Ang Pananampalatayang Baha'i


Baha'i Library

ANG KITÁB-I-AQDAS

Bahá’u’lláh
Ang Pinakabanal na Aklat

Paunang Salita

 

Noong 1953, isinama ni Shoghi Effendi, ang Guardian ng Pananampalatayang Bahá’í, bilang isa sa mga adhikain ng kaniyang Ten Year Plan ang paghahanda ng isang Lagom at Pagsasaayos ng mga Batas at Alituntunin ng Kitáb-i-Aqdas na isang pangunahing panimula sa pagsasalin nito. Ginawa niya mismo ang pagsasaayos, ngunit hindi ito natapos nang sumakabilang buhay siya noong 1957. Ang gawaing iyon ay ipinagpatuloy batay sa kaniyang ginawa, at ang aklat na naging bunga nito ay inilimbag noong 1973. Kasama ng aklat na iyon, bilang karagdagan sa Lagom at Pagsasaayos mismo at mga tala ng paliwanag, ay isang tinipong sipi mula sa Kitáb-i-Aqdas na naisalin na ni Shoghi Effendi at nailathala na sa ibang mga aklat. Sinaklaw ng Lagom at Pagsasaayos ang teksto kapuwa ng Kitáb-i-Aqdas at ng Mga Katanungan at Kasagutan na bumuo sa isang apendise ng Aqdas. Noong 1986, ipinasiya ng Universal House of Justice na dumating na ang panahon na ang paghahanda ng isang salin sa Ingles ng buong teksto ng Pinakabanal na Aklat ay maaari nang magawa at kinakailangan at ang katuparan nito ay ginawang isang layunin ng Anim na Taong Plano 1986-1992. Ang paglilimbag nito sa Ingles ay susundan ng mga salin sa iba’t ibang wika.

Tinatanggap na ang Kitáb-i-Aqdas, dahilan sa pagiging Banal na Kasulatan, ay dapat maibigay sa isang uri na mababasa nang madali at nang may inspirasyon, hindi nagugulo ng mga talababa at mga numero ng indese na karaniwan sa pampantas na mga teksto. Gayunman, upang matulungan ang mambabasa na masundan ang daloy ng teksto at ang nagbabagong mga paksa nito, idinagdag ang mga paghahati ng parapo—ang ganitong mga paghahati na hindi karaniwan sa literaturang Arabiko—at ang mga parapong ito, bukod doon, ay nilagyan ng numero upang madaling hanapin at bilang tulong sa paggawa ng indese, gayundin upang magkapare-pareho ang reperensiya sa lahat ng mga wika na ilalathala ang aklat.

Kasunod ng Teksto ng Aqdas ay isang maikling tinipong mga sipi ng mga Kasulatan ni Bahá’u’lláh na karagdagan sa Pinakabanal na Aklat, at ang salin ng Mga Katanungan at Kasagutan na unang nakalathala dito.

Sinabi ni Shoghi Effendi na ang salin sa Ingles ng Aqdas ay dapat na “maraming nakatalang paliwanag”. Ang alituntuning sinunod sa paghahanda sa mga tala ay ang pagtutuon ng pansin doon sa mga bagay na maaaring mapansin na hindi maliwanag sa isang mambabasang hindi nagsasalita ng wikang Arabiko, o kaya, sa ibang mga kadahilanan, ay nangangailangan ng paliwanag o kaalaman ng pinanggalingan nito. Ang mga iyon ay hindi nilayon na maging isang masaklaw na komentaryo sa teksto nang higit pa sa mga pangunahing pangangailangan na ito.

Ang mga tala, na inilagay kasunod ng Lagom at Pagsasaayos, ay sunod-sunod ang pagkakalagay ng numero. Bawat isa ay pinangungunahan ng isang sipi ng talata na tinutukoy nito at nakalagay ang numero ng parapo kung saan ito matatagpuan. Pinadadali nito ang paghanap ng reperensiya sa teksto at sa mga tala, samantalang ang mga mambabasa ay maaaring mapag-aralan ang mga tala nang hindi na paulit-ulit pang sasangguniin ang teksto, kung nais nila iyon. Inaasahang maibibigay sa pamamagitan nito ang mga pangangailangan ng mga nagbabasa sa isang malawak na saklaw ng mga kaalaman at interes.

Ang indese ay nagbibigay ng isang gabay sa mga paksa sa lahat ng mga bahagi ng aklat.

Ang kahalagahan at katangian ng Kitáb-i-Aqdas at ang nasasaklaw na mga paksa na nilalaman nito ay malinaw na inilarawan ni Shoghi Effendi sa kaniyang kasaysayan ng unang daantaon ng Bahá’í na pinamagatang God Passes By. Bilang isang tulong sa mambabasa, ang mga sipi na ito ay inilagay sa bahaging kasunod agad ng pambungad. Ang Lagom at Pagsasaayos, na muling inilathala sa aklat na ito, ay nagsisilbing isa pang tulong upang makamtan ang isang malawak na pananaw sa Aklat.

 

Pambungad

Ang taon na ito, ang ika-149 taon ng panahon ng Bahá’í ay nagtatanda sa ika-Isang Daang Taon ng Pagyao ni Bahá’u’lláh, ang Tagapagdala ng pansantinakpang Pagpapahayag ng Diyos na natatadhanang pumatnubay sa sangkatauhan sa panlahatang pagsapit nito sa kaganapan. Na ang okasyon na ito ay dapat ipagdiwang ng isang pamayanan ng mga nananampalataya na kumakatawan sa lahat ng mga bahagi ng buong sangkatauhan at naitatag, sa loob ng isang daan at limampung taon, sa pinaka-malalayong pook ng daigdig, ay isang palatandaan ng mga lakas ng pagkakaisa na ipinagkaloob ng pagdating ni Bahá’u’lláh. Isa pang karagdagang patunay sa pag-iral ng mga lakas ding ito ang makikita sa abot ng pananaw ni Bahá’u’lláh sa paglalarawan sa pangkasalukuyang karanasan ng tao sa napakaraming mga aspeto nito. Ito ay isang nararapat na pagkakataon para sa paglalathala nitong unang may kapahintulutang salin sa Ingles ng Inang Aklat ng Kaniyang Pananampalataya, ang “Pinakabanal na Aklat” Niya, kung saan inilahad Niya ang mga Batas ng Diyos para sa Dispensasyon na natatadhanang tumagal ng hindi kukulangin sa isang libong taon.

Sa mahigit na isang daang aklat na bumubuo sa mga banal na Kasulatan ni Bahá’u’lláh, ang Kitáb-i-Aqdas ay may bukod-tanging kahalagahan. “Ang gawaing bago muli ang buong daigdig”, ay ang pahayag at hamon ng Kalatas Niya, at ang Kitáb-i-Aqdas ay ang Saligan ng darating na pandaigdig na kabihasnan na itatatag ni Bahá’u’lláh sa pagdating Niya. Ang itinadhana nito ay maliwanag na nasasalalay sa saligang itinatag ng mga nakaraang relihiyon, sapagka’t sa mga salita ni Bahá’u’lláh, “Ito ang hindi nagbabagong Pananampalataya ng Diyos, walang hanggan sa nakaraan, walang hanggan sa hinaharap.”  Sa Pagpapahayag na ito ang mga konsepto noong nakaraan ay dinadala sa isang bagong antas ng pang-unawa, at ang mga batas ng lipunan, na binago upang maging angkop sa panahon na ngayon ay namimitak, ay ginawa sa layunin na dalhin ang sangkatauhan tungo sa isang pandaigdig na kabihasnan na ang mga karingalan ay hindi pa halos mahinagap.

Sa pagpapatibay nito sa katotohanan ng dakilang mga relihiyon ng nakaraan, inuulit ng Kitáb-i-Aqdas yaong walang kamatayang mga katotohanan na ipinahayag ng lahat ng Banal na Sugo: ang kaisahan ng Diyos, pagmamahal sa kapitbahay, at ang moral na layunin ng makalupang buhay. Kaalinsabay nito, inaalis nito yaong mga bahagi sa mga alituntunin ng nakaraang mga relihiyon na ngayon ay bumubuo bilang mga sagabal sa dumarating na pagkakaisa ng daigdig at ang muling pagbubuo ng lipunan ng tao.

Ang Batas ng Diyos para sa Dispensasyon na ito ay tinutugunan ang mga pangangailangan ng buong angkan ng sangkatauhan. May mga batas sa Kitáb-i-Aqdas na tumutukoy lamang sa mga kaanib ng isang tiyak na bahagi ng sangkatauhan at maaaring maunawaan nila kaagad, ngunit iyon, sa unang pagbasa, ay maaaring hindi maunawaan ng mga tao sa ibang kultura. Yaon, halimbawa, ay ang batas na nagbabawal sa pangungumpisal ng mga kasalanan sa isang kapwa tao na kahima’t mauunawaan noong mga Kristiano, ay magiging palaisipan sa iba. Maraming mga batas ang may kaugnayan doon sa mga nakaraang Dispensasyon, lalo na sa dalawang pinakahuli, yaong kay Muhammad at sa Báb na nilalaman ng Qur’án at ng Bayán. Gayunpaman, kahima’t ang ilang mga alituntunin sa Aqdas ay may gayong tiyakang tinutukoy, ang mga ito ay mayroon ding pandaigdig na kahulugan. Sa pamamagitan ng Kaniyang Batas, inilantad ni Bahá’u’lláh nang unti-unti ang kahulugan ng mga bagong antas ng kaalaman at pag-uugali na kung saan tinatawag ang mga tao ng daigdig. Ipinaloob Niya ang Kaniyang mga alituntunin sa isang balangkas ng espirituwal na komentaryo, palaging pinananatili kahit noon pa sa isipan ng mambabasa ang simulain na ang mga batas na ito, anumang paksa ang kanilang tinutukoy, ay magagamit sa napakaraming layunin na nakapagbibigay ng katiwasayan sa lipunan ng tao, itinataas ang pamantayan ng pag-uugali ng tao, pinalalawak ang saklaw ng pang-unawa ng tao, at ginagawang espirituwal ang buhay ng bawat isa at lahat. Sa kabuuan, ito ay ang kaugnayan ng isang kaluluwa sa Diyos at sa katuparan ng espirituwal na tadhana nito na siyang pangwakas na layunin ng mga batas ng relihiyon. “Huwag isipin”, ang sariling pahayag ni Bahá’u’lláh, “na Kami ay nagpahayag sa inyo ng isa lamang talaan ng mga batas. Hindi, kundi, binuksan Namin ang piling Alak sa pamamagitan ng mga daliri ng kapangyarihan at lakas.” Ang Kaniyang Aklat ng mga Batas ay ang Kaniyang “pinakamabigat na patunay sa lahat ng tao, at ang katibayan ng Mahabagin sa Lahat doon sa lahat ng nasa kalangitan at sa lahat ng nasa kalupaan.”

Isang pagpapakilala sa espirituwal na santinakpan na inihayag sa Kitáb-i-Aqdas ay mabibigo sa layunin nito kung hindi nito ipakikilala sa mambabasa ang tagapagpaliwanag at pambatasang mga institusyon na ikinabit ni Bahá’u’lláh, na hindi maaaring maputol, sa sistema ng batas na inihayag Niya. Sa saligan ng patnubay na ito nasasalalay ang bukod-tanging bahagi na ipinagkaloob ng mga Kasulatan ni Bahá’u’lláh—tunay na sa teksto ng Kitáb-i-Aqdas mismo—sa pinakamatandang anak na lalake Niya, si ‘Abdu’l-Bahá. Ang bukod-tanging katauhang ito ay kaagad ang Huwaran ng pamamaraan ng pamumuhay na itinuro ng Kaniyang Ama, ang binigyan ng banal na inspirasyon na galing sa Diyos bilang Tagapagpaliwanag ng mga Turo Niya na dapat sundin at ang Sentro at Iniikutan ng Banal na Kasunduan na ginawa ng May-Akda ng Pagpapahayag na Bahá’í sa lahat ng kumilala sa Kaniya. Ang dalawampu’t siyam na taong panunungkulan ni ‘Abdu’l-Bahá ay nagkaloob sa daigdig ng Bahá’í ng isang maningning na kalipunan ng komentaryo na nagbubukas ng napakaraming mga pananaw ng pang-unawa sa layunin ng Kaniyang Ama.

Sa Habilin at Testamento Niya, ipinagkaloob ni ‘Abdu’l-Bahá ang manta ng Guardian ng Kapakanan at di-nagkakamaling Tagapagpaliwanag ng mga Turo nito sa pinaka-matandang apo Niya, si Shoghi Effendi, at pinagtibay ang kapangyarihan at katiyakan ng banal na patnubay na ipinag-utos ni Bahá’u’lláh para sa Universal House of Justice tungkol sa lahat ng bagay “na hindi ipinahayag sa Aklat.” Ang institusyon ng panunungkulan Guardian at ang Universal House of Justice kung gayon ay makikita bilang “Kambal na mga Tagapagmana ng Tungkulin”, sa mga salita ni Shoghi Effendi, nina Bahá’u’lláh at ‘Abdu’l-Bahá. Sila ang kataas-taasang mga institusyon ng Pampangasiwaang Kaayusan na nilikha at inasam sa Kitáb-i-Aqdas at ipinaliwanag nang mabuti ni ‘Abdu’l-Bahá sa Habilin Niya.

Sa loob ng tatlumpu’t anim na taon ng kaniyang panunungkulan, itinayo ni Shoghi Effendi ang gusali ng inihalal na Spiritual Assemblies—ang mga House of Justice na tinutukoy sa Kitáb-i-Aqdas, na ngayon ay nasa yugto ng kanilang pagkabinhi—at sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan ay sinimulan ang maayos na pagsasakatuparan ng Banal na Plano na inihanda ni ‘Abdu’l-Bahá para sa pagpapalaganap ng Pananampalataya sa buong daigdig. Pinakilos rin niya, nang naaayon sa malakas na pampangasiwaang balangkas na naitatag na, ang mga pamamaraan ng isang kinakailangang paghahanda para sa paghahalal ng Universal House of Justice. Ang lupon na ito, na itinatag noong Abril 1963, ay inihalal sa pamamagitan ng sekretong balota at sa boto ng mayoriya sa isang tatlong-yugtong halalan ng mga Bahá’í na nasa hustong gulang sa buong daigdig. Ang nahayag na Salita ni Bahá’u’lláh, kasama ang mga paliwanag at paglalahad ng Sentro ng Banal na Kasunduan at ng Guardian ng Kapakanan, ang bumubuo sa umiiral na mga itinadhana na may kaugnayan sa Universal House of Justice at ang mga saligang-bato ng pagtatatag nito.

Tungkol sa mga batas mismo, inilalantad ng isang masusing pag-aaral na pinamamahalaan nito ang tatlong larangan: ang kaugnayan ng isang tao sa Diyos, ang pisikal at espirituwal na mga bagay na tuwirang nakikinabang ang isang tao, at mga ugnayan sa pagitan ng isang tao at lipunan. Maaaring pagpangkat-pangkatin ang mga iyon sa ilalim ng sumusunod na mga pamagat: panalangin at pag-aayuno; mga batas tungkol sa pansariling katayuan na sumasakop sa pag-aasawa, diborsiyo at mana; isang halayhay ng iba pang mga batas, alituntunin at mga pagbabawal, gayundin ng mga payo; at ang pagpapawalang-bisa sa tiyak na mga batas at alituntunin ng nakaraang mga Dispensasyon. Ang isang kapansin-pansing katangian ay ang kanilang pagiging maikli. Binubuo ng mga iyon ang buod ng isang malawak na saklaw ng batas na lilitaw sa darating na mga siglo. Ang mabuting pagpapaliwanag ng batas na ito ay isasakatuparan ng Universal House of Justice sa ilalim ng kapangyarihan na ipinagkaloob dito ni Bahá’u’lláh mismo. Sa isa sa mga Tableta Niya, ipinaliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá ang simulaing ito:

Yaong mga bagay na may pangunahing kahalagahan na bumubuo sa saligan ng Batas ng Diyos ay maliwanag na nakatala sa Teksto, ngunit ang pantulong na mga batas ay iniwanan sa House of Justice. Ang kadahilanan nito ay sapagka’t ang panahon kailanman ay hindi mananatiling magkakatulad, sapagka’t ang pagbabago ay isang kinakailangang katangian at isang mahalagang kagalingan ng daigdig na ito, at ng panahon at ng lugar. Kung gayon, ang House of Justice ay gagawa ng hakbang nang naaayon...

Sa maikling salita, ito ang kadahilanan ng pagsasangguni sa House of Justice ng mga batas ng lipunan. Katulad sa pananampalatayang Islam, hindi lahat ng alituntunin ay maliwanag na ipinahayag. Kahit na ika-sampung bahagi ng ika-sampung bahagi ay hindi naisama sa Teksto; kahima’t lahat ng bagay na may pangunahing kahalagahan ay tuwirang tinukoy, walang alinlangan na libu-libong mga batas ang hindi nabanggit. Ang mga ito ay ginawa ng mga teologo sa dakong huli sang-ayon sa mga alituntunin ng doktrinang pambatas ng Islam, at bawat isang teologo ay gumawa ng magkakasalungat na mga kapasiyahan mula sa orihinal na mga ipinahayag na alituntunin. Lahat ng mga ito ay pinairal. Ngayon, ang pamamaraang ito ng pagpapasiya ay karapatan ng lupon ng House of Justice, at ang mga pasiya at palagay ng bawat isang marunong na tao ay walang kapangyarihan, hangga’t ang mga iyon ay hindi pinagtitibay ng House of Justice. Ang pagkakaiba ay tiyak na ito, na mula sa mga pasiya at pagtitibay ng lupon ng House of Justice, na ang mga kaanib ay inihalal at kilala ng pamayanang Bahá’í sa buong daigdig, ay walang magsisimulang di-pagkakaunawaan, samantalang ang mga pasiya ng bawat isa sa mga teologo at mga pantas ay tiyak na magdudulot ng mga di-pagkakaunawaan, at magbubunga ng pagpapangkat-pangkat, paghihiwa-hiwalay, at pagwawatak-watak. Ang kaisahan ng Salita ay mawawala, ang pagkakaisa ng Pananampalataya ay mawawala, at ang gusali ng Pananampalataya ng Diyos ay mayayanig.

Kahima’t ang Universal House of Justice ay maliwanag na pinahihintulutan na palitan o pawalang bisa ang sariling batas nito dahilan sa ang mga kalagayan ay nagbabago, pinagkakalooban, samakatuwid, ang batas ng Bahá’í ng isang pangunahing katangian ng pag-aangkop sa kalagayan, hindi nito maaaring pawalan ng bisa o baguhin ang alinman sa mga batas na maliwanag na itinakda sa banal na Teksto. 

Ang lipunan na kung kanino ang ilang tiyak na mga batas ng Aqdas ay nilayon na mapapairal lamang nang unti-unti, at naglaan si Bahá’u’lláh para sa papaunlad na pagsasakatuparan ng batas ng Bahá’í:

Tunay, ang mga batas ng Diyos ay tulad ng karagatan at ang mga anak ng tao ay tulad ng isda, kung nauunawaan lamang nila ito. Datapuwa’t sa pagpapatupad ng mga iyon, dapat magkaroon ng mahusay na pakikitungo at matalinong pang-unawa ... Dahilan sa ang karamihan sa mga tao ay mahihina at napakalayo ang agwat mula sa layunin ng Diyos, samakatuwid, dapat gawain ng isa ang mahusay na pakikitungo at pag-iingat sa ilalim ng lahat ng kalagayan, upang walang anumang mangyari na maaaring maging sanhi ng pagkabagabag at pag-aaway o pagmumulan ng kaguluhan sa mga pabaya. Sa katunayan, ang pagpapala Niya ay nahigitan pa ang buong santinakpan at ang mga Kaloob Niya ay pumalibot sa lahat ng naninirahan sa kalupaan. Dapat akayin ng isa ang sangkatauhan tungo sa karagatan ng tunay na pagkaunawa sa isang espiritu ng pagmamahal at pagpapaubaya. Ang Kitáb-i-Aqdas mismo ay nagtataglay ng maliwanag na pagpapatibay sa mapagmahal na pagkupkop ng Diyos.

Ang simulain na namamatnubay dito sa sumusulong na pagpapairal ay ipinahayag sa isang liham na isinulat sa ngalan ni Shoghi Effendi, sa isang National Spiritual Assembly noong 1935:

Ang mga batas na ipinahayag ni Bahá’u’lláh sa Aqdas, kailanman maisasakatuparan at hindi tuwirang salungat sa Batas Sibil ng bansa, ay ganap na may bisa sa bawat nananampalataya o institusyong Bahá’í kahiman nasa Silangan o nasa Kanluran. Ilang mga batas… ang dapat ipalagay ng lahat ng mga nananampalataya bilang pangkalahatan at napakahalaga na pairalin sa kasalukuyang panahon. Ang iba ay binalangkas sa pag-asam sa isang lipunan na natatadhanang lumitaw mula sa lubhang napakagulong mga kalagayan na namamayani ngayon… Ang hindi nabalangkas sa Aqdas, kasama ng mga bagay hinggil sa detalye at ng di-pangunahin ang kahalagahan na magbubuhat sa pagpapairal ng mga batas na nabalangkas na ni Bahá’u’lláh, ay isasabatas ng Universal House of Justice. Ang lupon na ito ay maaaring makapagdagdag ngunit hindi kailanman maaaring pawalang-bisa o baguhin kahit katiting ang anumang naitadhana na ni Bahá’u’lláh. Ni ang Guardian ay walang karapatan kahit anuman na bawasan ang bisa, gaano pa ang pagpapawalang-bisa sa mga nakatadhana na sa lubhang napakahalaga at banal na Aklat.

Ang bilang ng mga batas na umiiral na sa mga Bahá’í ay hindi madadagdagan dahilan sa pagkakalathala ng salin na ito. Kapag naramdaman nang napapanahon na, ang pamayanang Bahá’í ay patatalastasan kung anong mga karagdagang batas ang paiiralin sa mga nananampalataya, at anumang patnubay o karagdagang batas na kinakailangan para sa pagpapatupad nito ay ibibigay.

Kalimitan, ang mga batas sa Kitáb-i-Aqdas ay ipinahayag nang maikli at malinaw. Isang halimbawa ng pagiging maikli nito ngunit malaman, ay makikita sa katotohanan na karamihan ay ipinahayag lamang nang nauukol sa isang lalake, ngunit ito ay maliwanag mula sa mga kasulatan ng Guardian, na kung si Bahá’u’lláh ay nagbigay ng isang batas halimbawa sa isang lalake at isang babae, ito ay umiiral nang mutatis mutandis sa pagitan ng isang babae at isang lalake maliban na lamang kung ang nauugnay na kahulugan nito ay hindi maaring mangyari. Halimbawa, ipinagbabawal ng teksto ng Kitáb-i-Aqdas na magpakasal ang isang lalake sa asawa ng kaniyang ama (a.b., ang kaniyang inang panguman o madrasta) at ipinahiwatig rin ng Guardian na pinagbabawalan gayundin ang isang babae na magpakasal sa kaniyang amang panguman. Ang pang-unawang ito sa mga karagdagang mga kahulugan ng Batas ay may malaking epekto dahilan sa mahalagang simulain ng Bahá’í sa pagkakapantay-pantay ng lalake at babae, at dapat isaisip kapag pinag-aralan ang Banal na Teksto. Na ang mga lalake at mga babae ay nagkakaiba sa isa’t isa sa ilang mga katangian at mga tungkulin ay isang hindi maiiwasang katotohanan ng kalikasan at ginagawang posible na gawain ang kanilang tungkulin na magpunuan kung ano ang kulang sa ilang larangan sa buhay ng pamayanan; ngunit makahulugan rin na sinabi ni ‘Abdu’l-Bahá na sa Dispensasyon na ito, ang “Pagkakapantay-pantay ng mga lalake at mga babae, maliban sa ilang kakaunting pagkakataon, ay lubos at walang pasubaling ipinahayag.”

Nabanggit na noon ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng Kitáb-i-Aqdas at ng mga Banal na Aklat ng mga nakalipas na mga Dispensasyon. Katangi-tangi ang malapit na kaugnayan sa Bayán, ang Aklat ng mga Batas na ipinahayag ng Báb. Ito ay ipinaliwanag sa sumusunod na mga halaw mula sa mga liham na isinulat sa ngalan ng Guardian:

Ipinapalagay ni Shoghi Effendi na ang kaisahan ng Pagpapahayag na Bahá’í bilang isang ganap na kabuuan na sumasaklaw sa Pananampalataya ng Báb ay dapat bigyan ng diin... Ang Pananampalataya ng Báb ay hindi dapat ihiwalay doon kay Bahá’u’lláh. Kahima’t ang mga turo ng Bayán ay pinawalang-bisa at pinalitan ng mga batas ng Aqdas, gayunpaman, dahilan sa katotohanan na itinuring ng Báb ang Sarili Niya bilang Tagapagpauna ni Bahá’u’lláh, dapat nating kilalanin ang Dispensasyon Niya na kasama noong kay Bahá’u’lláh na bumubuo sa isang kabuuan, ang una bilang pambungad sa pagsapit ng huli.

Ipinahayag ng Báb na ang mga batas Niya ay pansamantala at nananangan sa pagtanggap ng darating na Kahayagan. Ito ang dahilan kung bakit sa Aklat ng Aqdas pinagtibay ni Bahá’u’lláh ang ilan sa mga batas na matatagpuan sa Bayán, binago ang iba at marami ang pinawalang-bisa.

Tulad ng Bayán na ipinahayag ng Báb noong humigit-kumulang sa kalagitnaan ng Panunungkulan Niya, ipinahayag ni Bahá’u’lláh ang Kitáb-i-Aqdas, humigit-kumulang noong 1873, mga dalawampung taon matapos na tanggapin Niya, sa Síyáh-Chal ng Tihrán, ang pahiwatig ng Kaniyang Pagpapahayag. Sa isa sa mga Tableta Niya, ipinahiwatig Niya na kahit na pagkatapos ng pagpapahayag nito, ang Aqdas ay hindi Niya ibinigay nang ilang panahon bago ito ipinadala sa mga kaibigan sa Iran. Pagkatapos noon, tulad ng isinalaysay ni Shoghi Effendi:

Ang pagkabalangkas ni Bahá’u’lláh, sa Kaniyang Kitáb-i-Aqdas, ng pangunahing mga batas ng Kaniyang Dispensasyon ay sinundan, habang nalalapit na ang wakas ng Misyon Niya, ng pagpapahayag ng ilang mga alituntunin at simulain na nasa pinakabuod ng Kaniyang Pananampalataya, ng muling pagpapatibay ng mga katotohanang ipinahayag na Niya noong una, ng karagdagang pagpapaliwanag at paglilinaw sa ilang mga batas na Kaniya nang naitala, ng pagpapahayag ng karagdagang mga hula at mga babala, at ng pagtatatag ng pantulong na mga alituntunin na naglalayon na mapunuan ang mga itinadhana sa Kaniyang Pinakabanal na Aklat. Ang mga ito ay naitala sa hindi mabilang na mga Tableta, na patuloy na ipinahayag Niya hanggang sa mga huling araw ng Kaniyang makalupang buhay.

Ilan sa gayong mga kasulatan ay ang mga Katanungan at Kasagutan, isang katipunan na ginawa ni Zaynu’l-Muqarrabín, ang pinaka-bantog sa mga tagasulat ng mga Kasulatan ni Bahá’u’lláh. Binubuo ng mga tugon na ipinahayag ni Bahá’u’lláh sa mga katanungang iniharap sa Kaniya ng maraming mga nananalig, binubuo nito ang isang walang kasing-halaga na apendise sa Kitáb-i-Aqdas. Noong 1978 ang pinakamahahalagang ibang Tableta na katulad nito ay inilathala sa Ingles bilang isang katipunan na may pamagat na “Tablets of Bahá’u’lláh revealed after the Kitáb-i-Aqdas.”

Ilang taon matapos na maipahayag ang Kitáb-i-Aqdas, ipinakopya ni Bahá’u’lláh ang manuskrito at ipinadala sa mga Bahá’í sa Iran, at sa taong 1308 A.H. (1890-91 A.D.), nang malapit ng magwakas ang buhay Niya, isinaayos Niya ang pagpapalimbag sa Bombay ng orihinal na teksto ng Aklat sa wikang Arabiko.

Isang salita ang dapat banggitin tungkol sa estilo ng wika na ginamit sa pagsasalin sa Ingles ng Kitáb-i-Aqdas. Si Bahá’u’lláh ay nagtataglay ng isang napakagaling na kasanayan sa wikang Arabiko, at minabuting gamitin ito doon sa mga Tableta at ibang mga Kasulatan kung saan ang katumpakan ng kahulugan nito ay lubos na naaangkop sa pagpapaliwanag sa pangunahing simulain. Gayunpaman, bukod sa pagpili ng wika mismo, ang estilo na ginamit ay yaong may dakila at madamdaming katangian, kagila-gilalas ang pang-akit, lalo na doon sa mga may kaalaman sa dakilang tradisyon ng pagsasalin. Hinarap ni Shoghi Effendi ang hamon ng paghanap sa estilo sa Ingles upang hindi lamang buong katapatang maibigay ang kawastuan ng kahulugan ng teksto, kundi yaong makapagbibigay rin sa mambabasa noong espiritu ng mapagmuni-muning pagpipitagan na isang namumukod na katangian ng damdamin sa pagtanggap sa orihinal. Ang uri ng pananalitang ginamit niya, nagpapagunita sa mataas na estilo na ginamit ng mga tagasalin ng Bibliya noong ika-labing pitong siglo, ay nakabibihag sa marangal na pamamaraan sa wikang Arabiko ni Bahá’u’lláh, samantalang nananatiling madaling maunawaan ng pangkasalukuyang mambabasa. Bukod dito, ang mga salin niya ay pinaningning ng kaniyang namumukod-tanging pang-unawa, na binigyang-sigla, sa kahalagahan at kahulugan ng mga orihinal.   

Kahima’t ang mga wikang Arabiko at Ingles ay mga wika na mayroong mayamang bokabularyo at maraming magkakaibang panagano ng paghahayag, malawak ang pagkakaiba-iba ng kanilang anyo sa isa’t isa. Ang Kitáb-i-Aqdas sa Arabiko ay kapansin-pansin dahilan sa masidhing pagtutuon ng isipan sa buod nito at sa kaiklian ng pananalita. Ito ay isang katangian ng estilo nito na kung ang isang pakahulugan ay maliwanag na, hindi na ito dapat pang malinaw na ilahad. Ito ay nagbibigay ng isang suliranin sa isang mambabasa na ang pinagmulaang kultura, relihiyon at literatura ay ganap na kaiba doon sa Arabiko. Ang isang literal na pagsasalin ng isang talata na malinaw sa Arabiko ay maaaring maging hindi malinaw sa Ingles. Kung gayon, naging mahalagang pangangailangan na isama sa salin sa Ingles ng gayong mga talata ang pangungusap sa Arabiko na walang pagdududang maliwanag sa orihinal. Kaalinsabay nito ay ang kahalagahan ng pag-iwas sa labis na pagpapalagay sa pamamaraan na ito hanggang sa maging dahilan ng hindi makatuwirang pagdaragdag sa orihinal o matatakdaan ang kahulugan nito. Ang pagtuklas sa tamang balanse sa pagitan ng kagandahan at kalinawan ng pananalita sa isang dako, at ang pagkaliteral sa kabilang dako, ay isa sa mga pangunahing suliranin na hinaharap ng mga tagasalin at naging dahilan ng paulit-ulit na pagsasaalang-alang sa pagsasalin ng ilang mga sipi. Isa pang pangunahing paksa ay ang legal na kahulugan ng ilang termino sa Arabiko na maraming kahulugan na kaiba doon sa mga katulad na termino sa Ingles.

Ang Banal na Kasulatan ay malinaw na nangangailangan ng natatanging pag-iingat at katapatan sa pagsasalin. Ito ay may sukdulang kahalagahan sa kaso ng Aklat ng mga Batas, kung saan napakahalaga na ang mambabasa ay hindi dapat magkaroon ng maling pakahulugan o mabulid sa walang kapararakang pagtatala. Tulad ng nakini-kinita, ang pagsasalin ng Pinakabanal na Aklat ay naging isang gawain na sukdulan ang kahirapan, nangangailangan ng pakikipagsanggunian sa mga dalubhasa sa maraming bansa. Dahilan sa mayroon ng ikatlong bahagi ng teksto na naisalin na ni Shoghi Effendi, kinailangang pagsumikapan ang tatlong katangian ng pagsasalin ng natitirang mga sipi: ang ganap na kawastuan ng kahulugan, kagandahan ng wikang Ingles, at ang pagkakatulad ng estilo doon sa ginamit ni Shoghi Effendi.

Kami ay nalulugod na, ngayon, ang pagsasalin ay umabot na sa kalagayang nagbibigay na ito ng isang kasiya-siyang pagsasalin ng orihinal. Gayunpaman, walang alinlangan na magbibigay ito ng mga katanungan at mungkahi na maaaring magbigay ng karagdagang liwanag sa nilalaman nito. Kami ay taimtim na nagpapasalamat sa masigasig at maselan na pagsisikap ng mga kaanib ng mga Lupon na aming inatasang maghanda at magrepaso sa salin na ito ng Aqdas at gumawa ng mga tala ng pagpapaliwanag. Nananalig kami na magagawa nitong may kapahintulutan na unang edisyon sa Ingles ng Kitáb-i-Aqdas na matamo ng mga mambabasa nito ang kahit na pahiwatig ng karingalan ng Inang Aklat ng Dispensasyong Bahá’í.

Ang ating daigdig ay pumasok na sa madilim na kaibuturan ng isang panahon ng pangunahing pagbabago nang higit pa sa anumang bagay sa kabuuan ng napakagulong kasaysayan nito. Ang mga tao nito, ng alinmang lahi, bansa o pananampalataya, ay hinahamon na ipailalim ang lahat ng mga di-pangunahing pinagkakaabalahan at humahadlang na pansariling katangian sa kanilang pagkakaisa bilang mamamayan ng iisang planeta na tinubuang lupa. Sa mga salita ni Bahá’u’lláh: “ang katiwasayan ng sangkatauhan, ang kapayapaan at kaligtasan nito, ay hindi matatamo hanggang at habang ang pagkakaisa nito ay hindi matibay na naitatatag.” Harinawang ang paglalathala ng salin na ito ng Kitáb-i-Aqdas ay makapagbigay ng panibagong simbuyo sa katuparan ng pansantinakpang pananaw na ito, na makapagbubukas ng mga kaisipan sa isang pandaigdig na pagbabagong-buhay.


Ang Universal House of Justice

•    •    •

 

Isang Paglalarawan ng Kitáb-i-Aqdas 

ni Shoghi Effendi

 

Hinalaw Mula Sa God Passes By, 

 

ang kaniyang kasaysayan ng unang Siglo ng Bahá’í

Gaanuman ang pagiging bukod-tangi at kagila-gilalas ng Pagpapahayag na ito, ito ay napatunayan na isa lamang simula sa isa pang higit na makapangyarihang paghahayag ng mapanlikhang lakas ng May-Akda nito, at maaaring kilalanin bilang siyang pinaka-kahanga-hangang gawa ng panunungkulan Niya—ang pagpapahayag ng Kitáb-i-Aqdas. Nang naipahiwatig na Kitáb-i-Íqán, yaong pangunahing repositoryo ng Batas na inihula ni Propeta Isaiah, at yaong inilarawan ng sumulat ng Apokalipsis bilang ang “bagong langit” at ang “bagong lupa”, bilang “ang Tabernakulo ng Diyos,” bilang ang “Banal na Lunsod,” bilang ang “Nobya,” ang “Bagong Jerusalem na bumaba mula sa Diyos,” ang “Pinakabanal na Aklat” na ito, na ang mga itinadhana ay mananatiling hindi malalabag sa loob ng hindi kukulangin ng isang libong taon, at yaong ang pamamaraan ay sasaklaw sa buong planeta, ay makabubuting dapat kilalanin bilang pinakamaningning na bunga ng isipan ni Bahá’u’lláh, bilang Inang Aklat ng Dispensasyon Niya, at ang Saligan ng Kaniyang Bagong Pandaigdig na Kaayusan.

Ipinahayag nang hindi pa natatagalang nakalipat si Bahá’u’lláh sa bahay ni ‘Údí Khammár (humigit-kumulang noong 1873), sa isang panahon nang Siya ay napapalibutan pa ng mga pagdurusa na nagbigay-hapis sa Kaniya, dahilan sa mga kilos na ginawa ng Kaniyang mga kalaban at noong mga nagsasabing sumusunod sa Pananampalataya Niya, ang Aklat na ito, ang ingatang-yaman na ito na nagdadambana sa walang kasing-halagang mga hiyas ng Kaniyang Rebelasyon, ay lumilitaw, dahilan sa mga simulaing ikinikintal nito, sa pampangasiwaang mga institusyon na itinatadhana nito at sa tungkulin na ipinagkaloob nito sa hinirang na Tagapagmana ng Tungkulin ng May-Akda nito, na namumukod-tangi at walang katulad sa mga banal na Kasulatan ng daigdig. Sapagka’t hindi katulad ng Lumang Tipan at ng mga Banal na Aklat na nauna rito, na hindi nasusulat ang tunay na mga alituntunin na sinabi ng Propeta Mismo; hindi katulad ng mga Ebanghelyo, na ang kaunting mga pangungusap na ipinalagay na mula kay Jesukristo ay hindi nagbigay ng malinaw na patnubay tungkol sa darating na pangasiwaan ng Pananampalataya Niya; hindi katulad ng kahit ng Qur’án na, kahima’t maliwanag sa mga batas at alituntunin na ipinahayag ng Apostol ng Diyos, ay tahimik sa mahalaga sa lahat na paksa ng tagapagmana ng tungkulin, ang Kitáb-i-Aqdas, na ipinahayag mula sa simula hanggang sa wakas ng May-Akda Mismo ng Dispensasyon, ay hindi lamang iningatan para sa salinlahi sa hinaharap ang mga pangunahing batas at alituntunin na kinasasalalayan ng balangkas ng darating na Pandaigdig na Kaayusan Niya, ngunit itinadhana, bilang karagdagan sa tungkulin ng pagpapaliwanag na ipinagkaloob nito sa Tagapagmana ng Tungkulin Niya, ang kinakailangang mga institusyon na siyang tanging maaari lamang makapangalaga sa karangalan at pagkakaisa ng Pananampalataya Niya.

Sa Saligang ito ng darating na pandaigdig na kabihasnan ipinatalastas ng May-Akda nito—na kaagad ay ang Hukom, ang Nagbibigay ng Batas, ang Tagapag-isa at Manunubos ng sangkatauhan—ipinapatalastas sa mga hari ng daigdig ang pagpapahayag ng “Pinakadakilang Batas”; malinaw na ipinahayag na sila ay Kaniyang mga tagapaglingkod lamang; ipinahayag na Siya Mismo ang “Hari ng mga Hari”; itinatatuwa ang anumang hangarin na angkinin ang  kanilang mga kaharian; inilalaan para sa Kaniyang Sarili ang karapatan na “bihagin at angkinin ang mga puso ng tao”; binalaan ang mga pinuno ng mga relihiyon ng daigdig na huwag timbangin ang “Aklat ng Diyos” sa pamamagitan ng gayong mga pamantayan na laganap sa kanila; at pinagtibay na ang Aklat mismo ay ang “Hindi Nagkakamaling Timbangan” na itinatag sa mga tao. Dito ay pormal na itinadhana Niya ang institusyon ng “House of Justice,” ipinaliwanag ang mga tungkulin nito, itinakda ang mga kita nito, at pinangalanan ang mga kaanib nito bilang “Mga Tao ng Katarungan,” ang mga “Kinatawan ng Diyos,” ang mga “Katiwala ng Mahabagin sa Lahat”; ipinahihiwatig ang Kaniyang darating na Sentro ng Banal na Kasunduan, at binigyan Siya ng karapatan na ipaliwanag ang Kaniyang Banal na Kasulatan; inaasahan sa pamamagitan ng pahiwatig ang institusyon ng panunungkulan ng Guardian; sumasaksi sa lubusang nakapagbabagong bisa ng Kaniyang Pandaigdig na Kaayusan; ipinaliliwanag ang doktrina ng “Pinakadakilang Walang Pagkakamali” ng Kahayagan ng Diyos; pinaninindigan ang walang pagkakamaling ito na likas at tanging karapatan ng Propeta; at sinabi na hindi maaaring maganap ang pagdating ng ibang Kahayagan bago lumipas ang hindi kukulangin sa isang libong taon.

Sa Aklat na ito, bukod dito, iniaatas Niya ang mga dalanging katungkulang isagawa; itinatakda ang oras at panahon ng pag-aayuno; ipinagbabawal ang pangkong-gregasyong pananalangin maliban ang para sa mga yumao; itinatakda ang Qiblih; itinatatag ang Huqúqu’lláh (Karapatan ng Diyos); binabalangkas ang batas ng pagpapamana; itinatadhana ang institusyon ng Mashriqu’l-Adhkár; itinatatag ang Nineteen Day Feast, ang mga pagdiriwang ng Bahá’í at ng mga Paningit na Araw (Intercalary Days); pinawawalang-bisa ang institusyon ng pagpapari; ipinagbabawal ang pang-aalipin, matinding pagkakait sa sarili, pamamalimos, pagmomonghe, pagpepenitensiya, ang paggamit ng pulpito at ang paghalik sa mga kamay; iniaatas ang pagkakaroon ng isang asawa lamang; isinusumpa ang kalupitan sa mga hayop, kawalang ginagawa at katamaran, paninirang-puri at malisyosong pagbibintang; minamasama ang diborsiyo; ipinagbabawal ang sugal, ang paggamit ng opyo, alak at ibang nakalalasing na inumin; tinitiyak ang mga kaparusahan sa sadyang pagpatay ng kapwa, sadyang panununog, pakikiapid at pagnanakaw; binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapakasal at ibinibigay ang pangunahing mga kundisyon nito; iginigiit ang tungkuling maging abala sa ilang gawain o propesyon, itinataas ang gayong gawain sa antas ng pagsamba; binibigyang diin ang pangangailangan ng paglalaan ng panustos para sa edukasyon ng mga bata; at ipinag-uutos sa bawat isa ang tungkulin ng paggawa ng testamento at ang mahigpit na pagsunod ng indibidwal sa pamahalaan.

Bukod sa mga tadhanang ito, pinapayuhan ni Bahá’u’lláh ang mga nananalig sa Kaniya na makisama, nang may pagkakaibigan at pagkakaunawaan at nang walang pagtatangi, sa mga sumusunod sa lahat ng ibang relihiyon; binabalaan sila na mag-ingat laban sa panatisismo, paghihimagsik, kapalaluan, pag-aaway at pagtatalo; ikinikintal sa kanila ang dalisay na kalinisan, mahigpit na pagkamakatotohanan, walang batik na kalinisan ng puri, pagkamapagkakatiwalaan, pagiging magiliw sa pagtanggap ng panauhin, katapatan, pagiging magalang, pagiging mapagtimpi, pagiging makatarungan at walang kinikilingan; pinapayuhan sila na maging “katulad ng mga daliri ng isang kamay at mga bisig ng isang katawan”; nananawagan sa kanila na magbangon at paglingkuran ang Kaniyang Kapakanan; at tinitiyak sa kanila ang hindi Niya mapag-aalinlanganang tulong. Bukod doon, ay Kaniyang tinuuan nang matagal ang kawalan ng katatagan ng mga gawaing pantao; ipinahahayag na ang tunay na kalayaan ay binubuo ng pagsunod sa Kaniyang mga utos; pinapag-iingat sila na huwag maging masyadong maluwag sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mga batas; iniaatas ang kambal at hindi mapaghihiwalay na mga tungkulin ng pagkilala sa “Pamimitak ng Rebelasyon ng Diyos” at sa pagtupad sa lahat ng mga utos na ipinahayag Niya, na ang isa lamang dito, Kaniyang pinagtitibay, ay hindi tatanggapin kung wala yaong isa.

