalangin. Ipinaliwanag ni 'Abdu'l-Bahá na, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng edukasyon, pangangalaga sa kalusugan at iba pang serbisyo ay sinusuportahan din nito ang panlipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad ng pamayanan at nagbibigay ng mapagsisilungan, kaluwagan at tulong sa mga nangangailangan. Kaugnay nito, inaasahan ni 'Abdu'l-Bahá na ang mga karagdagang sangay—tulad ng ospital, paaralan, unibersidad, dispensaryo, at hospisyo—ay unti-unting idaragdag sa isang Bahay Sambahan.
Patungkol sa Mashriqu-Adhkár na itinatayo noon malapit sa Chicago sa Estados Unidos, isinulat ni Shoghi Effendi na:
"... gaano man nakapagpapasigla ang konsepto ng Bahá'í na pagsamba, tulad ng nasasaksihan sa sentrong Gusali nitong dakilang Templo, hindi ito maituturing bilang nag-iisa, o kahit pangunahing bahagi, sang-ayon sa pagkadisenyo ni Bahá'u'lláh, na itinadhanang gagampanan ng Mashriqu'l-Adhkár, sa organikong pamumuhay ng pamayanang Bahá'í. Hiwalay sa panlipunan, pantao, pang-edukasyon at pang-agham na mga gawaing umiinog sa Pantulong na mga Instutusyon ng Mashriqu'l-Adhkár, ang Bahá'í na pagsamba, gaano man kadakila ang konsepto nito, gaano man kasidhi ang kasigasigan, ay hindi kailanman maaaring umasa na makakamtan ang higit pa sa maliit at madalas na panandaliang mga resulta na ibinubunga ng mga pagninilay-nilay ng asetiko o ng pakikipagniig ng balintiyak na tagasamba. Hindi nito maibibigay ang namamalaging kaluguran at kapakinabangan sa mismong tagasamba, lalo nang hindi sa sangkatauhan sa pangkalahatan, maliban at hangga’t hindi ito isinasalin at ibinubuhos doon sa walang pag-iimbot na paglilingkod sa kapakanan ng sangkatauhan na siyang pinakamataas na pribilehiyong itinataguyod at isinusulong ng mga Pantulong na Institusyon ng Mashriqu'l-Adhkár. "
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