Ang makahulugang panawagan na ibinigay sa mga Pangulo ng mga Republika sa kontinente ng Amerika na sunggaban ang kanilang pagkakataon sa Araw ng Diyos at itaguyod ang layunin ng katarungan; ang utos sa mga kaanib ng mga parliamento sa buong daigdig, iminungkahi nang mahigpit ang pagpapatibay sa isang pandaigdig na pagsulat at wika; ang Kaniyang mga babala kay William I, ang tagalupig ni Napoleon III; ang Kaniyang panunumbat na ibinigay kay Francis Joseph, ang Emperador ng Austria; ang Kaniyang pagtukoy sa “mga pagtangis ng Berlin” sa pagbati  sa “mga pampang ng Rhine,” ang Kaniyang pagsumpa sa “trono ng paniniil” na itinatag sa Constantinople, at ang Kaniyang mga hula sa pagkalipol ng “panlabas na kaluwalhatian nito” at sa mga pagdurusa na natatadhanang darating sa mga mamamayan nito; ang mga salita ng pagpapasaya at pang-alo na ibinigay Niya sa Kaniyang tinubuang lunsod, tinitiyak dito na pinili siya na maging “bukal ng kaligayahan ng buong sangkatauhan,” ang Kaniyang hula na “ang tinig ng mga bayani ng Khurásán” ay palalakasin sa pagluwalhati sa kanilang Panginoon; ang Kaniyang paghahayag na ang mga “taong pinagkalooban ng makapangyarihang kagitingan” na babanggit sa Kaniya ay magbabangon sa Kirmán; at sa katapusan ang magandang-loob na paniniyak Niya sa isang lilong kapatid na nagpadanas sa Kaniya ng gayong dalamhati, na patatawarin siya ng isang “laging nagpapatawad, mapagpala sa lahat” na Diyos sa kaniyang mga labis na kawalang-katarungan kung siya lamang ay magsisisi—lahat ng mga ito ay higit pang nagpayaman sa mga nilalaman ng isang Aklat ng itinalaga ng May-Akda nito bilang “ang pinagmumulan ng tunay na kaligayahan,” ang “Hindi-Nagkakamaling Timbangan,” ang “Tuwid na Landas,” at bilang “ang nagbibigay sigla sa sangkatauhan,”

Ang mga batas at alituntunin na bumubuo sa pangunahing bahagi ng paksa ng Aklat na ito, bilang kadagdagan, ay natatanging ipinakilala ni Bahá’u’lláh bilang “ang hinga ng buhay sa lahat ng nilalang na bagay”, bilang “ang pinakamatatag na muog”, bilang ang “mga bunga” ng Kaniyang “Puno,” bilang “ang pinakamahusay na paraan para sa pagpapanatili ng kaayusan sa daigdig at kaligtasan ng mga tao nito,” bilang “ang mga tanglaw ng wastong kaalaman at mapagmahal na pagkupkop,” bilang “ang kalugod-lugod na halimuyak ng Kaniyang damit,” at ang Kaniyang mga “susi” ng Kaniyang “habag” sa Kaniyang mga nilalang. “Ang Aklat na ito,” pinatutunayan Niya Mismo, “ay isang kalangitan na pinalamutihan Namin ng mga bituin ng Aming mga kautusan at mga pagbabawal.” “Pinagpala ang tao,” Kaniyang dagdag na sinabi, “na makababasa nito, at mumuni-muniin ang mga bersikulo na ibinaba dito ng Diyos, ang Panginoon ng Lakas, ang Makapangyarihan sa Lahat. Sabihin, O mga tao! Hawakan ito sa kamay nang may lubos na pagsang-ayon ng kalooban... Saksi ang Aking Buhay! Ito ay ipinadala sa isang paraan na pinanggigilalas ang mga isipan ng tao. Sa katunayan, ito ang Aking pinakamahalagang pagpapatunay sa lahat ng tao, at ang katibayan ng Mahabagin sa Lahat doon sa lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan.” At muli: “Pinagpala ang panlasa na makatitikim sa tamis nito, at ang nakakikilalang mata na makikilala yaong iniingatan sa loob nito, at ang nakauunawang puso na makauunawa sa mga pahiwatig at mga hiwaga nito. Saksi ang Diyos! Ganoon ang kamaharlikaan ng anumang naipahayag sa loob nito, at lubhang kamangha-mangha ang pagpapahayag ng nalalambungang mga pahiwatig nito na ang mga balakang ng pananalita ay nanginginig kapag tatangkain ang paglalarawan sa mga iyon.” At sa wakas: “Sa ganitong gawi ipinahayag ang Kitáb-i-Aqdas na nahahalina at nasasaklaw ang lahat ng banal na itinadhanang mga Dispensasyon. Pinagpala yaong mga makababasa nito! Pinagpala yaong magmumuni-muni rito! Pinagpala yaong magninilay-nilay sa kahulugan nito! Lubhang napakalawak ang saklaw nito na napaligiran nito ang lahat ng tao bago pa nila nakilala ito. Hindi maglalaon ang pinakadakilang lakas nito, ang laganap na bisa nito at ang kadakilaan ng kapangyarihan nito ay mahahayag sa kalupaan.”

 

•    •    •

 

Ang Kitáb-i-Aqdas

 

Sa Ngalan Niya na Pinakadakilang Hari sa lahat ng nilalang at lalalangin pa

1. Ang unang tungkuling iniutos ng Diyos para sa mga tagapaglingkod Niya ay ang pagkilala sa Kaniya na Pamimitak ng Kaniyang Rebelasyon at ang Bukal ng Kaniyang mga batas, na kumakatawan sa Diyos kapuwa sa Kaharian ng Kaniyang Kapakanan at sa daigdig ng sangnilikha. Sinuman ang makagawa ng tungkuling ito ay natamo na ang lahat ng kabutihan; at sinuman ang pinagkaitan niyon ay naligaw, kahiman siya ang may-akda ng bawat makatarungang gawa. Nararapat sa lahat ng nakarating sa pinakamataas na katayuang ito, ang rurok ng nangingibabaw na kaluwalhatiang ito, na sundin ang bawat alituntunin Niya na Mithiin ng daigdig. Ang kambal na tungkuling ito ay di- mapaghihiwalay. Ang isa ay hindi tatanggapin kung wala ang isa. Sa gayon, ito ay iniutos Niya na Pinagmumulan ng Banal na inspirasyon.

2. Sila na pinagkalooban ng Diyos ng panloob na pang-unawa ay kaagad mauunawan na ang mga utos na ibinigay ng Diyos ay ang bumubuo sa pinakamataas na pamamaraan para sa pagpapanatili ng kaayusan sa daigdig at sa kaligtasan ng mga tao nito.  Siya na tumalikod sa mga iyon ay nabibilang doon sa mga kahabag-habag at hangal. Kami, sa katunayan, ay nag-uutos sa inyo na tanggihan ang mga utos ng inyong masasamang simbuyo at katiwalian ng inyong mga hangarin, at huwag lumampas sa mga hangganan na itinakda ng Panulat ng Pinaka-Mataas, sapagka’t ito ang hinga ng buhay sa lahat ng nilikhang bagay. Ang mga karagatan ng Banal na wastong kaalaman at Banal na pananalita ay pumailanlang sa ilalim ng hinga ng simoy ng Mahabagin sa Lahat. Magmadali upang inumin ang inyong bahagi, O mga tao na may pang-unawa! Sila na lumabag sa Banal na Kasunduan ng Diyos dahilan sa paglabag sa Kaniyang mga utos, at sa kanilang paglabag ay tumalikod at lumayo, ang mga ito ay malubhang nagkamali sa paningin ng Diyos, ang Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinakamataas.

3. O kayong mga tao ng daigdig! Alamin nang may katiyakan na ang Aking mga utos ay ang mga tanglaw ng Aking mapagmahal na pagkupkop sa Aking mga tagapaglingkod, at ang mga susi ng Aking habag sa Aking mga nilalang. Sa gayon ito ay pinababa mula sa kalangitan ng Kalooban ng inyong Panginoon, ang Panginoon ng Rebelasyon. Sinumang tao ang makakatikim sa katamisan ng mga salita na ang mga labi ng Mahabagin sa Lahat ay ninais na bigkasin, gagawain niya, kahiman siya ang nagmamay-ari ng mga kayamanan ng kalupaan, ay itatakwil ang mga iyon nang isa-isa at lahat, upang magawa niyang mapatunayan ang katotohanan ng kahit isa sa Kaniyang mga utos, na nagniningning sa ibabaw ng Pamimitak ng Kaniyang mapagpalang pangangalaga at mapagmahal na kagandahang-loob.

4. Sabihin: Mula sa Aking mga batas, ang kalugod-lugod na halimuyak ng Aking damit ay masasamyo, at sa pamamagitan ng kanilang tulong ang mga bandila ng Tagumpay ay ititirik sa pinakamatataas na bundok. Ang Dila ng Aking lakas, mula sa kalangitan ng Aking pinakamabisang luwalhati, ay sinabi sa Aking nilikha ang ganitong mga salita: “Sundin ang Aking mga utos, dahil sa pag-ibig sa Aking kagandahan.” Maligaya ang mangingibig na nalanghap ang banal na halimuyak ng kaniyang Pinaka-Mamahal mula sa mga salitang ito, tigmak ng pabango ng isang pagpapala na walang dila ang maaaring makapaglarawan. Saksi ang Aking buhay! Siya na nakainom ng piling alak ng walang kinikilingan mula sa mga kamay ng Aking mapagpalang kabutihang-loob ay iikot sa paligid ng Aking mga utos na nagniningning sa ibabaw ng Pamimitak ng Aking nilalang.

5. Huwag isipin na nagpahayag Kami ng isa lamang talaan ng mga batas. Hindi, kundi, binuksan Namin ang piling Alak sa pamamagitan ng mga daliri ng kapangyarihan at lakas. Dito ay sumasaksi yaong ipinahayag ng Panulat ng Rebelasyon. Nilay-nilayin ito, O mga tao na may pang-unawa.

6. Iniuutos Namin sa inyo ang dalanging katungkulang isagawa, na may siyam na rak’ah, na dapat ialay sa Diyos, ang Tagapagpahayag ng mga Bersikulo, sa tanghali at sa umaga at sa gabi. Binawasan Namin kayo ng lalong higit dito, bilang isang utos sa Aklat ng Diyos. Siya, sa katunayan, ang Nagtatadhana, ang Pinakamabisa, ang Di-Napipigilan. Kapag ninanais ninyong usalin ang panalanging ito, bumaling kayo sa Korte ng Aking Pinakabanal na Kinaroroonan, ang Banal na Pook na ito na ginawa ng Diyos na Sentro kung saan umiikot ang Kalipunan sa kaitaasan, at yaong Kaniyang itinakda na maging Pook ng Pagsamba para sa mga mamamayan ng mga Lungsod ng Kawalang-Hanggan, at ang Pinag-mumulan ng Utos para sa lahat ng nasa kalangitan at nasa kalupaan; at kapag ang Araw ng Katotohanan at Pananalita ay lumubog na, ibaling ang inyong mga mukha tungo sa Pook na itinadhana Namin para sa inyo. Siya, sa katunayan, ang Makapangyarihan sa Lahat at ang may Walang-hanggang Kaalaman.

7. Lahat ng bagay na nilalang ay naganap sa pama-magitan ng hindi Kaniyang mapaglalabanang utos. Kailanman na ang Aking mga utos ay dumating tulad ng araw sa kalangitan ng Aking pananalita, ang mga iyon ay dapat sundin nang buong katapatan ng lahat, kahima’t ang Aking utos ay ganoon na magiging dahilan ng pagka-lansag ng kalangitan ng bawat pananampalataya. Kaniyang ginagawa ang Kaniyang ninanais. Siya ang pumipili, at wala sinuman ang makatututol sa Kaniyang pinili. Anuman ang itadhana Niya, ang Lubos na Minamahal, gayundin, sa katunayan, ay minamahal. Dito, Siya na Panginoon ng lahat ng nilalang ay sumasaksi para sa Akin. Sinuman ang nakalanghap ng mabangong halimuyak ng Mahabagin sa Lahat, at nakilala ang Pinagmumulan ng pananalita na ito, ay maligayang tatanggapin ng sarili niyang mga mata ang mga sibat ng kaaway, upang maitatag niya ang katotohanan ng mga batas ng Diyos sa mga tao. Mabuti para sa kaniya na bumaling kapagdaka, at naunawaan ang kahulugan ng Kaniyang di mapag-aalinlanganang utos.

8. Ibinigay Namin ang mga detalye ng dalanging katungkulang isagawa sa ibang Tableta. Pinagpala siya na susunod doon na kung saan siya ay inutusan Niya Na namumuno sa buong sangkatauhan. Sa Dalangin para sa Yumao, anim na tanging mga talata ang ibinigay ng Diyos, ang Tagapagpahayag ng mga Bersikulo. Hayaan yaong nakababasa ang bumigkas doon sa ipinahayag na mauuna sa mga talatang ito; at tungkol doon sa kaniya na hindi magawang bumasa, pinahihintulutan siya ng Diyos na huwag gawain ang hinihingi na ito. Siya, sa katotohanan, ay ang Makapangyarihan, ang Nag-aalis ng Kaparusahan.

9. Hindi pinawawalang-bisa ng buhok ang inyong panalangin, ni anuman kung saan lumisan ang espiritu, tulad ng mga buto at mga katulad nito. Malaya kayong magsuot ng balahibo ng sable tulad ng inyong paggamit ng beaver, ng squirrel, at iba pang mga hayop; ang pagbabawal sa paggamit nito ay nagsimula, hindi mula sa Qur’án, kundi mula sa mga maling palagay ng mga teologo.  Siya, sa katunayan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

10. Inuutusan Namin kayo na manalangin at mag-ayuno mula sa pagsapit sa hustong gulang, ito ay iniuutos ng Diyos, ang inyong Panginoon at ang Panginoon ng inyong mga ninuno. Hindi Niya pinananagot dito yaong mahihina dahilan sa karamdaman o katandaang gulang, bilang isang pagpapala dahil Siya ay naroroon, at Siya ang Nagpa-patawad, ang Bukas-Palad. Pinahintulutan na kayo ng Diyos na magpatirapa ng inyong mga sarili sa anumang lugar na malinis, sapagka’t inalis na Namin ang pagtatakda rito na inilahad sa Aklat; tunay na ang Diyos ang nakaaalam noong inyong hindi nalalaman. Hayaan siya na hindi makahanap ng tubig para sa ablusyon ay ulitin ng limang beses ang mga salitang “Sa ngalan ng Diyos, ang Pinaka-Dalisay, ang Pinaka-Dalisay”, at pagkatapos ay ituloy ang kaniyang mga pananalangin. Ganyan ang utos ng Panginoon ng lahat ng daigdig. Sa mga pook na ang mga araw at gabi ay humahaba, hayaang ang oras ng pananalangin ay kalkulahin ng mga orasan at ibang mga kasangkapan na nagtatanda sa paglipas ng mga oras. Siya sa katunayan, ang Tagapag-paliwanag, ang Marunong.

11. Pinalaya na Namin kayo mula sa kinakailangang pagtupad sa Dalangin ng mga Palatandaan. Sa pagdating ng nakapanghihilakbot na likas na mga pangyayari, tandaan ninyo ang kapangyarihan at karingalan ng inyong Panginoon, Siya Na nakaririnig at nakakikita ng lahat, at sabihin “Ang Kaharian ay sa Diyos, ang Panginoon ng nakikita at di-nakikita, ang Panginoon ng sangnilikha.”

12. Iniuutos na ang dalanging katungkulang isagawa ay dapat gawain ng bawat isa sa inyo nang isa-isa. Maliban sa Dalangin para sa Yumao, ang pagsasagawa ng pankonggregasyon na panalangin ay pinawalan na ng bisa. Siya, sa katotohanan, ang Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat.

13. Pinahihintulutan ng Diyos ang mga babae na nasa kanilang panahon ng regla na hindi na isagawa ang dalanging katungkulang isagawa at pag-aayuno. Sa halip, hayaan sila, matapos ang pagsasagawa ng kanilang mga ablusyon ay magbigay-puri sa Diyos, sa pag-uusal nang siyamnapu’t limang beses, sa pagitan ng katanghalian ng isang araw hanggang sa susunod, ng “Luwalhatiin ang Diyos, ang Panginoon ng Karingalan at Kagandahan”. Sa gayon, iniuutos ito sa Aklat, kung kayo ay yaong mga nakauunawa.

14. Kapag naglalakbay, kung kayo ay hihinto at mamamahinga sa isang ligtas na lugar, isagawa ninyo—kapwa mga lalake at mga babae—ang isang pagpapatirapa bilang kapalit ng bawat isang Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi nausal, at samantalang nagpapatirapa, sabihin “Luwalhatiin ang Diyos, ang Panginoon ng Kapangyarihan at Kamahalan, ng Pagpapala at Biyaya”. Sinuman ang hindi makagawa nito, hayaang sabihin lamang niya ang “Luwalhatiin ang Diyos”; ito ay tiyak na makasasapat sa kaniya. Siya, sa katotohanan, ang nakasasapat sa lahat, ang mananatili magpakailanman, ang nagpapatawad, ang madamayin na Diyos. Sa pagtatapos ng inyong mga pagpapatirapa, iupo ninyo ang inyong sarili nang magkakrus ang mga paa—magkatulad sa mga lalake at mga babae—at labing walong beses na usalin ang “Luwalhatiin ang Diyos, ang Panginoon ng mga kaharian sa kalupaan at kalangitan”. Sa gayon ginawang maliwanag ng Panginoon ang mga paraan ng katotohanan at patnubay, mga paraan na nag-aakay sa isang landas, ang Tuwid na Landas na ito. Magpasalamat sa Diyos sa sukdulang mapagpalang kagandahang-loob na ito; mag-alay ng papuri sa Kaniya sa biyaya na ito na sumaklaw sa mga kalangitan at sa kalupaan; purihin Siya nang maigi sa kahabagan na ito na laganap sa buong sangnilikha.

15. Sabihin: Ginawa ng Diyos ang Aking natatagong pag-ibig na maging susi sa Kayamanan; harinawang mahulo ninyo ito! Kung hindi sa susi, ang Kayamanan sa buong kawalang-hanggan ay mananatiling natatago; kung inyo itong paniniwalaan! Sabihin: Ito ang Pinagmumulan ng Rebelasyon, ang Pook-Liwayway ng Karingalan, Na ang kaningningan ay pinagliwanag ang mga guhit-tagpuan ng daigdig. Harinawang maunawaan ninyo ito! Ito, sa katunayan, yaong nakatakdang Utos kung saan ang bawat hindi mababagong utos ay naitatag.

16. O Panulat ng Pinakamataas! Sabihin: O mga tao ng daigdig!  Iniutos Namin sa inyo ang pag-aayuno sa loob ng isang maikling panahon, at sa pagwawakas nito ay itinakda para sa inyo ang Naw-Rúz bilang isang pagdiriwang. Sa gayon ipinakita ng Araw-Bituin ng Pananalita sa ibabaw ng guhit-tagpuan ng Aklat tulad ng iniutos Niya na Panginoon ng simula at ng wakas. Hayaang ang mga araw na labis sa mga buwan ay ilagay bago sumapit ang buwan ng pag-aayuno. Iniutos Namin na ang mga ito, sa gitna ng lahat ng mga gabi at mga araw, ay maging kahayagan ng titik na Há, at sa gayon, ang mga iyon ay hindi natatakdaan ng mga hangganan ng taon at ng mga buwan nito. Nararapat sa mga tao ng Bahá, sa kabuuan ng mga araw na ito, na bigyan ng mabuting kasiyahan ang kanilang sarili, kanilang mga kamag-anak, at bukod sa kanila, ang mga maralita at nagdarahop, at nang may kagalagakan at kasiyahan, ay batiin at luwalhatiin ang kanilang Panginoon, awitin ang papuri sa Kaniya at dakilain ang Kaniyang Pangalan; at kapag natapos na ang mga iyon—ang mga araw na ito ng pagbibigayan na nauuna sa panahon ng pagtitimpi—hayaan sila na pumasok sa Pag-aayuno. Sa gayon ito ay itinadhana Niya Na Panginoon ng buong sangkatauhan. Ang manlalakbay, ang may karamdaman, yaong nagdadalantao o nagpapasuso, ay hindi nasasaklaw ng Pag-aayuno; sila ay pinahihintulutan ng Diyos na hindi na gawain ito bilang tanda ng pagpapala Niya. Siya, sa katunayan, ay ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinaka-Bukas-Palad.

17. Ito ang mga panuntunan ng Diyos na inilahad sa mga Aklat at mga Tableta ng Kaniyang Pinaka-Dakilang Panulat. Mahigpit na mangapit sa Kaniyang mga batas at utos, at huwag maging yaong, sa pagsunod sa kanilang walang saysay na mga guni-guni at walang kabuluhang mga hinagap, ay nangapit sa mga pamantayang itinakda ng kanilang mga sarili, at itinapon sa likuran nila ang mga pamantayan na ibinigay ng Diyos. Huwag kumain at uminom mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, at mag-ingat na baka ang hangarin ay pagkaitan ka ng pagpapala na ito na itinakda sa Aklat.

18. Iniatas na ang bawat isang nananalig sa Diyos, ang Panginoon ng Paghuhukom, ay dapat, sa araw-araw, matapos na makapaghugas ng kaniyang mga kamay at pagkatapos ng kaniyang mukha, na maupo at, bumabaling sa Diyos, ay ulit-ulitin ang “Alláh-u-Abhá” nang siyamnapu’t limang beses. Ganyan ang utos ng Lumikha ng mga Kalangitan, nang itatag Niya ang Sarili Niya nang may karingalan at kapangyarihan sa mga trono ng Kaniyang mga Pangalan. Gawain ninyo, gayundin, ang ablusyon para sa Dalanging Katungkulang Isagawa, ito ang utos ng Diyos, ang Walang Katulad, ang Di-Napipigilan.

 

19. Kayo ay pinagbabawalan na pumatay o makiapid, o maging abala sa paninirang-puri o malisyosong pagbibintang; iwasan ninyo, kung gayon, yaong ipinagbabawal sa mga banal na Aklat at mga Tableta.

20. Hinati Namin ang mana sa pitong kaurian: sa mga anak iniuukol Namin ang siyam na parte na binubuo ng limangdaan at apatnapung bahagi; sa maybahay, walong parte na binubuo ng apat na raan at walumpong bahagi; sa ama, pitong parte na binubuo ng apat na raan at dalawampung bahagi; sa ina, anim na parte na binubuo ng tatlondaan at anim na pung bahagi; sa mga kapatid na lalake, limang parte o tatlondaang bahagi; sa mga kapatid na babae, apat na parte o dalawandaan at apat na pung bahagi; at sa mga guro, tatlong parte o isandaan at walumpong bahagi. Ganoon ang iniutos ng Aking Tagapagpauna, Siya Na maiging pinuri ang Aking Pangalan sa gabi at sa pamimitak ng araw. Nang Aking marinig ang maingay na pamimilit ng mga batang hindi pa ipinanganganak, Aming dinoble ang kanilang bahagi at binawasan yaong sa natitira. Siya, sa katotohanan, ay may kapangyarihang iutos ang anuman na Kaniyang kagustuhan, at Kaniyang ginagawa ang Kaniyang ninanais dahilan sa Kaniyang naghaharing kapangyarihan.

21. Kung ang yumao ay hindi nag-iwan ng anak, ang kanilang bahagi ay mauuwi sa House of Justice, na gugugulin ng mga Katiwala ng Mahabagin sa Lahat sa mga naulila at mga nabiyuda, at sa anuman na maaaring pakinabangan ng karamihan ng tao, upang ang lahat ay magpasalamat sa kanilang Panginoon, ang Magiliw sa Lahat, ang Nag-aalis ng Kaparusahan.

22. Kung ang yumao ay mag-iwan ng anak, ngunit wala doon sa ibang mga uri ng mga tagapagmana na binanggit sa Aklat, tatanggapin nila ang dalawang ikatlong bahagi ng mana at ang natitirang bahagi ay pupunta sa House of Justice. Ganyan ang utos na ibinigay, sa kamaharlikaan at kaluwalhatian, Niya Na Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinaka-Mataas.

23. Kung ang yumao ay walang naiwanan sa nabanggit na mga tagapagmana, ngunit sa kaniyang mga kamag-anak ay mayroong mga pamangkin na lalake at babae, kahiman sa panig ng kaniyang mga kapatid na lalake o babae, dalawang ikatlong bahagi ng mana ay pupunta sa kanila; o kung wala ang mga ito, sa kaniyang mga tiyuhin at tiyahin mula sa panig kapwa ng kaniyang ama at kaniyang ina, at pagkatapos ng mga iyon sa kanilang mga anak na lalake at babae. Ang natitirang ikatlong bahagi ng mana, kung gayon, ay pupunta sa Luklukan ng Katarungan. Sa gayon ito ay iniutos sa Aklat Niya Na naghahari sa lahat ng tao.

24. Kung ang yumao ay walang nabubuhay na naiwanan doon sa ang mga pangalan ay naitala ng Panulat ng Pinakamataas, ang kaniyang ari-arian, sa kabuuan nito, ay mapupunta doon sa nabanggit na Luklukan upang ito ay gugulin doon sa iniatas ng Diyos. Siya, sa katunayan, ay ang Nagtatadhana, ang Pinakamabisa.

25. Aming itinalaga ang tirahan at ang personal na pananamit ng yumao sa anak na lalake, hindi sa babae, ni hindi sa ibang mga tagapagmana. Siya, sa katunayan, ang Lubos na Mapagbigay, ang Mapagbigay-biyaya.

26. Kung ang anak na lalake ng yumao ay sumakabilang-buhay nang nabubuhay pa ang kaniyang ama at nag-iwan ng mga anak, sila ang magmamana ng kaparte ng kanilang ama, tulad ng itinadhana sa Aklat ng Diyos. Hatiin ninyo ang kanilang parte sa kanila nang may lubos na katarungan. Sa gayon ang mga alon ng Karagatan ng Pananalita ay dumaluyong, inihahagis ang mga perlas ng mga batas na iniutos ng Panginoon ng buong sangkatauhan.

27. Kung ang yumao ay mag-iwan ng mga anak na wala pa sa hustong gulang, ang kanilang bahagi sa mana ay dapat ipagkatiwala sa isang tao na mapagkakatiwalaan, o sa isang kompanya, upang ito ay magawang puhunan sa isang pangangalakal para sa kanila o gawaing pagkakakitahan hanggang sa sila ay sumapit sa hustong gulang. Ang katiwala ay dapat bigyan ng isang nararapat na bahagi ng naipong tubo dahilan sa pagiging empleyado niyon.

28. Ang paghahati sa ari-arian ay dapat lamang gawain matapos mabayaran na ang Huqúqu’lláh, ang anumang mga utang ay naisaayos na, ang mga ginugol na kaugnay sa paglilibing ay nabayaran na, at sa gayong mga ginawa na paghahanda upang ang yumao ay madala sa kaniyang libingan nang may dignidad at karangalan. Nang ganito itinadhana Niya Na Panginoon ng simula at ng wakas.

29. Sabihin: Ito yaong natatagong kaalaman na hindi kailanman magbabago, dahilan sa ang simula nito ay siyam, ang sagisag na nagpapahiwatig sa natatago at nahahayag, ang hindi malalabag at di-maaabot na dakilang Pangalan. Tungkol doon sa inilaan Namin sa mga anak, ito ay isang pagpapala na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, upang sila ay makapag-alay ng pasasalamat sa kanilang Panginoon, ang Madamayin, ang Mahabagin. Ang mga ito, sa katunayan, ay ang mga Batas ng Diyos; huwag labagin ang mga iyon dahilan sa udyok ng inyong masama at masakim na mga hangarin. Sundin ninyo ang mga utos ng ibinigay sa inyo Niya na Pook-Liwayway ng Pananalita. Ang matatapat sa Kaniyang mga tagapaglingkod ay ipalalagay ang mga panuntunan na inilahad ng Diyos bilang Tubig ng Buhay sa mga sumusunod sa bawat pananampalataya, at ang Tanglaw ng wastong kaalaman at mapagmahal na pagkupkop sa lahat ng mga naninirahan sa lupa at langit.

30. Iniutos ng Panginoon na sa bawat lungsod, ay isang House of Justice ang dapat itatag kung saan dito magtitipon ang mga tagapayo sa bilang ng Bahá, at kung ito ay lumabis sa bilang, hindi ito mahalaga. Dapat nilang isaisip ang sarili nila na pumapasok sa Korte ng kinaroroonan ng Diyos, ang Dakila, ang Pinaka-Mataas, at tulad ng namamasdan nila Siya Na Hindi Nakikita. Nararapat sa kanila na maging mga katiwala ng Mahabagin sa mga tao at ipalagay ang kanilang mga sarili bilang mga hinirang ng Diyos na tagapagtanggol ng lahat ng naninirahan sa kalupaan. Tungkulin nila na magsanggunian nang sama-sama at magkaroon ng pagpapahalaga sa mga kapakanan ng mga tagapaglingkod ng Diyos, alang-alang sa Kaniya, tulad ng kanilang pagpapahalaga sa sarili nilang mga kapakanan, at ang piliin yaong marapat at tumpak. Sa gayon, ang Panginoon na inyong Diyos ay nag-utos sa inyo. Mag-ingat na baka isa-isang tabi ninyo yaong malinaw na ipinahayag sa Tableta Niya. Matakot sa Diyos, O kayo na nakauunawa.

31. O mga tao ng daigdig! Magtayo kayo ng mga bahay-sambahan sa lahat ng mga lupain sa pangalan Niya na Siyang Panginoon ng lahat ng mga relihiyon. Gawain ang mga iyon nang ganap hangga’t maaari sa daigdig ng nilikha, at palamutihan ang mga iyon noong naaangkop sa kanila, hindi ng mga imahen at mga estatuwa. Pagkatapos, nang nagniningning at nagagalak, ipagbunyi sa loob nito ang papuri sa inyong Panginoon, ang Pinakamadamayin. Sa katunayan, sa pamamagitan ng alaala Niya ang mata ay pinasasaya at ang puso ay nalilipos ng liwanag.

32. Iniutos ng Panginoon na yaong may kakayahan sa inyo ay magsagawa ng peregrinasyon sa banal na Tahanan, at dito ay Kaniyang pinahihintulutan ang mga babae na maaaring hindi isagawa ito bilang isang habag mula sa Kaniya. Siya, sa katotohanan, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat, ang Pinaka-Bukas-Palad.

33. O mga tao ni Bahá! Tungkulin ng bawat isa sa inyo na maging abala sa anumang hanap-buhay—tulad ng isang kasanayan, isang pangangalakal o katulad nito. Aming itinaas ang inyong pagiging abala sa gayong gawain sa antas ng pagsamba sa iisang tunay na Diyos. Nilay-nilayin, O mga tao, ang mga biyaya at pagpapala ng inyong Panginoon, at magpasalamat sa Kaniya sa gabi at sa bukang-liwayway. Huwag aksayahin ang inyong mga oras sa kawalang-ginagawa at katamaran, kundi gawaing abala ang inyong mga sarili doon sa pakikinabangan ninyo at ng iba. Nang ganito iniutos sa Tabletag ito na mula sa guhit-tagpuan nito ay sumikat ang araw-bituin ng wastong kaalaman at pananalita. Ang lubos na kinamumuhian sa mga tao sa paningin ng Diyos ay yaong mga nakaupo at namamalimos. Mangapit kayo nang mahigpit sa koldon ng kabuhayan at ilagay ang inyong pagtitiwala sa Diyos, ang Nagbibigay ng lahat ng kayamanan.

34. Ang paghalik sa kamay ay ipinagbabawal sa Aklat. Ang gawaing ito ay ipinagbabawal ng Diyos, ang Panginoon ng kaluwalhatian at kautusan. Ang sinuman ay hindi pinahihintulutang humingi ng kapatawaran mula sa ibang kaluluwa; hayaang ang pagsisisi ay maging sa pagitan ninyo at ng Diyos. Siya, sa katunayan, ang Nag-aalis ng Kaparusahan, ang Magandang-Loob, ang Magiliw, Siya na nagpapawalang-sala sa nagsisisi.

35. O kayong mga tagapaglingkod Niya na Mahabagin! Magbangon upang paglingkuran ang Kapakanan ng Diyos, sa gayong gawi na ang mga alalahanin at dalamhati na idinulot nila na hindi nananalig sa Pamimitak ng mga Palatandaan ng Diyos ay hindi magbigay-hapis sa inyo. Sa panahon na ang Pangako ay natupad at Siya na Ipinangako ay naipahayag, ang mga di-pagkakaunawaan ay naganap sa mga angkan ng kalupaan at bawat tao ay sinunod ang sarili nitong guni-guni at walang kabuluhang mga hinagap.

36. Kabilang sa mga tao ay siya na iniupo ang kaniyang sarili na kasama sa mga sandalyas sa tabi ng pintuan samantalang ninanasa sa kaniyang puso ang luklukang pandangal. Sabihin: Anong uri ng tao ka, O palalo at pabaya, na nagpapanggap na naiiba ka? At sa mga tao ay mayroong yaong umaangkin ng panloob na kaalaman, at higit pang malalim na kaalaman na natatago sa loob ng kaalaman na ito. Sabihin: Ikaw ay nagsasabi ng kasinungalingan! Saksi ang ngalan ng Diyos! Ang iyong taglay ay wala kundi mga ipa na iniwanan Namin sa iyo katulad ng mga butong iniwanan sa mga aso. Saksi ang pagka-makatarungan ng iisang tunay na Diyos! Kung sinuman ang maghuhugas ng mga paa ng buong sangkatauhan, at kung sasambahin niya ang Diyos sa mga kagubatan, kalambakan, at kabundukan, sa matataas na burol at matatayog na taluktok, walang makaliligtaang bato o puno, walang tingkal na lupa, ngunit naging saksi sa kaniyang pagsamba—subalit kung ang halimuyak ng Aking mabuting kasiyahan ay hindi malalanghap mula sa kaniya, ang kaniyang mga gawain ay hindi kailanman matatanggap ng Diyos. Nang ganito, iniutos Niya Na Panginoon ng lahat. Gaano karami ang inilayo ang kaniyang sarili sa mga klima ng India, ipinagkait sa kaniyang sarili ang mga bagay na iniatas ng Diyos na naaayon sa batas, ipinataw sa kaniyang sarili ang mga karahupan at pagpepenitensiya, at hindi pa rin naalaala ng Diyos, ang Tagapagpahayag ng mga Bersikulo. Huwag gawain ang inyong mga gawa bilang mga silo upang mabitag ang pakay ng inyong hangarin, at huwag pagkaitan ang inyong mga sarili nitong Sukdulang Pakay na palaging ninanais noong gayong mga malapit sa Diyos. Sabihin: Ang pinaka-buhay ng lahat ng mga gawa ay ang Aking mabuting kasiyahan, at lahat ng bagay ay nasasalalay sa Aking pagsang-ayon. Basahin ninyo ang mga Tableta upang malaman ninyo ang nilalayon sa mga Aklat ng Diyos, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Magandang-loob Magpakailanman. Siya na nagtamo ng Aking pag-ibig ay may karapatan sa isang trono na ginto, upang lumuklok doon nang marangal na nangingibabaw sa lahat ng daigdig; siya na pinagkaitan niyon, kahiman siya ay nakaupo sa alabok, ang alabok na iyon ay maghahanap ng kublihan sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga relihiyon.

37. Sinuman ang umangkin sa isang Rebelasyon na tuwirang nanggaling sa Diyos, bago lumipas ang buong isang libong taon, ang gayong tao ay tiyak na isang sinungaling na nagpapanggap. Nananalangin Kami sa Diyos na mapagpalang tulungan Niya siya upang bawiin at itatuwa ang gayong pag-angkin. Kung siya ay magsisisi, walang alinlangan na patatawarin siya ng Diyos. Subalit kung igigiit niya ang kaniyang pagkakamali, tiyak na ipadadala sa kaniya ng Diyos ang isang makikitungo sa kaniya nang walang awa. Tunay na kakila-kilabot ang Diyos sa pagpaparusa! Sinuman ang magpaliwanag sa bersikulong ito nang naiiba kaysa sa maliwanag na kahulugan nito ay pinagkaitan ng Espiritu ng Diyos at ng Kaniyang habag na nakapalibot sa lahat ng nilalang na bagay. Matakot sa Diyos, at huwag sundin ang inyong walang saysay na mga guni-guni. Sa halip, sundin ang iniuutos ng inyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Marunong sa Lahat. Hindi magtatagal ang mga naghihihiyaw na tinig ay lalakas sa karamihan ng mga lupain. Layuan sila, O Aking mga tao, at huwag sundin ang mga hindi makatarungan at masasama ang puso. Nauukol dito yaong Aming ibinigay sa inyo na naunang babala noong Kami ay naninirahan pa sa ‘Iráq, at pagkatapos sa dakong huli samantalang nasa Lupain ng Hiwaga, at ngayon mula sa Maringal na Pook na ito.

38. Huwag masiphayo, O mga sambayanan ng daigdig, kapag ang bituing-araw ng Aking kagandahan ay lumubog na, at ang kalangitan ng Aking tabernakulo ay natago sa inyong mga mata. Magbangon at itaguyod ang Aking Kapakanan, at dakilain ang Aking Salita sa mga tao. Kami ay kasama ninyo sa lahat ng sandali, at palalakasin kayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katotohanan. Tunay na Kami ay lubos na makapangyarihan. Sinuman ang nakakilala sa Akin, ay magbabangon at paglilingkuran Ako nang may ganoong pagtitika na ang mga lakas ng kalupaan at kalangitan ay hindi magagawang magapi ang kaniyang layunin.

39. Ang mga tao ng daigdig ay mahimbing na natutulog. Kung sila ay gigising sa kanilang pagkakatulog, sila ay magmamadali nang may pananabik, tungo sa Diyos, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Itatapon nila ang lahat ng nakamtan nila, kahima’t ito ay ang lahat ng kayamanan ng daigdig, upang nawa ay magunita sila ng kanilang Panginoon, kahit na bigkasin sa kanila ang isang salita lamang. Ganyan ang tagubilin na ibinigay sa inyo Niya Na Nakaaalam sa mga bagay na natatago, sa isang Tableta na hindi naibubunyag kaninuman maliban sa Kaniyang Sarili, ang pinakamabisang Tagapagsanggalang ng lahat ng mga daigdig. Lubhang lito sila sa pagkalango sa kanilang masasamang hangarin, na wala silang lakas na makilala ang Panginoon ng lahat ng nabubuhay, Na ang tinig ay malakas na nananawagan sa lahat ng dako: “Walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Makapangyarihan, ang Marunong sa Lahat.”

40. Sabihin: Huwag magalak sa mga bagay na nasasa inyo; ngayong gabi ang mga iyon ay sa inyo, bukas ay iba na ang magmamay-ari ng mga iyon. Samakatuwid, kayo ay binabalaan Niya Na Nakababatid ng Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat. Sabihin: Masasabi ba ninyo na ang inyong pag-aari ay magtatagal o ligtas? Hindi! Saksi ang Aking Saliri, ang Mahabagin sa Lahat, hindi ninyo magagawa ito, kung kayo ay nabibilang sa kanila na humahatol nang walang pagkikiling. Ang mga araw ng inyong buhay ay nawawala tulad ng isang simoy ng hangin, at ang lahat ng inyong karangyaan at luwalhati ay mawawala tulad din ng karangyaan at luwalhati noong mga nauna sa inyo. Limiin, O mga tao! Ano ang nangyari sa inyong mga nakalipas na panahon, sa inyong nawalang mga dantaon? Maliligaya ang mga araw na inialay sa paggunita sa Diyos, at pinagpala ang mga oras na ginugol sa pagpuri sa Kaniya Na Marunong sa Lahat. Saksi ang Aking buhay! Ang karangyaan ng makapangyarihan, at ang kayamanan ng mayayaman, ni kahit ang pangingibabaw ng hindi maka-Diyos ay hindi mananatili. Lahat ay malilipol, sa pamamagitan ng isang salita mula sa Kaniya. Siya, sa katunayan, ang Malakas sa Lahat, ang Laging Nananaig, ang Makapangyarihan sa Lahat. Ano ang pakinabang doon sa mga makalupang bagay na nakamtan ng mga tao? Yaong makabubuti sa kanila, ay ganap na winalaan nila ng halaga. Hindi magtatagal, magigising sila mula sa kanilang pagkakatulog at mamamalas nila sa kanilang sarili na hindi nila makakamtan yaong mga nakalampas sa kanila sa mga panahon ng kanilang Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat. Kung nabatid lamang nila, itatatuwa nila ang lahat ng nasa kanila upang mabanggit ang kanilang pangalan sa harap ng Kaniyang trono.  Sila, sa katunayan, ay nabibilang sa mga patay.

41. Kabilang sa mga tao ay siya na ang karunungan ay ginawa siyang palalo, at siya ay nahadlangan sa gayon upang makilala ang Aking Pangalan, ang Sariling-Ganap; na nang marinig niya ang yapak ng mga sandalyas na sumusunod sa kaniya, lalong tumindi ang kaniyang pagpapahalaga sa sarili nang higit kaysa kay Nimrod. Sabihin: O siya na hindi tinanggap! Nasaan ngayon ang kaniyang tirahan? Saksi ang Diyos, ito ay ang pinaka-malalim na apoy. Sabihin: O kalipunan ng mga teologo! Hindi ba ninyo naririnig ang matinis na tinig ng Aking Pinaka-Dakilang Panulat? Hindi ba ninyo nakikita ang Araw na ito na nagniningning sa karikitan sa ibabaw ng Maluwalhati sa lahat na Guhit-Tagpuan? Gaano katagal pa ninyo sasambahin ang mga diyus-diyosan ng inyong masasamang simbuyo? Limutin ang inyong walang kabuluhang mga hinagap, at ibaling ang inyong mga sarili sa Diyos, ang inyong Walang Hanggang Panginoon.

42. Ang mga ipinagkaloob na ari-arian na inilaan sa kawanggawa ay tutungo sa Diyos, ang Tagapagpahayag ng mga Palatandaan. Walang sinuman ang may karapatan na ipaubaya ang mga iyon nang walang pahintulot mula sa Kaniya na Pook-Liwayway ng Rebelasyon. Pagkatapos Niya, ang karapatang ito ay mapapasalin sa Aghsán, at pagkatapos nito ay sa House of Justice—kung ito ay maitatatag sa daigdig sa panahong iyon—upang magamit nila ang mga ipinagkaloob na ari-ariang ito para sa kapakinabangan ng mga Pook na dinadakila sa Kapakanan na ito, at sa anumang iniatas sa kanila Niya na Siyang Diyos ng kapangyarihan at lakas. Kung hindi, ang mga ipinagkaloob na ari-arian ay babalik sa mga tao ni Bahá na hindi nagsasalita liban sa kapahintulutan Niya at hindi nagpapasiya maliban kung naaayon doon sa iniutos ng Diyos sa Tabletang ito—masdan, sila ang tagapagtaguyod ng tagumpay sa pagitan ng langit at lupa—upang magamit nawa nila ang mga iyon sa paraang inilahad sa Aklat ng Diyos, ang Makapangyarihan, ang Mapagbigay-biyaya.

43. Huwag manangis sa mga oras ng inyong pagsubok, ni huwag magalak doon; hanapin ninyo ang Kalagitnaang Daan na siyang paggunita sa Akin sa inyong mga pagdurusa at pagdidili-dili doon sa maaaring dumating sa inyo sa hinaharap. Ang ganito ay ipinababatid sa inyo Niya Na may Walang-hanggang Kaalaman, Siya Na nakababatid.

44. Huwag mag-ahit ng inyong mga ulo; pinalamutian ng Diyos ang mga ito ng buhok, at dito ay may mga palatandaan mula sa Panginoon ng sangnilikha para doon sa mga nagninilay-nilay sa mga pangangailangan ng kalikasan. Siya, sa katunayan, ay ang Diyos ng lakas at wastong kadahilanan. Gayunpaman, hindi marapat na hayaang lumampas ang buhok sa hangganan ng mga tainga. Sa gayon, iniuutos ito Niya Na Panginoon ng lahat ng mga daigdig.

45. Ang pagpapatapon at pagbibilanggo ay iniuutos para sa magnanakaw, at, sa ikatlong pagkakasala, ay lagyan ninyo ng isang tatak sa kaniyang noo upang, sa ganitong pagkakakilanlan, hindi na siya maaaring tanggapin sa mga lunsod ng Diyos at sa Kaniyang mga bansa. Mag-ingat na, dahilan sa pagmamalasakit, baka kayo ay magkulang sa pagsasakatuparan ng mga batas ng relihiyon ng Diyos; gawain yaong iniutos sa inyo Niya Na madamayin at mahabagin. Tinuturuan Namin kayo sa pamamagitan ng pamalo ng wastong kaalaman at mga batas, tulad ng ama na tinuturuan ang kaniyang anak, at ito ay para lamang sa pangangalaga sa inyong mga sarili at ang pagtataas sa inyong mga katayuan. Saksi ang Aking buhay, kung matutuklasan ninyo kung ano ang hinangad Namin para sa inyo sa pagpapahayag ng Aming mga banal na batas, iaalay ninyo ang inyong pinaka-kaluluwa para dito sa banal, dito sa makapangyarihan, at pinaka-dakilang Pananampalataya.

46. Sinuman ang nagnanais na gumamit ng mga kagamitan sa pagkain na yari sa pilak at ginto ay malayang gawain iyon. Mag-ingat at baka kung kumakain, ay itubog ang inyong mga kamay sa nilalaman ng mga mangkok at bandehado. Isagawa ninyo ang gayong mga kilos na pinaka-angkop sa kapinuhan ng asal. Siya, sa katunayan, ay hinahangad na makita sa inyo ang mga gawi ng mga naninirahan sa Paraiso doon sa Kaniyang makapang-yarihan at pinakadakilang Kaharian. Mangapit kayo nang mahigpit sa kagandahang-asal sa lahat ng kalagayan, upang ang inyong mga mata ay mapangalagaan na hindi makakita ng nakaririmarim sa inyong mga sarili at sa mga nananahan sa Paraiso. Kung sinuman ang lalayo dito, ang kaniyang gawa sa sandaling iyon ay gagawain na walang kabuluhan; subalit kung siya ay may magandang kadahilanan, patatawarin siya ng Diyos. Siya, sa katotohanan, ay ang Magiliw, ang Pinaka-Mapagbigay-Biyaya.

47. Siya na Pook-Liwayway ng Kapakanan ng Diyos ay walang kasama sa Pinaka-Dakilang Walang Pagkakamali. Siya Yaong, sa kaharian ng sangnilikha, ay ang Kahayagan ng “ginagawa Niya ang anumang ninanais Niya”. Inilaan ng Diyos ang katangian na ito para sa Kaniyang Sarili, at walang itinadhanang bahagi sa sinuman sa napakadakila at nangingibabaw na katayuan. Ito ang Utos ng Diyos, dating natatago sa loob ng isang lambong na hindi matarok ang kahiwagaan. Isiniwalat Namin ito sa Rebelasyong ito, at sa gayon ay winasak ang mga lambong noong mga nabigo na maunawaan yaong inilahad sa Aklat ng Diyos at nabilang sa mga pabaya.

48. Sa bawat ama ay iniatas ang pagtuturo sa kaniyang anak na lalake at anak na babae sa sining ng pagbabasa at pagsusulat at sa lahat ng inilahad sa Banal na Tableta. Siya na isinaisang tabi yaong iniutos sa kaniya, ang mga Katiwala, kung gayon, ay kukunin mula sa kaniya ng mga Katiwala, kung gayon, yaong kinakailangan para sa pagtuturo sa kanila kung siya ay mayaman at, kung hindi, ang bagay na ito ay mapapasalin sa House of Justice. Sa katunayan, ginawa Namin ito na kanlungan para sa maralita at salat. Siya na nag-aruga sa kaniyang anak o sa anak ng iba, ito ay katulad ng pag-aaruga niya sa Aking anak; mapasa-kaniya ang Aking luwalhati, ang Aking mapagmahal na kagandang-loob, ang Aking habag, na bumalot sa daigdig.

49. Ang Diyos ay nagpataw ng multa sa bawat makikiapid na lalake at babae, na ibabayad sa House of Justice: siyam na mithqál ng ginto, na gagawaing doble kung uulitin nila ang pagkakasala. Ganyan ang parusa na iginawad Niya na Panginoon ng mga Pangalan para sa kanila sa daigdig na ito; at sa susunod na daigdig; Kaniyang itinadhana para sa kanila ang isang kahiya-hiyang pagdurusa. Kung sinuman ang may kasalanan, nararapat sa kaniya na pagsisihan iyon at bumalik sa kaniyang Panginoon. Siya, sa katunayan, ay nagkakaloob ng kapatawaran sa sinuman na ninanais Niya, at walang sinuman ang maaaring tumutol doon sa ikinalulugod Niyang itadhana. Siya, sa katunayan, ay ang Laging-Nagpapatawad, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat. 

50. Mag-ingat na baka kayo ay mahadlangan ng mga lambong ng kaluwalhatian sa pag-inom sa mga mala-kristal na tubig 

nitong nabubuhay na Bukal. Sunggaban ninyo ang kalis ng kaligtasan sa bukang-liwayway na ito sa pangalan Niya Na sanhi ng pamimitak ng araw, at uminom kayo nang lubusan bilang papuri sa Kaniya na Maluwalhati sa Lahat, ang Walang Katulad.

51. Ginawa Namin na naaalinsunod sa batas na makinig kayo sa musika at awit. Gayumpaman, mag-ingat na baka ang pakikinig doon ay maging dahilan ng paglampas sa mga hangganan ng kaangkupan at karangalan. Hayaang ang inyong kagalakan ay maging kagalakan na nagmula sa Aking Pinakadakilang Pangalan, isang Pangalan na nagbibigay ng masidhing kaligayahan sa puso, at nililipos ng nakahuhumaling na kaligayahan ang mga isipan noong lahat ng napapalapit sa Diyos. Aming ginawa, sa katunayan, ang musika na maging hagdan para sa inyong mga kaluluwa, isang paraan upang sila ay pumailanglang sa kaharian sa itaas; huwag itong gawin, kung gayon, na mga bagwis para sa sarili at simbuyo ng damdamin. Tunay, labag sa loob Namin na makita kayo na nabibilang sa mga hangal.

52. Iniatas Namin na ang ikatlong bahagi ng lahat ng multa ay pupunta sa Luklukan ng Katarungan, at pinapayuhan Namin ang mga taong kasapi nito na isagawa ang wagas na katarungan, upang magugol nila ang gayong naipon para sa mga layunin na iniutos sa kanila Niya Na Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. O kayong mga Tao ng Katarungan! Sa kaharian ng Diyos, maging mga pastol kayo sa Kaniyang mga tupa at pangalagaan sila mula sa mababangis na lobo na dumating nang nakabalatkayo, katulad ng inyong pangangalaga sa inyong sariling mga anak. Sa ganito, pinapayuhan kayo ng Tagapayo, ang Matapat.

53. Kung mangyari sa inyo ang mga di-pagkakaunawaan tungkol sa anumang bagay, isangguni ito sa Diyos saman-talang ang Araw ay nagliliwanag pa sa ibabaw ng guhit-tagpuan ng Kalangitan na ito at, kung ito ay lumubog na, sumangguni kayo sa anumang Kaniyang ipinadala sa ibaba. Ito, sa katunayan, ay makasasapat sa mga tao ng daigdig. Sabihin: Huwag pahintulutang matigatig ang inyong mga puso, O mga tao, kapag ang luwalhati ng Aking Pagiging nasa Piling ninyo ay inalis, at ang karagatan ng Aking pananalita ay tumahimik. Na Ako ay nasa piling ninyo ay may isang karunungan, at sa Aking pagkawala ay mayroong iba pa, na hindi mauunawaan ng lahat liban sa Diyos, ang Walang Katulad, ang Nakababatid ng Lahat. Sa katunayan, nakikita Namin kayo mula sa Aming kaharian ng kaluwalhatian at tutulungan ang sinumang babangon para sa ikatatagumpay ng Aming Kapakanan, sa pamamagitan ng mga hukbo ng Kalipunan sa kaitaasan at ng isang pangkat ng Aming minamahal na mga anghel.

54. O mga tao ng daigdig! Ang Diyos, ang Walang Hanggang Katotohanan, ay ang Aking saksi na ang mga batis ng dalisay at mahinang daloy ng tubig ay bumulwak mula sa mga bato, sa pamamagitan ng katamisan ng mga pananalita na sinambit ng inyong Panginoon, ang Hindi Napipigilan; ngunit natutulog pa rin kayo. Itapon yaong inyong nakamtan, at, sa mga bagwis ng pagkawalay, pumailanglang sa hindi maaabot ng lahat ng nilalang na bagay. Sa gayon, inaatasan kayo ng Panginoon ng sangnilikha; na ang pagkilos ng Kaniyang Panulat ay pinagbago ng lubusan ang kaluluwa ng sangkatauhan.

55. Nalalaman ba ninyo kung mula saang mga kataasan nananawagan ang inyong Panginoon, ang Maluwalhati sa Lahat? Akala ba ninyo na nakilala na ninyo ang Panulat na pinag-uutos sa inyo ng inyong Panginoon, ang Panginoon ng lahat ng mga pangalan? Hindi, saksi ang Aking buhay! Kung alam lamang ninyo ito, itatatuwa ninyo ang daigdig, at magmamadaling tutungo nang buong puso sa kinaroroonan ng Lubos na Minamahal. Ang inyong mga espiritu ay lubhang mapasisilakbo ng Kaniyang Salita na matataranta nito ang Higit na Malawak na Daigdig—gaano pa ang maliit at walang halaga na ito! Sa ganito ibinuhos ang mga ambon ng Aking biyaya mula sa kalangitan ng Aking mapagmahal na kagandahang-loob, bilang isang tanda ng Aking pagpapala; upang nawa kayo ay yaong maging mapagpasalamat.

56. Ang mga parusa sa pagsugat o sa paghampas sa isang tao ay nababatay sa kalubhaan ng pinsala; para sa bawat antas, ang Panginoon ng Paghuhukom ay nag-atas ng isang tanging kabayaran. Siya, sa katotohanan, ang Nagtatadhana, ang Makapangyarihan, ang Pinakadakila. Kung ito ang Aming Kagustuhan, ihahayag Namin ang mga kabayaran ng mga ito sa kanilang karampatang antas—ito ay isang pangako sa panig Namin, at Siya, sa katunayan, ay ang Tumutupad sa Kaniyang Pangako, ang Nakababatid ng lahat ng bagay.

57. Sa katunayan, iniaatas sa inyo na maghandog ng isang kapistahan minsan sa isang buwan, kahiman tubig lamang ang ihahanda, sapagkat nilayon ng Diyos na magkakasamang pagbigkisin ang mga puso, kahiman sa pamamagitan ng kapwa makalupa at makalangit na mga paraan.

58. Mag-ingat na baka ang mga hangarin ng laman at ng isang masamang pagkahilig ay magbuyo sa inyo sa mga paghihiwa-hiwalay. Maging tulad kayo ng mga daliri ng iisang kamay, at mga bahagi ng iisang katawan. Nang ganoon, kayo ay pinapayuhan ng Panulat ng Rebelasyon, kung kayo ay yaong mga naniniwala.

59. Nilay-nilayin ang habag ng Diyos at ang mga kaloob Niya. Iniuutos Niya sa inyo yaong makabubuti sa inyo, kahima’t Siya sa Sarili Niya ay ganap na hindi kailangan ang lahat ng nilalang. Ang inyong masasamang gawa ay hindi kailanman makapipinsala sa Amin, ni hindi Kami makikinabang sa inyong mabubuting gawa. Nananawagan Kami sa inyo alang-alang sa Diyos lamang. Sasaksi dito ang bawat tao na may pang-unawa at kabatiran ay sasaksi.

60. Kung mangangaso kayo sa pamamagitan ng mga hayop o mga ibong mandaragit, tawagan mo ang Pangalan ng Diyos kapag itinaboy sila upang habulin ang kanilang tinutugis; sapagkat kung gayon, anuman ang kanilang mahuli ay magiging sang-ayon sa batas sa inyo, kahit na kung matagpuan ninyo itong namatay na. Siya, sa katunayan, ay ang may Walang-hanggang Kaalaman ng bagay, ang Nakaaalam ng Lahat. Mag-ingat, gayunpaman, na huwag kayong mangaso nang labis. Tahakin ninyo ang landas ng katarungan at pantay na pagtingin sa lahat. Nang ganito kayo ay inuutusan Niya Na Pook-Liwayway ng Rebelasyon, upang nawa’y makaunawa kayo.

61. Inaaatasan kayo ng Diyos na magpakita ng kagandahang-loob sa Aking kamag-anakan, ngunit hindi Niya sila binigyan ng karapatan sa ari-arian ng iba. Siya, sa katunayan, ay may sariling kakayahan, higit sa anumang pangangailangan ng mga Kaniyang nilalang.

62. Sinuman ang sadyang manunog ng isang bahay, siya rin ay dapat ninyong sunugin; sinuman ang sadyang kumitil ng buhay ng iba, siya rin ay dapat ninyong kitilan ng buhay. Mangapit kayo sa mga panuntunan ng Diyos nang inyong buong lakas at kapangyarihan, at iwanan ang mga gawi ng mangmang. Kung hahatulan ninyo ang manununog at ang mamamatay-tao ng habang buhay na pagkabilanggo, ito ay pinahihintulutan sang-ayon sa mga itinadhana sa Aklat. Siya, sa katunayan, ay may kapangyarihan na itadhana ang anumang ninanais Niya.

63. Iniuutos sa inyo ng Diyos ang pag-aasawa. Mag-ingat na hindi kayo kukuha para sa inyong sarili ng higit pa sa dalawang maybahay. Sinuman ang masiyahan sa iisang kabiyak mula sa mga babaeng tagapaglingkod ng Diyos, kapwa siya at ang maybahay ay mamumuhay sa katiwasayan. At ang lalake na kukuha ng isang babaeng katulong upang maglingkod sa kaniya ay magagawa ito nang may kaangkupan. Gayon ang panuntunan, sa katotohanan at katarungan, ay naitala ng Panulat ng Rebelasyon. Magsipag-asawa, O mga tao, upang harinawa ay magsilang kayo noong babanggit sa Akin na kasama ng Aking mga tagapaglingkod. Ito ang Aking utos sa inyo; mangapit nang mahigpit dito bilang tulong sa inyong mga sarili.

64. O mga tao ng daigdig! Huwag sundin ang mga udyok ng sarili, sapagkat mapilit na nananawagan ito sa kasamaan at kalibugan; kundi, sundin Siya na Nagmamay-ari ng lahat ng nilalang na bagay, Siya na nag-uutos sa inyo na magpakita ng kabanalan, at ihayag ang takot sa Diyos. Siya, sa katunayan, ay di-umaasa sa lahat ng mga nilalang Niya. Mag-ingat na huwag magsimula ng kaguluhan sa lupain matapos na ito ay maisaayos. Sinuman ang kumilos sa ganitong gawi ay hindi sa Amin, at itinitiwalag Namin siya. Ganyan ang utos, na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katotohanan, ay ginawang mahayag mula sa kalangitan ng Rebelasyon.

65. Inihayag sa Bayán na ang pag-aasawa ay nasasalalay sa pagsang-ayon ng dalawang panig. Sa paghahangad na maitatag ang pagmamahalan, pagkakaisa at pagkakasundo sa mga tagapaglingkod Namin, ibinatay Namin ito, kapagdaka na ang naisin ng dalawa ay nalaman na, sa pahintulot ng kanilang mga magulang, upang hindi magkaroon ng poot at matinding hinanakit sa kanila. At dito, Kami ay mayroon pang ibang mga layunin. Sa ganito itinadhana ang kautusan Namin.

66. Walang kasal ang maaaring isagawa nang hindi nagbabayad ng dote, na itinakda sa labinsiyam na mithqál ng dalisay na ginto para sa mga naninirahan sa lunsod, at sa gayunding halaga ng pilak para sa mga naninirahan sa mga nayon. Sinuman ang nagnanais na dagdagan ang halagang ito, ipinagbabawal sa kaniya na lampasan ang nakatakdang siyamnapu’t limang mithqál. Nang ganyan, isinulat ang utos nang may kamaharlikaan at kapangyarihan. Datapuwat kung masisiyahan siya sa kabayaran ng pinakamababang halaga, ito ay higit na makabubuti sa kaniya sang-ayon sa Aklat. Ang Diyos, sa katunayan, ay pinayayaman ang sinumang niloloob Niya sa pamamagitan kapwa ng makalangit at makalupang paraan, at Siya, sa katotohanan, ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

67. Iniuutos ng Diyos na kung sinuman sa mga tagapaglingkod Niya ang may balak na maglakbay, dapat niyang itakda sa kaniyang maybahay kung kailan ang kaniyang pag-uwi. Kung siya ay umuwi sa ipinangakong panahon, nasunod niya ang utos ng kaniyang Panginoon at maibibilang siya ng Panulat ng Kaniyang kautusan na kasama sa mga makatarungan; kung hindi, kung mayroong mabuting dahilan sa pagka-antala, dapat niyang ipabatid sa kaniyang maybahay at gawain ang sukdulang pagsisikap upang makauwi sa kaniya. Kung wala isa man sa mga pangyayaring ito ang maganap, nararapat sa maybahay na maghintay sa loob ng siyam na buwan, na pagkatapos nito ay wala ng hadlang sa kaniya upang makipag-isang dibdib sa iba; ngunit kung siya ay maghihintay nang mas matagal pa, tunay, minamahal ng Diyos yaong mga babae at mga lalake na nagpapakita ng pagtitiyaga. Sundin ninyo ang Aking mga utos, at huwag sundin ang hindi maka-Diyos, sila na ipinalagay bilang mga makasalanan sa Banal na Tableta ng Diyos. Kung, sa panahon ng paghihintay ng maybahay ay may dumating na balita sa kaniya mula sa kaniyang asawa, dapat niyang piliin ang hakbang na kapuri-puri. Siya, sa katotohanan, ay hinahangad na ang Kaniyang mga tagapaglingkod at Kaniyang mga babaeng tagapaglingkod ay dapat na maging payapa sa isa’t isa; maging maingat na baka gawain ninyo ang anumang makapupukaw ng katigasan ng kalooban sa inyo. Sa gayon ang batas ay itinakda at ang pangako ay magaganap. Subalit, kung ang balita ng pagkamatay o pagkapaslang sa kaniyang asawa ay umabot sa maybahay, at pinatotohanan ito ng laganap na ulat, o ng patunay ng dalawang makatarungang saksi, nararapat sa kaniya na manatiling hindi nakikipag-isang dibdib, pagkatapos, pagkabuo ng itinakdang bilang na mga buwan, siya ay malayang gawain ang hakbang na kaniyang pinili. Ganyan ang iniatas Niya Na Siyang makapang-yarihan at malakas sa Kaniyang utos.

68. Kung magkaroon ng paghihinakitan o pagkamuhi sa pagitan ng asawa at ng kaniyang maybahay, hindi dapat diborsiyohin ng lalake ang babae kundi dapat maghintay nang matiyaga hanggang sa matapos ang isang taong singkad, upang baka sakali ang bango ng pagmamahalan ay manauli sa pagitan nila. Kung, sa pagwawakas ng panahong ito, ang kanilang pagmamahalan ay hindi manumbalik, pinahihintulutan na maganap ang diborsiyo. Ang wastong kaalaman ng Diyos, sa katunayan, ay nakapalibot sa lahat ng bagay. Ipinagbabawal ng Panginoon, sa isang Tableta na isinulat ng Panulat ng Kaniyang utos, ang kaugalian na datihan ninyong ginagawa kapag inyong diniborsiyo nang tatlong ulit ang isang babae. Ito ay ginawa Niya bilang isang kagandahang-loob sa panig Niya, upang kayo ay mabilang doon sa mga mapagpasalamat. Siya na diniborisyo ang kaniyang maybahay ay maaaring piliin, sa paglipas ng bawat buwan, na muling pakasalan siya kung mayroong pagmamahal sa isa’t isa at pagsang-ayon, hangga’t hindi pa nakikipag-isang dibdib sa iba ang maybahay. Kung ang maybahay ay muling mag-asawa, kung gayon., dahilan sa ibang pakikipag-isang dibdib na ito, ang paghihiwalay ay pinagtibay na at ang bagay ay nagwakas na, hangga’t malinaw na ang kaniyang kalagayan ay nagbago. Siya na Pook-Liwayway ng Kagandahan ay may kamaharlikaang isinulat ang utos sa maluwalhating Tableta na ito.

69. Kung ang maybahay ay sumama sa kaniyang asawa sa isang paglalakbay, at magkaroon sila ng di-pagkakaunawaan habang naglalakbay, ang asawa ay inaatasang bigyan ang maybahay ng kaniyang gugulin sa buong isang taon, at ibabalik siya sa kaniyang pinanggalingan o kaya ay ipagkakatiwala siya, kasama ng kaniyang kakailanganin sa kaniyang paglalakbay, sa isang maaasahang tao na sasamahan siya na makauwi. Ang iyong Panginoon, sa katunayan, ay nagtatadhana ayon sa ninanais Niya, sa pamamagitan ng isang kapangyarihan na nangingibabaw sa mga tao ng daigdig.

70. Kung ang isang babae ay didiborsiyohin dahilan sa isang napatunayang gawain ng pagtataksil, hindi siya tatanggap ng sustento sa panahon ng kaniyang paghihintay. Sa gayon, ang araw-bituin ng Aming utos ay sumikat nang napakaningning mula sa papawirin ng katarungan. Tunay, minamahal ng Panginoon ang pagkakaisa at pagkakaunawaan at kinamumuhian ang paghihiwalay at diborsiyo. Mamuhay kayo nang magkasama, O mga tao, sa kaningningan at kaligayahan. Saksi ang Aking Buhay! Lahat ng nasa kalupaan ay lilipas, samantalang ang mabubuting gawa lamang ang mananatili; sa katotohanan ng Aking mga salita ang Diyos Mismo ay sumasaksi. Isaayos ang inyong di-pagkakaunawaan, O Aking mga tagapaglingkod; pagkatapos ay unawain ninyo ang paalaala ng Aming Panulat ng Kaluwalhatian at huwag sundin ang mapalalo at ang suwail.

71. Mag-ingat na baka malinlang kayo ng daigdig tulad nang panlilinlang nito sa mga tao na nauna sa inyo! Sundin ninyo ang mga batas at panuntunan ng inyong Panginoon, at lumakad kayo sa landas na ito na inilatag para sa inyo sa pagka-makatarungan at pagka-makatotohanan. Sila na kinamumuhian ang kawalang-katarungan at pagkakamali, na nangangapit sa kabutihan, sa paningin ng iisang tunay na Diyos, ay kasama sa mga pinakapili sa mga nilalang Niya; ang kanilang mga pangalan ay pinupuring maigi ng Kalipunan sa mga kaharian sa kaitaasan, at noong mga nananahan sa Tabernakulo na ito na itinatag sa pangalan ng Diyos.

72. Ipinagbabawal sa inyo na mangalakal ng mga alipin, kahiman sila ay mga lalake o mga babae. Hindi nararapat para sa kaniya na isang tagapaglingkod mismo na bilhin ang ibang tagapaglingkod ng Diyos, at ito ay ipinagbabawal sa Kaniyang Banal na Tableta. Sa gayon, sa pamamagitan ng Kaniyang habag, ang kautusan ay naitala ng Panulat ng katarungan. Hindi pinahihintulutan ang sinuman na pataasin ang kaniyang sarili sa iba; lahat ay mga alipin lamang sa harap ng Panginoon; lahat ay nagpapakita ng halimbawa sa katotohanan na walang ibang Diyos maliban sa Kaniya. Siya, sa katunayan, ay ang Marunong sa Lahat, at ang Kaniyang wastong kaalaman ay pumapalibot sa lahat ng bagay.

73. Palamutihan ang inyong mga sarili ng kasuotan ng mabubuting gawa.  Siya na ang mga gawa ay nagtamo ng kalugod-lugod na kasiyahan ng Diyos ay tiyak na nabibilang sa mga tao ng Bahá at naaalaala sa harap ng Kaniyang trono. Tulungan ninyo ang Panginoon ng buong sangnilikha sa pamamagitan ng mga gawaing makatarungan, at gayundin sa pamamagitan ng wastong kadahilanan at pananalita. Nang ganito, tunay na inuutusan kayo Niya Na Mahabagin sa Lahat sa karamihan ng Kaniyang mga Tableta. Siya, sa katotohanan, ang nakatatanto ng Aking sinasabi. Sinuman ay hindi pinahihintulutan na makipagtalo sa iba, at wala sinumang kaluluwa ang dapat pumatay sa iba; ito, sa katunayan, ay yaong ipinagbabawal sa inyo sa isang Aklat na nakatabi nang natatago sa loob ng Tabernakulo ng luwalhati. Ano! Papatayin ba ninyo siya na binigyang-buhay ng Diyos, siya na pinagkalooban ng Diyos ng espiritu sa pamamagitan ng isang hinga mula sa Kaniya? Malubha kung gayon ang inyong magiging paglalabag sa harap ng Kaniyang trono! Matakot sa Diyos, at huwag itaas ang kamay ng kawalang-katarungan at pang-aapi upang wasakin yaong ibinangon Niya Mismo; hindi, kundi tahakin ninyo ang landas ng Diyos, Siyang Tunay. Hindi pa natatagalan na ang mga hukbo ng tunay na kaalaman ay dumating, taglay ang mga bandila ng Banal na pananalita, nang ang mga pangkat ng mga relihiyon ay nagsitakas, maliban lamang doon sa mga nagpasiya na uminom mula sa batis ng walang hanggang buhay sa isang Paraiso na nilikha ng hininga ng Maluwalhati sa Lahat.

74. Iniutos ng Diyos, bilang tanda ng Kaniyang habag sa Kaniyang mga nilalang, na ang tamod ay hindi marumi. Mag-ukol ng pasasalamat sa Kaniya nang may kagalakan at kaningningan, at huwag sundin ang ganoong malalayo na sa Pook-Liwayway ng Kaniyang pagiging malapit. Magbangon kayo, sa ilalim ng lahat ng kalagayan, upang makapaglingkod sa Kapakanan, sapagka’t tiyak na tutulungan kayo ng Diyos sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang naghaharing kapangyarihan na nangingibabaw sa mga daigdig. Mangapit kayo sa kurdon ng pagiging pino nang may gayong kahigpitan ng kapit na hindi mapahihintulot ang anumang bahid ng dumi na makita sa inyong mga damit. Ganyan ang utos Niya Na higit na sagrado sa lahat ng pagiging pino. Sinuman ang magkulang sa pamantayang ito nang may magandang dahilan ay hindi bibigyan ng sisi. Ang Diyos, sa katunayan, ang Nagpapatawad, ang Mahabagin. Hugasan ninyo ang bawat maruming bagay sa tubig na hindi nagkaroon ng pagbabago sa alinman sa isa sa tatlong paraan: mag-ingat na hindi gumamit ng tubig na nagbago dahilan sa pagkakalantad sa hangin o sa ibang bagay. Maging pinakadiwa kayo ng kalinisan sa sangkatauhan. Ito, sa katotohanan, ang hinahangad para sa inyo ng inyong Panginoon, ang Walang Katulad, ang Marunong sa Lahat.

75. Gayundin, ang Diyos, bilang isang pagpapala mula sa dakilang Kinaroonan Niya, ay inalis ang konsepto tungkol sa “di-kalinisan”, na kung saan ang iba-ibang mga bagay at mga tao ay ipinapalagay na hindi malinis. Siya, nang buong katiyakan, ay ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Bukas-Palad. Sa katunayan, lahat ng nilikhang bagay ay inilubog sa karagatan na nagdadalisay nang, noong unang araw ng Ridván na iyon, isinabog Namin sa buong sangnilikha ang kaluwalhatian ng Aming pinaka-magagaling na Pangalan at ang Aming pinaka-dakilang mga katangian. Ito, sa katunayan, ay isang tanda ng Aking mapagmahal na pagkupkop, na pumalibot sa lahat ng mga daigdig. Makisama kayo, kung gayon, sa mga tagasunod ng lahat ng relihiyon, at ipahayag ninyo ang Kapakanan ng inyong Panginoon, ang Pinaka-Madamayin; ito ang pinaka-korona ng mga gawa, kung kayo ay yaong mga nakauunawa.

76. Iniutos ng Diyos sa inyo na gawain ang sukdulang kalinisan kahit na ang paghuhugas noong nadumihan ng alabok, gaano pa ang nanigas na dumi at katulad na karumihan. Matakot sa Kaniya, at maging yaong mga dalisay. Kung ang kasuotan ng sinuman ay kitang-kita na marumi, ang kaniyang mga panalangin ay hindi aakyat sa Diyos, at ang makalangit na Kalipunan ay lalayo sa kaniya. Gumamit ng tubig na may katas ng rosas, at ng dalisay na pabango; tunay na ito ay yaong minamahal ng Diyos mula sa simula na walang simula, upang doon ay maikalat mula sa inyo yaong hinahangad ng inyong Panginoon, ang Walang Katulad, ang Marunong sa Lahat.

77. Pinalaya kayo ng Diyos mula sa batas na ibinigay sa Bayán tungkol sa pagsira ng mga aklat. Pinahihintulutan Namin kayo na basahin ang gayong mga agham na kapaki-pakinabang sa inyo, hindi yaong nagwawakas sa walang saysay na pagtatalo; makabubuti ito para sa inyo, kung kayo ay sila na mga nakauunawa.

78. O mga hari ng kalupaan! Siya na naghaharing Panginoon ng lahat ay dumating na. Ang Kaharian ay sa Diyos, ang pinakamabisang Tagapagsanggalang, ang Sariling-Ganap. Huwag sumamba sa anuman maliban sa Diyos, at, nang may maningning na puso, itaas ang inyong mukha sa inyong Panginoon, ang Panginoon ng lahat ng mga pangalan. Ito ay isang Rebelasyon na anuman ang inyong pag-aari ay hindi kailanman maaaring ihalintulad, kung nababatid ninyo ito.

79. Nakikita Namin kayo na nagagalak doon sa inyong natipon para sa iba at inihiwalay ang inyong mga sarili mula sa mga daigdig na wala maliban sa Aking natatanurang Tableta ang maaaring tumuos. Ang mga kayamanan na inyong naipon ay nakahila sa inyo nang palayo mula sa inyong pinakasukdulang layunin. Ito ay hindi nararapat sa inyo, kung nauunawaan ninyo ito. Hugasan mula sa inyong mga puso ang lahat ng makalupang karumihan, at magmadaling pumasok sa Kaharian ng inyong Panginoon, ang Manlilikha ng lupa at langit, na ginawang manginig ang daigdig at managis ang lahat ng mga tao nito, maliban sa kanila na tinalikuran ang lahat ng bagay at nangapit doon sa itinadhana ng Natatagong Tableta.

80. Ito ang Araw na Siya Na nakipag-usap sa Diyos ay natamo ang liwanag ng Napakatanda sa mga Araw, at ininom ang dalisay na tubig ng muling pagsasama mula sa Kopa na ito na dahilan ng pagbulwak ng karagatan. Sabihin: Sa pamamagitan ng iisang tunay na Diyos! Ang Sinai ay umiikot sa paligid ng Pamimitak ng Rebelasyon, samantalang mula sa mga kaitaasan ng Kaharian ang Tinig ng Espiritu ng Diyos ay naririnig na nagpapahayag ng: “Gisingin ang inyong mga sarili, kayo na mga palalo sa kalupaan, at magmadali kayong magtungo sa Kaniya.” Ang Carmel, sa Araw na ito, nang may nananabik na sumasambang pagmamahal ay nagmamadali upang makarating sa Kaniyang korte, samantalang mula sa puso ng Zion ay nagmula ang sigaw na: “Ang pangako ay natupad na. Yaong ipinahayag sa banal na Kasulatan ng Diyos, ang Pinaka-Dakila, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinaka-Mamahal, ay ginawa nang mahayag.”

81. O mga hari ng kalupaan!  Ang Pinaka-Dakilang Batas ay naipahayag na sa Pook na ito, ang lugar na ito ng nangingibabaw na kaluwalhatian. Bawat natatagong bagay ay dinala sa liwanag sa pamamagitan ng Kalooban ng Kataas-taasang Nagtatadhana, Siya Na nagpasimula sa Huling Oras, na sa pamamagitan Niya ang Buwan ay nahati, at bawat di-mababagong batas ay ipinaliwanag.

82. Kayo ay mga alipin lamang, O mga hari ng kalupaan! Siya Na Hari ng mga Hari ay dumating na, nagagayakan ng Kaniyang kaluwalhatian na sukdulang kahanga-hanga, at tinatawagan kayo patungo sa Kaniyang Sarili, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Mag-ingat na baka mahadlangan kayo ng kapalaluan sa pagkilala sa Pinagmumulan ng Rebelasyon, na baka ang mga bagay ng daigdig na ito ay ihiwalay kayo na tulad ng isang lambong mula sa Kaniya na Manlilikha ng kalangitan. Magbangon, at paglingkuran Siya Na Mithiin ng lahat ng mga bansa, Siya Na lumikha sa inyo sa pamamagitan ng isang salita mula sa Kaniya, at itinadhana kayo na maging mga sagisag, sa lahat ng panahon, ng Kaniyang paghahari.

83. Saksi ang pagkamakatarungan ng Diyos! Hindi Namin ninanais na kunin ang inyong mga kaharian. Ang layunin Namin ay kunin at ariin ang mga puso ng tao. Nakatutok sa kanila ang mga mata ng Bahá. Sumasaksi dito ang Kaharian ng mga Pangalan kung mauunawaan lamang ninyo ito. Sinuman ang sumunod sa kaniyang Panginoon ay tatalikuran ang daigdig at lahat ng naroroon, gaanong higit na dakila pa, kung gayon, ang pagkawalay Niya Na may hawak sa lubhang kapita-pitagang katayuan! Lisanin ang inyong mga palasyo, at magmadali kayo upang makapasok sa Kaniyang Kaharian. Ito, sa katunayan, ang makabubuti sa inyo kapwa sa daigdig na ito at sa susunod.  Dito ay sumasaksi ang Panginoon ng kaharian sa kaitaasan, kung nalalaman lamang ninyo ito.

84. Gaano kahanga-hanga ang pagpapala na naghihintay sa hari na babangon upang tulungan ang Aking Kapakanan sa Aking kaharian, na iwawalay ang kaniyang sarili sa lahat maliban sa Akin! Ang ganoong hari ay nabibilang sa mga kasamahan ng Krimson na Arko—ang Arko na ihinanda ng Diyos para sa mga tao ng Bahá. Lahat ay dapat magbigay-puri sa kaniyang pangalan, dapat magbigay pitagan sa kaniyang katayuan, at tulungan siya na buksan ang mga lunsod sa pamamagitan ng mga susi ng Aking Pangalan, ang pinakamabisang Tagapagsanggalang ng lahat ng naninirahan sa nakikita at hindi nakikitang mga kaharian. Ang gayong hari ay ang pinaka-mata ng sangkatauhan, ang makinang na palamuti sa noo ng sangnilikha, ang ulong-bukal ng mga pagpapala sa buong daigdig. Ialay, O mga tao ng Bahá, ang inyong kayamanan, hindi lamang iyon, kundi ang inyong mga pinaka-buhay, bilang tulong sa kaniya.

85. O Emperador ng Austria! Siya Na Pamimitak ng Liwanag ng Diyos ay naninirahan sa bilangguan ng ‘Akká sa panahon nang ikaw ay nagtungo doon upang dumalaw sa Moske ng Aqsá. Nilampasan mo Siya, at hindi ka nagtanong tungkol sa Kaniya na sa pamamagitan Niya ang bawat tahanan ay naging dakila at bawat mataas na pinto ay nabuksan. Ginawa Namin ito, sa katunayan, na isang pook kung saan ang daigdig ay dapat bumaling, upang harinawang magunita nila Ako, ngunit gayunpaman, iyong tinalikuran Siya Na Pakay ng paggunita na ito, nang Siya ay dumating kasama ang Kaharian ng Diyos, ang iyong Panginoon at Panginoon ng lahat ng mga daigdig. Kami ay kasama mo sa lahat ng panahon, at natagpuan ka na nangapit sa Sanga at walang kamalayan sa Ugat. Ang iyong Panginoon, sa katunayan, ay isang saksi sa Aking sinasabi! Nalulumbay Kami na makita kang umikot sa paligid ng Pangalan Namin, samantalang hindi Kami namamalayan, kahiman Kami ay nasa harapan ng iyong mukha. Buksan ang iyong mga mata, upang harinawa ay mamalas mo ang maluwalhating Pangitain na ito, at makilala Siya Na iyong tinatawagan sa araw at sa gabi, at mamasdan nang mabuti ang Liwanag na sumikat sa ibabaw ng maliwanag na Guhit-Tagpuan na ito.

86. Sabihin: O Hari ng Berlin! Makinig sa Tinig na nananawagan mula sa hayag na Templo na ito: “Sa katunayan, walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Walang Hanggan, ang Walang Kaparis, ang Napakatanda ng mga Araw.” Mag-ingat na baka ikaw ay mahadlangan ng kapalaluan upang makilala ang Pamimitak ng Banal na Rebelasyon, na baka ang makalupang mga hangarin ay ihiwalay ka, na tulad ng lambong, mula sa Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba. Nang ganito ikaw ay pinapayuhan ng Panulat ng Pinaka-Mataas. Siya, sa katunayan, ay ang Pinaka-Magiliw, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Naaalaala mo ba siya1 na ang kapangyarihan ay higit sa iyong kapangyarihan, at ang katayuan ay daig ang iyong katayuan. Nasaan na siya ngayon? Saan napunta ang mga bagay na kaniyang inari? Tanggapin ang babala, at huwag maging tulad nila na mahimbing na natutulog. Siya yaong inihagis ang Tableta ng Diyos sa likuran niya nang ipaalam Namin sa kaniya kung ano ang ipinabata sa Amin ng mga hukbo ng paniniil. Kaya, kahihiyan ang sumalakay sa kaniya mula sa lahat ng panig, at siya ay bumagsak sa alabok nang malaki ang kapahamakan. Isipin nang malalim, O Hari, ang tungkol sa kaniya, at tungkol sa kanila na, katulad mo, ay nanakop sa mga lunsod at naghari sa mga tao. Sila ay pinabagsak ng Mahabagin sa Lahat mula sa kanilang mga palasyo tungo sa kanilang mga libingan. Ikaw ay binabalaan, maging tulad nila na nag-iisip ng malalim. 

87. Kami ay walang hiningi mula sa inyo. Alang-alang sa Diyos, Kami, sa katunayan, ay nagpapayo sa inyo, at magiging matiyaga tulad ng pagiging matiyaga Namin doon sa sinapit Namin sa inyong mga kamay, o kalipunan ng mga hari!

88. Makinig kayo, O mga Namumuno sa Amerika at mga Pangulo ng mga Republika dito, doon sa inaawit ng Kalapati sa Sanga ng Kawalang-Hanggan: “Walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Mananatili Magpakailanman, ang Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.” Gayakan ninyo ang templo ng pamamahala ng palamuti ng katarungan at ng takot sa Diyos, at ang ulo nito ng korona ng paggunita sa inyong Panginoon, ang Manlilikha ng mga kalangitan. Sa gayon pinapayuhan kayo Niya Na Pamimitak ng mga Pangalan, tulad ng iniutos Niya Na Nakababatid sa Lahat, ang Marunong sa Lahat. Siya Na Ipinangako ay dumating sa maluwalating Katayuan na ito, kung saan ang lahat ng nabubuhay, kapwa nakikita at hindi nakikita, ay nagsipagbunyi. Samantalahin ninyo ang pagkakataon na idinudulot ng Araw ng Diyos. Sa katunayan, ang makatagpo Siya ay higit na mabuti para sa inyo kaysa doon sa lahat ng sinisinagan ng araw, kung nalalaman lamang ninyo ito. O kalipunan ng mga pinuno! Pakinggan yaong hiniyaw mula sa Pamimitak ng Kamahalan: “Sa katunayan, walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Panginoon ng Pananalita, ang Nakababatid ng Lahat.” Bigkisin ninyo ang nawasak sa pamamagitan ng mga kamay ng katarungan, at durugin ang mang-aapi na lumalago sa pamamagitan ng baras ng kautusan ng inyong Panginoon, ang Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat.

89. O mga tao ng Constantinople! Masdan, mula sa kalagitnaan ninyo ay naririnig Namin ang masasamang huni ng kuwago. Ang pagkalango ba sa simbuyo ng dam-damin ay nakapangapit na sa inyo, o ito ba ay dahilan sa kayo ay nalubog na sa kapabayaan? O Pook na inilagay sa mga pampang ng dalawang karagatan! Ang trono ng paniniil, sa katunayan, ay naitatag na sa iyo, at ang lagablab ng pagkapoot ay pinagningas na sa loob ng iyong dibdib, at sa gayon ang Kalipunan sa kaitaasan at sila na umiikot sa paligid ng Dakilang Trono ay nanangis at nanaghoy. Nakikita Namin sa iyo ang hangal na namumuno sa mga marurunong, at ang dilim na ipinagyayabang ang sarili nito sa liwanag.  Ikaw, sa katunayan ay puno ng hayag na kayabangan. Ginawa ka ba ng iyong panlabas na kaluwal-hatian na naging napaka-palalo? Saksi Siya na Panginoon ng sangkatauhan! Hindi maglalaon at ito ay mawawala at ang iyong mga anak na babae at ang iyong mga biyuda at lahat ng mga kamag-anakan na nananahan sa loob mo ay magdadalamhati. Nang ganito, ipinababatid sa iyo ng Nakababatid sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.

90. O mga pampang ng Rhine! Nakita ka namin na natatakpan ng danak ng dugo, dahilan sa ang mga espada ng kabayaran ay hinugot laban sa iyo; at ikaw ay tatanggap pa ng kasunod. At naririnig Namin ang mga taghoy ng Berlin, kahiman ngayon siya ay nasa hayag na kaluwalhatian.

91. Huwag hayaang makalumbay ang anuman sa iyo, O lupain ng Tá,2 sapagka’t pinili ka ng Diyos na maging pagmumulan ng kaligayahan ng buong sangkatauhan. Pagpapalain Niya, kung ito ang Kaniyang Kalooban, ang iyong trono ng isa na mamumuno nang may katarungan, na titipunin nang magkakasama ang kawan ng Diyos na ikinalat ng mga lobo. Ang gayong pinuno, nang may kaluguran at kaligayahan, ay ibabaling ang kaniyang mukha, at ibibigay ang kaniyang mga tangkilik sa mga tao ng Bahá. Siya, ay tunay na ipinapalagay sa paningin ng Diyos bilang isang hiyas sa mga tao. Mapasa-kaniya nang walang katapusan ang luwalhati ng Diyos at ang luwalhati ng lahat noong nananahan sa kaharian ng Kaniyang rebelasyon.

92. Magalak nang may matinding kaligayahan, sapagka’t ginawa ka ng Diyos bilang “ang pamimitak ng Kaniyang Liwanag”, dahilan sa loob mo ay isinilang ang Kahayagan ng Kaniyang Luwalhati. Maligayahan ka sa pangalan na ito na ipinagkaloob sa iyo—isang pangalan na sa pamamagitan ng araw-bituin ng pagpapala ay isinabog ang kaningningan nito, na sa pamamagitan nito ang kalupaan at kalangitan ay pinagliwanag.

93. Hindi na magtatagal at ang kalagayan ng mga gawain mo ay magbabago, at ang renda ng kapangyarihan ay mapapasa-kamay ng mga tao. Sa katunayan, ang iyong Panginoon ay ang Nakababatid ng Lahat. Ang kapangyarihan Niya ay sumasaklaw sa lahat ng bagay. Manalig ka sa mapagpalang tangkilik ng iyong Panginoon. Ang paningin ng Kaniyang mapagmahal na kagandahang-loob ay magpakailanmang nakatutok sa iyo. Ang araw ay nalalapit na nang ang iyong bagabag ay magbabago upang maging kapayapaan at matahimik na katiwasayan. Sa gayon, iniutos ito sa kamangha-manghang Aklat.

94. O Lupain ng Khá!3 Naririnig Namin mula sa iyo ang tinig ng mga bayani, na pinagdiriwang ang kaluwalhatian ng iyong Panginoon, ang Nagmamay-ari sa Lahat, ang Pinaka-Dakila. Pinagpala ang araw na ang mga bandila ng mga banal na Pangalan ay itataas sa kaharian ng sangnilikha sa Aking Pangalan, ang Maluwalhati sa Lahat. Sa araw na iyon, ang matatapat ay magsasaya sa tagumpay ng Diyos, at ang mga hindi nananalig ay magdadalamhati.

95. Walang sinuman ang dapat makipagtalo doon sa mga may-kapangyarihan sa mga tao; iwanan sa kanila yaong sa kanila, at itutok ang inyong paningin sa mga puso ng mga tao.

96. O Pinaka-Makapangyarihan na Karagatan! Idilig sa mga bansa yaong iniatas sa iyo Niya na Hari ng Kawalang-Hanggan, at gayakan ang mga templo ng lahat ng nananahan sa kalupaan ng kasuotan ng Kaniyang mga batas na sa pamamagitan nito ang lahat ng mga puso ay magagalak at lahat ng mga mata ay pagliliwanagin.

97. Sinuman ang magkaroon ng isang daang mithqál ng ginto, ang labingsiyam na mithqál niyon ay sa Diyos at dapat ihandog sa Kaniya, ang Naghugis ng lupa at langit. Mag-ingat, O mga tao, na baka pagkaitan ninyo ang inyong mga sarili ng isang lubhang dakilang pagpapala. Ito ay iniutos Namin sa inyo, bagaman hindi Namin kayo kailangan ni ang lahat ng mga nasa langit at lupa; dito ay may mga kapakinabangan at mga wastong kadahilanan na hindi maaabot ng pang-unawa ng sinuman maliban sa Diyos, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Nakaaalam ng Lahat. Sabihin: Sa ganitong paraan, ninais Niya na gawaing dalisay ang ari-arian na nasa inyo at upang bigyan kayo ng daan na malapit sa mga katayuan na wala sinuman ang makauunawa maliban yaong sa mga ginusto ng Diyos. Siya, sa katotohanan, ay ang Mapaghandog-biyaya, ang Magiliw, ang Mapagbigay-biyaya. O mga tao! Huwag maging di-matapat sa Karapatan ng Diyos, ni, nang walang pahintulot Niya, ay maging walang pakundangan sa pagkakaloob nito. Sa gayon, itinatag ang Kaniyang utos sa banal na mga Tableta, at sa dakilang Aklat na ito. Siya na taksil na makitungo sa Diyos, sa katarungan ay pagtataksilan din; siya, gayunpaman, na kumilos sang-ayon sa kautusan ng Diyos ay tatanggap ng isang pagpapala mula sa kalangitan ng biyaya ng kaniyang Panginoon, ang Magiliw, ang Nagkakaloob, ang Bukas-Palad, ang Napakatanda sa mga Araw. Siya, sa katunayan, ay niloob para sa inyo yaong hindi pa maabot ng inyong kaalaman, ngunit ipababatid sa inyo kapag, nilisan na ng sumandaling buhay na ito, ang inyong mga kaluluwa ay pumailanlang patungo sa mga kalangitan at ang mga gayak ng inyong mga makalupang kagalakan ay itiniklop na. Nang ganito kayo pinapayuhan Niya Na nasa Kaniyang pag-aari ang Tinatanuran na Tableta.

98. Iba’t ibang mga kahilingan ang iniharap sa Aming trono mula sa mga nananalig, tungkol sa mga batas mula sa Diyos, ang Panginoon ng nakikita at hindi nakikita, ang Panginoon ng lahat ng daigdig. Ipinahayag Namin, bilang bunga nito, ang Banal na Tabletang ito at dinamitan ng kapa ng Kaniyang Batas, upang harinawang masunod ng mga tao ang mga kautusan ng kanilang Panginoon. Mga katulad na kahilingan ang hiniling sa Amin sa loob ng ilang mga nakaraang taon ngunit sang-ayon sa Aming wastong kadahilanan ay pinigilan Namin ang Aming Panulat, hanggang sa kamakailan lamang na nagsidating ang mga liham mula sa ilang mga kaibigan, at Kami, samakatuwid, ay tumugon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katotohanan, ng mga yaon na magpapasigla sa mga puso ng tao.

99. Sabihin: O mga pinuno ng relihiyon! Huwag timbangin ang Aklat ng Diyos sa gayong mga pamantayan at agham na kasalukuyang ginagamit ninyo, sapagka’t ang Aklat mismo ay ang hindi nagkakamaling Timbangan na itinatag sa tao. Dito sa pinaka-ganap na timbangan, ang anumang taglay ng mga tao at angkan ng daigdig ay dapat timbangin, samantalang ang timbang ng bigat nito ay dapat subukin sang-ayon sa sarili nitong pamantayan, kung nababatid ninyo ito.

100. Ang mata ng Aking mapagmahal na kagandahang-loob ay malubhang lumuluha para sa inyo, dahilan sa nabigo kayo na makilala Siya Na inyong tinatawagan sa araw at sa gabi, sa tanghali at sa umaga. Magtungo, O mga tao, nang may mga mukhang kasing puti ng niyebe at nang may maningning na puso, doon sa pinagpala at krimson na Pook, kung saan ang Sadratu’l-Muntahá ay nananawagan: “Sa katunayan, walang ibang Diyos na kapiling Ko, ang Pinakamabisang Tagapagsanggalang, ang Sariling Ganap!”

101. O kayo na mga pinuno ng relihiyon! Sino sa inyo ang maaaring makapantay sa Akin sa pananaw o pang-unawa? Saan matatagpuan siya na magtatangka na maging kapantay Ko sa pananalita o sa wastong kaalaman? Wala, sa Aking Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat! Lahat ng nasa lupa ay lilipas; at ito ang mukha ng iyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Lubos na Minamahal!

102. Iniatas Namin, O mga tao, na ang pinakamataas at panghuling wakas ng lahat ng karunungan ay ang pagtanggap sa Kaniya na Pakay ng lahat ng kaalaman; ngunit masdan kung paano ninyo pinahintulutan ang inyong kaalaman na gawaing parang lambong upang ilayo kayo sa Kaniya Na Pamimitak ng Liwanag na ito, na sa pamamagitan Niya bawat natatagong bagay ay nabunyag. Kung matutuklasan lamang ninyo ang pinagmumulan ng kumalat na karingalan ng pananalitang ito, tataligdan ninyo ang mga tao ng daigdig; at lahat ng ari-arian nila, at lalapit dito sa Luklukan ng kaluwalhatian na sukdulang pinagpala.

103. Sabihin: Ito, sa katunayan, ang kalangitan kung saan ang Inang Aklat ay iniingatan, kung mauunawaan lamang ninyo ito. Siya yaong dahilan ng pagsigaw ng Malaking Bato, at pagpapalakas ng Umaapoy na Palumpong sa tinig nito, sa Bundok sa Banal na Lupain, upang isigaw ang: “Ang Kaharian ay sa Diyos, ang naghaharing Panginoon ng Lahat, ang Malakas sa Lahat, ang Mapagmahal!”

104. Hindi Kami pumasok sa alinmang paaaralan, ni hindi rin nakapagbasa ng alinmang kasulatan ninyo. Pakinggan ninyo ang mga salita Nito na hindi nakapag-aral, kung saan Siya ay nananawagan sa inyo patungo sa Diyos, ang Mananatili Magpakailanman. Higit na makabubuti ito sa inyo kaysa sa lahat ng kayamanan ng daigdig, kung ito ay nauunawaan lamang ninyo.

105. Sinuman ang magpapaliwanag sa ibinaba mula sa kalangitan ng Rebelasyon, at binago ang maliwanag na kahulugan nito, siya sa katunayan, ay kasama nila na pinasama ang Marangal na Salita ng Diyos, at kabilang doon sa mga ligaw sa malinaw na Aklat.

106. Iniutos sa inyo na gupitin ang inyong mga kuko, paliguan ang inyong mga sarili bawat linggo sa tubig na lubog ang inyong mga katawan, at ang linisin ang inyong mga sarili noong anumang inyong dating ginagamit. Mag-ingat na baka dahilan sa pagpapabaya, kayo ay mabigo sa pagsunod doon sa iniutos sa inyo Niya Na Walang Katulad, ang Magiliw. Ilubog ang inyong mga sarili sa malinis na tubig, hindi pinahihintulutan na paliguan ang inyong sarili ng tubig na nagamit na. Tiyakin na hindi kayo lalapit sa pambayang languyan ng mga paliguang Persiano; sinuman ang magpasiyang magtungo sa gayong mga paliguan ay malalanghap ang kanilang mabahong amoy bago pa siya pumasok sa loob nito. Iwasan ang mga iyon, O mga tao, at huwag maging yaong kalait-lait na tinatanggap ang gayong kinadidirihan. Sa katotohanan, ang mga iyon ay tulad ng mga lababo ng karumihan at karungisan, kung kayo ay yaong nakauunawa. Gayundin, iwasan ang mababahong lawa sa mga harap ng bahay sa bakuran ng mga tahanan ng Persiano, at kayo ay maging mga dalisay at banal. Sa katotohanan, hangad Namin na makita kayo bilang mga kahayagan ng paraiso sa lupa, upang doon ay may lumaganap na gayong mga halimuyak mula sa inyo na magpapagalak sa mga puso ng minamahal ng Diyos. Kung ang naliligo, sa halip na lumubog sa tubig, ay huhugasan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbubuhos nito sa kaniyang katawan, ito ay higit na makabubuti para sa kaniya at hindi na niya kakailanganin pang ilubog ang katawan. Ang Panginoon, sa katunayan, ay ninais, bilang isang biyaya mula sa Kaniyang pagiging kapiling ninyo, na gawaing higit na maginhawa ang buhay para sa inyo upang kayo ay yaong maging tunay na mapagpasalamat.

107. Ipinagbabawal sa inyo na pakasalan ang mga maybahay ng inyong mga ama. Kami ay nanliliit, dahilan sa lubhang kahihiyan, sa pagtalakay sa paksa ng mga kabataang lalake. Matakot kayo sa Mahabagin, O mga tao ng daigdig! Huwag gawain yaong ipinagbabawal sa inyo sa Aming Banal na Tableta, at huwag maging tulad noong mga nagpapagala-gala nang natataranta sa kagubatan ng kanilang mga hangarin.

108. Ang sinuman ay hindi pinahihintulutan na magbulong ng mga banal na bersikulo sa harap ng paningin ng madla habang siya ay naglalakad sa lansangan o sa pamilihan; hindi bagkus, kung nais niyang luwalhatiin ang Panginoon, nararapat sa kaniya na gawain iyon sa mga pook na itinayo para sa layuning ito, o sa kaniyang sariling tahanan. Ito ay higit na karapat-dapat sa katapatan at pagkamaka-Diyos. Sa gayon, pinagliliwanag ng araw ng Aming kautusan sa ibabaw ng guhit-tagpuan ang Aming pananalita. Pinagpala, kung gayon, yaong mga nagsasagawa ng iniuutos Namin.

109. Sa bawat isa ay iniuutos ang pagsulat ng isang huling habilin. Ang gumagawa ng huling habilin ay dapat pasimulaan ang kasulatan na ito ng palamuti ng Pinaka-Dakilang Pangalan, sumaksi doon sa kaisahan ng Diyos sa Pamimitak ng Kaniyang Rebelasyon, at banggitin, kung ninanais niya, yaong kapuri-puri, upang ito ay maging isang patunay sa kaniya sa mga kaharian ng Rebelasyon at Sangnilikha at isang kayamanan sa kaniyang Panginoon, ang Kataas-taasang Tagapagsanggalang, ang Matapat.

110. Lahat ng mga Kapistahan ay natamo ang kanilang kaganapan sa dalawang Pinaka-Dakilang Pagdiriwang, at sa dalawang iba pang mga Pagdiriwang na pumatak sa kambal na mga araw—ang una sa Pinaka-Dakilang Pagdiriwang ay yaong mga araw kung kailan isinabog ng Mahabagin sa Lahat sa buong sangnilikha ang maningning na kaluwalhatian ng Kaniyang pinakamagagaling na mga Pangalan at ang Kaniyang pinakadakilang Katangian, at ang pangalawa ay yaong araw na kung kailan Aming itinaas Siya Na nagpatalastas sa sangkatauhan ng masayang balita ng Pangalan na ito, na sa pamamagitan nito ang patay ay muling nabuhay at lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan ay magkakasamang tinipon. Sa gayon ito ay iniutos Niya na Nagtatadhana, ang may Walang-hanggang Kaalaman.

111. Maligaya siya na pumasok sa unang araw ng buwan ng Bahá, ang araw na pinabanal ng Diyos sa Dakilang Pangalan na ito. At pinagpala siya na pinatutunayan sa araw na ito ang mga biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa kaniya; siya, sa katunayan, ay kasama yaong mga nagpapakita ng pasasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng mga kilos na nagbibigay ng palatandaan sa pagiging lubos na mapagbigay ng Panginoon na sumasaklaw sa lahat ng mga daigdig. Sabihin: Ang araw na ito, sa katunayan, ay ang korona ng lahat ng mga buwan at ang pinagmumulaan noon, ang araw na ang hinga ng buhay ay isinimoy sa lahat ng nilalang na bagay. Napakalawak ang pagpapala niya na sumalubong rito nang may kaningningan at kagalakan. Kami ay sumasaksi na siya, sa katotohanan, ay kasama noong mga napakaligaya.

112. Sabihin: Ang Pinaka-Dakilang Pagdiriwang ay tunay na siyang Hari ng mga Pagdiriwang. Gunitain ninyo, O mga tao, ang pagpapala na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. Kayo ay nasadlak sa pagkakahimbing, at masdan! ginising Niya kayo sa pamamagitan ng muling nakabubuhay na mga simoy ng Kaniyang Rebelasyon, at ipinaalam ninyo ang maliwanag at hindi lumilihis na Landas Niya.

113. Dumulog kayo, sa mga panahon ng karamdaman, sa mga manggagamot na may kakayahan; hindi Namin isinaisang-tabi ang paggamit ng materyal na mga kaparaanan, sa halip pinagtibay Namin ito sa pamamagitan ng Panulat na ito, na ginawa ng Diyos bilang Pook-Liwayway ng Kaniyang maningning at maluwal-hating Kapakanan.

114. Inihayag noon ng Diyos sa bawat isa sa mga nananampalataya ang tungkulin na ialay sa harap ng Aming trono ang mga handog na walang katumbas na halaga mula sa kaniyang mga ari-arian. Ngayon, bilang tanda ng Aming magiliw na biyaya, pinalaya Namin sila sa tungkulin na ito. Siya, sa katotohanan, ay ang Pinaka-Bukas-Palad, ang Mapagbigay-biyaya.

115. Pinagpala siya na, sa oras ng bukang-liwayway, ay itinututok ang kaniyang mga isipan sa Diyos, abala sa paggunita sa Kaniya, at lumuluhog sa Kaniyang kapata-waran, itinutuon ang kaniyang mga hakbang sa Mashriqu’l-Adhkár at, pagpasok doon, ay iniuupo ang kaniyang sarili nang matahimik, upang makinig sa mga bersikulo ng Diyos, ang Hari, ang Makapangyarihan, ang Pinupuri sa Lahat. Sabihin: Ang Mashriqu’l-Adhkár ay ang bawat gusali na itinayo sa mga lunsod at mga nayon para sa pagdiriwang ng papuri sa Akin. Gayon ang pangalan na itinakda rito sa harap ng trono ng kaluwalhatian, kung kayo ay yaong mga nakaunawa lamang.

116. Sila na binibigkas ang mga bersikulo ng Mahabagin sa Lahat sa pinaka-malamyos na mga himig ay mauunawaan mula sa mga iyon yaong hindi kailanman maihahambing sa kataas-taasang kapangyarihan sa kalupaan at kalangitan. Mula sa kanila malalanghap nila ang banal na halimuyak ng Aking mga daigdig—mga daigdig na ngayon ay wala sinuman ang makahihiwatig maliban doon sa mga pinagkalooban ng pananaw sa pamamagitan nitong kahanga-hanga, nitong napakagandang Rebelasyon. Sabihin: Inaakit ng mga bersikulo na ito ang mga dalisay na puso doon sa mga espirituwal na daigdig na hindi maaaring mailarawan ng mga salita ni maiparamdam nang patalinghaga. Pinagpala sila na mga nakikinig.

117. Tulungan ninyo, O Aking mga tao, ang Aking mga hinirang na tagapaglingkod na nagbangon upang banggitin Ako sa Aking mga nilalang at upang dakilain ang Aking Salita sa kabuuan ng Aking kaharian. Ang mga ito, sa katotohanan, ay ang mga bituin sa kalangitan ng Aking mapagmahal na pagkupkop at ang mga lampara ng Aking patnubay sa buong sangkatauhan. Ngunit siya na ang mga salita ay taliwas doon sa inihayag sa Aking mga Banal na Tableta ay hindi nabibilang sa Akin. Mag-ingat na baka sundin ninyo ang sinumang hindi banal na nagpapanggap. Ang mga Tableta na ito ay pinalamutihan ng selyo Niya Na sanhi ng pagdating ng bukang-liwayway, Na pinailanglang ang Kaniyang tinig sa pagitan ng mga kalangitan at ng kalupaan. Mangapit sa Tiyak na Hawakan na ito at sa Kurdon ng Aking makapangyarihan at di- masasalakay na Kapakanan.

118. Nagbigay ng pahintulot ang Panginoon sa sinuman na nagnanais na siya ay maturuan ng iba-ibang mga wika ng daigdig upang maibigay niya ang Kalatas ng Kapakanan ng Diyos sa buong Silangan at buong Kanluran, upang magawa niyang mabanggit Siya sa gitna ng mga angkan at mga tao ng daigdig sa gayong gawi na ang mga puso ay muling mabuhay at ang nadudurog na buto ay mabigyang-buhay.

119. Hindi matatanggap na ang tao, na pinagkalooban ng katuwiran, ay gagamit noong nanakaw dito. Hindi, bagkus, nararapat sa kaniya na kumilos sa isang gawi na karapat-dapat sa katayuan ng tao, at hindi sang-ayon sa mga maling gawa ng bawat pabaya at nag-aalinlangang kaluluwa.

120. Palamutian ang inyong mga ulo ng mga kuwintas na bulaklak ng pagkamapagkakatiwalaan at katapatan, ang inyong mga puso ng kasuotan ng takot sa Diyos, ang inyong mga dila nang may ganap na pagkamakatotohanan, ang inyong mga katawan ng pananamit ng pagkamagalang. Ang mga ito sa katotohanan ay karapat-dapat na mga palamuti sa templo ng tao, kung kayo ay nabibilang sa yaong mga nagninilay-nilay. Mangapit, O kayong mga tao ng Bahá, sa kurdon ng paglilingkod sa Diyos, Siyang Tunay, sapagka’t sa pamamagitan noon ang inyong mga katayuan ay gagawaing hayag, ang inyong mga pangalan ay masusulat at mapangangalagaan, ang inyong mga tungkulin ay matataas at ang inyong alaala ay dadakilain sa Iniingatang Tableta. Mag-ingat na baka mahadlangan kayo ng mga nananahan sa kalupaan mula sa maluwalhati at dakilang katayuang ito. Kung gayon, pinapayuhan Namin kayo sa karamihan ng Aming mga Epistolo at ngayon dito, sa Aming Banal na Tableta, na sa ibabaw nito ay sumikat ang Araw-Bituin ng mga Batas ng Panginoon, ang inyong Diyos, ang Malakas, ang Marunong sa Lahat.

121. Kapag ang Karagatan ng Aking pagiging kapiling ninyo ay kumati na at ang Aklat ng Aking Rebelasyon ay nagwakas na, ibaling ang inyong mga mukha tungo sa Kaniya na Siyang nilayon ng Diyos, Siya na nagsanga mula sa Napakatandang Ugat na ito.

122. Nilay-nilayin ang kakitiran ng mga isipan ng tao. Hinahangad nila yaong makapipinsala sa kanila, at itinatapon ang bagay na makabubuti sa kanila. Tunay, sila yaong mga naliligaw nang malayo. Nakikita Namin ang ilan sa mga tao ay naghahangad ng kalayaan, at ipinagmamalaki ang kanilang sarili dito. Ang ganoong mga tao ay nasa kailaliman ng kamangmangan.

123. Ang kalayaan, sa wakas, ay hahantong sa paghihimagsik, na ang lagablab ay hindi masusugpo ninuman. Sa gayon, kayo ay binabalaan Niya na Tagatuos, ang Nakababatid ng Lahat. Alamin ninyo na ang kumakatawan sa kalayaan at sagisag nito ay ang hayop. Yaong nararapat sa tao ay ang pagsunod doon sa gayong mga pagpipigil na mangangalaga sa kaniya mula sa kaniyang sariling kamangmangan, at ipagtatanggol siya laban sa pamiminsala ng gumagawa ng kaguluhan. Ginagawa ng kalayaan na lumampas ang tao sa mga hangganan ng kaangkupan, at labagin ang karangalan ng kaniyang katayuan. Ginagawa siyang hamak nito sa antas ng pinakamababang kaabahan at kasamaan.

124. Ipalagay ang mga tao na isang kawan ng tupa na nangangailangan ng isang pastol para sa kanilang kaligtasan. Ito, sa katunayan, ang katotohanan, ang tiyak na katotohanan. Sumasang-ayon Kami sa kalayaan sa ilang mga kalagayan, at tumatanggi na ipahintulot ito sa iba. Kami, sa katunayan, ay ang Nakababatid ng Lahat.

125. Sabihin: Ang tunay na kalayaan ay binubuo ng pagpapasakop ng tao sa Aking mga utos, bahagya man ang pagkakabatid ninyo dito. Kung susundin ng mga tao yaong ibinigay Namin sa kanila mula sa Langit ng Rebelasyon, tiyak na matatamo nila ang ganap na kalayaan. Maligaya ang tao na nakauunawa sa Layunin ng Diyos, sa anumang ipinahayag Niya mula sa Kalangitan ng Kaniyang Kalooban, na pumaloob sa lahat ng nilalang na bagay. Sabihin: Ang kalayaan na nakabubuti sa inyo ay hindi matatagpuan maliban sa ganap na paglilingkod sa Diyos, ang Walang Hanggang Katotohanan. Sinuman ang nakatikim ng katamisan nito ay tatangging ipagpalit ito sa lahat ng kaharian sa kalupaan at kalangitan.

126. Sa Bayán, ipinagbawal sa inyo ang magtanong sa Amin. Pinalaya na kayo ngayon ng Panginoon sa pagbabawal na ito, upang kayo ay maging malaya na maitanong ang kinakailangan ninyong itanong, ngunit hindi ang gayong walang kabuluhang mga katanungan katulad ng nakahiligang talakayin ng mga tao ng naunang panahon. Matakot sa Diyos, at maging yaong makatarungan! Hingiin ninyo yaong magiging kapaki-pakinabang para sa inyo sa Kapakanan ng Diyos at sa kaharian Niya, sapagka’t ang mga pinto ng Kaniyang mapagmahal na malasakit ay binuksan na sa harap ng lahat ng nananahan sa kalangitan at kalupaan.

127. Ang bilang ng mga buwan sa isang taon, na itinakda sa Aklat ng Diyos, ay labinsiyam. Sa mga ito ang una ay pinalamutihan ng Pangalan na ito na nangingibabaw sa buong sangnilikha.

128. Iniutos ng Panginoon na ang mga patay ay dapat ilibing nang nasa loob ng mga kabaong na yari sa kristal, sa matigas at matibay na bato, o sa kahoy na kapwa pino at matibay, at dapat isuot sa kanilang mga daliri ang inukitan na mga singsing. Siya, sa katunayan, ay ang Sukdulang Nagtatadhana, Siya na nakaaalam ng lahat.

129. Ang nakaukit sa mga singsing na ito, para sa mga lalake, ay dapat na: “Ang Diyos ang nagmamay-ari ng lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan at anuman na nasa pagitan nila, at Siya, sa katotohanan, ang nakaaalam sa lahat ng bagay”; at para sa mga babae: “Ang Diyos ang nagmamay-ari ng kapangyarihan ng mga kalangitan at kalupaan at anuman na nasa pagitan nila, at Siya, sa katotohanan, ang may-bisa sa lahat ng bagay.” Ito ang mga bersikulo na ipinahayag noon pa, ngunit masdan, ang Tuldok ng Bayán ay nananawagan ngayon, ipinapahayag ang, “O Pinakamamahal ng mga daigdig! Iyong ipahayag sa halip ng mga iyon ang gayong mga salita na magsisimoy ng halimuyak ng Iyong magiliw na biyaya sa buong sangkatauhan. Ipinahayag Namin sa lahat na ang isang salita mula sa Iyo ay nakahihigit sa lahat ng ipinadala sa Bayán. Tunay, Ikaw ay may kapangyarihan na gawain ang Iyong ninanais. Huwag pagkaitan ang Iyong mga tagapaglingkod ng nag-uumapaw na mga biyaya ng karagatan ng Iyong kahabagan! Ikaw, sa katotohanan, ang Siya Na ang pagpapala ay walang hanggan.” Masdan, napakinggan Namin ang Kaniyang Panawagan, at ngayon ay isinasakatuparan ang naisin Niya. Siya, sa katunayan, ang Pinaka-Mamahal, ang Tagasagot sa mga panalangin. Kung ang sumusunod na bersikulo, na sa sandaling ito ay ipinadala ng Diyos, ay iukit sa mga singsing na panlibing ng kapwa mga lalake at mga babae, ito ay higit na makabubuti para sa kanila; Kami, nang nakatitiyak, ay ang Sukdulang Nagtatadhana: “Nanggaling ako mula sa Diyos, at babalik sa Kaniya, nakawalay sa lahat maliban sa Kaniya, mahigpit na nangangapit sa Kaniyang Pangalan, ang Mahabagin, ang Madamayin.” Sa gayon, pinipili ng Panginoon ang sinuman na ninanais Niya para sa isang biyaya mula sa pagiging kapiling Niya. Siya, sa lubos na katotohanan, ay ang Diyos ng kapangyarihan at lakas.

130. Iniaatas ng Panginoon, bukod rito, na ang bangkay ay dapat balutin ng limang pirasong sutla o tela na yari sa bulak. Para doon sa kakaunti ang kakayahan, ang isang piraso ng kahit alin sa dalawang tela ay sapat na. Sa ganoon, ito ay itinadhana Niya Na Nakababatid ng Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat. Ipinagbabawal sa inyo na dalhin ang bangkay ng yumao sa layong mahigit sa isang oras na paglalakbay mula sa lunsod; sa halip, dapat itong ilibing, nang may kaningningan at kapanatagan, sa isang malapit na pook.

131. Inalis ng Diyos ang mga pagbabawal sa paglalakbay na iniutos sa Bayán. Siya, sa katunayan, ang Hindi Napipigilan; ginagawa Niya ang ikasisiya Niya at itinatadhana ang anuman na niloloob Niya.

132. O mga tao ng daigdig! Pakinggan ang panawagan Niya Na Panginoon ng mga Pangalan, na ipinahahayag sa inyo mula sa tirahan Niya sa Pinaka-Dakilang Bilangguan: “Sa katunayan, walang Diyos maliban sa Akin, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Sumusupil sa Lahat, ang Pinaka-Dakila, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Marunong sa Lahat.” Sa katotohanan, walang Diyos maliban sa Kaniya, ang Pinakamabisang Pinuno ng mga daigdig. Kung ayon sa Kaniyang Kalooban, ang buong sangkatauhan ay hahawakan Niya sa pamamagitan ng isang salita lamang mula sa Kaniyang pagiging kapiling ninyo. Mag-ingat na baka kayo ay mag-atubili sa inyong pagtanggap sa Kapakanan na ito—isang Kapakanan na niyukuan ng Kalipunan sa kaitaasan at ng mga nananahan sa mga Lunsod ng mga Pangalan. Matakot sa Diyos, at huwag maging yaong mga napahiwalay dahilan sa isang lambong. Sunugin ninyo ang mga lambong sa apoy ng Aking pag-ibig, at itaboy ang mga ulap ng mga walang kabuluhang hinagap sa kapangyarihan ng Pangalan na ito, na sa pamamagitan nito ay nasupil Namin ang buong sangkatauhan.

133. Parangalan at dakilain ang dalawang Tahanan sa Kambal na Banal na Pook, at sa ibang mga pook kung saan ang trono ng inyong Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat, ay naitatag. Sa gayon iniuutos sa inyo ng Panginoon ng bawat nakauunawang puso.

134. Maging maingat na baka ang mga alalahanin at mga pinagkakaabalahan sa daigdig na ito ay makahadlang sa inyo sa pagsunod doon sa iniuutos sa inyo Niya Na Makapangyarihan, ang Matapat. Maging diwa kayo ng gayong katatagan sa gitna ng sangkatauhan upang hindi kayo mapalayo sa Diyos dahilan sa mga alinlangan noong mga di-nananalig sa Kaniya nang ipahayag Niya ang Kaniyang Sarili, na pinagkalooban ng isang napakalakas na kapangyarihan. Mag-ingat na baka mahadlangan kayo ng anumang naitala sa Aklat na mapakinggan ito, ang Nabubuhay na Aklat, Na nagpapahayag ng katotohanan: “Sa katunayan, walang Diyos maliban sa Akin, ang Pinaka-Magaling, ang Pinupuri sa Lahat.” Tumingin kayo sa pamamagitan ng paningin ng pagkamakatarungan sa Kaniya Na bumaba mula sa kalangitan ng Banal na kalooban at lakas, at huwag maging yaong mga kumikilos nang walang katarungan.

135. Alalahanin kung gayon ang mga salita na ito na dumaloy, bilang parangal sa Rebelasyon na ito, mula sa Panulat Niya Na Tagapagpauna sa Akin, at isaalang-alang kung ano ang ipinalasap ng mga kamay ng mga naniniil sa buong panahon ng Aking mga araw. Tunay na sila ay nabibilang doon sa mga naliligaw. Sinabi Niya: “Kung matatamo ninyo ang pakikipagharap sa Kaniya Na gagawain Namin na maihayag, sumamo kayo sa Diyos, sa biyaya Niya, na ipagkaloob na mangyaring marapatin Niya na iupo ang Sarili Niya sa inyong mga upuan, sapagka’t ang mismong kilos na iyon ay magkakaloob sa inyo ng walang katulad at hindi mahihigitan na karangalan. Kung iinom Siya ng isang tasang tubig sa inyong mga tahanan, ito ay magiging higit na mahalaga para sa inyo kaysa sa inyong paghahandog sa bawat kaluluwa, hindi lamang iyon, kundi sa bawat nilikhang bagay, ang tubig ng pinaka-buhay nito. Alamin ito, O kayo na Aking mga tagapaglingkod!”

136. Ganyan ang mga salita ng maiging pagpupuri ng Aking Tagapagpauna sa Aking Katauhan, kung inyo lamang mauunawaan. Sinuman ang nagnilay-nilay sa mga bersikulong ito, at naunawaan kung ano ang natatagong mga perlas ang idinambana sa loob ng mga iyon, sa pagkamakatarungan ng Diyos, ay mahuhulo ang halimuyak ng Mahabagin sa Lahat na isinisimoy mula sa gawi ng Bilangguan na ito at magmamadali, nang buong puso niya, na magtungo sa Kaniya nang may ganoong marubdob na pananabik na ang mga hukbo sa kalupaan at kalangitan ay walang lakas upang mahadlangan siya. Sabihin: Ito ay isang Rebelasyon na kung saan ang bawat katibayan at patunay ay umiikot sa paligid nito. Sa gayon ito ay ipinadala dito sa ibaba ng inyong Panginoon, ang Diyos ng Habag, kung kayo ay yaong mga nagpapasiya nang wasto. Sabihin: Ito ang pinaka-kaluluwa ng lahat ng mga Banal na Kasulatan na inihinga sa Panulat ng Pinaka-Mataas, na nagiging sanhi ng pagkatigagal ng lahat ng nilikhang bagay, maliban lamang doon sa mga masidhing pinagalak ng banayad na simoy ng Aking mapagmahal na kagandahang-loob at ng mabangong halimuyak ng Aking mga pagpapala na lumaganap sa buong sangnilikha.

137. O mga tao ng Bayán! Matakot kayo sa Pinaka-Mahabagin at isaalang-alang yaong ipinahayag Niya sa ibang sipi. Sinabi Niya: “Ang Qiblih ay tunay na Siya Na ihahayag ng Diyos; kailanman Siya kumilos, ito ay kikilos, hanggang sa Siya ay tumigil.” Sa gayon ito ay inilahad ng Sukdulang Nagtatadhana nang hinangad Niya na banggitin ang Pinaka-Dakilang Kagandahan na ito. Nilay-nilayin ito, O mga tao, at huwag maging tulad nila na naggagala nang nababagabag sa kagubatan ng pagkakamali. Kung itatatuwa ninyo Siya dahilan sa pagsunod sa inyong walang saysay na mga iniisip, nasaan kung gayon ang Qiblih na inyong babalingan, O kalipunan ng mga pabaya? Bulay-bulayin ninyo ang bersikulo na ito, at magpasiya nang makatarungan sa harap ng Diyos, upang harinawa ay matipon ninyo ang mga perlas ng mga kahiwagaan mula sa karagatan na dumadaluyong sa Aking Pangalan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Pinakamataas.

138. Huwag pahintulutan ang sinuman, sa Araw na ito, na mahigpit na mangapit sa anuman maliban doon sa inihayag sa Rebelasyon na ito. Ganyan ang utos ng Diyos, sa nakalipas at sa hinaharap—isang utos na ang mga Banal na Kasulatan ng mga Sugo ng nakaraan ay napalamutihan. Ganyan ang paalaala ng Panginoon, noon at hanggang sa darating na panahon—isang paalaala sa kung paano napaganda ang paunang salita sa Aklat ng Buhay, kung nauunawaan lamang ninyo ito. Ganyan ang kautusan ng Panginoon, sa nakalipas na panahon at sa susunod; mag-ingat na baka sa halip ay piliin ninyo ang panig ng kawalang karangalan at pagkaaba. Walang makatutulong sa inyo sa Araw na ito maliban sa Diyos, ni walang mapagkukublihan na kanlungan maliban sa Kaniya, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Marunong sa Lahat. Sinuman ang nakakilala sa Akin ay nakilala ang Hangarin ng Lahat ng hangarin; at sinuman ang bumaling sa akin ay bumaling sa Adhikain ng lahat ng pagsamba. Sa ganoon ito ay inihayag sa Aklat, at sa ganoon ito ay iniutos ng Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig. Ang basahin ang isa lamang sa mga bersikulo ng Aking Rebelasyon ay higit na mabuti kaysa sa basahin ang mga Banal na Kasulatan kapwa ng nauna at ng nahuhuling mga salinlahi. Ito ang Pananalita ng Mahabagin sa Lahat, kung kayo ay may mga taingang nakaririnig! Sabihin: Ito ang diwa ng kaalaman kung nauunawaan lamang ninyo ito.

139. At ngayon isaalang-alang yaong naihayag na sa isa pang talata, upang harinawa ay talikuran ninyo ang inyong sariling mga kuro-kuro at ibaling ang inyong mga mukha tungo sa Diyos, ang Panginoon ng nilalang. Siya4 ay nagsabi: “Labag sa batas na makipag-isang dibdib sa iba maliban sa isang nananalig sa Bayán. Kung isang panig lamang sa isang pag-aasawa ang tumanggap sa Kapakanan na ito, ang ari-arian ng lalake o babae ay magiging hindi ayon sa batas sa kabilang panig, hanggang sa gayong panahon na ang huling nabanggit ay nanalig. Ang batas na ito, gayunpaman, ay magkakaroon lamang ng bisa matapos ang pagkakaluklok ng Kapakanan Niya Na ihahayag Namin sa katotohanan, o niyong nagawa nang mahayag sa katarungan. Bago ito, kayo ay malaya na makipag-isang dibdib sang-ayon sa inyong ninanais, upang harinawang sa pamamaraan na ito ay madakila ninyo ang Kapakanan ng Diyos.” Sa ganoon inawit ng Ruwinsenyor ang malamyos na himig sa makalangit na sanga, sa pagpupuri sa Panginoon nito, ang Mahabagin sa Lahat. Makabubuti ito sa kanila na nakikinig. 

140. O mga tao ng Bayán, Ako ay inaatasan kaya sa pamamagitan ng inyong Panginoon, ang Diyos ng habag, na tumingin ng may paningin ng pagkamakatarungan sa pananalita na ito na ipinadala dito sa ibaba sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katotohanan, at huwag maging yaong nakikita ang patunay ng Diyos ngunit tinatanggihan at itinatatuwa ito. Sila, sa katotohanan, ay yaong tiyak na mangamamatay. Ang Tuldok ng Bayán ay maliwanag na binanggit sa bersikulo na ito ang higit na kadakilaan ng Aking Kapakanan kaysa sa Sarili Niyang Kapakanan; dito ay sasaksi ang bawat makatarungan at nakauunawang isipan. Tulad ng inyong kaagad na masasaksihan sa araw na ito, ang kadakilaan nito ay ganoon na wala sinuman ang makapagkakaila maliban doon sa ang mga mata ay lango sa makalupang buhay na ito at sa kaniya ay isang kahiya-hiyang kaparusahan ang naghihintay sa buhay na darating.

141. Sabihin: Saksi ang pagkamakatarungan ng Diyos! Ako, sa katunayan, ay ang Kaniyang5 Pinakamamahal; at sa sandaling ito Siya ay nakikinig sa mga bersikulo na ito na bumababa mula sa Kalangitan ng Rebelasyon at itinatangis ang mga pagkakasala na inyong ginawa sa mga araw na ito. Matakot sa Diyos, at huwag sumama sa nananalakay. Sabihin: O mga tao, kung pipiliin ninyo na hindi manalig sa Kaniya,6 magpigil man lamang kayo sa paghimagsik laban sa Kaniya. Saksi ang Diyos! Sapat na ang mga hukbo ng paniniil na nakahanay laban sa Kaniya!

142. Sa katunayan, Siya7 ay nagpahayag ng ilang mga batas upang, sa Dispensasyon na ito, ang Panulat ng Pinaka-Mataas ay hindi na kakailanganin pang kumilos sa anuman maliban sa pagluluwalhati sa Kaniyang sariling nangingibabaw na Katayuan sa Kaniyang pinaka-maningning na Kagandahan. Gayunpaman, dahilan sa ninanais Namin na patunayan ang Aming pagpapala sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katotohanan, inihayag Namin ang mga batas na ito nang may kalinawan at pinagaan yaong hinahangad Namin na sundin ninyo. Siya, sa katunayan, ay ang Lubos na Mapagbigay, ang Bukas-Palad.

143. Ipina-aalam Niya8 noong una pa sa inyo yaong bibigkasin nitong Pamimitak ng Banal na wastong kaalaman na ito. Sinabi Niya, at Siya ay nagsasabi ng katotohanan: “Siya9 Yaong sa ilalim ng lahat ng kalagayan ay magpapahayag ng: ‘Sa katunayan, walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Nag-iisa, ang Walang Katulad, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Nakaaalam ng Lahat.’”  Ito ay isang katayuan na tanging itinakda lamang dito sa maringal, dito sa bukod-tangi at kahanga-hangang Rebelasyon na ito. Ito ay isang palatandaan ng Kaniyang masaganang biyaya, kung kayo ay nabibilang doon sa mga nakauunawa, at isang tanda ng Kaniyang di-mapaglalabanang utos. Ito ang Kaniyang Pinaka-Dakilang Pangalan, ang Kaniyang Pinaka-Marangal na Salita, at ang Pamimitak ng Kaniyang Pinaka-Magaling na mga Titulo, kung mauunawaan ninyo. At higit pa dito, sa pamamagitan Niya, bawat Punong-Bukal, bawat Pook-liwayway ng Banal na patnubay ay ginawa na mahayag. Nilay-nilayin, O mga tao, yaong ipinadala dito sa ibaba sa katotohanan, bulay-bulayin iyon, at huwag maging yaong mga lumalabag.


144. Makisama sa lahat ng mga relihiyon nang may pagkakaibigan at pagkakaunawaan, upang malanghap nila mula sa inyo ang mabangong halimuyak ng Diyos. Mag-ingat na baka sa gitna ng mga tao ang lagablab ng hangal na kamangmangan ay makagapi sa inyo. Lahat ng bagay ay nagmumula sa Diyos at sa Kaniya sila ay babalik. Siya ang pinagmumulaan ng lahat ng bagay at sa Kaniya ang lahat ng bagay ay nagwawakas.

145. Mag-ingat na huwag kayong pumasok ng bahay nang wala ang may-ari, maliban nang may kapahintulutan siya. Kumilos kayo nang may kagandahang-asal sa lahat ng kalagayan, at huwag mapabilang doon sa mga suwail.

146. Iniuutos sa inyo na padalisayin ang inyong pamamaraan sa kabuhayan at ibang mga gayong bagay sa pamamagitan ng pagbabayad ng Zakát. Sa gayon ito ay iniutos Niya Na Tagapagpahayag ng mga bersikulo sa dakilang Tableta na ito. Aming ilalahad, sa madaling panahon, kung ito ang kalooban at layunin ng Diyos, ang paraan ng pagtasa sa halaga nito. Siya, sa katunayan, ay ipinaliliwanag ang anuman na Kaniyang ninanais sa pamamagitan ng Kaniyang sariling kaalaman, at Siya, sa katotohanan, ang may Walang-hanggang Kaalaman at ang Marunong sa Lahat.


147. Labag sa batas ang mamalimos, at ipinagbabawal ang magbigay sa kaniya na namamalimos. Lahat ay inaatasan na maghanap-buhay, at para doon sa mga walang kakayanan, tungkulin ng mga Kinatawan ng Diyos at ng mamamayan na maglaan ng sapat na panustos para sa kanila. Sundin ninyo ang mga batas at kautusan ng Diyos; hindi lamang iyon, pangalagaan ang mga ito ng tulad din ng pangangalaga sa inyong mga sariling mata, at huwag maging yaong magdurusa ng malubhang kawalaan.

148. Pinagbabawalan kayo sa Aklat ng Diyos sa pagsama sa pagtatalo at pag-aaway, ang paghampas sa iba, o ang gumawa ng katulad na mga kilos na maaaring ikalungkot ng mga puso at kaluluwa. Isang multa na labinsiyam na mithqál ng ginto ang iniutos noon Niya na Panginoon ng buong sangkatauhan sa sinuman na naging sanhi ng kalungkutan sa iba; sa Dispensasyon na ito, gayunpaman, iyon ay hindi na pinatutupad sa inyo at pinapayuhan kayo na magpakita ng gayong pagkamakatarungan at kabanalan. Ganoon ang kautusan na iniutos Niya sa inyo dito sa napakaningning na Tabletang ito. Huwag hangarin para sa iba yaong hindi ninyo ninanais para sa inyong mga sarili; matakot sa Diyos, at huwag maging yaong mga palalo. Lahat kayo ay nilikha mula sa tubig, at sa alabok kayo ay babalik. Nilay-nilayin ang wakas na naghihintay sa inyo, at huwag mamuhay sa mga gawi ng mang-aapi. Pakinggan ang mga bersikulo ng Diyos na Siya Na Banal na Puno ng Lote ay binibigkas sa inyo. Tiyak na ang mga ito ang hindi nagkakamaling timbangan na itinatag ng Diyos, ang Panginoon ng daigdig na ito at ng susunod. Sa pamamagitan ng mga ito ang kaluluwa ng tao ay lumipad tungo sa Pamimitak ng Rebelasyon, at ang puso ng bawat tunay na nananalig ay natitigmak ng liwanag. Gayon ang mga batas na iniutos sa inyo ng Diyos, gayon ang Kaniyang mga kautusan na iniatas sa inyo sa Kaniyang Banal na Tableta; sundin ang mga iyon nang may kagalakan at kaligayahan, sapagka’t ito ang pinaka-mabuti para sa inyo, kung nalalaman lamang ninyo ito.

149. Bigkasin ninyo ang mga bersikulo ng Diyos tuwing umaga at gabi. Sinuman ang di-maisagawang bigkasin ang mga iyon ay hindi naging matapat sa Banal na Kasunduan ng Diyos at sa Kaniyang Testamento, at sinuman ang tumalikod sa mga banal na bersikulo na ito sa Araw na ito ay katulad nila na sa buong kawalang hanggan ay tumalikod sa Diyos. Matakot kayo sa Diyos, O Aking mga tagapaglingkod, bawat isa at lahat. Huwag ipagmalaki ang inyong mga sarili dahilan sa maraming nababasa na mga bersikulo o sa karamihan ng banal na mga kilos sa gabi at araw; sapagka’t kung ang isang tao ay babasa ng isang bersikulo nang may kagalakan at kaningningan, ito ay higit na makabubuti para sa kaniya kaysa sa basahin nang may pananamlay ang lahat ng mga Banal na Aklat ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Basahin ninyo ang mga banal na bersikulo sa gayong antas na hindi kayo magagapi ng pananamlay at lubhang kawalang pag-asa. Huwag ipataw sa inyong mga kaluluwa yaong makapapagod doon at makabibigat sa mga iyon, upang ang mga iyon ay pumailanlang sa mga bagwis ng Banal na mga bersikulo tungo sa Pook-liwayway ng Kaniyang hayag na mga palatandaan; ito ay higit na magpapalapit sa inyo sa Diyos, kung nauunawaan lamang ninyo.

150. Turuan ang inyong mga anak ng mga bersikulo na ipinahayag mula sa kalangitan ng karingalan at kapangyarihan, upang sa pinaka-malamyos na himig ay magawa nilang dalitin ang mga Tableta ng Mahabagin sa Lahat sa mga alkoba sa loob ng mga Mashriqu’l-Adhkár. Sinuman ang matangay ng masidhing kagalakan dahilan sa matimyas na pagsamba sa Aking Pangalan, ang Pinaka-Madamayin, ay bibigkasin ang mga bersikulo ng Diyos sa gayong gawi na mabibighani ang mga puso noong napakahimbing ang pagkakatulog. Mabuti ito para sa kaniya na nakainom ng Mahiwagang Alak ng walang hanggang buhay mula sa pananalita ng kaniyang mahabaging Panginoon sa Aking Pangalan—isang Pangalan na sa pamamagitan nito ang bawat matayog at maringal na bundok ay ginawang maging alabok.

151. Iniuutos sa inyo na baguhin ang mga kasangkapan sa inyong mga tahanan matapos lumipas ang bawat labinsiyam na taon; sa gayon ito ay itinadhana Niya Na may Walang-hanggang Kaalaman at ang Nakauunawa sa Lahat. Siya, sa katunayan, ay naghahangad ng kapinuhan, kapwa para sa inyong mga sarili at sa lahat ng inyong pag-aari; huwag isa-isang tabi ang takot sa Diyos at huwag maging yaong pabaya. Sinuman ang makita na ang kaniyang kabuhayan ay hindi sapat sa layuning ito ay pinatatawad ng Diyos, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Magandang-loob.

152. Hugasan ang inyong mga paa minsan sa araw-araw sa tag-init, at minsan tuwing ikatlong araw kapag taglamig.

153. Kung sinuman ang mapoot sa iyo, tumugon sa kaniya nang may kahinahunan; at kung sinuman ang mumura sa iyo, magpigil na pagalitan din siya bilang ganti, kundi iwanan siya sa kaniyang sarili at ilagay ang iyong tiwala sa Diyos, ang pinakamabisang Tagapaghiganti, ang Panginoon ng kapangyarihan at katarungan.

154. Pinagbabawalan kayo na gamitin ang mga pulpito. Sinuman ang nagnanais na bigkasin sa inyo ang mga bersikulo ng kaniyang Panginoon, hayaan siyang maupo sa isang upuan na inilagay sa ibabaw ng isang plataporma, upang mabanggit niya ang Diyos, ang kaniyang Panginoon, at ang Panginoon ng buong sangkatauhan. Kasiya-siya sa Diyos na iuupo ninyo ang inyong mga sarili sa mga upuan at bangko bilang isang tanda ng karangalan dahilan sa pag-ibig na taglay ninyo sa Kaniya at sa Kahayagan ng Kaniyang maluwalhati at maringal na Kapakanan.

155. Ang pagsusugal at ang paggamit ng opyo ay ipinagbabawal sa inyo. Iwasan kapwa ang mga iyon, O mga tao, at huwag mapasama sa mga lumalabag.  Mag-ingat na hindi gagamit ng anumang sangkap na nagiging sanhi ng pananamlay at pamamanhid ng isipan ng tao at nakapipinsala sa katawan. Kami, sa katunayan, ay walang hinahangad para sa inyo maliban doon sa makabubuti sa inyo, at dito ay sumasaksi ang lahat ng nilalang na bagay, kung kayo lamang ay mayroong mga tainga na nakaririnig.

156. Kailanman na kayo ay inanyayahan sa isang salo-salo o kasayahan, tumugon nang may kagalakan at kasiyahan, at sinuman ang tumupad sa kaniyang pangako ay magiging ligtas sa panunumbat. Ito ay isang Araw na ang bawat mahusay na utos ng Diyos ay ipinaliwanag.

157. Masdan, ang “hiwaga ng Dakilang Pagbaligtad sa Palatandaan ng Hari” ay ginawa na ngayong mahayag. Mabuti para sa kaniya na tinulungan ng Diyos upang makilala ang “Anim” na itinaas dahilan sa “Tuwid na Alif” na ito; siya, sa katunayan, ay yaong ang pananalig ay totoo. Ilan doon sa mga may panlabas na kabanalan ang tumalikod, at ilan sa mga naliligaw ang lumapit, ibinulalas ang: “Lahat ng papuri ay mapasa-Iyo, O Ikaw na Mithiin ng mga daigdig!” Sa katotohanan, nasa kamay ng Diyos ang pagbibigay kung ano ang niloloob Niya sa kaninuman na ninanais Niya, at ipagkait ang anumang Kaniyang naisin sa sinuman na gugustuhin Niya. Nalalaman Niya ang naloloob na mga lihim ng mga puso at ang kahulugan na natatago sa isang kindat ng nangungutya. Gaano karami ang mga may diwa ng kapabayaan ang lumapit sa Amin nang may dalisay na puso na itinatag Namin sa luklukan ng Aming pagtanggap; at ilan sa mga sagisag ng katalinuhan ang itinalaga Namin nang buong makatarungan sa apoy. Kami, sa katotohanan, ay Siya na humahatol. Siya Yaong kahayagan ng “Ginagawa ng Diyos ang anumang ninanais Niya”, at namamalagi sa trono ng “Siya ang nagtatadhana ng anumang minamarapat Niya”. 

158. Pinagpala siya na nakatuklas sa bango ng naloloob na mga kahulugan mula sa mga bakas ng Panulat na ito na sa pamamagitan ng pagkilos nito ang mga simoy ng Diyos ay isinasabog sa buong sangnilikha, at sa pamamagitan ng katahimikan nito ang pinaka-diwa ng katiwasayan ay nakikita sa larangan ng nilikha. Luwalhatiin ang Mahabagin sa Lahat, ang Tagapagpahayag ng biyaya na lubhang di-matataya. Sabihin: Dahilan sa nagtiis Siya ng kawalang-katarungan, ang katarungan ay dumating sa kalupaan, at dahilan sa tinanggap Niya ang pagkaaba, ang kamahalan ng Diyos ay nagningning sa gitna ng sangkatauhan.

159. Ipinagbabawal sa inyo ang magdala ng sandata kung hindi kailangang-kailangan, at pinahihintulutan kayo na magsuot ng sutla. Pinalaya kayo ng Panginoon, bilang isang pagpapala mula sa Kaniyang panig, sa mga pagbabawal na pinaiiral noong una tungkol sa pananamit at sa paggupit ng balbas. Siya, sa katunayan, ang Nagtatadhana, ang may Walang-hanggang Kaalaman. Huwag hayaan na anuman sa inyong kilos ay hindi mabutihin ng mga isipan na matino at may paninindigan, at huwag gawain ang inyong mga sarili na maging mga laruan ng mangmang. Makabubuti ito sa kaniya na pinalamutihan ang kaniyang sarili ng pananamit ng marapat na asal at isang kapuri-puring ugali. Siya ay tiyak na nabibilang na kasama noong mga tumutulong sa kanilang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawain na kakaiba at namumukod-tangi.

160. Itaguyod ninyo ang pag-unlad ng mga lungsod ng Diyos at ng Kaniyang mga bansa, at luwalhatiin Siya roon sa masayang mga tono ng Kaniyang mga pinakamamahal. Sa katotohanan, ang mga puso ng tao ay natuturuan upang mapabuti ang moral ang kaisipan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dila, tulad ng pagtayo ng mga tahanan at mga lungsod sa pamamagitan ng kamay at ibang mga paraan. Itinadhana Namin sa bawat layunin ang isang pamamaraan para sa katuparan nito; gamitin ninyo iyon, at ilagay ang inyong pagtitiwala at matibay na paniniwala sa Diyos, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Lubos na Marunong.

161. Pinagpala ang tao na pinanindigan ang kaniyang pananalig sa Diyos at sa Kaniyang mga palatandaan, at kinilala na “Siya ay hindi pananagutin sa Kaniyang mga ginagawa”. Ang gayong pagkilala ay ginawa ng Diyos na palamuti ng bawat pananalig at pinaka-saligan nito. Dito ay nakasalalay ang pagtanggap sa bawat mabuting gawa. Itutok ang inyong mga mata dito, na harinawang ang mga bulong ng mapaghimagsik ay hindi maging sanhi ng inyong pagkakamali.

162. Kung iaatas Niya na naaayon sa batas ang bagay na mula sa hindi na magunitang panahon ay ipinagbawal at ipagbawal yaong sa lahat ng panahon ay kinikilalang ayon sa batas, hindi ibinibigay sa sinuman ang karapatan na tutulan ang Kaniyang kapangyarihan. Sinuman ang mag-atubili, kahiman ito ay kulang pa sa isang saglit, ay dapat ipalagay na isang lumalabag.


163. Sinuman ang hindi kumilala sa sukdulan at pangunahing katotohanang ito, at nabigong makamtan ang pinakadakilang katayuan na ito, siya ay babalisahin ng mga hangin ng pag-aalinlangan, at ang mga sinasabi ng mga hindi naniniwala ay guguluhin ang kaniyang kaluluwa. Siya na tinanggap ang simulaing ito ay pagkakalooban ng pinaka-ganap na katatagan. Lahat ng karangalan sa maluwalhati sa lahat na katayuang ito, na ang paggunita ay pumapalamuti sa bawat dakilang Tableta. Gayon ang turo ng Diyos na ipinagkaloob sa inyo; isang turo na magliligtas sa inyo mula sa lahat ng uri ng alinlangan at pagkataranta, at magagawa ninyong makamtan ang kaligtasan kapwa sa daigdig na ito at sa susunod. Siya, sa katunayan, ay ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Mapagbigay-biyaya. Siya Yaong nagpadala sa mga Sugo, at ipinadala ang mga Aklat upang ipahayag na “Walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.”

164. O Lupain ng Káf at Rá!10 Kami, sa katunayan, ay namamasdan ka sa isang katayuan na hindi kanais-nais sa Diyos, at nakikita na nagmumula sa iyo yaong hindi malirip ng sinuman maliban sa Kaniya, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Nakaaalam ng Lahat; at batid Namin yaong palihim at pataksil na kumakalat mula sa iyo. Nasa sa Amin ang kaalaman ng lahat ng bagay, nakaukit sa isang malinaw na Tableta. Huwag malumbay doon sa sumapit sa iyo. Hindi maglalaon ay magtataas ang Diyos mula sa iyo ng mga tao na pinagkalooban ng napakalakas na kagitingan, na dadakila sa Aking Pangalan nang may gayong kataimtiman na kundi rin sila mahahadlangan ng masasamang mungkahi ng mga teologo, ni hindi sila mapipigilan ng mga pagpapasaring ng mga naghahasik ng alinlangan. Sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata mamamasdan nila ang Diyos, at sa pamamagitan ng kanilang sariling mga buhay gagawin nilang matagumpay Siya. Ang mga ito, sa katotohanan, ay yaong matatatag.

165. O kalipunan ng mga teologo! Nang ang Aking mga bersikulo ay ipinadala dito sa ibaba, at ang Aking malilinaw na palatandaan ay ipinahayag, natagpuan Namin kayo na nasa likod ng mga lambong. Ito, sa katunayan, ay isang kataka-takang bagay. Niluluwalhati ninyo ang inyong mga sarili sa Aking Pangalan subalit hindi ninyo Ako kinilala sa panahon na ang inyong Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat, ay nagpakita sa inyo nang may matibay na patunay. Winasak Namin ang mga lambong. Mag-ingat na baka ihiwalay ninyo ang mga tao sa pamamagitan ng iba pang lambong. Lansagin ang mga tanikala ng walang kabuluhang mga kuro-kuro, sa pangalan ng Panginoon ng lahat ng tao, at huwag maging yaong mapanlinlang. Kung babaling kayo sa Diyos at tatanggapin ang Kaniyang Kapakanan, huwag magkalat ng kaguluhan sa loob nito, at huwag sukatin ang Aklat ng Diyos sang-ayon sa inyong makasariling mga hangarin. Ito, sa katunayan, ang payo ng Diyos noon pa at sa darating, at dito ang mga saksi at hinirang ng Diyos, oo, bawat isa at lahat sa Amin, ay taos-pusong nagpapatunay.

166. Gunitain ninyo ang shaykh na ang pangalan ay Muhammad-Hasan, na nabibilang sa pinakamarurunong na teologo noong kaniyang panahon. Nang Siyang Tunay ay nahayag, ang shaykh na ito, kasama ang iba pang mula sa kaniyang propesiyon, ay itinatuwa Siya, samantalang ang isang taga-bithay ng trigo at barley ay tinanggap Siya at bumaling sa Panginoon. Kahiman siya ay abala sa gabi at araw sa paglalahad ng kaniyang naiisip na mga batas at utos ng Diyos, datapuwa’t nang Siya Na Hindi Napipigilan ay dumating, wala kahit isang titik noon ang pinakinabangan niya, kung hindi sana siya tumalikod sa isang Anyo na pinagliwanag ang mga mukha ng mahal na mahal ng Panginoon. Kung naniniwala kayo sa Diyos nang ipahayag Niya ang Kaniyang sarili, hindi sana Siya tinalikuran ng mga tao, hindi sana sumapit sa Amin ang mga bagay na nasaksihan ninyo. Matakot sa Diyos, at huwag maging yaong pabaya.

167. Mag-ingat na baka ang anumang pangalan ay makahadlang sa inyo mula sa Kaniya na Nagmamay-ari ng lahat ng Pangalan, o anumang salita ang maghiwalay sa inyo mula sa Alaala na ito ng Diyos, nitong Bukal ng Wastong Kaalaman na kasama ninyo. Bumaling sa Diyos at hanapin ang Kaniyang tangkilik, O kalipunan ng mga teologo, at huwag gawain ang inyong mga sarili na isang lambong sa pagitan Ko at ng Aking mga nilikha. Nang ganito, kayo ay binabalaan ng inyong Panginoon, at inuutusan kayo na maging makatarungan, kung hindi, baka ang inyong mga gawa ay mawalan ng kabuluhan at kayo mismo ay maging walang malay sa inyong kalagayan. Siya ba na nagtatuwa sa Kapakanan na ito ay magagawang panindigan ang katotohanan ng alinmang kapakanan sa buong sangnilikha? Hindi, saksi Siya Na Naghugis ng sangtinakpan! Subalit ang mga tao ay nababalot sa isang nadaramang lambong. Sabihin: Sa pamamagitan ng Kapakanan na ito ang araw-bituin ng pagpapatunay ay sumikat, at ang liwanag ng katibayan ay nagsabog ng ningning nito sa lahat ng nananahan sa kalupaan. Matakot sa Diyos, O mga tao na may pang-unawa, at huwag maging yaong hindi nananalig sa Akin. Mag-ingat na baka ang salitang “Propeta” ay hadlangan kayo mula dito sa Pinaka-Dakilang Patalastas, o anumang pagtukoy sa “Pamamalakad ng Kinatawan” ay mahadlangan kayo sa naghaharing kapangyarihan Niya Na Kinatawan ng Diyos, na sumasaklaw sa lahat ng mga daigdig. Bawat pangalan ay nilalang ng Kaniyang Salita, at bawat layunin ay nasasalalay sa Kaniyang hindi mapaglabanan, sa Kaniyang napakalakas at kamangha-manghang Kapakanan. Sabihin: Ito ang Araw ng Diyos, ang Araw na walang anuman ang babanggitin maliban sa Kaniyang Sarili, ang pinakamabisang Tagapagsanggalang ng lahat ng mga daigdig. Ito ang Kapakanan na ginawang mayanig ang lahat ng inyong mga pamahiin at diyus-diyosan.

168. Sa katunayan, nakikita Namin na nakakapiling ninyo siya na humahawak sa Aklat ng Diyos at sinisipi mula dito ang mga katibayan at katuwiran at ginagamit upang itatwa ang kaniyang Panginoon, katulad ng mga tagasunod ng bawat ibang Pananampalataya na naghanap ng mga dahilan sa kanilang mga Banal na Aklat upang pabulaanan Siya Na Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Sabihin: Ang Diyos, Siyang Tunay, ay ang Aking saksi na ni ang mga Banal na Kasulatan ng daigdig, o lahat ng mga aklat at kasulatan na kasalukuyang naririto, sa Araw na ito, ay makatutulong sa inyo kung wala ito, ang Nabubuhay na Aklat, Na ipinahahayag sa pinakabuod ng puso ng sangnilikha ang: “Sa katunayan, walang ibang Diyos maliban sa Akin, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.”

169. O kalipunan ng mga teologo! Mag-ingat na baka kayo ang maging dahilan ng tunggalian sa kalupaan, tulad ng inyong pagiging dahilan ng pagtatakwil sa Pananam-palataya sa mga unang araw nito. Tipunin ang mga tao sa palibot ng Salita na ito na ginawa ang maliliit na bato na isigaw ang: “Ang Kaharian ay sa Diyos, ang Pook-liwayway ng lahat ng mga palatandaan!” Sa gayon binabalaan kayo ng inyong Panginoon, bilang isang pagpapala mula sa Kaniya. Siya, sa katotohanan, ay ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Bukas-Palad.

170. Gunitain ninyo si Karím, at kung paano, nang ipatawag Namin siya tungo sa Diyos, siya ay naging mapanghamak, naudyukan ng kaniyang sariling mga hangarin; subalit ipinadala Namin sa kaniya yaong isang aliw sa paningin ng katibayan sa daigdig ng nabubuhay at ang katuparan ng patunay ng Diyos sa lahat ng mga mamamayan ng kalupaan at kalangitan. Bilang isang tanda ng pagpapala Niya Na Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinaka-Mataas, inutusan Namin siya na yakapin ang Katotohanan. Ngunit siya ay tinalikuran ito hanggang sa, bilang isang pagpapatupad ng katarungan mula sa Diyos, sinaklot siya ng mga anghel ng pagkapoot. Tunay na saksi Kami dito.

171. Punitin ang mga lambong sa gayong gawi na ang mga nananahan sa Kaharian ay maririnig na pinipilas na ang mga iyon. Ito ang utos ng Diyos noong mga araw na nakaraan at para doon sa mga darating. Pinagpala ang tao na sinusunod yaong iniutos sa kaniya, at pagdurusa naman ang sasapit sa pabaya.

172. Kami, nang nakatitiyak, ay walang pakay sa makalupang kaharian na ito maliban sa gawaing hayag ang Diyos at ang ipahayag ang Kaniyang naghaharing kapangyarihan; sapat sa Akin ang Diyos bilang isang saksi. Kami, nang nakatitiyak, ay walang layunin sa makalangit na Kaharian maliban sa ang dakilain ang Kaniyang Kapakanan at luwalhatiin ang Kaniyang pagpuri; sapat sa Akin ang Diyos bilang isang tagapagsanggalang. Kami, nang nakatitiyak, ay walang hangarin sa Kaharian sa kaitaasan maliban sa purihin nang maigi ang Diyos at anumang ipinadala Niya; sapat sa Akin ang Diyos bilang isang tagatulong.

173. Maligaya kayo, O kayo na marurunong ni Bahá. Saksi ang Diyos! Kayo ang mga alon ng Pinaka-Malawak na Karagatan, ang mga bituin ng papawirin ng Kaluwalhatian, ang mga bandila ng tagumpay na wumawagayway sa pagitan ng lupa at langit. Kayo ang mga kahayagan ng katatagan sa gitna ng mga tao at ang mga pamimitak ng Banal na Pananalita sa lahat ng nananahan sa kalupaan. Mabuti para sa kaniya na bumabaling sa inyo, at kapighatian naman ang sasapit sa palatutol. Sa araw na ito, nararapat sa sinuman na nakainom sa Mahiwagang Alak ng walang hanggang buhay mula sa mga Kamay ng mapagmahal na kagandahang-loob ng Panginoon na kaniyang Diyos, ang Mahabagin, na pumintig tulad ng tumitibok na artriya sa katawan ng sangkatauhan, na sa pamamagitan niya ay nabibigyang-buhay ang daigdig at bawat nadudurog na buto.

174. O mga tao ng daigdig! Kapag ang Mahiwagang Kalapati ay lumipad na mula sa Santuwaryo ng Papuri nito at hinanap ang malayong paroroonan nito, ang natatagong tirahan nito, idulog ninyo ang anumang hindi ninyo nauunawaan sa Aklat sa Kaniya Na nagsanga mula sa makapangyarihang Puno na ito.

175. O Panulat ng Pinaka-Mataas! Sumulat Ka sa Tableta ayon sa utos ng Iyong Panginoon, ang Manlilikha ng mga kalangitan, at isalaysay ang panahon nang Siya na Pamimitak ng Banal na Pagkakaisa ay nilayon na idako ang  mga yapak Niya patungo sa Paaralan ng Nangingibabaw na Kaisahan; harinawang sa gayon ay matamo ng dalisay ang  ang isang sulyap, kahima’t maging kasing liit ng butas ng karayom, sa mga kahiwagaan ng Iyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang may Walang-hanggang Kaalaman, na naroroong nakatago sa likod ng mga lambong. Sabihin: Kami, sa katunayan, ay pumasok sa loob ng Paaralan ng naloloob na kahulugan at pagpapaliwanag samantalang hindi namamalayan ng lahat ng nilikhang bagay. Nakita Namin ang mga salita na ipinadala Niya Na Mahabagin sa Lahat, at tinanggap Namin ang mga bersikulo ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap, na Kaniyang11 ibinigay sa Amin, at pinakinggan yaong taimtim na pinagtibay Niya sa Tableta. Ito ay tunay na nakita Namin. At Kami ay sumang-ayon sa naisin Niya sa pamamagitan ng Aming utos, sapagka’t tunay na Kami ay may kakayahan na mag-utos.

176. O mga tao ng Bayán! Kami, sa katunayan, ay tumuntong sa loob ng Paaralan ng Diyos nang kayo ay nakahimlay sa pagkakatulog; at binasa Namin ang Tableta samantalang kayo ay mahimbing na natutulog. Saksi ang iisang tunay na Diyos! Binasa Namin ang Tableta bago ito ipinahayag, samantalang hindi ninyo namamalayan, at Kami ay may lubos na kaalaman sa Aklat nang hindi pa man kayo isinisilang. Ang mga salita na ito ay naaayon sa inyong sukat, hindi sa Diyos. Dito ay nagpapatunay yaong nakadambana sa loob ng Kaniyang kaalaman, kung kayo ay yaong mga nakakatalos; at dito ang dila ng Makapangyarihan sa Lahat ay sumasaksi, kung kayo ay yaong mga nakauunawa. Sumusumpa Ako sa Diyos, na kung iaangat Namin ang lambong, kayo ay mapapatigagal.

177. Mag-ingat na hindi kayo makipagtalo nang walang kabuluhan tungkol sa Makapangyarihan sa Lahat at sa Kaniyang Kapakanan, sapagka’t, masdan! Siya ay humarap sa inyo nang taglay ang isang Rebelasyon na lubhang napakadakila na sumasaklaw sa lahat ng bagay, kahiman sa nakaraan o sa hinaharap. Kung tatalakayin Namin ang Aming paksa sa pananalita sa wika ng mga nananahan sa Kaharian, sasabihin Namin: “Sa katunayan, nilikha ng Diyos ang Paaralan na iyon bago Niya nilikha ang langit at lupa, at Kami ay pumasok dito bago pinagdugtong at pinagkabit ang mga pantig na Ma at Ging.” Gayon ang pananalita ng Aming mga tagapaglingkod sa Kaharian Namin; isaalang-alang kung ano ang bibigkasin ng dila ng mga nananahan sa dakilang Kaharian Namin; sapagka’t itinuro Namin sa kanila ang Aming kaalaman at ipinahayag sa kanila ang anumang natatago sa ganap na dunong ng Diyos. Gunitain kung gayon kung ano ang bibigkasin ng Dila ng Kapangyarihan at Kamahalan sa Kaniyang Maluwalhati sa Lahat na Tirahan!

178. Hindi ito isang Kapakanan na maaaring gawing isang laruan para sa inyong walang saysay na mga guni-guni, ni hindi isang larangan para sa hangal at sa duwag. Saksi ang Diyos, ito ay isang larangan ng mahusay na pag-unawa at pagkawalay, ng pananaw at pagpapataas, kung saan walang sinuman ang maaaring tadyakan ang kanilang mga kabayong pansugod liban sa magiting na mga mangangabayo ng Mahabagin, na pinutol ang lahat ng pagkagiliw sa daigdig ng nilalang. Ang mga ito, sa katotohanan, ay silang mga ginagawang matagumpay ang Diyos sa lupa, at mga pook-liwayway ng Kaniyang naghaharing kapangyarihan sa gitna ng sangkatauhan.

179. Mag-ingat na baka mailayo kayo mula sa inyong Panginoon, ang Pinaka-Madamayin, ng anumanang pinahayag sa Bayán. Ang Diyos ang Aking saksi na ang Bayán ay ipinadala sa tangi at wala nang iba pang layunin kundi ang ipagdiwang ang Aking papuri, kung nalalaman lamang ninyo! Ang matatagpuan dito ng dalisay ang puso ay ang halimuyak lamang ng Aking pagmamahal, ang Aking Pangalan lamang na sumasakop sa lahat ng nakakikita at nakikita. Sabihin: Bumaling kayo, O mga tao, doon sa nagmumula sa Aking Pinaka-Dakilang Panulat. Kung malalanghap ninyo mula doon ang halimuyak ng Diyos, na kayong lalaban pa sa Kaniya, ni ipagkait sa inyong sarili ang isang bahagi ng Kaniyang mapagmahal na tangkilik at ng Kaniyang maraming kaloob. Sa gayon, kayo ay binabalaan ng inyong Panginoon; Siya, sa katunayan, ang Tagapayo, ang may Walang-hanggang Kaalaman.

180. Anuman ang hindi ninyo nauunawaan sa Bayán, itanong ito sa Diyos, ang inyong Panginoon at ang Panginoon ng inyong mga ninuno. Kung nanaisin Niya, ipaliliwanag Niya para sa inyo yaong naipahayag doon, at isisiwalat sa inyo ang mga perlas ng Banal na kaalaman at wastong kadahilanan na natatago sa loob ng karagatan ng mga salita nito. Siya, sa katunayan, ay ang pinakamataas sa lahat ng mga pangalan; walang ibang Diyos maliban sa Kaniya, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

181. Ang paninimbang ng daigdig ay nagulo sa pamamagitan ng nakayayanig na impluwensiya nitong pinakadakila, nitong bagong Kaayusang Pandaigdig.  Ang maayos na pamumuhay ng sangkatauhan ay bigla at marahas na nabago sa pamamagitan nitong walang-kaparis, nitong kahanga-hangang Sistema—na ang katulad nito ay hindi pa kailanman nasaksihan ng mata ng tao.

182. Ilubog ang inyong sarili sa karagatan ng Aking mga salita, upang maibunyag ninyo ang mga lihim nito, at matuklasan ang lahat ng mga perlas ng wastong kaalaman na natatago sa mga kailaliman nito. Mag-ingat na kayo mag-ulik-ulik sa inyong matibay na pasiya na yakapin ang katotohanan ng Kapakanang ito—isang Kapakanan na sa pamamagitan nito ang mga natatagong lakas ng kapangyarihan ng Diyos ay nabunyag at ang Kaniyang naghaharing kapangyarihan ay naitatag. Nang may mga mukha na nagniningning sa kaligayahan, magmadaling magtungo sa Kaniya. Ito ang hindi nagbabagong Pananampalataya ng Diyos, walang hanggan sa nakaraan, walang hanggan sa kinabukasan. Hayaan siya na naghahanap ay matagpuan ito; at tungkol sa kaniya na tumangging hanapin ito—sa katunayan, ang Diyos ay may Sariling Kakayahan, higit sa anumang pangangailangan sa Kaniyang mga nilalang.

183. Sabihin: Ito ang di-nagkakamaling Timbangan na hawak ng Kamay ng Diyos, na kung saan ang lahat ng nasa mga langit at lahat ng nasa lupa ay titimbangin, at ang kapalaran nila ay pagpapasiyahan, kung kayo ay yaong mga naniniwala at nakauunawa sa katotohanan na ito. Sabihin: Ito ang Pinaka-Dakilang Pagpapatunay, na sa pamamagitan nito, ang pagiging totoo ng lahat ng katibayan sa mga nakaraang panahon ay naitatag na, na harinawang magkaroon kayo ng katiyakan sa mga iyon. Sabihin: Sa pamamagitan nito ang mahirap ay napayaman, ang marunong ay naliwanagan, at ang mga naghahanap ay nagawang makaakyat sa kinaroroonan ng Diyos. Mag-ingat na baka gawain itong sanhi ng pag-aaway ninyo. Maging matatag kayo sa inyong kapasiyahan, tulad ng di-natitinag na bundok, sa Kapakanan ng inyong Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Mapagmahal.

184. Sabihin: O pinagmumulan ng katiwalian! Iwanan ang iyong kinukusang pagkabulag, at bigkasin ang katotohanan sa gitna ng mga tao. Isinusumpa Ko sa Diyos na Ako ay lumuha para sa iyo nang makita ka na sinusunod ang iyong makasariling mga simbuyo at itinatakwil Siya Na nagbigay-anyo sa iyo at ginawa kang mabuhay. Gunitain ang magiliw na habag ng iyong Panginoon, at alalahanin kung paano ka Namin inaruga sa araw at sa gabi para sa paglilingkod sa Kapakanan. Matakot sa Diyos, at ikaw ay maging tunay na nagsisisi. Ipagpalagay na ang mga tao ay nalilito tungkol sa iyong katayuan, maipalalagay ba na ikaw mismo ay gayunding nalilito? Manginig sa harap ng iyong Panginoon at alalahaning muli ang mga araw nang ikaw ay tumayo sa harap ng Aming trono, at isinulat ang mga bersikulo na idinikta Namin sa iyo—mga bersikulo na ipinadala ng Diyos, ang Pinakamabisang Tagapagsanggalang, ang Panginoon ng kapangyarihan at lakas. Mag-ingat na baka mapigilan ka ng apoy ng iyong kapangahasan upang makarating sa Banal na Korte ng Diyos. Bumaling sa Kaniya, at huwag matakot dahilan sa iyong mga gawa. Siya, sa katotohanan, ay pinatatawad ang sinuman na ninanais Niya bilang isang pagpapala mula sa Kaniya; walang ibang Diyos maliban sa Kaniya, ang Laging Nagpapatawad, ang Magandang-Loob sa Lahat. Pinapayuhan ka Namin alang-alang lamang sa Diyos. Kung tatanggapin mo ang payo na ito, ikaw ay kikilos para sa sarili mong kabutihan; at kung tatanggihan mo ito, ang iyong Panginoon, sa katunayan, ay tunay na hindi ka kinakailangan, at gayundin ang lahat noong mga sumusunod sa iyo na maliwanag na naliligaw. Masdan! Hawak na ng Diyos siya na nanligaw sa iyo. Bumalik sa Diyos, nang mapagpakumbaba, masunurin, at nagpapakababa; sa katunayan, papawiin Niya sa iyo ang iyong mga kasalanan, sapagka’t ang iyong Panginoon, nang nakatitiyak, ay ang Nagpapatawad, ang Makapangyarihan, ang Mahabagin sa Lahat.

185. Ito ang Payo ng Diyos; harinawang pakinggan mo ito! Ito ang Pagpapala ng Diyos, harinawang tanggapin mo ito! Ito ang Pananalita ng Diyos, kung iyo lamang iintindihin ito! Ito ang Kayamanan ng Diyos, kung uunawain mo lamang ito!

186. Ito ay isang Aklat na naging Tanglaw ng Kawalang-hanggan sa daigdig, ang Kaniyang tuwid at di-lumilihis na Landas sa gitna ng mga tao sa daigdig. Sabihin: Ito ang Pamimitak ng kaalamang Dibino, kung kayo ay yaong mga nakababatid, at ang Pook-liwayway ng mga kautusan ng Diyos, kung kayo ay yaong mga nakauunawa.

187. Huwag bigyan ng gawain ang isang hayop nang higit pa sa makakaya nito. Kami, sa katotohanan, ay ipinagbabawal ang gayong pagtrato sa pamamagitan ng isang mahigpit na pinaiiral na kautusan sa Aklat. Maging mga sagisag kayo ng katarungan at walang kinikilingan sa gitna ng buong sangnilikha.

188. Kung sinuman ang kumitil ng buhay ng iba nang hindi sinasadya, nararapat sa kaniya na magbigay sa kaanak ng nasawi ng isang kabayaran na isandaang mithqál ng ginto. Sundin ninyo yaong iniuutos sa inyo sa Tabletang ito, at huwag maging yaong mga lumalampas sa mga hangganan nito.

189. O mga kaanib ng mga parliyamento sa buong daigdig! Pumili kayo ng isang wika lamang para gamitin ng lahat ng nasa daigdig, at pumili kayo, gayundin, ng isang pagsulat na para sa lahat. Ang Diyos, sa katunayan, ay ginagawang maliwanag para sa inyo yaong makabubuti sa inyo at magagawa kayong hindi aasa sa iba. Siya, sa katotohanan, ay ang Pinaka-Mapagbigay-biyaya, ang Nakababatid ng Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat. Ito ay magiging sanhi ng pagkakaisa. kung mawawatasan ninyo ito, at ang pinakadakilang istrumento para sa pagtataguyod ng pagkakasundo at kabihasnan, harinawang makaunawa kayo! Kami ay nagtakda ng dalawang palatandaan para sa pagdating ng kaganapan ng sangkatauhan: ang una, na pinakamatatag na saligan, ay inihayag Namin sa ibang mga Tableta Namin, samantalang ang ikalawa ay ipinahayag sa kamangha-manghang Aklat na ito.

190. Ipinagbabawal sa inyo ang humitit ng opyo. Kami, sa katotohanan, ay ipinagbabawal ang gawaing ito sa pamamagitan ng isang pinaka-matinding pagpapairal ng utos sa Aklat. Kung sinuman ang gagamit niyon, tiyak na siya ay hindi sa Akin. Matakot sa Diyos, O kayo na pinagkalooban ng

•    •    •

Ilang mga Kasulatang Ipinahayag ni Bahá’u’lláh bilang Karagdagan sa Kitáb-i-Aqdas

*

Ilang bilang ng mga Tableta na ipinahayag ni Bahá’u’lláh pagkatapos ng Kitáb-i-Aqdás ay naglalaman ng mga sipi na karagdagan sa mga itinadhana sa Pinakabanal na Aklat. Ang pinakamahalaga sa mga ito ay nailathala sa Tablets of Bahá’u’lláh revealed after the Kitáb-i-Aqdás.  Kasama sa bahaging ito ay ang isang halaw mula sa Tableta ng Ishráqát. Ang Teksto ng tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa na tinutukoy sa mga Katanungan at Kasagutan at ang Dalangin para sa Yumao na binanggit sa Teksto, gayundin ay muling inilathala rito.

*

Ang Tableta ng Ishráqát

Ang Ika-Walong Ishráq

 

Ang sipìng ito, na ngayon ay isinulat ng Panulat ng Luwalhati, ay ipinapalagay bilang bahagi ng Pinakabanal na Aklat: Ipinabahala sa mga tao ng House of Justice ng Diyos ang mga gawain ng mga tao. Sila, sa katotohanan, ang mga Katiwala ng Diyos sa Kaniyang mga tagapaglingkod at ang mga pamimitak ng Kapangyarihan sa Kaniyang mga bansa.

O mga tao ng Diyos! Yaong nagtuturo sa daigdig ay ang Katarungan, sapagkat ito ay pinagtitibay ng dalawang haligi, ang gantimpala at kaparusahan. Ang dalawang haliging ito ang mga pinanggagalingan ng buhay sa daigdig. Dahil sa bawat araw ay may bagong suliranin at sa bawat suliranin ay may angkop na kalutasan, ang gayong mga suliranin ay dapat iharap sa House of Justice na ang mga kasapi niyon ay maaaring kumilos sang-ayon sa mga nararapat at mga pangangailangan ng panahon. Silang bumangon, alang-alang sa Diyos, upang paglingkuran ang Kaniyang Kapakanan, ay ang mga tumatanggap ng banal na inspirasyon mula sa di-nakikitang Kaharian. Tungkulin ng lahat na sumunod sa kanila. Lahat ng mga gawaing Pampamahalaan ay dapat ibigay sa House of Justice, ngunit ang mga gawaing pagsamba ay dapat gawin sang-ayon doon sa inihayag ng Diyos sa Kaniyang Aklat.

O mga tao ng Bahá! Kayo ang mga pook-liwayway ng pag-ibig ng Diyos at ang mga pamimitak ng Kaniyang mapagmahal na kagandahang-loob. Huwag dungisan ang inyong mga dila ng pagsumpa at ng paninira sa sinumang kaluluwa, at pangalagaan ang inyong mga mata laban doon sa hindi nararapat. Ilahad yaong inyong taglay, kung ito ay tanggapin nang mabuti, natamo ninyo ang inyong adhikain; kung hindi, ang pagtutol ay walang saysay. Iwanan ang kaluluwang iyon sa kaniyang sarili at bumaling sa Panginoon, ang Tagapagsanggalang, ang Sariling-Ganap. Huwag maging sanhi ng kalungkutan, lalo na ang salungatan at tunggalian. Inimimithi ang pag-asa na matamo ninyo ang tunay na edukasyon sa lilim ng puno ng Kaniyang magiliw na mga kahabagan at kumilos sang-ayon doon sa ninanais ng Diyos. Kayo ay ang mga dahon ng iisang puno at ang mga patak ng iisang karagatan. 

(Tablets of Bahá’u’lláh revealed after the Kitáb-i-Aqdás)

Mahabang Dalanging Katungkulang Isagawa

Dapat Usalin Minsan sa Dalawampu’t Apat na Oras

Sinumang nagnanais na umusal sa panalanging ito, hayaang siya ay tumindig at humarap sa Diyos, at, habang siya ay nakatayo sa kaniyang lugar, hayaang siya ay tumingin sa kanan at sa kaliwa, na waring naghihintay ng habag ng kaniyang Panginoon, ang Pinaka-Mahabagin, ang Madamayin. Pagkatapos, hayaang sabihin niya:

O Ikaw na Panginoon ng lahat ng mga pangalan at Lumikha ng mga kalangitan! Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan nila Na mga Pamimitak ng Iyong di-nakikitang Kalikasan, ang Pinaka-Dakila, ang Maluwalhati sa Lahat, na sa aking dalangin ay lumikha ng isang apoy na sisilab sa mga lambong na naglingid sa akin sa Iyong kagandahan, at ng isang liwanag na mag-aakay sa akin patungo sa karagatan ng pagkamalas sa Iyo.

Pagkatapos, hayaang itaas niya ang kaniyang mga kamay sa pagsusumamo sa Diyos – pagpalain at luwalhatiin Siya – at sabihin:

O Ikaw na Mithiin ng daigdig at Minamahal ng mga bansa! Nakikita Mo akong bumabaling sa Iyo, at malaya sa lahat ng kaugnayan sa anuman maliban sa Iyo, at nangangapit sa Iyong kuldon na sa paggalaw nito ang buong santinakpan ay napukaw. Ako ang Iyong tagapaglingkod, O aking Panginoon, at anak ng Iyong tagapaglingkod. Iyo akong masdan nang nakatayo at handang gawain ang Iyong kalooban at ang Iyong nais, at walang ibang hinahangad maliban ang Iyong mabuting kasiyahan. Isinasamo ko sa Iyo sa Karagatan ng Iyong kahabagan at sa Araw-Bituin ng Iyong biyaya na gawain sa Iyong tagapaglingkod ang Iyong niloloob at ikinasisiya. Sa Iyong kapangyarihan na di-makakayang abutin ng lahat ng pagbanggit at pagpuri! Anuman ang Iyong ipinahayag ay ang hangarin ng aking puso at ang minamahal ng aking kaluluwa. O Diyos, aking Diyos! Huwag tingnan ang aking mga pag-asa at ang aking mga gawa, sa halip tingnan ang Iyong kalooban na pumapalibot sa mga kalangitan at kalupaan. Saksi ang Iyong Pinaka-Dakilang Pangalan, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng mga bansa! Ang tanging hangad ko ay ang Iyong hinahangad, at ang tanging pag-ibig ko ay ang Iyong iniibig.

Hayaang siya ay lumuhod, at nang nakayukod ang noo sa lupa, hayaang sabihin niya:

Ikaw ay dakila nang higit sa paglalarawan ng sinuman maliban sa Iyong Sarili, at pag-unawa ng sinumang iba pa liban sa Iyo.

Hayaang siya ay tumindig at sabihin:

Gawain ang aking dalangin, O aking Panginoon, na isang bukal ng mga buhay na tubig upang dito ako ay maaaring mabuhay habang nananatili ang Iyong paghahari, at maaaring banggitin kita sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig.

Hayaang muling itaas niya ang kaniyang mga kamay sa pagsusumamo, at sabihin:

O Ikaw na ang pagkalayo sa Iyo ay ikinatutunaw ng mga puso at kaluluwa, at sa pamamagitan ng apoy ng Iyong pag-ibig ay nagliyab ang buong daigdig! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong pangalan na sumakop sa buong santinakpan, na huwag ipagkait sa akin yaong nasa sa Iyo, O Ikaw Na naghahari sa lahat ng tao! Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang dayuhang ito na nagmamadaling patungo sa kaniyang pinakadakilang tahanan sa lilim ng bubong ng Iyong kamahalan at sa loob ng mga bakuran ng Iyong kahabagan; at ang nagkasalang ito na hinahanap ang karagatan ng Iyong kapatawaran; at ang abang ito na hinahanap ang liwasan ng Iyong kaluwalhatian; at ang dukhang ito na hinahanap ang kinaroroonan ng Iyong kayamanan. Nasa Iyo ang kapangyarihan na mag-atas ng anumang Iyong niloloob.  Saksi ako na Ikaw ay dapat purihin sa Iyong mga ginagawa, at dapat sundin ang Iyong mga utos, at dapat manatiling hindi napipigilan sa Iyong mga pag-uutos.

Hayaang itaas niya ang kaniyang mga kamay at bigkasin nang tatlong ulit ang Pinaka-Dakilang Pangalan. Hayaan siyang yumuko nang nakapatong ang mga kamay sa mga tuhod sa harap ng Diyos—pagpalain at luwalhatiin Siya—at sabihin:

Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong ang aking espiritu ay ginising sa loob ng aking mga kamay at paa at mga bahagi ng aking katawan, sa paghahangad nitong sumamba sa Iyo, at sa pagnanasa nitong gunitain Ka at luwalhatiin Ka; kung papaanong pinatutunayan nito yaong pinatunayan ng Dila ng Iyong Kautusan sa kaharian ng Iyong pananalita at sa kalangitan ng Iyong kaalaman. Ninanais ko, sa ganitong kalagayan, O aking Panginoon, na hilingin sa Iyo ang lahat ng nasa Iyo, upang maipakita ko ang aking karukhaan, at mapalaki ang Iyong pagpapala at ang Iyong mga kayamanan, at maipahayag ang aking kawalang-kakayahan, at maipakita ang Iyong lakas at ang Iyong kapangyarihan. 

Hayaang siya ay tumayo at dalawang ulit na itaas sa pagsusumamo ang kaniyang mga kamay, at sabihin:

Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapang-yarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nagtatadhana sa simula at sa wakas. O Diyos, aking Diyos! Ang Iyong pagpapatawad ay nakapagpatapang sa akin, at ang Iyong habag ay nakapagpalakas sa akin, at ang Iyong panawagan ay nakapukaw sa akin, at ang Iyong biyaya ay nakapagpabangon sa akin, at umakay sa akin tungo sa Iyo. Sino, kung gayon, ako na magtatangkang tumayo sa pintuan ng lungsod ng Iyong pagkakalapit, o iharap ang aking mukha sa mga liwanag na nagniningning sa langit ng Iyong kalooban? Iyong nakikita, O aking Panginooon, ang hamak na nilikhang ito na kumakatok sa pintuan ng Iyong pagpapala, at ang napaparam na kaluluwang ito na nagha-hanap sa ilog ng walang hanggang buhay buhat sa mga kamay ng Iyong pagpapala. Nasa Iyo ang pag-uutos sa lahat ng panahon, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng pangalan; at nasa akin ang pagtanggap at handang pagpapasailalim sa Iyong kalooban, O Maylikha ng mga kalangitan!

Hayaang itaas niya nang tatlong ulit ang kaniyang mga kamay at sabihin:

Higit na dakila ang Diyos kaysa sa bawat ibang dakila!

Hayaang lumuhod siya, at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:

Ikaw ay napakataas para sa papuri ng mga malapit sa Iyo upang makaakyat sa kalangitan ng Iyong pagkamalapit, o para sa mga ibon ng mga puso ng matatapat sa Iyo upang makarating sa bungad ng Iyong pintuan. Pinatutunayan ko na Ikaw ay pinagpala nang higit sa lahat ng mga katangian at banal sa lahat ng mga pangalan. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Pinaka-Dakila, ang Maluwalhati sa Lahat.

Hayaang umupo siya at sabihin:

Pinatutunayan ko yaong pinatunayan ng lahat ng nilalang na bagay, at ng Kalipunan sa itaas, at ng mga nananahan sa Paraiso ng pinakamataas sa lahat, at sa kabila ng mga iyon ay ang Dila ng Kamaharlikaan mismo mula sa maluwalhati sa lahat na Sugpungang-Guhit; na Ikaw ang Diyos, na walang ibang Diyos maliban sa Iyo, at Siya Na inihayag ay ang Natatagong Hiwaga, ang Pinaka-iingatang Sagisag, na sa pamamagitan Niya ang mga pantig na Ma at Ging ay napagkabit at napagsama. Pinatutunayan ko na Siya yaong ang pangalan ay isinulat ng panulat ng Pinakamataas, at Siya yaong binanggit sa mga Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba.

Hayaang tumindig siya nang tuwid at sabihin:

O Panginoon ng lahat ng nilalang at Nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita!  Iyong nakikita ang aking mga luha at naririnig ang aking mga buntung-hininga; at napakikinggan ang aking pagdaing, at ang aking pagtangis, at ang paghihinagpis ng aking puso. Saksi ang Iyong kapangyarihan! Ang aking mga pagkakamali ay nakapigil sa akin sa paglapit sa Iyo; at ang aking mga pagka-kasala ay nakapagpalayo sa akin sa liwasan ng Iyong kabanalan. Ang Iyong pag-ibig, O aking Panginoon, ay nag-payaman sa akin, at ang pagkahiwalay sa Iyo ay nakawasak sa akin, at ang pagkalayo sa Iyo ay nakatupok sa akin. Isina-samo ko sa Iyo sa pamamagitan ng mga bakas ng Iyong paa sa kagubatang ito, at sa pamamagitan ng mga salitang “Naririto Ako. Naririto Ako” na binigkas ng Iyong mga pinili sa kalawakang ito, at sa mga hininga ng Iyong Rebelasyon, at sa malulumanay na hangin ng Pagbubukang-liwayway ng Iyong Kahayagan, na itadhana na mamalas ko ang Iyong kagandahan at sundin ang anumang nasa Iyong Aklat.

Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan, at yumuko nang nakapatong sa mga tuhod ang mga kamay at sabihin:

Luwalhati sa Iyo, O aking Diyos na ako ay Iyong tinulungan upang Ikaw ay gunitain at Ikaw ay purihin, at Iyong ipinabatid sa akin Siya na Pamimitak ng Iyong mga palatandaan, at naging sanhi upang ako ay yumuko sa harap ng Iyong pagka-Panginoon, at magpakumbaba ng aking sarili sa harap ng Iyong Pagka-Diyos, at tanggapin yaong binanggit ng Dila ng Iyong kamaharlikaan.

Hayaang siya ngayon ay tumayo at sabihin:

O Diyos, aking Diyos! Ang aking likod ay nabaluktot sa bigat ng aking mga pagkakasala, at ang aking kapabayaan ay sumira sa akin. Kailanmang limiin ko ang aking mga ginagawang masama at ang Iyong kabaitan, ang aking puso ay natutunaw sa loob ng aking sarili, at ang aking dugo ay kumukulo sa aking mga ugat. Saksi ang Iyong Kagandahan, O Ikaw na Mithiin ng daigdig! Namumula ako sa hiya kung ako ay magtataas ng mukha sa Iyo, at ang aking nananabik na mga kamay ay napapahiyang umunat tungo sa kalangitan ng Iyong pagpapala. Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong pinipigilan ako ng aking mga luha sa paggunita sa Iyo at sa pagbibigay-puri sa Iyong mga katangian, O Ikaw na Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng mga palatandaan ng Iyong Kaharian at sa mga hiwaga ng Iyong Kapangyarihan na gawain sa Iyong mga mina-mahal sang-ayon sa Iyong pagpapala, O Panginoon ng lahat ng nilalang, at yaong karapat-dapat sa Iyong biyaya, O Hari ng nakikita at ng di-nakikita!


Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinaka-Dakilang Pangalan, at lumuhod nang nasa lupa ang kaniyang noo, at sabihin:

Purihin Ka nawa, O aming Diyos, pagka’t Iyong inihulog sa amin yaong naglalapit sa amin sa Iyo, at Iyong ipinagkaloob sa amin ang bawat mabuting bagay na Iyong ipinadala sa Iyong mga aklat at sa Iyong mga banal na kasulatan. Iyo kaming iligtas, sumasamo kami sa Iyo, O aking Panginoon, sa mga hukbo ng mga walang kabuluhang mga isipan at walang saysay na mga guni-guni. Ikaw sa kato-tohanan, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid ng Lahat.

Hayaang itaas niya ang kaniyang ulo, at iupo ang kaniyang sarili, at sabihin:

Pinatutunayan ko, O aking Diyos, yaong pinatunayan ng Iyong mga hinirang, at tinatanggap yaong tinanggap ng mga nananahan sa pinakamataas sa lahat na Paraiso at yaong mga tinanggap ng mga lumilibot sa Iyong makapang-yarihang Trono. Ang mga kaharian ng kalupaan at kalangitan ay Iyo, O Panginoon ng mga daigdig!

(Prayers and Meditations by Bahá’u’lláh, CLXXXIII)

Katamtamang Dalanging Katungkulang Isagawa 

Dapat usalin araw-araw, sa umaga, sa tanghali at sa gabi

Sinuman ang nagnanais na manalangin, hayaang hugasan niya ang kaniyang mga kamay, at samantalang siya ay naghuhugas, hayaang sabihin niya:

Palakasin ang aking kamay, O aking Diyos, upang magawa nitong hawakan ang Iyong Aklat nang buong katatagan at nang ang mga hukbo ng daigdig ay hindi makapanaig dito. Ingatan ito, kung gayon, upang hindi makialam sa anumang hindi niya pag-aari. Ikaw, sa katunayan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.

At habang naghihilamos, hayaang sabihin niya:

Ibinaling ko ang aking mukha sa Iyo, O aking Panginoon! Tanglawan ito ng liwanag ng Iyong kaanyuan. Pangalagaan ito, kung gayon, sa pagbaling sa sinuman liban sa Iyo.

Pagkatapos hayaan siyang tumayo, at nakaharap sa Qiblih (Pook ng Pagsamba, alalaon baga ay ang Bahjí, ‘Akká), hayaang sabihin niya:

Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kaniya. Kaniya ang mga kaharian ng Rebelasyon at ng sangnilikha. Siya, sa katotohanan, ang nagpahayag sa Kaniya na Pamimitak ng Rebelasyon, Na nakipag-usap sa Sinai, na sa pamamagitan Niya ang Kataas-taasang Sugpungang-guhit ay ginawang sumikat, at ang Puno ng Lote na sa kabila niyon ay wala ng nakalalampas, at sa pamamagitan Niya ang panawagan ay ipinatalastas sa lahat ng nasa langit at nasa lupa: “Masdan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ay dumating na. Ang lupa at langit, kaluwalhatian at kaharian ay sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng tao, ang Nagmamay-ari ng Trono sa itaas at sa daigdig sa ibaba!” 

Hayaan siya, pagkatapos, na yumuko, nang ang mga kamay ay nakapatong sa mga tuhod, at sabihin:

Ikaw ay higit na dakila kaysa sa aking pagpupuri at sa pagpupuri ng sinuman bukod sa akin, higit sa aking paglalarawan at paglalarawan ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa!

Pagkatapos, nang nakatayo na bukas ang mga kamay, ang mga palad ay nakataas at nakaharap sa mukha, hayaang sabihin niya:

Huwag biguin, O aking Diyos, siya na may nagsu-sumamong mga daliri, ay nangapit sa laylayan ng Iyong kahabagan at ng Iyong biyaya, O Ikaw Na sa lahat ng nagpapakita ng habag ay ang Pinaka-Mahabagin!

Hayaan siya, pagkatapos, na maupo at sabihin:

Sumasaksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkaisa, na ikaw ang Diyos, at wala ng iba pang Diyos maliban sa Iyo. Sa katunayan, Iyong ipinahayag ang Iyong Kapakanan, tinupad ang Iyong Banal na Kasunduan, at binuksan nang maluwang ang pinto ng Iyong biyaya sa lahat ng nananahan sa langit at sa lupa. Ang pagpapala at kapayapaan, pagbati at luwalhati, ay matuon sa Iyong mga minamahal, na ang mga pagbabago at pagkakataon ng daigdig ay hindi nakapigil sa kanila upang bumaling sa Iyo, at yaong ibinigay ang lahat ng nasa kanila, sa pag-asang matamo yaong nasa Iyo.  Ikaw, sa katunayan, ang Laging Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.

(Kung nais ng sinuman na usalin, sa halip ng mahabang taludtod ang mga katagang ito: “Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kaniya, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap,” ito ay makasasapat. Gayundin, makasasapat na kung habang nakaupo ay usalin niya ang mga salitang ito: “Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong Pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, na walang iba pang Diyos liban sa Iyo.”)

(Prayers and Meditations by Bahá’u’lláh, CLXXXII)

*

Maikling Dalanging Katungkulang Isagawa

Dapat usalin minsan sa dalawampu’t apat na oras, sa tanghali

Saksi ako, O aking Diyos, na ako ay Iyong nilalang upang Ikaw ay kilalanin at Ikaw ay sambahin.  Sumasaksi ako, sa sandaling ito, sa aking kawalang-lakas at sa Iyong kapangyarihan, sa aking karukhaan at sa Iyong kayamanan.

Walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

(Prayers and Meditations by Bahá’u’lláh, CLXXXI)

*

Dalangin para sa Yumao

O aking Diyos! Ito ay ang Iyong tagapaglingkod at anak ng Iyong tagapaglingkod na nanalig sa Iyo at sa Iyong mga palatandaan, at nagbaling ng kaniyang mukha sa Iyo, ganap na nakahiwalay sa lahat maliban sa Iyo. Ikaw, sa katunayan, ang pinaka-mahabagin sa lahat ng nagpapakita ng habag.

Pakitunguhan siya, O Ikaw Na nagpapatawad sa mga kasalanan ng tao at nagkukubli sa kanilang mga pagkakamali, na nararapat sa kalangitan ng Iyong biyaya at sa karagatan ng Iyong pagpapala. Pahintulutan siyang makahantong sa loob ng Iyong nangingibabaw na habag na naroroon bago pa maitatag ang lupa at langit.  Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Bukas-Palad.

Hayaang pagkatapos nito, na ulitin nang anim na beses ang bati na “Alláh-u-Abhá”, at pagkatapos ay ulitin ng labing siyam na beses ang bawat isa sa mga sumusunod na mga taludtod:

Kaming lahat, sa katunayan, ay sumasamba sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay yumuyuko sa harap ng Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay matapat sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay nagbibigay ng papuri sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay mapagtiyaga sa Diyos.

(Kung ang yumao ay isang babae, hayaang sabihin niya: Ito ang Iyong tagapaglingkod na babae at anak ng Iyong tagapaglingkod na babae,...)

(Prayers and Meditations by Bahá’u’lláh, CLXVII)

 

•    •    •

Mga Katanungan at Kasagutan

 

1. Tanong: Tungkol sa Pinaka-Dakilang Pagdiriwang.

Sagot: Ang Pinaka-Dakilang Pagdiriwang ay nagsisimula sa pagpasok ng dilim ng hapon ng ika-labing tatlong araw ng ikalawang buwan ng taon sang-ayon sa Bayán. Sa una, ika-siyam at ika-labindalawang mga araw ng Pagdiriwang na ito, ipinagbabawal ang pagtratrabaho.

2. Tanong: Tungkol sa Pagdiriwang ng Kambal na Kaarawan.

Sagot: Ang kapanganakan ng Kagandahan ng Abhá1 ay sa oras ng bukang liwayway sa ikalawang araw ng buwan ng Muharram,2 na sa unang araw nito ay ang Kapanganakan ng Kaniyang Tagapag-patalastas. Ang dalawang araw na ito ay ibinibilang na iisa sa paningin ng Diyos.

3. Tanong: Tungkol sa mga Bersikulo ng Kasal.3 


Sagot: Para sa mga lalake: “Lahat kami, sa katunayan, ay susunod sa Kalooban ng Diyos.”  Para sa mga babae: “Lahat kami, sa katunayan, ay susunod sa Kalooban ng Diyos.”

4. Tanong: Kung ang isang lalake ay maglalakbay nang walang tiyak na panahon para sa kaniyang pagbabalik—nang hindi sinasabi, sa ibang salita, ang inaasahang tagal ng kaniyang pagkawala—at pagkatapos noon, kung walang balitang maririnig tungkol sa kaniya, at lahat ng bakas niya ay mawawala, anong hakbang ang dapat gawain ng kaniyang maybahay?

Sagot: Kung hindi siya nakapagtakda ng araw para sa kaniyang pagbabalik sa kabila ng pagkakaalam sa itinadhana sa Kitáb-i-Aqdas tungkol dito, ang kaniyang maybahay ay dapat maghintay ng isang buong taon, na pagkatapos nito ang maybahay ay magiging malaya upang gawain ang hakbang na kapuri-puri, o pumili para sa kaniyang sarili ng ibang asawa. Gayunpaman, kung hindi nalalaman ng lalake ang itinadhanang ito, ang maybahay ay dapat na matiyagang manatiling tapat hanggang sa panahong nanaisin ng Diyos na isiwalat sa kaniya ang kapalaran ng asawa. Ang kahulugan ng hakbang na kapuri-puri na kaugnay nito ay ang pagsasagawa ng pagtitiis.

5. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo: “Nang Aming marinig ang maingay na pamimilit ng mga batang hindi pa ipinanganganak, Aming dinoble ang kanilang bahagi at binawasan yaong sa natitira.”

Sagot: Sang-ayon sa Aklat ng Diyos, ang ari-arian ng pumanaw ay nahahati sa 2,520 na bahagi, na ang bilang na ito ay ang pinakamababang nila-laman na numero ng lahat ng mga buong bilang hanggang siyam, at ang mga bahaging ito, ay hinahati sa pitong parte, na bawat isa noon ay ibinibigay, tulad ng nabanggit sa Aklat, sa natatanging uri ng mga tagapagmana. Ang mga anak, halimbawa, ay binig-yan ng siyam na parte na mayroong 60 bahagi, na binubuo ng 540 na bahagi sa kabuuan. Ang kahulugan ng pahayag na “Aming dinoble ang kanilang bahagi” ay yaong ang mga bata ay makatatanggap pa ng karagdagang siyam na parte na may 60 bahagi, na nagbibigay sa kanila ng karapatan sa kabuuang 18 parte. Ang karagdagang mga bahagi na kanilang tatanggapin ay ibinabawas mula sa mga bahagi ng ibang uri ng mga tagapagmana, kung kaya, kahiman ipinahayag, halimbawa, na ang asawa ay may karapatan sa “walong parte na binubuo ng apatnaraan at walumpung bahagi”, na katumbas ng walong parte na may 60 bahagi, ngayon, dahilan sa bagong pagsasaayos na ito, isa at kalahating parte ng mga bahagi, na binubuo ng 90 na bahagi ang kabuuan, ay binawas mula sa parte ng asawa at ibinigay sa mga anak, at gayundin sa kaso ng iba. Ang kinalabasan nito ay yaong kabuuang dami na binawas ay katumbas ng siyam na parte ng mga bahagi na ibinibigay sa mga anak.

6. Tanong: Kinakailangan ba na ang kapatid na lalake, upang magkaroon ng karapatan sa kaniyang bahagi na mamamanahin, ay manggaling mula rin sa ama at ina ng yumao, o sapat na bang isa lamang sa magulang ang kapwa nila pinagmulan?

Sagot: Kung ang kapatid na lalake ay mula sa ama, tatanggapin niya ang kaniyang bahagi sa mana sang-ayon sa itinadhanang antas na nakatala sa Aklat; ngunit kung siya ay nagmula sa ina, tatanggap lamang siya ng dalawang ikatlong bahagi ng kaniyang karapatan, ang natitirang ikatlong bahagi ay pupunta sa House of Justice. Ang alituntunin na ito ay umiiral din sa kapatid na babae.

7. Tanong: Sa mga itinadhana tungkol sa mana, ipinag-utos na kung ang pumanaw ay hindi nakapag-iwan ng anak, ang kanilang bahagi sa ari-arian ay tutungo sa House of Justice. Sa kaso ng ibang uri ng mga tagapagmana, tulad ng ama, ina, kapatid na lalake, kapatid na babae at guro ay gayunding mga wala, ang kanilang mga bahagi ba sa mga mamanahin ay tutungo rin sa House of Justice, o ang mga iyon ba ay isasaayos sa ibang paraan?

Sagot: Ang banal na bersikulo ay sapat na. Sinabi Niya, purihin ang Kaniyang Salita: “Kung ang yumao ay hindi nag-iwan ng anak, ang kanilang bahagi ay mauuwi sa House of Justice” atbp. at “Kung ang yumao ay mag-iwan ng anak, ngunit wala doon sa ibang mga uri ng mga tagapagmana na binanggit sa Aklat, tatanggapin nila ang dalawang ikatlong bahagi ng mana at ang natitirang bahagi ay pupunta sa House of Justice”, atbp.  Sa ibang salita, kung walang anak, ang naitakdang bahagi ng mana para sa kanila ay tutungo sa House of Justice; at kung mayroong anak ngunit wala noong ibang uri ng mga tagapagmana, dalawang ikatlong bahagi ng mana ay pupunta sa anak, ang natitirang ikatlong bahagi ay pupunta sa House of Justice. Ang alituntuning ito ay kapwa may pangkalahatan at natatanging pagpapairal, alalaon baga ay kailanmang wala ang alinman sa uri nitong nahuhuling uri ng mga tagapagmana, dalawang ikatlong bahagi ng kanilang mamanahin ay tutungo sa anak at ang nanatitirang ikatlong bahagi ay sa House of Justice.

8. Tanong: Tungkol sa pinagbabatayang halaga kung saan dapat na magbayad ng Huqúqu’lláh.

Sagot: Ang pinagbabatayang halaga kung saan magbabayad na ng Huqúqu’lláh ay labing siyam na mithqál ng ginto. Sa ibang salita, kung ang salapi na nagkakahalaga ng ganitong halaga ay nakamtan, nararapat na magbayad ng Huqúq. Gayundin, kailangang magbayad ng Huqúq kung ang halaga, hindi ang bilang, ng ibang uri ng mga ari-arian ay umabot na sa itinakdang halaga. Ang Huqúqu’lláh ay binabayaran minsan lamang. Ang isang tao, halimbawa, na nagkaroon ng isang libong mithqál ng ginto, at nagbayad ng Huqúq, ay hindi na kinakailangang magbigay ng isang karagdagang kabayaran sa halagang ito, kundi doon lamang sa madadagdag dito sa pamamagitan ng pangangalakal, negosyo at mga katulad nito. Kapag ang karagdagang ito, iyon ay ang naging tubo, ay umabot sa itinakdang halaga, dapat niyang isagawa ang iniuutos ng Diyos. Sa pagkakataon na ang puhunan ay napasa-ibang kamay, doon lamang dapat magbayad muli ng Huqúq, tulad noong una. Ang Pinagmulang Tuldok ay nag-atas na ang Huqúqu’lláh ay dapat bayaran batay sa halaga ng anumang pag-aari; subalit dito sa Pinaka-Makapangyarihang Dispensasyon, Aming pinahi-hintulutan na hindi na ipagbayad ang mga kasangkapan sa bahay, iyon ay ang mga kasangkapan na kinakailangan, at ang bahay mismo.

9. Tanong: Alin ang dapat mauna: ang Huqúqu’lláh, ang mga utang ng pumanaw o ang gugugulin sa pagpapalibing? 

Sagot: Ang pagpapalibing ang dapat mauna, pagkatapos ay ang pagbabayad sa mga utang, pagkatapos ay ang pagbabayad ng Huqúqu’lláh. Kung ang ari-arian ng namatay ay mapatunayang kapos upang mabayaran ang kaniyang mga pagkakautang, ang natitira sa kaniyang mga ari-arian ay dapat ipamahagi sa mga pagkakautang na ito sang-ayon sa laki ng mga iyon.

10. Tanong: Ang pag-aahit ng ulo ay ipinagbabawal sa Kitáb-i-Aqdas, ngunit iniuutos sa Súriy-i-Haji.

Sagot: Lahat ay inuutusang sumunod sa Kitáb-i-Aqdas; anuman ang ipinahayag dito ay ang Batas ng Diyos sa Kaniyang mga tagapaglingkod. Ang tagubilin sa mga peregrino sa banal na Tahanan na ahitin ang ulo ay pinawalang-bisa na.

11. Tanong: Kung ang pagtatalik ay maganap sa pagitan ng isang mag-asawa sa panahon ng kanilang taon ng pagtitiyaga, at sila ay muling nagkahiwalay pagkatapos, dapat ba nilang simulan muli ang kanilang taon ng pagtitiyaga, o maaaring isama ang mga araw bago ang pagtatalik sa pagbilang ng taon? At kapag ang diborsiyo ay naganap, kailangan bang sundin ang isang karagdagang panahon ng paghihintay?

Sagot: Kung ang pagmamahalan ay manumbalik sa pagitan ng mag-asawa sa panahon ng kanilang taon ng pagtitiyaga, ang pagiging mag-asawa ay may bisa pa, at yaong iniuutos sa Aklat ng Diyos ay dapat sundin; ngunit sa minsang ang taon ng pagtitiyaga ay natapos at yaong iniutos ng Diyos ay naganap, ang karagdagang panahon ng paghihintay ay hindi kinakailangan. Ang pagtatalik sa pagitan ng asawang lalake at ng maybahay ay ipinagbabawal sa panahon ng kanilang taon ng pagtitiyaga, at sinuman ang gumawa ng kilos na ito ay dapat humingi ng kapatawaran sa Diyos, at, bilang isang parusa, ay magbibigay sa House of Justice ng multa na labing siyam na mithqál ng ginto.

12. Tanong: Kung ang pagkamuhi ay mangyari sa pagitan ng isang mag-asawa matapos mabasa ang mga Bersikulo ng Pagkakasal at ang dote ay nabayaran, ang diborsiyo ba ay maaaring mangyari nang hindi na susunurin ang taon ng pagtitiyaga?

Sagot: Ang diborsiyo ay maaaring makatuwirang hingiin matapos ang pagbasa ng mga Bersikulo ng Pagkakasal at pagbabayad ng dote, ngunit bago may maganap na pagtatalik ng ikinasal. Sa gayong mga pangyayari hindi na kakailanganing gawain ang taon ng pagtitiyaga, ngunit ang pagbawi sa binayarang dote ay hindi pinahihintulutan.

13. Tanong: Ang pahintulot ba ng mga magulang ng dalawang panig ay kinakailangan sa pag-aasawa, o sapat na ba ang pahintulot ng mga magulang ng isang panig? Ang batas bang ito ay umiiral lamang sa mga donselya o gayundin sa iba?

Sagot: Ang pag-aasawa ay nasasalalay sa pahintulot ng mga magulang ng dalawang panig sa pag-iisang dibdib, at tungkol dito walang pagkakaiba kung ang babaeng ikakasal ay donselya o hindi.

14. Tanong: Ang mga nananampalataya ay inatasang humarap sa gawi ng Qiblih kapag dinadasal ang kanilang mga Dalanging Katungkulang Isagawa; saang gawi sila dapat bumaling kapag iniaalay ang ibang mga dasal at panalangin?

Sagot: Ang pagharap sa gawi ng Qiblih ay isang nakatakdang pangangailangan sa pag-usal ng dalanging katungkulang isagawa, ngunit para sa ibang mga dasal at panalangin maaari niyang sundin ang inihayag ng mahabaging Panginoon sa Qur’an: “Kahit saang gawi ka bumaling, naroroon ang mukha ng Diyos.”

15. Tanong: Tungkol sa paggunita sa Diyos sa Mashriqu’l-Adhkár “sa oras ng bukang-liwayway”.

Sagot: Kahima’t ang mga salitang “sa oras ng bukang-liwayway” ay ginagamit sa Aklat ng Diyos, ito ay tatanggapin ng Diyos sa pinakamaagang pagbubukang-liwayway, sa pagitan ng bukang-liwayway at pagsikat ng araw, o kahit na hanggang sa dalawang oras makalipas ng pagsikat
16. Tanong: Ang alituntunin ba na ang bangkay ng pumanaw ay hindi dapat dalhin nang higit na malayo kaysa sa isang oras na paglalakbay ay may bisa rin sa paglalakbay kapwa sa lupa at sa dagat?

Sagot: Ang kautusang ito ay umiiral sa mga layo sa karagatan gayundin sa lupa, kahiman ito ay isang oras sa pamamagitan ng barko o sa riles; ang tinutukoy ay panahon ng isang oras, anumang paraan ng paglalakbay. Gayumpaman, kung mas mapadali pa ang paglilibing, ito ay higit na nararapat at tinatanggap.

17. Tanong: Anong patakaran ang dapat sundin kapag nakatuklas ng nawawalang ari-arian?

Sagot: Kung ang ganyang ari-arian ay natagpuan sa bayan, ang pagkakatuklas nito ay dapat ipatalastas nang isang beses ng tagapagpatalastas ng bayan. Kung ang may-ari ng ari-arian ay matagpuan, ito ay dapat ibigay sa kaniya. Kung hindi, ang nakatagpo ng ari-arian ay dapat na maghintay ng isang taon, at kung, sa panahong ito, ang may-ari ay makilala, ang nakatagpo ay dapat tumanggap mula sa kaniya ng kabayaran ng tagapagpatalastas at ibalik sa kaniya ang kaniyang ari-arian; maaari lamang ariin ng nakatagpo ang ari-arian para sa kaniyang sarili kung lumipas ang taon nang hindi nakikilala ang may-ari.  Kung ang halaga ng ari-arian ay kulang o kasing-halaga ng kabayaran sa tagapagpatalastas, ang nakatagpo ay dapat maghintay ng isang araw mula sa panahon ng pagkatuklas nito, na sa katapusan niyon, kung ang may-ari ay hindi makikilala, maaari niya mismong ariin ito; at kung ang ari-arian ay natuklasan sa isang pook na walang nakatira, ang nakatagpo ay dapat maghintay ng tatlong araw, na sa paglipas ng panahong ito, kung ang may-ari ay mananatiling hindi kilala, siya ay malayang ariin ang kaniyang nakuha.

18. Tanong: Tungkol sa ablusyon: kung, halimbawa, ang isang tao ay kapapaligo pa lamang ng kaniyang buong katawan, dapat pa ba niyang gawain ang kaniyang ablusyon?

Sagot: Ang kautusan sa ablusyon, gayunpaman, ay dapat sundin.

19. Tanong: Kung ang isang tao ay magbalak na mangibang-bayan mula sa kaniyang bansa, at ang kaniyang maybahay ay salungat at ang di-pagkakasundo ay magwakas sa diborsiyo, at kung ang kaniyang mga pagsasaayos para sa paglalakbay ay magtagal hanggang sa makalipas ang isang taon, ang panahong ito ba ay maaaring kilalanin bilang taon ng pagtitiyaga, o ang araw ba nang maghiwalay ang mag-asawa ang dapat ipalagay na simula ng taong iyon? 

Sagot: Ang pagsisimulan ng pagbilang ay ang araw na ang mag-asawa ay maghiwalay, at kung, gayunpaman, sila ay nagkahiwalay na nang isang taon bago umalis ang asawa, at kung, ang bango ng pagmamahalan ay hindi nanumbalik sa pagitan ng mag-asawa, ang diborsiyo ay maaaring magkabisa. Kung hindi, ang taon ay dapat bilangin mula sa araw ng kaniyang pag-alis, at ang mga batayan na inihayag sa Kitáb-i-Aqdas ay dapat sundin.

20. Tanong: Tungkol sa hustong gulang kaugnay sa mga tungkuling pangrelihiyon.

Sagot: Ang hustong gulang ay labinlima sa kapwa mga lalake at mga babae.

21. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo “Kapag naglalakbay, kung kayo ay hihinto at mamamahinga sa isang ligtas na lugar, isagawa ninyo ... ang isang pagpapatirapa bilang kapalit ng bawat isang Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi nausal…”

Sagot: Ang pagpapatirapang ito ay ang kapalit ng Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi nagawa samantalang naglalakbay, at dahilan sa mapanganib na mga kalagayan.  Kung, sa oras ng pananalangin, ang naglalakbay ay namamahinga sa isang ligtas na pook, dapat niyang gawain ang panalanging iyon.  Ang itinadhanang ito tungkol sa kapalit na pagpapatirapa ay may bisa kapwa sa tahanan at habang nasa isang paglalakbay.

22. Tanong: Tungkol sa kahulugan ng isang paglalakbay.4 

Sagot: Ang kahulugan ng paglalakbay ay siyam na oras sa orasan. Kung ang naglalakbay ay hihinto sa isang pook, inaakalang siya ay magtatagal doon ng hindi kukulangin sa isang buwan sang-ayon sa Bayán, nararapat niyang isagawa ang pag-aayuno; ngunit kung kulang sa isang buwan, siya ay hindi na kailangang mag-ayuno. Kung siya ay dumating sa panahon ng Pag-aayuno sa isang pook na titigil siya ng isang buwan sang-ayon sa Bayán, hindi niya dapat isagawa ang Pag-aayuno hangga’t hindi nakakalipas ang tatlong araw, pagkatapos nito ay isasagawa iyon sa kabuuan ng natitirang panahon nito; ngunit kung babalik siya sa kaniyang tahanan, kung saan siya datihan nang naninirahan nang palagian, dapat niyang simulaan ang kaniyang pag-aayuno sa unang araw pagkarating niya.

23. Tanong: Tungkol sa kaparusahan ng isang nakikiapid na lalake at nakikiapid na babae.

Sagot: Siyam na mithqál ang dapat bayaran sa unang paglalabag, labinwalo sa ikalawa, tatlumpu’t anim sa ikatlo, at patuloy pang kagaya nito, bawat kasunod na multa ay dinudoble ang nauna rito. Ang bigat ng isang mithqál ay katumbas ng labinsiyam na nakhud sang-ayon sa itinakda ng Bayán.

24. Tanong: Tungkol sa pangangaso.

Sagot: Sinabi Niya, purihin Siya: “Kung manga-ngaso kayo sa pamamagitan ng mga hayop o mga ibong mandaragit” at iba pang katulad nito. Ang ibang mga paraan, tulad ng mga pana, mga baril, at katulad na kasangkapan na ginagamit sa pangangaso, ay kasama rin. Datapuwa’t, kung mga sila o mga bitag ang gaga-mitin, at ang hayop na nahuli ay namatay bago ito makuha, hindi naaayon sa batas na kainin ito.

25. Tanong: Tungkol sa peregrinasyon.

Sagot: Isang tungkulin ang makapagsagawa ng peregrinasyon sa isa sa dalawang banal na Tahanan; ngunit kung alin dito, ito ay nasa pagpapasiya ng peregrino.

26. Tanong: Tungkol sa dote.

Sagot: Tungkol sa dote, ang pakay ng pagiging nasisiyahan ang sarili sa pinaka-mababang antas ay ang labinsiyam na mithqál ng pilak.

27. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo: “Subalit, kung ang balita ng pagkamatay o pagkapaslang sa kaniyang asawa ay umabot sa maybahay”, atbp.

Sagot: Kaugnay sa paghihintay sa isang “itinakdang bilang ng mga buwan” ang tinutukoy na panahon ay siyam na buwan.

28. Tanong: Muling may katanungan hinggil sa bahagi ng guro sa mana.

Sagot: Kung ang guro ay sumakabilang buhay na, ikatlong bahagi ng kaniyang parte sa mana ay tutungo sa House of Justice, at ang natitirang dalawang ikatlong bahagi ay tutungo sa anak ng pumanaw at hindi sa anak ng guro.

29. Tanong: Muling may katanungan tungkol sa peregrinasyon.

Sagot: Ang tinutukoy ng peregrinasyon sa banal na Tahanan, na iniaatas sa mga lalake, ay kapwa ang Pinaka-Dakilang Tahanan sa Baghdád at ang Tahanan ng Pinagmulang Tuldok sa Shíráz; ang peregrinasyon sa alinman sa mga Tahanang ito ay makasasapat. Sila, kung gayon, ay makagagawa ng kanilang peregrinasyon sa alinmang higit na malapit sa kanilang tirahan.

30. Tanong: Hinggil sa bersikulong: “Ang lalake na kukuha ng isang babaeng katulong upang maglingkod sa kaniya ay magagawa ito nang may kaangkupan.”

Sagot:  Ito ay para lamang sa paglilingkod tulad ng ginagawa ng alinmang ibang uri ng mga taga-paglingkod, maging sila ay bata o matanda, na may kapalit na sahod; ang gayong babae ay malayang pumili ng asawa sa anumang oras na nanaisin niya, sapagka’t ipinagbabawal na ang mga babae ay bilihin, o kaya ay magkaroon ng higit pa sa dalawang asawa ang isang lalake.

31. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo: “Ipinagbabawal ng Panginoon … ang kaugalian na datihan ninyong ginagawa kapag inyong diniborsiyo nang tatlong ulit ang isang babae.”

Sagot: Ang tinutukoy ay ang datihang batas na kinakailangang pakasalan ng ibang lalake ang gayong babae upang muli niyang mapakasalan ang kaniyang dating asawa; ang gawaing ito ay ipinagbabawal sa Kitáb-i-Aqdas.

32. Tanong: Tungkol sa pagbabalik sa dati at pangangalaga ng dalawang Tahanan sa Kambal na Pook, at ng ibang mga lugar kung saan ang trono ay naitatag.

Sagot: Ang tinutukoy na dalawang Tahanan ay ang Pinakadakilang Tahanan at ang Tahanan ng Pinagmulang Tuldok. Tungkol sa ibang mga lugar, ang mga mamamayan sa mga pook kung saan ang mga ito ay naroroon ay maaaring pumili na pangalagaan ang lahat o ang isa sa mga tahanan kung saan naitatag ang trono.

33. Tanong: Muling may katanungan tungkol sa mana ng guro.

Sagot: Kung ang guro ay hindi tao ng Bahá, siya ay hindi magmamana, kung mayroong ilang mga guro, ang bahagi ay dapat hatiin nang pareho sa kanila.  Kung ang guro ay patay na, hindi mamanahin ng kaniyang anak ang kaniyang parte, kundi ang dalawang ikatlong bahagi nito ay tutungo sa mga anak ng may-ari ng ari-arian, at ang natitirang ikatlong bahagi ay sa House of Justice.

34. Tanong: Tungkol sa tirahan na tanging itinadhana sa anak na lalake.

Sagot: Kung mayroon ilang mga tirahan, ang pinakamaganda at pinakamarangal sa mga tirahang ito ang siyang tinutukoy, ang natitira ay ipamamahagi sa lahat ng lupon ng mga tagapagmana tulad ng ibang uri ng ari-arian. Sinumang tagapagmana, mula sa anumang uri ng mga tagapagmana, na nasa labas ng Pananampalataya ng Diyos ay ipinapalagay na hindi kabilang at hindi magmamana…

35. Tanong: Tungkol sa Naw-Rúz.

Sagot: Ang Pagdiriwang ng Naw-Rúz ay pumapatak sa araw na ang araw ay pumasok sa tanda ng Aries,5 kahit na ito ay maganap nang kahit na isang minuto lamang bago lumubog ang araw.

36. Tanong: Kung ang anibersaryo ng alinman sa Kambal na mga Kaarawan o Pagpapahayag ng Báb ay pumatak sa panahon ng Pag-aayuno, ano ang dapat gawain?

Sagot: Kung ang mga pagdiriwang ng Kambal na mga Kaarawan o ang Pagpapahayag ng Báb ay pumatak sa loob ng buwan ng pag-aayuno, ang utos na mag-ayuno ay hindi isasagawa sa araw na iyon.

37. Tanong: Sa mga banal na panuntunan na sumasaklaw sa mana, ang tirahan at pansariling pananamit ng pumanaw ay ipagkakaloob sa anak na lalake. Ang itinadhana bang ito ay tumutukoy lamang sa ari-arian ng ama, o may bisa rin ito sa ari-arian ng ina?

Sagot: Ang pananamit na isinuot na ng ina ay dapat hatiin nang magkakapantay na parte sa mga anak na babae, ngunit ang natitira sa kaniyang yaman, kasama ang ari-arian, alahas, at hindi ginamit na pananamit, ay dapat ipamahagi, sa paraan na ipinahayag sa Kitáb-i-Aqdas, sa lahat ng kaniyang mga tagapagmana. Subalit kung ang pumanaw ay walang mga anak na babae, ang kaniyang ari-arian sa kabuuan nito ay dapat hatiin sa paraan na itinadhana para sa mga lalake sa banal na Teksto.

38. Tanong: Tungkol sa diborsiyo, na dapat pangunahan ng isang taon ng pagtitiyaga; kung isa lamang sa mga may kinalaman ang kumikiling sa pagkakasundo, ano ang dapat gawain?

Sagot: Sang-ayon sa kautusan na ipinahayag sa Kitáb-i-Aqdas, ang dalawang panig ay dapat na masiyahan; hangga’t ang dalawa ay hindi pumapayag, ang pagsasamang muli ay hindi mangyayari.

39. Tanong: Tungkol sa dote, paano kung ang lalakeng ikakasal ay hindi makapagbayad nang buong halaga nito, ngunit sa halip ay pormal na magbibigay ng isang nakasulat na pangako sa babaeng ikakasal sa oras ng kasalan, na ipinababatid na ibibigay niya ito kapag makakaya na niyang gawain iyon?

Sagot: Ang pahintulot na maisagawa ang pamamaraang ito ay pinahihintulutan ng Pinagmumulan ng Kapangyarihan.

40. Tanong: Kung sa panahon ng taon ng pagtitiyaga ang bango ng pagmamahalan ay manauli, na masusundan lamang ng pagkamuhi, at ang mag-asawa ay naguurong-sulong sa pagmamahalan at pagkapoot sa buong taon, at ang taon ay nagwakas sa pagkamuhi, maaari bang mangyari ang diborsiyo o hindi?

Sagot: Sa bawat pangyayari sa anumang panahon na maganap ang pagkamuhi, ang taon ng pagtitiyaga ay magsisimula sa araw na iyon, at dapat mabuo ang nakatakdang panahon.

41. Tanong: Ang tirahan at personal na pananamit ng pumanaw ay itinadhana sa anak na lalake, hindi sa babae, ni hindi sa ibang mga tagapagmana; kung walang naiwanang anak na lalake ang pumanaw, ano ang dapat gawain? 

Sagot: Sinabi Niya, dakilain nawa Siya: “Kung ang yumao ay hindi nag-iwan ng anak, ang kanilang bahagi ay mauuwi sa House of Justice …” Nang nasasang-ayon sa banal na bersikulong ito, ang tirahan at personal na pananamit ng pumanaw ay tutungo sa House of Justice.

42. Tanong: Ang batas ng Huqúq’u’lláh ay ipinahayag sa Kitáb-i-Aqdas. Ang tirahan ba, kalakip ang kasamang mga nakakabit na kasangkapan at kinakailangang mga kagamitan, ay kabilang sa ari-arian na dapat bayaran sa Huqúq, o hindi?

Sagot: Sa mga batas na inihayag sa wikang Persiano itinadhana Namin na sa Pinaka-Makapangyarihang Dispensasyon na ito, ang tahanan at ang mga kagamitan sa tirahan ay hindi kasama—iyon ay, ang gayong mga kagamitan na kinakailangan.

43. Tanong: Tungkol sa pakikipagkasundong ipakasal ang isang babae bago pa sumapit sa hustong gulang.

Sagot: Ang gawaing ito ay ipinahayag ng Bukal ng Kapangyarihan na hindi ayon sa batas, at hindi ayon sa batas na ipatalastas ang pag-aasawa nang maaga pa sa siyamnapu’t limang araw bago ang kasalan.

44. Tanong: Kung ang isang tao, halimbawa, ay mayroong 100 túmán, nagbayad ng Huqúq sa halagang ito, nalugi ang kalahati ng halaga sa isang bigong negosyo at pagkatapos, sa pamamagitan ng pangangalakal, ang halagang nasa kamay ay muling lumago sa halagang dapat bayaran ang Huqúq—dapat bang magbayad ang gayong tao ng Huqúq o hindi?

Sagot: Sa gayong pangyayari hindi magbabayad ng Huqúq.

45. Tanong: Kung, pagkatapos ng pagbabayad ng Huqúq, ang halagang isandaang túmán na ito ay nawalang lahat, ngunit sa dakong huli na nakamtan muli sa pamamagitan ng pangangalakal at mga negosyo, dapat bang bayaran ang Huqúq ng pangalawang ulit o hindi?

Sagot: Sa pangyayari ring ito, ang pagbabayad ng Huqúq ay hindi kinakailangan.

46. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo na, “Iniutos sa inyo ng Diyos ang pag-aasawa”, ang itinadhana bang ito ay sapilitan o hindi?

Sagot: Ito ay hindi sapilitan.

47. Tanong: Halimbawang ang isang lalake ay nagpakasal sa isang babae sa paniniwalang siya ay isang birhen at nagbayad siya sa kaniya ng dote, ngunit sa panahon ng pagtatalik naging maliwanag na siya ay hindi na donselya, ang mga ginugol at dote ba ay dapat isauli o hindi? At kung ang pag-iisang dibdib ay ginawang nababatay sa pagkadonselya, ang hindi natupad na batayan ba ay pawawalang-bisa yaong pinagbatayan nito?

Sagot: Sa gayong pangyayari ang mga ginugol at ang dote ay maaaring isauli.  Ang hindi natupad na batayan ay pinawawalang-bisa yaong pinagbabatayan nito. Gayunpaman, ang itago at patawarin ang pangyayari, sa paningin ng Diyos, ay mag-aani ng isang masaganang gantimpala.

48. Tanong: “...iniatas sa inyo na maghandog ng isang kapistahan...” Ito ba ay sapilitan o hindi?

Sagot: Hindi ito sapilitan.

49. Tanong: Tungkol sa mga parusa sa pakikiapid, hindi natural na pakikipagtalik, at pagnanakaw, at ang mga antas niyon.

Sagot: Ang pagpapasiya ng mga antas ng mga kaparusahan ay nasa House of Justice.

50. Tanong: Tungkol sa pahihintulutan o hindi ang pag-aasawa sa kamag-anak.

Sagot: Ang mga bagay na ito gayundin ay nakasalalay sa mga Katiwala ng House of Justice.

51. Tanong: Tungkol sa ablusyon, ipinahayag na, “Hayaan siya na hindi makahanap ng tubig para sa ablusyon ay ulitin ng limang beses ang mga salitang ‘Sa ngalan ng Diyos, ang Pinaka-Dalisay, ang Pinaka-Dalisay’”:  pinahihintulutan ba na usalin ang bersikulong ito sa panahon ng napakatinding lamig, o kung ang mga kamay o mukha ay may sugat?

Sagot: Maaaring gumamit ng mainit na tubig sa mga panahong napakatindi ang lamig. Kung may mga sugat sa mukha o mga kamay, o mayroong ibang mga dahilan tulad ng mga pangingirot at pananakit na ang paggamit ng tubig ay makasasama, maaaring bigkasin ang itinadhanang bersikulo sa halip ng ablusyon.

52. Tanong: Sapilitan ba ang pagbigkas ng bersikulo na ipinahayag bilang kapalit sa Dalangin ng mga Palatandaan.

Sagot: Hindi ito sapilitan.

53. Tanong: Tungkol sa mana, kung mayroong magkakapatid na lalake at magkakapatid na babae na may iisang ina at ama, ang mga kapatid na lalake at mga kapatid na babae sa ina ay tatanggap ba rin ng kaparte?

Sagot: Sila ay hindi tatanggap ng kaparte.

54. Tanong: Sinabi Niya, luwalhatiin nawa Siya: “Kung ang anak na lalake ng yumao ay sumakabilang-buhay nang nabubuhay pa ang kaniyang ama at nag-iwan ng mga anak, sila ang magmamana ng kaparte ng kanilang ama…”. Ano ang dapat gawin kung ang anak na babae ay namatay sa panahon na ang kaniyang ama ay nabubuhay pa?

Sagot: Ang bahagi ng anak na babae ay dapat ipamahagi sa pitong uri ng mga tagapagmana sang-ayon sa alituntunin sa Aklat.

55. Tanong: Kung ang pumanaw ay isang babae, kanino ibibigay ang bahagi ng mamanahin ng “maybahay”?

Sagot: Ang bahagi ng “maybahay” sa mana ay ibibigay sa asawa.

56. Tanong: Tungkol sa pagbabalot ng katawan ng namatay na iniutos na binubuo ng limang piraso: ang lima ba ay nangangahulugan ng limang tela na hanggang kasalukuyan ay karaniwang ginagamit o limang mahabang piraso ng tela na pambalot sa bangkay na nakabalot sa isa’t isa?

Sagot: Ang paggamit ng limang tela ang tinutukoy.

57. Tanong: Tungkol sa mga pagkakaiba ng ilang mga ipinahayag na bersikulo.

Sagot: Maraming mga Tableta ang ipinahayag at ipinadala sa kanilang orihinal na anyo nang hindi natitingnan muli at narerepaso. Samakatuwid, tulad ng iniutos, ang mga iyon ay muling binasa sa Banal na Harapan, at ginawang nasasang-ayon sa kalakarang panggramatika ng mga tao upang maiwasan ang mga pamumula ng mga kalaban ng Kapakanan. Isa pang kadahilanan sa paggawa nito ay dahilan sa ang bagong estilo na sinimulan ng Tagapagpauna; harinawang ang mga kaluluwa ng lahat ng iba maliban sa Kaniya ay maialay alang-alang sa Kaniya, ay nakitang may kapansin-pansing malawak na kalayaan sa pagsunod sa mga panuntunan ng gramatika; samakatuwid ang mga banal na bersikulo kung gayon ay naipahayag sa isang estilo na kalimitan ay nasasang-ayon sa pangkasalukuyang paggamit upang mapadali ang pag-unawa at mapaikli ngunit maliwanag pa rin.

58. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo, “Kapag naglalakbay, kung kayo ay hihinto at mamamahinga sa isang ligtas na lugar, isagawa ninyo…ang isang pagpapatirapa bilang kapalit ng bawat isang Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi nausal”: Ito ba ay bilang kapalit ng Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi nagawa dahilan sa mapanganib na mga kalagayan, o ang dalanging katungkulang isagawa ay ganap na hindi dapat gawain sa panahon ng paglalakbay, at ang pagpapatirapa ang kapalit nito?

Sagot: Kung sa pagsapit ng oras ng dalanging katungkulang isagawa, ay may panganib, sa pagdating sa matiwasay na kapaligiran, dapat gawain ang isang pagpapatirapa na kapalit ng bawat Dalanging Katungkulang Isagawa na di-naisagawa, at pagkatapos ng huling pagpapatirapa, maupo nang magkakrus ang mga paa at basahin ang itinakdang bersikulo. Kung mayroong matiwasay na pook, hindi inihihinto ang dalanging katungkulang isagawa samantalang nasa paglalakbay.

59. Tanong: Kung ang naglalakbay ay huminto at nakapahinga na at oras na para sa dalanging katungkulang isagawa, dapat ba niyang gawain ang pagdarasal, o gawain sa halip nito ang pagpapatirapa?

Sagot: Maliban sa hindi tiwasay na mga kala-gayan ang hindi pag-usal ng Dalanging Katungkulang Isagawa ay hindi pinahihintulutan.

60. Tanong: Kung, dahilan sa hindi naisagawa ang dalanging Katungkulang Isagawa, ang ilang mga pagpapatirapa ang kinakailangan, ang bersikulo ba ay dapat ulitin matapos ang bawat katumbas ng pagpapatirapa o hindi?

Sagot: Sapat na ang pag-usal sa itinadhanang bersikulo matapos ang huling pagpapatirapa. Ang bawat pagpapatirapa ay hindi nangangailangan ng hiwalay na pag-ulit ng bersikulo.

61. Tanong: Kung ang isang Dalanging Katungkulang Isagawa ang hindi nagawa sa tahanan, ito ba ay dapat tumbasan ng isang pagpapatirapa o hindi?

Sagot: Bilang sagot sa mga naunang katanungang naisulat na; “Ang itinadhanang ito tungkol sa katumbas na pagpapatirapa ay may bisa kapwa sa tahanan at sa isang paglalakbay.”

62. Tanong: Kung, sa ibang kadahilanan, ginawa ng isa ang ablusyon, at ang oras ng Dalanging Katungkulang Isagawa ay dumating, ang ablusyon na ito ba ay sapat na o dapat gawaing muli iyon?

Sagot: Ang ablusyon ring ito ay sapat na, at hindi kailangang gawaing muli ang mga iyon.

63. Tanong: Sa Kitáb-i-Aqdas, iniutos na ang dalanging katungkulang isagawa, na binubuo ng siyam na rak‘ah, ay dapat gawain sa tanghali, sa umaga at sa gabi, ngunit ang Tableta ng Dalanging Katungkulang Isagawa6 ay waring kaiba dito.

Sagot: Yaong ipinahayag sa Kitáb-i-Aqdas ay tungkol sa ibang Dalanging Katungkulang Isagawa. Ilang taon na ang nakakaraan, ilang bilang ng mga alituntunin sa Kitáb-i-Aqdas kasama yaong Dalanging Katungkulang Isagawa, sa mga kadahilanan ng matalinong pang-unawa, ay itinala nang nabubukod at ipinadala sa ibang lugar kasama ang ibang mga banal na kasulatan, para sa mga layunin ng pagpapanatili at pangangalaga. Sa dakong huli ang nasabing tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa ay ipinahayag.

64. Tanong: Sa pagtiyak sa oras, ipinahihintulot ba ang umasa sa mga orasan at relo?

Sagot: Ipinahihintulot ang gumamit ng mga orasan at relo.

65. Tanong: Sa Tableta ng mga Dalanging Katungkulang Isagawa, tatlong mga dalangin ang ipinahayag; ang pagsasagawa ba ng lahat ng tatlong ito ay kinakailangan o hindi?

Sagot: Iniuutos ang pag-aalay ng isa sa tatlo sa mga panalangin, alinman ang gagawain ay maka-sasapat.

66. Tanong: Ang ablusyon para sa pang-umagang panalangin ba ay may bisa pa para sa pangtanghaling panalangin?  At, gayundin, ang ablusyon na ginawa sa tanghali ay maaari ba rin sa gabi?

Sagot: Ang ablusyon ay may kaugnayan sa ginagawang Dalanging Katungkulang Isagawa, at dapat gawaing muli para sa bawat panalangin.

67. Tanong: Tungkol sa mahabang Dalanging Katungkulang Isagawa, kinakailangang tumayo at “bumaling sa Diyos”.  Ito ay waring nagpapahiwatig na hindi na kailangang humarap sa Qiblih; ito ba ay tama o hindi?

Sagot: Ang Qiblih ang tinutukoy.

68. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo: “Bigkasin ninyo ang mga bersikulo ng Diyos tuwing umaga at gabi.”

Sagot: Ang tinutukoy ay ang lahat ng ipinadala mula sa Kalangitan ng Banal na Pananalita.  Ang pangunahing kailangan ay ang pananabik at pagmamahal ng mga banal na kaluluwa sa pagbasa sa Salita ng Diyos.  Ang basahin ang isang bersikulo, o kahit na isang salita lamang, sa isang espiritu ng kagalakan at kaningningan, ay higit na mamabutihin kaysa sa pagbasa ng maraming Aklat.

69. Tanong: Ang isang tao ba, sa paggawa ng kaniyang huling habilin, ay maaaring ibigay ang ilang bahagi ng kaniyang ari-arian—bukod doon sa iniuukol sa pagbabayad ng Huqúq’u’lláh at sa pagsasaayos ng mga utang—sa mga gawain ng kawanggawa, o wala ba siyang karapatan kung hindi maglaan ng isang halaga upang mabayaran ang mga gugulin sa libing; upang ang natitira sa kaniyang ari-arian ay maipamamahagi sa paraang itinakda ng Diyos sa mga itinadhanang mga uri ng tagapagmana?

Sagot: Ang isang tao ay may ganap na karapatan sa kaniyang ari-arian. Kung magagawa niyang mabayaran ang Huqúq’u’lláh, at malaya sa pagkakautang, ang lahat ng itinala sa kaniyang huling habilin, at anumang pagpapahayag o pangako na nilalaman nito ay tinatanggap. Ang Diyos, sa katunayan, ay pinahihintulutan siyang pagpasiyahan yaong ipinagkaloob sa kaniya sa anumang paraan na ninanais niya.

70. Tanong: Ang paggamit ba ng singsing na panlibing ay iniuutos lamang sa mga nasa hustong gulang, o ito ba ay para rin sa mga wala pa sa hustong gulang?

Sagot: Ito ay para doon sa mga nasa hustong gulang lamang. Ang Panalangin para sa mga Yumao ay para din sa mga nasa hustong gulang.

71. Tanong: Kung nais ng isang tao na mag-ayuno sa isang panahon na hindi buwan ng ‘Alá’, ito ba ay pinahihintulutan o hindi; at kung siya ay sumumpa o magpanata sa kaniyang sarili ng gayong pag-aayuno, ito ba ay kikilalanin at tatanggapin?

Sagot: Ang kautusan sa pag-aayuno ay ganoon tulad ng naipahayag na. Kung mayroon nang isang gumawa ng panata, gayunpaman, na ialay ang isang pag-aayuno sa Diyos, hinahangad sa ganitong paraan ang katuparan ng isang naisin, o upang maisakatuparan ang iba pang layunin, ito ay pinahihintulutan, ngayon tulad ng dati.  Datapuwa’t, ninanais ng Diyos, dakila ang Kaniyang kaluwalhatian, na ang mga panata ay itutok sa gayong mga layunin na pakikinabangan ng sangkatauhan.

72. Tanong: Muli isang tanong ang ibinigay tungkol sa tirahan at personal na pananamit: ang mga ito ba ay tutungo, kung walang anak na lalake, sa House of Justice, o ang mga ito ba ay ipamamahagi tulad ng ibang ari-arian?

Sagot: Dalawang ikatlong bahagi ng tirahan at personal na pananamit ang pupunta sa anak na babae, at ang isang ikatlong bahagi ay sa House of Justice, na ginawa ng Diyos na ingatang-yaman ng mga tao.

73. Tanong: Kung, sa pagkabuo ng taon ng pagtitiyaga, ang lalake ay tumangging magkaroon ng diborsiyo, anong hakbang ang maaaring gawin ng maybahay?

Sagot: Kapag ang panahon ay natapos na, ang diborsiyo ay magkakaroon na ng bisa.  Subalit kinakailangan na mayroong mga saksi sa pagsisimula at pagwawakas ng panahong ito, upang sila ay matawag upang magbigay ng pagpapatibay kung kakailanganin.

74. Tanong: Tungkol sa kahulugan ng pagiging matanda.

Sagot: Sa mga Arabo ito ay nangangahulugan ng kasukdulan ng katandaan, ngunit sa mga tao ng Bahá ito ay mula sa gulang na pitumpu.

75. Tanong: Tungkol sa takda ng pag-aayuno para sa isang naglalakbay nang naglalakad.

Sagot: Ang takda ay dalawang oras. Kung ito ay lalampas pa, ipinahihintulot ang paghinto ng Pag-aayuno.

76. Tanong: Tungkol sa pagsasakatuparan ng Pag-aayuno ng mga tao na abala sa mabigat na gawain sa panahon ng pag-aayuno.

Sagot: Ang gayong mga tao ay pinahihintulutang hindi gawain ang pag-aayuno; gayunpaman, upang maipakita ang paggalang sa batas ng Diyos at sa dakilang katayuan ng Pag-aayuno, lubos na pinupuri at nararapat na kumain nang may katipiran at nang nag-iisa.

77. Tanong: Ang ablusyon ba na ginagawa para sa Dalanging Katungkulang Isagawa ay sapat na para sa siyamnapu’t limang pag-ulit sa Pinakadakilang Pangalan?

Sagot: Ang ablusyon muli ay hindi na kina-kailangan.

78. Tanong: Tungkol sa mga damit at alahas na nabili ng asawa para sa kaniyang maybahay: ang mga ito ba ay ipamamahagi, pagkamatay niya, sa kaniyang mga tagapagmana, o ang mga iyon ba ay tanging sa maybahay?

Sagot: Bukod sa mga pananamit na naisuot na, anumang mayroon, alahas at iba pa ay pag-aari ng asawang lalake, maliban doon sa napatunayang mga regalo sa maybahay.

79. Tanong: Tungkol sa batayan ng pagkamakatarungan kapag ang pagpapatunay sa ilang bagay ay nasasalalay sa patunay ng dalawang makatarungang saksi.

Sagot: Ang batayan ng pagkamakatarungan ay ang mabuting pagkakakilala sa mga tao.  Ang patunay ng lahat ng tagapaglingkod ng Diyos, anuman ang pananampalataya o pinaniniwalaang doktrina, ay tinatanggap sa harap ng Kaniyang Trono.

80. Tanong: Kung hindi naisaayos ng pumanaw ang kaniyang pananagutan sa Huqúq’u’lláh, ni hindi nabayaran ang kaniyang ibang mga utang, ang mga ito ba ay dapat bayaran sang-ayon sa kasukat na pagbabawas mula sa tirahan, personal na pananamit at sa natitirang ari-arian, o ang tirahan at personal na pananamit ay itatabi para sa anak na lalake, at samakatuwid ang mga utang ay dapat mabayaran mula sa natitirang ari-arian? At kung ang natitirang ari-arian ay hindi sapat para sa layuning ito, paano dapat bayaran ang mga utang?

Sagot: Ang mga dapat bayarang mga utang at mga kabayaran sa Huquq ay dapat maisaayos mula sa natitirang ari-arian, ngunit kung ito ay hindi sapat para sa pakay, ang kakulangan ay dapat kunin mula sa kaniyang tirahan at personal na pananamit.

81. Tanong: Ang ikatlong Dalanging Katungkulang Isagawa ay dapat bang usalin nang nakaupo o nakatayo?

Sagot: Higit na mabuti at lalong naaangkop na tumayo sa isang gawi nang may mapagkumbabang pagpipitagan.

82. Tanong: Tungkol sa unang Dalanging Katungkulang Isagawa na iniutos na “dapat gawain sa anumang oras na nadama niya na ang kaniyang sarili ay nasa kalagayan ng pagpapakumbaba at pananabik na sumamba”:  ito ba ay dapat gawain nang minsan sa dalawampu’t apat na oras, o mas higit pa?

Sagot: Minsan sa dalawampu’t apat na oras ay sapat na; ito yaong sinabi ng Dila ng Banal na Kautusan.

83. Tanong: Tungkol sa kahulugan ng “umaga”, “tanghali”, at “gabi”.

Sagot: Ang mga ito ay ang pagsikat ng araw, tanghaling tapat at paglubog ng araw.  Ang pinahihintulutang oras sa Dalanging Katungkulang Isagawa ay mula sa umaga hanggang tanghali, mula tanghali hanggang sa paglubog ng araw, at mula sa paglubog ng araw hanggang sa makalipas ang dalawang oras.  Ang kapangyarihan ay nasa kamay ng Diyos, ang Nagtataglay ng Dalawang Pangalan.

84. Tanong: Ipinahihintulot ba sa isang nananalig ang magpakasal sa isang hindi nananalig?

Sagot: Kapwa ang pagtanggap at ang pagbibigay sa isang kasalan ay ipinahihintulot, ang ganito ay iniutos ng Panginoon nang Siya ay umakyat sa trono ng pagpapala at biyaya.

85. Tanong: Tungkol sa Dalangin para sa Yumao: ito ba ay dapat mauna o kasunod ng paglilibing. At ang pagharap ba sa Qiblih ay kinakailangan?

Sagot: Ang pag-usal sa panalanging ito ay dapat mauna sa paglilibing: at tungkol sa Qiblih: “Saanmang dako kayo bumaling, naroroon ang mukha ng Diyos.”7

86. Tanong: Sa tanghali, na oras para sa dalawa sa Dalanging Katungkulang Isagawa—ang maikling pangtanghaling panalangin, at ang panalangin na dapat ialay sa umaga, tanghali, at gabi—kailangan ba sa pagkakataong ito na gawain ang dalawang ablusyon o ang isa ay makasasapat na?

Sagot: Ang panibagong ablusyon ay hindi kinakailangan.

87. Tanong: Tungkol sa dote para sa mga naninirahan sa nayon na dapat na maging pilak; ang tinutukoy ba nito ay ang babaeng ikakasal o lalakeng ikakasal o kapwa silang dalawa?  At ano ang dapat gawin kung ang isa ay taga-lunsod at ang isa ay taga-nayon? 

Sagot: Ang dote ay itinatakda ayon sa tirahan ng lalakeng ikakasal; kung siya ay taga-lunsod, ang dote ay ginto, at kung siya ay taga-nayon, ito ay pilak.

88. Tanong: Ano ang saligan sa pagpapasiya kung ang isa ay taga-lunsod o taga-nayon?  Kung ang isang taga-lunsod ay naninirahan na sa isang nayon, o isang taga-nayon sa isang lunsod, nilalayong pirmihang manirahan doon, ano ang alituntunin na dapat pairalin? Ang pook ba ng kapanganakan ang pagbabatayan?

Sagot: Ang batayan ay ang pirmihang tirahan sang-ayon kung nasaan ito, ang ipinag-utos sa Aklat ay dapat sundin nang nasasang-ayon.

89. Tanong: Sa mga banal na Tableta ay ipinahayag na kapag nakamtan ng isang tao ang katumbas ng labing siyam na mithqál ng ginto, dapat siyang magbayad ng Karapatan ng Diyos sa halagang iyon.  Maaari bang ipaliwanag kung magkano sa labinsiyam na ito ang dapat ibayad?

Sagot: Labinsiyam mula sa isandaan ang itinadhana sa utos ng Diyos. Ang pagtutuos ay dapat gawain sa batayang ito. Samakatuwid, matitiyak kung anong halaga ang dapat bayaran sa labing siyam.

90. Tanong: Kapag ang kayamanan ng isang tao ay lumabis sa labinsiyam, kailangan bang madagdagan ito ng isa pang karagdagang labinsiyam bago bayaran na muli ang Huqúq, o dapat bang bayaran ang anumang karagdagan?

Sagot: Anumang maidagdag sa labinsiyam ay hindi kailangang bayaran ang Huqúq hangga’t hindi maabot nito ang karagdagang labing siyam.

91. Tanong: Tungkol sa dalisay na tubig, at kung kailan ito ipinapalagay na nagamit na.

Sagot: Ang kakaunting tubig, tulad ng isang tasa, o kahit na dalawa o tatlo, ay dapat ipalagay na nagamit na matapos ang minsang paghuhugas ng mukha at ng mga kamay. Ngunit ang isang kurr8 o higit pa dito ng tubig ay nanatiling di-nababago matapos ang isa o dalawang paghuhugas ng mukha, at walang pagtutol sa paggamit nito hanggang hindi ito nababago sa isa sa tatlong paraan,9 halimbawa ang kulay nito ay nagbago, na sa ganitong pangyayari ito ay ipinapalagay na nagamit na. 

92. Tanong: Sa isang pagtalakay sa wikang Persiano tungkol sa iba’t ibang katanungan, ang hustong gulang ay naitakda sa labinlima; ang pag-aasawa rin ba ay nasasalalay sa pagsapit sa hustong gulang, o pahihintulutan ba ito bago ang panahong iyon?

Sagot: Dahilan sa ang pagsang-ayon ng dalawang panig ay kinakailangan sang-ayon sa Aklat ng Diyos, at dahilan sa ang kanilang pagsang-ayon o pagtutol dito ay hindi matitiyak bago dumating sa hustong gulang, ang pag-aasawa samakatuwid ay nababatay sa pagsapit sa hustong gulang, at hindi pinahihintulutan bago sa panahong iyon.

93. Tanong: Tungkol sa pag-aayuno at dalanging katungkulang isagawa ng may karamdaman.

Sagot: Sa katotohanan, Aking sinasabi na ang dalanging katungkulang isagawa at pag-aayuno ay may napakataas na katayuan sa paningin ng Diyos. Datapuwa’t nasa kalagayan ng kalusugan makakamtan ang pagpapala nito. Sa panahon ng karamdaman hindi pinahihintulutang isagawa ang mga tungkuling ito; ganyan ang iniuutos ng Panginoon, dakilain nawa ang Kaniyang kaluwalhatian sa lahat ng panahon. Pinagpala ang gayong mga lalake at mga babae na nakinig, at sinunod ang Kaniyang mga utos. Lahat ng papuri nawa ay mapasa Diyos, Siya na ipinadala dito ang mga bersikulo at ang Nagpapahayag ng hindi mapag-aalinlanganang mga katibayan!

94. Tanong: Tungkol sa mga moske, kapilya at templo.

Sagot: Anuman ang itinayo para sambahin ang iisang tunay na Diyos, tulad ng mga moske, kapilya, at templo, ay hindi dapat gamitin para sa ibang layunin maliban sa paggunita sa Kaniyang Pangalan. Ito ay isang utos ng Diyos, at siya na sumuway dito ay tunay na kabilang sa yaong mga lumabag. Walang kapahamakan ang makakamtan ng nagtatag ng gusali, sapagka’t isinagawa niya ang kaniyang gawain alang-alang sa Diyos, at tumanggap at patuloy na tatanggap ng kaniyang nararapat na makatarungang gantimpala.

95. Tanong: Tungkol sa mga kasangkapan ng isang lugar para sa pagtatrabahuhan, na kinakailangan upang maisagawa ang trabaho o propesyon: ang mga ito ba ay nasasaklaw ng pagbabayad ng Huqúq’u’lláh, o ang mga iyon ba ay nasasaklaw ng panuntunan na tulad ng mga kasangkapan sa tirahan?

Sagot: Ang mga iyon ay saklaw ng panuntunan tulad ng mga kasangkapan sa tirahan.

96. Tanong: Tungkol sa ari-arian na ipinagkatiwala na ipinagpalit sa salapi o ibang uri ng ari-arian, upang mapangalagaan laban sa pagbaba ng halaga o pagkalugi.

Sagot: Tungkol sa nakasulat na katanungan sa pagpapalit ng ari-arian na ipinagkatiwala upang mapangalagaan laban sa pagbaba ng halaga at pagkalugi, ang gayong pagpapalit ay pinahihintulutan sa kondisyon na ang kapalit ay gayundin ang halaga. Ang iyong Panginoon, sa katunayan, ay ang Tagapagpaliwanag, ang may Walang-hanggang Kaalaman, at Siya, sa katotohanan ay ang Nagtatadhana, ang Napakatanda ng mga Araw.

97. Tanong: Tungkol sa paghuhugas ng mga paa sa panahon ng taglamig at tag-init.

Sagot: Ito ay magkapareho sa dalawang kalagayan; ang mainit na tubig ay higit na mabuti, ngunit walang tutol sa malamig.

98. Tanong: Isang karagdagang tanong sa diborsiyo.

Sagot: Dahilan sa ang Diyos, dakilain nawa ang Kaniyang kaluwalhatian, ay hindi sumasang-ayon sa diborsiyo, walang ipinahayag tungkol sa paksang ito.  Gayunpaman, mula sa simula ng paghihiwalay hanggang sa pagwawakas ng isang taon, dalawang tao o higit pa ang dapat manatiling nakababatid bilang mga saksi; kung sa katapusan, walang muling pagkakaunawaan, ang diborsiyo ay magaganap. Ito ay dapat maitala sa talaan ng pangrelihiyong pinuno ng pagtatala ng lunsod na hinirang ng mga Katiwala ng House of Justice. Ang pagsunod sa pamamaraang ito ay kailangan upang hindi mangalungkot yaong mga nagtataglay ng nakakaunawang puso.

99. Tanong: Tungkol sa pagsasanggunian.

Sagot: Kung ang pagsasanggunian sa unang pangkat ng mga nagkakatipong tao ay magwakas sa hindi pagkakasundo, ay dapat magdagdag ng bagong mga tao na pagkatapos ang mga tao sa bilang ng Pinakadakilang Pangalan, o kulang o higit, ay pipiliin sa pamamagitan ng palabunutan. Pagkatapos niyon ang pagsasanggunian ay gagawain muli, at ang kinalabasan, maging anuman iyon, ay dapat sundin. Datapuwa’t, kung mayroon pa ring di-pagkakasundo, ang gayunding paraan ay dapat na muling gawain, at ang pasiya ng nakararami ang masusunod. Siya, sa katunayan, ay pinapatnubayan ang sinumang ninanais Niya sa tamang landas.

100. Tanong: Tungkol sa mana.

Sagot: Tungkol sa mana, yaong itinadhana ng Pinagmulang Tuldok—harinawang ang mga kaluluwa ng lahat ng iba maliban sa Kaniya ay maialay alang-alang sa Kaniya—ay lubos na kasiya-siya. Ang nabubuhay na mga tagapagmana ay dapat tumanggap ng kanilang nauukol na bahagi ng mana, samantalang isang ulat tungkol sa natitira ang dapat na ibigay sa Korte ng Pinaka-Mataas. Nasa Kaniyang kamay ang bukal ng kapangyarihan; itinatadhana Niya ang Kaniyang ninanais. Kaugnay nito, isang batas ang ipinahayag sa Lupain ng Hiwaga,10 pansamantalang ibinibigay ang mana ng uri ng walang tagapagmana sa mga tagapagmana na naroroon hanggang sa panahon na ang House of Justice ay maitatag, kung kailan ang batas tungkol dito ay paiiralin. Ang mana, samakatuwid, noong mga nandayuhan sa taon ring kasabay ng Napakatandang Kagandahan, ay ibinigay sa kanilang mga tagapagmana, at ito ay isang pagpapala ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila.

101. Tanong: Tungkol sa batas ng nakatipon na kayamanan na natagpuan.

Sagot: Kung ang isang kayamanan ay matagpuan, ang ikatlong bahagi noon ay karapatan ng nakatagpo, at ang dalawang ikatlong bahagi ay dapat gugulin ng mga tao ng House of Justice para sa kapakanan ng lahat ng mga tao. Ito ay gagawain matapos ang pagtatatag ng House of Justice, at hanggang sa panahong iyon, ito ay ibibigay sa pangangalaga ng mapagkakatiwalaang mga tao sa bawat pamayanan at lupain. Siya, sa katotohanan, ay ang Pinuno, ang Nagtatadhana, ang may Walang-hanggang Kaalaman, ang Nakaaalam ng Lahat.

102. Tanong: Tungkol sa Huqúq sa pag-aaring lupain na hindi nagbibigay ng tubo.

Sagot: Ang alituntunin ng Diyos ay yaong lupa na huminto nang magbigay ng kita, iyon ay yaong wala nang tubo na naidaragdag, ay wala nang pananagutang magbayad ng Huqúq. Siya, sa katunayan, ay ang Pinuno, ang Lubos na Mapagbigay.

103. Tanong: Tungkol sa banal na bersikulo: “Sa mga pook na ang mga araw at gabi ay humahaba, hayaang ang oras ng pananalangin ay kalkulahin ng mga orasan…”

Sagot: Ang tinutukoy ay yaong mga lupain napakalayo. Sa mga klimang ito, gayunpaman, ang pagkakaiba sa haba ay ilang oras lamang, at sa gayon ang alituntuning ito ay hindi umiiral.

104. Sa Tableta kay Abá Badí, ang banal na bersikulong ito ay ipinahayag: “Sa katunayan, iniutos Namin sa bawat anak na lalake na paglingkuran ang kaniyang ama.” Gayon ang utos na Aming inihayag sa Aklat.

105. At sa ibang Tableta, ang dakilang mga salitang ito ay ipinahayag: O Muhammad! Ang Napakatanda ng mga Araw ay ibinaling ang Kaniyang mukha sa iyo, binabanggit ka, at nagtatagubilin sa mga tao ng Diyos na pangaralan ang kanilang mga anak. Kung pababayaan ng isang ama ang pinaka-matimbang na kautusang ito na ibinigay sa Kitáb-i-Aqdas ng Panulat ng Walang Hanggang Hari, mawawalan siya ng mga karapatan sa pagka-ama, at ibibilang na may kasalanan sa harap ng Diyos. Makabubuti sa kaniya na ikinintal sa kaniyang puso ang mga paalaala ng Panginoon, at matatag na nangapit sa mga iyon. Ang Diyos, sa katotohanan, ay iniuutos sa Kaniyang mga tagapaglingkod yaong makatutulong at makabubuti sa kanila, at bigyang-kakayahan sila na makalapit sa Kaniya. Siya ang Nagtatadhana, ang Walang Hanggan Magpakailanman.

106. Siya ang Diyos, dakilain nawa Siya, ang Panginoon ng kamahalan at lakas!  Ang mga Propeta at Sila na mga Hinirang ay inatasang lahat, ng Iisang Tunay na Diyos, dakilain nawa ang Kaniyang kaluwalhatian, na pangalagaan ang mga punong kahoy ng buhay ng tao sa pamamagitan ng mga buhay na tubig ng pagkamakatarungan at pagkamaunawain, upang may lumitaw sa kanila yaong inilagak ng Diyos sa loob ng pinaka-buod ng kanilang mga sarili. Tulad nang kaagad na makikita, bawat puno ay nagbibigay ng kaniyang bunga, at ang isang hindi namumungang puno ay nararapat lamang sa apoy. Ang layunin ng mga Tagapagturo na ito, sa lahat ng sinabi at itinuro nila, ay ang pangalagaan ang dakilang katayuan ng tao. Makabubuti sa kaniya na sa Araw ng Diyos ay mahigpit na nangapit sa Kaniyang mga itinuro at hindi lumihis mula sa Kaniyang tunay at saligang Batas. Ang mga bunga na lubos na karapat-dapat sa puno ng buhay ng tao ay ang pagkamapag-kakatiwalaan at pagkamaka-Diyos, pagka-makatotohanan at pagiging taos-puso; ngunit ang higit na mahalaga sa lahat, matapos ang pagkilala sa kaisahan ng Diyos, purihin at luwalhatiin nawa Siya, ay ang pagpapahalaga sa mga karapatan na tungkuling ibigay sa mga magulang. Ang turo na ito ay binanggit na sa lahat ng mga Aklat ng Diyos, at muling pinagtibay ng Pinaka-Dakilang Panulat. Isaalang-alang yaong ipinahayag ng Mahabaging Panginoon sa Qur’án, dakilain nawa ang Kaniyang mga salita: “Sambahin ninyo ang Diyos, huwag mag-ugnay sa Kaniya ng kauri o kaparis; at magpakita ng kagandahang-loob at kawang-gawa sa inyong mga magulang...” Bigyang-pansin kung paanong ang mapagmahal na kagandahang-loob sa mga magulang ay iniugnay sa pagkilala sa iisang tunay na Diyos! Maligaya sila na pinagkalooban ng tunay na wastong kaalaman at pag-uunawa, ang nakakikita at nakadadama, siya na nakababasa at nakauunawa, at yaong sumusunod doon sa ipinahayag ng Diyos sa mga Banal na Aklat ng nakaraan at dito sa walang katulad at kamangha-manghang Tableta na ito. 

107. Sa isa sa mga Tableta, dakilain nawa ang Kaniyang mga salita, ay ipinahayag Niya ang: At tungkol sa Zakát, iniutos din Namin na dapat ninyong sundin yaong ipinahayag sa Qur’án. 

•    •    •

Lagom at Pagsasaayos ng mga Batas at Alituntunin ng Kitáb-i-Aqdas

Buod ng mga Nilalaman

I. Ang Paghirang kay ‘Abdu’l-Bahá bilang Tagapagmana ng Tungkulin ni Bahá’u’lláh at Tagapagpaliwanag ng Kaniyang mga Turo

A. Bumaling sa Kaniya.

B. Sumangguni sa Kaniya.

II. Ang Pagkakahiwatig sa Institusyon ng Panunungkulan ng Guardian

III. Ang Institusyon ng House of Justice

IV. Mga Batas, mga Alituntunin at mga Tagubilin

A. Panalangin

B. Pag-aayuno 

C. Mga Batas tungkol sa Personal na Kalagayan

D. Iba’t ibang mga Batas, mga Alituntunin at mga Tagubilin

V. Mga Paalala, Panunumbat at Babala na may Tanging Kinauukulan

VI. Iba’t ibang mga Paksa

Lagom at Pagsasaayos

I. Ang Paghirang kay ‘Abdu’l-Bahá bilang tagapagmana ng tungkulin ni Bahá’u’lláh at Tagapagpaliwag ng Kaniyang mga Turo 

A. Inaatasan ang matatapat na ibaling ang kanilang mga mukha sa Kaniya “Na nilayon ng Diyos, Siya Na nagsanga mula sa Napakatandang Ugat na ito.”

B. Ang matatapat ay inuutusan na isangguni ang anumang hindi nila nauunawaan sa mga kasulatang Bahá’í sa “Kaniya Na nagsanga mula sa makapangyarihang Puno na ito.”

II. Ang Pagkakahiwatig sa Institusyon ng Panunungkulan ng Guardian

III. Ang Institusyon ng House of Justice

A. Ang House of Justice ay pormal na itinadhana.

B. Ang mga tungkulin nito ay tiniyak. 

C. Ang mga kita nito ay itinakda.

IV. Mga Batas, mga Alituntunin at mga Tagubilin

A. Panalangin

1. Ang napakataas na katayuan na kinala-lagyan ng Dalanging Katungkulang Isagawa sa Rebelasyong Bahá’í.

2. Ang Qiblih:

a. Tiniyak ng Báb na ang tinutukoy nito ay “Siya na Ihahayag ng Diyos.”

b. Ang pagtukoy na ginawa ng Báb ay pinagtibay ni Bahá’u’lláh.

c. Itinadhana ni Bahá’u’lláh ang Kaniyang himlayan bilang Qiblih pagkamatay Niya.

d. Ang pagbaling sa Qiblih ay iniuutos samantalang inuusal ang mga Dalanging Katungkulang Isagawa.

3. Ang mga Dalanging Katungkulang Isagawa ay tungkuling gawain ng mga lalake at mga babae na narating na ang hustong gulang na itinakda sa 15.

4. Ang pahintulot na hindi gawain ang mga Dalanging Katungkulang Isagawa ay ipinagkakaloob sa:

a. Yaong mga may sakit.

b. Yaong mga higit na sa 70. 

c. Mga babae na may regla, kung isasagawa nila ang kanilang mga ablusyon at uulitin ang isang tanging ipinahayag na berso nang 95 na beses sa isang araw.

5. Ang mga Dalanging Katungkulang Isagawa ay dapat ialay ng bawat isa.

6. Ang pagpili ng isa sa tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa ay pinahihintulutan.

7. Ang “umaga”, “tanghali”, at “gabi”, na binanggit kaugnay ng mga Dalanging Katungkulang Isagawa, ay nanganga-hulugan ayon sa pagkakabanggit ay ang mga pagitan ng pagsikat ng araw at tanghali, sa tanghali at paglubog ng araw, at ang gabi ay mula sa paglubog ng araw at dalawang oras pagkalubog ng araw.

8. Ang pag-usal ng unang (ang mahaba) Dalanging Katungkulang Isagawa minsan sa dalawampu’t apat na oras ay sapat na.

9. Higit na mabuti na ialay ang ikatlong (ang maikli) Dalanging Katungkulang Isagawa nang nakatayo.

10. Ablusyon:

a. Dapat mauna ang ablusyon sa pag-usal ng mga Dalanging Katungkulang Isagawa.

b. Sa bawat Dalanging Katungkulang Isagawa ang bagong ablusyon ay dapat gawain.

c. Kung dalawang Dalanging Katung-kulang Isagawa ang iaalay sa tanghali, isang ablusyon sa kapwa mga pana-langin ay makasasapat na.

d. Kung walang makukuhang tubig o ang paggamit nito ay makasasama sa mukha o mga kamay, ang pag-usal nang limang beses, ng isang natatanging ipinahayag na bersikulo ay inuutos.

e. Kung ang panahon ay lubhang napakalamig, ang paggamit ng mali-gamgam na tubig ay iminumungkahi.

f. Kung ang ablusyon ay ginawa para sa ibang mga layunin, ang pagsa-sagawa muli sa mga iyon bago usalin ang Dalanging Katungkulang Isagawa ay hindi na kailangan.

g. Ang ablusyon ay kinakailangan kahiman ang pagligo ay nagawa na o hindi pa.

11. Pagtiyak sa mga oras na itinakda para sa Panalangin.

a. Ang mga pagbatay sa mga orasan ay pinahihintulutan upang matiyak ang mga oras sa pag-aalay ng mga Dala-nging Katungkulang Isagawa.

b. Sa mga bansa na naroroon sa dulong hilaga o timog, kung saan ang tagal ng mga araw at gabi ay malaki ang pagkakaiba, ang mga orasan at mga relo ay dapat gamitin nang walang kinalaman sa pagsikat o paglubog ng araw.

12. Kung mapanganib ang kalagayan, kahiman kapag naglalakbay o hindi, sa bawat Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi naialay, isang pagpapatirapa at ang pag-usal ng isang tanging bersikulo ang iniuutos, na dapat sundan ng pag-ulit nang labing walong beses ng isa pang tanging bersikulo.

13. Ang pangkongregasyong panalangin ay ipinagbabawal maliban sa Dalangin para sa Yumao.

14. Ang pag-usal, sa kabuuan nito, ng Dala-ngin para sa Yumao ay iniaatas maliban doon sa mga hindi makabasa, na inuutusang ulitin ang anim na tanging mga talata sa panalanging iyon.

15. Ang Dalanging Katungkulang Isagawa na dapat usalin ng tatlong beses sa isang araw, sa umaga, tanghali, at gabi, ay pina-litan ng tatlong mga Dalanging Katung-kulang Isagawa na ipinahayag noong dakong huli.

16. Ang Dalangin ng mga Palatandaan ay pinawalang-bisa, at isang bersikulo na natatanging ipinahayag ang ipinalit para doon. Gayunpaman, ang pag-usal sa bersi-kulo ay hindi tungkuling isagawa.

17. Ang buhok, sable, mga buto, at mga tulad nito ay hindi pinawawalang-bisa ang panalangin ng isang tao.

B. Pag-aayuno

1. Ang napakataas na katayuan na kinalalagyan ng pag-aayuno sa Rebelasyong Bahá’í.

2. Ang panahon ng pag-aayuno ay nagsisimula sa pagtatapos ng Paningit na mga Araw, at nagwawakas sa Pagdiriwang ng Naw-Rúz.

3. Ang pangingilin sa pagkain at inumin, mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, ay tungkuling isagawa.

4. Ang pag-aayuno ay tungkuling gawain ng mga lalake at mga babae sa pagsapit sa hustong gulang, na itinakda sa 15.

5. Ang pahintulot na hindi mag-ayuno ay ipinagkakaloob sa:

a. Mga Naglalakbay

i. Kung ang paglalakbay ay hihigit sa 9 na oras.

ii. Yaong mga naglalakbay nang lakad, kung ang paglalakbay ay higit sa 2 oras.

iii. Yaong mga inihinto ang kanilang paglalakbay nang kulang sa 19 na araw.

iv. Yaong mga inihinto ang kanilang paglalakbay sa panahon ng Pag-aayuno sa isang pook kung saan sila ay mananatili ng 19 na araw ay hindi kailangang mag-ayuno sa loob lamang ng tatlong araw mula sa kanilang pagdating.

v. Yaong mga nakarating sa kanilang tahanan sa panahon ng Pag-aayuno ay dapat magsimula ng pag-aayuno mula sa araw ng kanilang pag-dating.

b. Yaong mga may sakit.

c. Yaong mga may edad na higit sa 70.

d. Mga babae na nagdadalang-tao.

e. Mga babae na nagpapasuso.

f. Mga babae na may regla, kung isasagawa nila ang kanilang mga ablusyon at uulitin ang isang tanging ipinahayag na bersikulo nang 95 na beses sa isang araw.

g. Yaong mga abala sa mabigat na trabaho, na pinapayuhan na magpakita ng paggalang sa batas sa pamamagitan ng pagiging maingat at mapagpigil saman-talang ginagamit ang kapahintulutang hindi mag-ayuno.

6. Ang panata na mag-ayuno (sa ibang buwan bukod doon sa iniatas para sa pag-aayuno) ay pinahihintulutan. Ang mga panata na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, gayunpaman, ay higit na mabuti sa paningin ng Diyos.

C. Mga Batas tungkol sa Personal na Kalagayan

1. Pag-aasawa:

a. Ang pag-aasawa ay masidhing iminu-mungkahi ngunit hindi sapilitan.

b. Ang pagkakaroon ng higit sa isang may-bahay ay ipinagbabawal.

c. Ang pag-aasawa ay nasasalalay sa pagsapit ng dalawang panig sa hustong gulang, na itinakda sa 15.

d. Ang pag-aasawa ay nababatay sa pahintulot ng dalawang panig at ng kanilang mga magulang, kahiman ang babae ay donselya o hindi.

e. Tungkulin ng dalawang panig na bigkasin ang isang tanging ipinahayag na bersikulo na nagpapakilala ng kanilang kasiyahan sa kagustuhan ng Diyos.

f. Ang pag-aasawa sa sariling inang panguman ay ipinagbabawal.

g. Lahat ng bagay tungkol sa pagpapakasal sa kamag-anak ay isasangguni sa House of Justice.

h. Ang pag-aasawa sa mga hindi kapanampalataya ay pinahihintulutan.

i. Pakikipagkasundong pakasal:

i. Ang panahon ng kasunduang magpakasal ay hindi lalampas sa 95 na araw.

ii. Labag sa batas ang makipagkasundo ng pagpapakasal sa isang babae bago siya sumapit sa hustong gulang.

j. Ang Dote:

i. Ang pagpapakasal ay nasasalalay sa pagbabayad ng dote.

ii. Ang dote ay itinakda sa 19 na mithqál ng purong ginto para sa mga taga-lunsod, at 19 na mithqál ng pilak para sa mga taga-nayon, nababatay sa pirmihang tirahan ng lalake, at hindi ng maybahay.

iii. Ipinagbabawal ang pagbabayad ng higit pa sa 95 mithqál.

iv. Higit na mabuti na ang isang lalake ay masiyahan sa pagbabayad ng 19 na mithqál ng pilak.

v. Kung ang buong kabayaran ng dote ay hindi magagawa ang pagbigay ng isang nasusulat na pangako ay pinahihintulutan.

k. Kung ang alinmang panig, matapos ang pagbigkas ng natatanging ipinahayag na bersikulo at ang pagbabayad ng dote, ay magkaroon ng pagkamuhi sa kabila bago magkaroon ng pagtatalik ang ikinasal, ang panahon ng paghihintay ay hindi na kailangan bago magkaroon ng isang diborsiyo.  Gayunpaman, ang pagbawi ng dote ay hindi pinahihin-tulutan.

l. Dapat itakda ng asawa para sa kaniyang maybahay ang panahon ng kaniyang pagbabalik kung nagbabalak na mag-lakbay. Kung sa isang makatuwirang kadahilanan siya ay hindi makakauwi sa itinakdang panahon, dapat niyang ipaalam sa maybahay at sikaping makabalik sa kaniya. Kung siya ay mabigong tuparin ang alinman sa kondisyon, ang maybahay ay dapat maghintay ng 9 na buwan na pagkatapos ay maaari siya muling makapag-asawa, gayunpaman, higit na mabuti na maghintay siya nang matagal pa. Kung ang balita ng pagkamatay niya o pagkapatay sa kaniya ay makarating sa maybahay, at ang balita ay pinagtibay ng isang pangkalahatang ulat o ng dalawang mapagkakatiwalaang saksi, siya ay maa-aring muling mag-asawa pagkatapos ng siyam na buwan.

m. Kung ang asawa ay umalis nang hindi sinasabi sa kaniyang maybahay ang petsa ng kaniyang pagbabalik, at batid ang batas na iniutos sa Kitáb-i-Aqdas, ang maybahay ay maaaring muling mag-asawa matapos ang paghihintay ng isang taong singkad.  Kung hindi nalalaman ng asawa ang batas na ito, ang maybahay ay dapat maghintay hanggang ang balita tungkol sa kaniyang asawa ay makarating sa kaniya.

n. Kung ang asawa, matapos ang pagbabayad ng dote, ay matuklasan na ang kaniyang maybahay ay hindi birhen, ang pagsasauli ng dote at ng mga ginugol ay maaaring ipasauli.

o. Kung ang pag-aasawa ay ibinatay sa pagkadonselya ng babae, ang pagsasauli ng dote at noong mga nagugol ay maaaring ipasauli at ang kasal ay mapawalang-bisa. Ang ilihim ang bagay na ito, gayunpaman, ay lubhang kasiya-siya sa mata ng Diyos.

2. Diborsiyo:

a. Ang diborsiyo ay malubhang isinusumpa.

b. Kung ang pagkamuhi o hinanakit ay mangyari sa alinman sa asawa o sa maybahay, ang diborsiyo ay ipinahihin-tulot, pagkatapos lamang ng paglipas ng isang buong taon. Ang simula at wakas ng taon ng paghihintay ay dapat pagti-bayin ng dalawa o higit pang mga saksi. Ang pagsasagawa ng pagdidiborsiyo ay dapat itala sa isang opisyal ng hukuman na kumakatawan sa House of Justice.  Ang pagtatalik sa loob ng panahon ng paghihintay ay ipinagbabawal, at sinuman ang lumabag sa batas na ito ay dapat magsisi at magbayad sa House of Justice ng 19 na mithqál ng ginto.

c. Ang kadagdagang panahon ng paghihintay matapos maganap ang diborsiyo ay hindi kinakailangan.

d. Ang maybahay na didiborsiyohin dahilan sa kaniyang pagtataksil ay mawawalan ng karapatan sa kabayaran ng mga gastusin sa loob ng panahon ng paghihintay.

e. Ang pag-aasawang muli sa maybahay na kaniyang diniborsiyo ay pinahihintulutan, kung hindi pa siya nagpapakasal sa ibang lalake.  Kung nagawa na niya ito, dapat siyang makipagdiborsiyo bago siya mapakasalan ng kaniyang dating asawa.

f. Kung sa anumang oras sa loob ng panahon ng paghihintay ang pagmamahalan ay muling manumbalik, ang bigkis ng pagiging mag-asawa ay may bisa.  Kung ang muling pagkakaunawaan na ito ay masundan ng paghihiwalay at ang diborsiyo ay muling naisin, isang pani-bagong taon ng paghihintay ang dapat na muling simulaan. 

g. Kung mangyari ang hindi pagka-kaunawaan sa pagitan ng asawa at ng maybahay samantalang naglalakbay, kinakailangan niyang pauwiin ang kaniyang maybahay, o ipagkatiwala siya sa isang maaasahang tao, na sasamahan siya doon, babayaran ang kaniyang paglalakbay at ang lahat ng kaniyang gugugulin sa isang taon.

h. Kung igiit ng maybahay na diborsiyohin ang kaniyang asawa sa halip na manirahan sa ibang bansa, ang taon ng paghihintay ay dapat bilangin mula sa panahon ng kanilang paghihiwalay, samantalang naghahanda siya sa pag-alis o sa pag-alis niya.

i. Ang batas ng Islam hinggil sa muling pagpakasal sa maybahay na dati niyang diniborsiyo ay hindi na ipinatutupad.

3. Mana:1 

a. Ang mana ay natatakda sa sumusunod na mga kaurian:

1. mga anak 1,080 mula sa 2,520 bahagi

2. asawa o maybahay 390 “ 2,520 “ 

3. ama 330 “ 2,520 “

4. ina 270 “ 2,520 “ 

5. kapatid na lalake 210 “ 2,520 “ 

6. kapatid na babae 150 “ 2,520 “ 

7. guro 90 “ 2,520 “ 

b. Ang bahagi ng mga anak, na itinakda ng Báb, ay dinoble ni Bahá’u’lláh, at isang kaparis na bahagi ay katumbas na binawas mula sa bawat natitirang tagapagmana. 

i. Sa mga pangyayaring walang mga anak, ang bahagi ng mga anak ay tutungo sa House of Justice upang gugulin sa mga ulila at mga biyuda at sa anumang pakikinabangan ng sangkatauhan.

ii. Kung ang anak na lalake ng pumanaw ay patay na at nag-iwan ng mga anak, ang mga ito ang magmamana ng bahagi ng kanilang ama.  Kung ang anak na babae ng pumanaw ay patay na at nag-iwan ng mga anak, ang kaniyang bahagi ay dapat hatiin sa pitong mga kaurian na itinakda sa Pinakabanal na Aklat.

c. Kung ang isa ay mag-iwan ng anak, ngunit ilanman o lahat ng ibang uri ng mga taga-pagmana ay wala ang dalawang ikatlo ng kanilang bahagi ay tutungo sa anak at ang ikatlong bahagi ay sa House of Justice.


d. Kung wala sa itinakdang mga tagapag-mana ang nabubuhay, dalawang ikatlong bahagi ng mana ay tutungo sa mga pamangking lalake at babae ng pumanaw. Kung walang nabubuhay sa mga ito, ang gayunding bahagi ay tutungo sa mga tiyahin at tiyuhin; kung wala ang mga ito, sa kanilang mga anak na lalake at babae.  Sa anumang pangyayari ang natitirang ikatlong bahagi ay tutungo sa House of Justice.

e. Kung ang isa ay hindi nag-iwan ng alinman sa nabanggit na mga tagapagmana, ang buong mana ay tutungo sa House of Justice.

f. Ang tirahan at personal na pananamit ng namatay na ama ay tutungo sa anak na lalake at hindi sa anak na babae. Kung may-roong ilang mga tirahan ang pangunahin at pinakamahalaga ay tutungo sa anak na lalake. Ang natitirang mga tirahan kasama ng ibang mga ari-arian ng pumanaw ay dapat hatiin sa mga tagapagmana.  Kung walang anak na lalake ang dalawang ikatlong bahagi ng pangunahing tirahan at ng personal na pananamit ng yumaong ama ay tutungo sa anak na babae at ang ikatlong bahagi ay sa House of Justice.  Sa kaso ng pumanaw na ina ang lahat ng kaniyang pananamit na isinuot na ay pantay na hahatiin sa kaniyang mga anak na babae. Ang kaniyang di pa naisusuot na pananamit, mga alahas at ari-arian ay dapat hatiin sa kaniyang mga tagapag-mana, gayundin ang kaniyang pananamit na isinuot na kung wala siyang iniwang anak na babae.

g. Kung ang mga anak ng yumao ay wala sa hustong gulang ang kanilang bahagi ay dapat ipagkatiwala sa isang maaasahang tao o sa isang kompanya upang ipamuhunan, hanggang sa marating nila ang hustong gulang.  Ang pinagkatiwalaan ay dapat magkaroon ng takdang bahagi mula sa kinita na naipon.

h. Ang mana ay hindi dapat hatiin hanggang hindi nababayaran ang Huqúqulláh (Ang Karapatan ng Diyos), sa anumang mga naging utang ng pumanaw at ang anumang mga ginugol para sa isang nararapat na paglilibing.

i. Kung ang kapatid na lalake ng pumanaw ay mula sa iisang ama, mamanahin niya ang kabuuan ng naitakdang bahagi.  Kung iba ang kaniyang ama, dalawang ikatlong bahagi lamang ang kaniyang mamanahin sa bahagi niya, ang natitirang ikatlong bahagi ay tutungo sa House of Justice.  Ang katulad na batas ay pinaiiral din sa kapatid na babae.

j. Kung mayroong mga kapatid na lalake o babae mula sa iisang ama, ang mga kapatid na lalake o babae sa panig ng ina ay hindi magmamana.

k. Ang isang guro na hindi Bahá’í ay hindi magmamana. Kung mayroong higit pa sa isang guro, ang bahaging itinakda sa guro ay dapat na pantay-pantay na hatiin sa kanila.

l. Ang mga tagapagmana na hindi Bahá’í ay hindi magmamana. 

m. Bukod sa pananamit na naisuot na ng maybahay at mga handog na alahas at iba pang napatunayang ibinigay sa kaniya ng kaniyang asawa, anuman ang binili ng asawa para sa kaniyang maybahay ay kikilalanin na pag-aari ng asawa na dapat hatiin sa kaniyang mga tagapagmana.

n. Sinumang tao ay malayang ipagkaloob ang kaniyang mga ari-arian ayon sa mina-marapat niya sa kondisyon na ihahanda niya ang panustos para sa pagbabayad ng Huqúqu’lláh at sa pagbabayad ng kaniyang mga utang.

D. Iba’t ibang mga Batas, mga Alituntunin at mga Payo

1. Iba’t ibang mga Batas at mga Alituntunin:

a. Peregrinasyon

b. Huqúqu’lláh 

c. Mga ari-ariang ipinagkaloob upang pagkakitaan

d. Ang Mashriqu’l-Adhkár

e. Tagal ng Dispensasyong Bahá’í 

f. Mga Pagdiriwang ng Bahá’í

g. Ang Nineteen Day Feast 

h. Ang Taon ng Bahá’í 

i. Ang Paningit na mga Araw

j. Ang edad ng hustong gulang

k. Ang paglilibing ng Yumao

l. Ang pagiging abala sa isang trabaho o propesyon ay ginawang sapilitan at itinaas sa antas ng pagsamba

m. Pagsunod sa pamahalaan

n. Edukasyon ng mga bata 

o. Ang pagsulat ng isang testamento 

p. Ikapo (Zakát)

q. Pag-uulit ng Pinakadakilang Pangalan ng 95 beses sa isang araw

r. Ang pangangaso ng mga hayop

s. Pakikitungo sa mga babaeng tagapag-lingkod

t. Ang pagkakatuklas sa nawawalang ari-arian 

u. Pagpapasiya sa nakatipon na kayama-nan na natagpuan

v. Pagpapasiya sa mga bagay na ipinag-katiwala 

w. Di-sadyang pagpatay ng tao 

x. Kahulugan ng makatarungang mga saksi 

y. Mga pagbabawal:

i. Pagpapakahulugan sa Banal na Kasulatan 

ii. Pangangalakal ng alipin

iii. Matinding pagkakait sa sarili

iv. Pagmomonghe

v. Pagpapalimos 

vi. Pagpapari

vii. Paggamit ng mga pulpito

viii. Ang paghalik sa mga kamay 

ix. Pangungumpisal ng mga kasalanan

x. Pagkakaroon ng higit sa isang maybahay

xi. Mga nakalalasing na inumin

xii. Opyo

xiii. Pagsusugal

xiv. Sadyang panununog

xv. Pakikiapid

xvi. Sadyang Pagpatay ng tao

xvii. Pagnanakaw

xviii. Relasyong homosekswal o ugna-yan ng magkatulad na kasarian 

xix. Pangkongregasyong panana-langin, maliban doon sa para sa yumao.

xx. Pagmamalupit sa mga hayop

xxi. Kawalang ginagawa at katamaran

xxii. Paninirang-puri

xxiii. Malisyosong pagbibintang

xxiv. Pagdadala ng sandata maliban kung kinakailangan 

xxv. Paggamit ng pampublikong languyan sa mga paliguan ng mga Persiano

xxvi. Pagpasok sa isang bahay nang walang pahintulot ng may-ari

xxvii. Paghampas o pagsugat sa isang tao

xxviii. Pag-aaway at paglalabanan

xxix. Pagbulong ng mga banal na bersikulo sa lansangan

xxx. Paglublob ng kamay sa pagkain

xxxi. Pag-aahit ng ulo

xxxii. Pagpapahaba ng buhok ng lalake nang lampas sa lambi ng tainga.

2. Pagpapawalang-bisa sa natatanging mga batas at alituntunin ng nakaraang mga Dispensasyon, na nag-uutos ng:

a. Pagsira ng mga aklat

b. Pagbabawal sa pagsusuot ng sutla

c. Pagbabawal sa paggamit ng kagamitan sa pagkain na yari sa ginto at pilak

d. Limitasyon ng paglalakbay

e. Pag-aalay ng napakahalagang mga handog sa Tagapagtatag ng Pananampalataya

f. Pagbabawal ng pagtatanong sa Tagapag-tatag ng Pananampalataya

g. Pagbabawal sa pagpapakasal na muli sa kaniyang diniborsiyong maybahay

h. Pagpaparusa sa sinumang naging sanhi ng kalungkutan sa kaniyang kapitbahay

i. Pagbabawal sa musika

j. Mga limitasyon sa kasuotan at balbas 

k. Pagiging marumi ng iba’t ibang mga bagay at mga tao

l. Pagiging marumi ng tamod 

m. Pagiging marumi ng ilang mga bagay para sa mga layunin ng pagpapatirapa

3. Iba’t ibang Mga Payo

a. Ang makipaghalubilo sa mga tagasunod ng lahat ng mga relihiyon nang may pakikipagkaibigan

b. Ang pagpipitagan sa mga magulang.

c. Huwag hangarin para sa iba yaong hindi ninanais sa sarili

d. Ang pagtuturo at pagpapalaganap ng Pananampalataya kapag sumalangit na ang Tagapagtatag nito

e. Ang tulungan yaong mga nagbangon upang itaguyod ang Pananampalataya

f. Huwag lumayo sa mga Kasulatan o mailigaw noong mga lumayo

g. Ang sumangguni sa Banal na Kasulatan kapag may nangyayaring di-pagkaka-unawaan

h. Ang ilubog ang sarili sa pag-aaral ng mga Turo

i. Ang hindi pagsunod sa mga walang saysay na guni-guni at mga walang kabuluhang hinagap

j. Ang usalin ang mga banal na bersikulo sa umaga at sa gabi

k. Ang usalin ang mga banal na bersikulo nang malamyos

l. Ang turuan ang mga bata na dalitin ang mga banal na bersikulo sa Mashriqu’l-Adhkár

m. Ang pag-aaral sa gayong mga sining at agham na kapaki-pakinabang sa sang-katauhan

n. Ang magsanggunian nang magkakasama

o. Ang huwag maging pabaya sa pagsasa-katuparan ng mga batas ng Diyos

p. Ang pagsisihan sa Diyos ang kaniyang mga kasalanan

q. Ang itangi ang sarili sa pamamagitan ng mabubuting gawa

i. Ang maging makatotohanan

ii. Ang maging mapagkakatiwalaan

iii. Ang maging matapat

iv. Ang maging makatuwiran at matakot sa Diyos

v. Ang maging makatarungan at walang kinikilingan

vi. Ang maging mahusay makitungo at madunong

vii. Ang maging magalang

viii. Ang maging magiliw sa mga panauhin

ix. Ang maging matiyaga

x. Ang maging nakawalay 

xi. Ang maging ganap na masunurin sa kalooban ng Diyos

xii. Huwag magpasimuno ng kaguluhan

xiii. Huwag maging mapagkunwari

xiv. Huwag maging palalo

xv. Huwag maging panatiko

xvi. Huwag iangat ang sarili kaysa sa kapitbahay

xvii. Huwag makipagtalo sa kapit-bahay

xviii. Huwag sundin ang mga simbuyo ng damdamin

xix. Huwag manangis sa kahirapan

xx. Huwag makipagtalo sa mga nasa kapangyarihan

xxi. Huwag mawalan ng kahinahunan

xxii. Huwag galitin ang kapitbahay

r. Ang maging malapit na nagkakaisa

s. Ang sumangguni sa mga mahuhusay na manggagamot kung may karamdaman

t. Ang tumugon sa mga paanyaya

u. Ang magpakita ng kagandahang-loob sa angkan ng Tagapagtatag ng Pananampalataya

v. Ang pag-aaral ng mga wika upang lalo pang maitaguyod ang Pananampalataya

w. Ang itaguyod ang pag-unlad na mga lunsod at bansa para sa pagluwalhati ng Pananampalataya

x. Ang muling pagsasaayos at pangangalaga sa mga pook na may kaugnayan sa mga Tagapagtatag ng Pananampalataya

y. Ang maging diwa ng kalinisan:

i Ang maghugas ng paa

ii. Ang magpabango ng sarili

iii. Ang maligo sa malinis na tubig

iv. Ang paggupit ng mga kuko

v. Ang paghuhugas ng maruruming bagay sa malinis na tubig

vi. Ang maging walang bahid ng dumi sa pananamit

vii. Ang pagpapalit ng mga kasang-kapan sa bahay

V. Mga Paalala, Panunumbat at Babala na may Tanging Kinauukulan Ipinarating sa:

1. Buong sangkatauhan

2. Mga hari at reyna ng daigdig

3. Kalipunan ng mga pinuno ng relihiyon

4. Mga pinuno ng America at mga pangulo ng mga Republika doon 

5. William I, Hari ng Prussia

6. Francis Joseph, Emperador ng Austria 

7. Mga tao ng Bayán

8. Mga kasapi ng mga parliyamento sa buong daigdig

VI. Iba’t ibang mga Paksa

1. Ang nangingibabaw na katangian ng Rebelasyon na Bahá’í 

2. Ang napakataas na katayuan ng May-Akda ng Pananampalataya

3. Ang pinakamataas na kahalagahan ng Kitáb-i-Aqdas, “Ang Pinaka Banal na Aklat”

4. Ang doktrina ng “Ang Pinaka-Dakilang Walang Pagkakamali”

5. Ang kambal na tungkulin ng pagkilala sa Kahayagan at pagsunod sa Kaniyang mga Batas, at di-maipaghihiwalay ito

6. Ang layunin ng lahat ng karunungan ay ang pagkilala sa Kaniya na Siyang Pakay ng lahat ng karunungan

7. Ang pagpapala noong mga nakaunawa sa pangunahing katotohanan na “Siya ay hindi pananagutin sa mga ginagawa Niya”.

8. Ang lubusang nakapagpapabagong bisa ng “Pinaka-Dakilang Kaayusan”.

9. Ang pagpili ng isang wika at ang paggamit ng isang pangkalahatang pagsulat upang gamitin ng lahat ng nasa kalupaan: isa sa dalawang palatandaan ng kaganapan ng sangkatauhan

10. Mga hula ng Báb tungkol sa “Siya na ihahayag ng Diyos”

11. Hula tungkol sa pagtutol sa Pananampalataya

12. Parangal sa hari na tatanggap sa Pananampalataya at magbabangon upang paglingkuran ito

13. Ang kawalang katatagan ng pamumuhay ng tao

14. Ang kahulugan ng tunay na kalayaan

15. Ang kahalagahan ng lahat ng mga gawa ay nasasalalay sa pagtanggap ng Diyos

16. Ang kahalagahan ng pag-ibig sa Diyos bilang dahilan sa pagsunod sa Kaniyang mga Batas

17. Ang kahalagahan ng paggamit sa materyal na mga kaparaanan

18. Papuri sa marurunong sa mga tao ng Bahá

19. Katiyakan ng pagpapatawad kay Mírzá Yahyá kung siya ay magsisi

20. Personal na panawagan sa Tihrán

21. Personal na panawagan sa Constantinople at sa mga tao nito

22. Personal na panawagan sa “mga pampang ng Rhine”

23. Pagsumpa doon sa mga naghahayag ng taliwas na pag-angkin sa lihim na kaalaman na para sa iilan lamang.


24. Pagsumpa doon sa mga nagpapahintulot sa kapalaluan sa kanilang karunungan na mahadlangan sila sa Diyos

25. Mga hula tungkol sa Khurásán

26. Mga hula tungkol sa Kirmán

27. Pahiwatig ukol kay Shaykh Ahmad-i-Ahsá’í

28. Pahiwatig ukol sa Tagabithay ng Trigo

29. Pagsumpa kay Hájí Muhammad-Karím Khán

30. Pagsumpa kay Shaykh Muhammad-Hasan

31. Pahiwatig na ukol kay Napoleon III

32. Pahiwatig na ukol kay Siyyid Muhammad-i-Isfáhání

33. Katiyakan ng tulong doon sa lahat ng magbabangon upang paglingkuran ang Pananampalataya

•    •    •

Mga Tala

Ang mga tala ay nilagyan ng bilang mula 1 hanggang 194.  And bawat isa ay nagsisimula sa isang parirala o pangungusap na hango sa Kitáb-i-Aqdas na nakasulat ng mas makapal na titik at ito ay sinusundan ng bilang ng parapo na kung saan ito ay matatagpuan.

1. ang kalugod-lugod na halimuyak ng Aking damit ¶4

Ito ay isang pahiwatig sa kasaysayan ni Jose sa Qur’án at sa Lumang Tipan, kung saan ang damit ni Jose, na dinala ng kaniyang mga kapatid kay Jacob, ang kanilang ama, ay nagawang makilala ni Jacob ang kaniyang pinakamamahal na anak na matagal nang nawawala. Ang metapora ng mabangong “damit” ay malimit gamitin sa mga Kasulatang Bahá’í upang tumukoy sa pagkilala sa Kahayagan ng Diyos at sa Kaniyang Rebelasyon.

Si Bahá’u’lláh, sa isa sa mga Tableta Niya, ay inilalarawan ang Kaniyang Sarili bilang “ang Banal na Jose” na “ipinagpalit” ng mga pabaya “para sa pinakamaliit na halaga.” Ang Báb, sa Qayyúmu’l-Asmá’ ay kinilala si Bahá’u’lláh bilang ang “tunay na Jose” at hinulaan ang mga kakila-kilabot na karanasan na babatahin Niya sa mga kamay ng Kaniyang taksil na kapatid (tingnan ang tala 190). Gayundin, inihahalintulad ni Shoghi Effendi ang masidhing pananaghili na ginising ng katanyagan ni ‘Abdu’l-Bahá sa Kaniyang kapatid sa ama, si Mírzá Muhammad-‘Alí, at sa matinding pangingimbulo “na pinukaw ng higit na kaga-lingan ni Jose sa mga puso ng kaniyang mga kapatid”.

2. binuksan Namin ang piling Alak sa pamama-gitan ng mga daliri ng kapangyarihan at lakas. ¶5

Ang pag-inom ng alak at iba pang katulad nito na nakahihilo ay ipinagbabawal sa Kitáb-i-Aqdas (tingnan ang mga tala sa 144 at 170).

Ang pagtukoy sa paggamit ng “alak” sa isang talinghagang paraan—tulad ng pagiging dahilan ng espirit-wal na sukdulang-kagalakan—ay matatagpuan, hindi lamang sa Rebelasyon ni Bahá’u’lláh, kundi sa Bibliya, sa Qur’án, at sa matatandang mga tradisyong Hindu.

Halimbawa, sa Qur’án ang makatuwiran ay pinangakuan na sila ay makaiinom ng “piling alak na hindi pa nabuksan.” Sa mga Tableta Niya, kinilala ni Bahá’u’lláh ang “piling Alak” sa Kaniyang Rebelasyon na ang “halimuyak na tigmak ng musk” ay isinimoy “sa lahat ng nilalang na bagay.” Sinabi Niya na “binuksan” Niya ang “Alak” na ito sa pamamagitan nito ay ibinubunyag ang mga espiritwal na katotohanan na hindi pa dating alam, at nagagawa noong mga umiinom nito na “mahiwatigan ang mga kaluwalhatian ng liwanag ng banal na pagkakaisa” at “maunawaan ang pangunahing mga layunin na pinagbabatayan ng mga Banal na Kasulatan ng Diyos.”

Sa isa sa Kaniyang mga pagninilay-nilay, sumasamo si Bahá’u’lláh sa Diyos na bigyan ang mga nananampalataya noong “piling Alak ng Iyong habag, upang gawain nitong malimot nila ang sinuman maliban sa Iyo, at magbangon upang paglingkuran ang Iyong Kapakanan, at maging matatag sa kanilang pagmamahal sa Iyo.”

3. Iniuutos Namin sa inyo ang dalanging katungkulang isagawa ¶6

Sa wikang Arabiko, mayroong ilang mga salita para sa panalangin. Ang salitang “salát”, na makikita sa orihinal nito, ay tumutukoy sa isang tanging kategoriya ng mga pana-langin, na ang pag-usal nito sa natatakdang mga oras ng araw ay iniuutos sa mga nananampalataya. Upang makilala ang kategoriyang ito ng mga panalangin sa ibang mga uri, ang salita ay isinalin bilang “dalanging katungkulang isagawa.”

Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang “dalanging katung-kulang isagawa at ang pag-aayuno ay may napakataas na katayuan sa paningin ng Diyos” (K&K 93).  Pinagtitibay ni ‘Abdu’l-Bahá na ang gayong mga panalangin ay “nakatutulong sa pagpapakumbaba at pagpapasailalim, sa pagbabaling ng kaniyang mukha tungo sa Diyos at paghahayag ng pagma-mahal sa Kaniya,” at sa pamamagitan ng mga panalanging ito “ang tao ay nakikipagniig sa Diyos, sinisikap na mapalapit sa Kaniya, nakikipag-usap sa tunay na Minamahal ng kaniyang puso, at nakakakamit ng mga espirituwal na katayuan.”

Ang Dalanging Katungkulang Isagawa (tingnan ang tala 9) na tinutukoy sa bersikulong ito ay pinalitan na ng tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa na ipinahayag ni Bahá’u’lláh sa dakong huli (K&K 63). Ang mga teksto ng tatlong panalangin na kasalukuyang ginagamit, kasama ang mga tagubilin tungkol sa pag-usal sa mga iyon, ay matatagpuan sa aklat na ito sa Ilang Mga Kasulatan na Ipinahayag Bilang Karagdagan sa Kitáb-i-Aqdas.

Ilang mga paksa sa mga Katanungan at Kasagutan ay may kinalaman sa mga aspeto ng tatlong bagong mga Dalanging Katungkulang Isagawa. Nililinaw ni Bahá’u’lláh na ang bawat isa ay pinahihintulutang pumili ng alinman sa tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa (K&K 65). Ang ibang mga itinadhana ay ipinaliwanag pa sa Mga Katanungan at Kasagutan, bilang 66, 67, 81, at 82.

Ang mga detalye ng batas tungkol sa dalanging katungkulang isagawa  ay ginawaan ng buod sa bahaging IV. A. 1.–17. ng Lagom at Pagsasaayos.

4. siyam na rak’ah ¶6

Ang isang rak’ah ay ang pag-usal ng natatanging ipinahayag na mga bersikulo na may kasamang ipinag-uutos na takdang mga pagluhod at ibang mga kilos.

Ang Dalanging Katungkulang Isagawa na sa simula ay iniutos ni Bahá’u’lláh sa mga nananalig sa Kaniya ay binubuo ng siyam na mga rak’ah. Ang tumpak na kalikasan ng panalanging ito at ang tiyak na mga utos para sa pag-usal nito ay hindi alam, sapagka’t ang dasalin ay nawala na.  (Tingnan ang tala 9)

Sa isang Tableta na nagpapaliwanag hinggil sa kasalukuyang pinaiiral na mga Dalanging Katungkulang Isagawa, ipinahahayag ni ‘Abdu’l-Bahá na “sa bawat salita at kilos ng Dalanging Katungkulang Isagawa ay may mga ipinapahiwatig, mga hiwaga at isang dunong na di-kayang maunawaan ng tao, at hindi mailalaman sa mga liham at pergamino.”

Ipinaliliwanag ni Shoghi Effendi na ang ilang mada-daling mga tagubilin na ibinibigay ni Bahá’u’lláh para sa pag-usal ng ilang mga panalangin ay hindi lamang may espirituwal na kahalagahan kundi tinutulungan din nila ang isang tao “upang lubos na maibuhos ang isipan kapag nananalangin at nagninilay-nilay”.

5. sa tanghali at sa umaga at sa gabi ¶6

Tungkol sa kahulugan ng mga salitang “umaga,” “tanghali” at “gabi,” na mga oras na dapat usalin ang kasalukuyang pinaiiral na katamtamang Dalanging Katungkulang Isagawa, sinabi ni Bahá’u’lláh na ang mga ito ay kasabay ng “pagsikat ng araw, tanghali at paglubog ng araw” (K&K 83). Binabanggit Niya na ang “pinahihintulutang mga oras para sa mga Dalanging Katungkulang Isagawa ay mula sa umaga hanggang tanghali, mula sa tanghali hanggang sa paglubog ng araw, at mula sa paglubog ng araw hanggang sa makalipas ang dalawang oras.” Bilang karagdagan, sinabi ni ‘Abdu’l-Bahá na ang pang-umagang Dalanging Katungkulang Isagawa ay maaaring usalin nang kasing aga ng bukang-liwayway.

Ang kahulugan ng “tanghali” bilang panahon “mula sa tanghali hanggang sa paglubog ng araw” ay nauukol sa pag-usal ng maikling Dalanging Katungkulang Isagawa gayundin doon sa katamtaman.

6. Binawasan Namin kayo ng lalong higit dito ¶6

Ang mga kilos na kailangang gawain sa dalanging katungkulang isagawa na iniatas sa Dispensasyong Babí at Islam ay higit na matindi ang pangangailangan kaysa doon sa pagsasagawa ng Dalanging Katungkulang Isagawa na binubuo ng siyam na mga rak’ah na iniutos sa Kitáb-i-Aqdas (tingnan ang tala 4).


Sa Bayán, iniutos ng Báb ang isang Dalanging Katungkulang Isagawa na binubuo ng labinsiyam na mga rak’ah na dapat isagawa minsan sa loob ng dalawampu’t apat na oras—mula sa tanghali ng isang araw hanggang sa tanghali ng susunod na araw.

Ang panalanging Muslim ay inuusal ng limang beses isang araw, alalaon baga ay, sa umagang-umaga, sa tanghali, sa hapon at sa paglubog ng araw at sa gabi.  Samantalang ang bilang ng mga rak’ah ay nag-iiba-iba sang-ayon sa oras ng pag-usal, may kabuuang labinpitong mga rak’ah ang iniaalay sa loob ng isang araw.

7. Kapag ninanais ninyong usalin ang panalanging ito, bumaling kayo sa Korte ng Aking Pinakabanal na Kinaroroonan, ang Banal na Pook na ito na ginawa ng Diyos . . . na maging Pook ng Pagsamba para sa mga mamamayan ng mga Lungsod ng Kawalang-hanggan ¶6

Ang “Pook ng Pagsamba,” iyon ay, ang pook kung saan dapat humarap ng sumasamba kapag nag-aalay ng dalanging katungkulang isagawa, ay tinatawag na Qiblih.  Ang konsepto sa Qiblih ay napapaloob sa mga nakalipas na relihiyon.  Noong nakaraan ang Jerusalem ay itinakda para sa layuning ito.  Inilipat ni Muhammad ang Qiblih sa Mecca.  Ang mga utos ng Báb sa Bayán sa wikang Arabiko ay:

Ang Qiblih ay tunay na Siya Na Ihahayag ng Diyos; kailanman Siya lumipat, ito ay lumilipat, hanggang sa Siya ay tumigil.

Ang talatang ito ay sinipi ni Bahá’u’lláh sa Kitáb-i-Aqdas (¶137) at pinagtibay Niya sa bersikulong nakatala sa itaas.  Ipinahayag din Niya na ang pagharap sa gawi ng Qiblih ay “isang nakatakdang panganngailangan sa pag-usal ng dalanging katungkulang isagawa” (K&K 14 at 67).  Gayunpaman, para sa ibang mga panalangin at pagsamba maaaring humarap sa alinmang dako.

8. at kapag ang Araw ng Katotohanan at Pananalita ay lumubog na, ibaling ang inyong mga mukha tungo sa Pook na itinadhana Namin para sa inyo ¶6

Itinatadhana ni Bahá’u’lláh ang Kaniyang puntod bilang Qiblih pagkamatay Niya.  Ang Pinakabanal na Puntod ay nasa Bahjí, ‘Akká.  Inilalarawan ni ‘Abdu’l-Bahá ang Pook na iyon bilang “maningning na Dambana,” “ang pook na sa paligid nito ay umiikot ang Kalipunan sa kaitaasan.”

Sa isang liham na isinulat sa ngalan niya, ginagamit ni Shoghi Effendi ang paghahalintulad ng halaman na bumabaling sa gawi ng araw upang ipaliwanag ang espiritwal na kahulugan ng pagbaling sa Qiblih:

…tulad ng halaman na inaabot ang liwanag ng araw—na kung saan tinatanggap nito ang buhay at paglaki—ibinabaling din natin ang ating mga puso sa Kahayagan ng Diyos, si Bahá’u’lláh, kapag tayo ay nananalangin; … ibinabaling natin ang ating mga mukha; … doon sa pinaglalagakan ng Kaniyang alabok sa daigdig na ito bilang isang palatandaan ng naloloob na kilos.

9. Ibinigay Namin ang mga detalye ng dalanging katungkulang isagawa sa ibang Tableta ¶8

Ang orihinal na Dalanging Katungkulang Isagawa “sa mga kadahilanan ng matalinong pang-unawa” ay ipinahayag ni Bahá’u’lláh sa isang hiwalay na Tableta (K&K 63). Hindi ito ibinigay sa mga nananampalataya noong Siya ay nabu-buhay pa, at ngayon ay pinalitan na ng tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa na ginagamit sa kasalukuyan.

Hindi natagalan matapos ang Pagyao ni Bahá’u’lláh, ang teksto ng panalanging ito, kasama ang ilang bilang ng mga Tableta ay ninakaw ni Muhammad-‘Alí, ang Pangunahing-lumabag sa Kaniyang Banal na Kasunduan.

10. Dalangin para sa Yumao ¶8

Ang Dalangin para sa yumao (tingnan ang Ilang mga Kasulatan Bilang Karagdagan sa Kitáb-i-Aqdas) ay ang natatanging panalanging Bahá’í na katungkulang bigkasin ng kongregasyon; ito ay dapat usalin ng isang mananam-palataya samantalang ang lahat ng naroroon ay tahimik na nakatayo (tingnan ang tala 19). Nilinaw ni Bahá’u’lláh na ang Dalangin para sa Yumao ay kailangan lamang kung ang yumao ay nasa hustong gulang (K&K 70), na ang pag-usal ay dapat mauna sa paglilibing ng pumanaw, at hindi kinakailangang humarap sa Qiblih kapag inuusal ang panalanging ito (K&K 85).

Ang karagdagang mga detalye tungkol sa Dalangin para sa Yumao ay binuod sa Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.A. 13.–14.

11. anim na tanging mga talata ang ibinigay ng Diyos, ang Tagapagpahayag ng mga Bersikulo ¶8

Ang mga talata na bumubuo sa bahagi ng panalangin para sa yumao ay binubuo ng pag-ulit sa pagbating Alláh-u-Abhá (ang Diyos ang Maluwalhati sa Lahat) nang anim na beses, bawat isa ay sinusundan ng labinsiyam na pag-ulit ng isa sa anim na natatanging inihayag na mga bersikulo. Ang mga bersikulong ito ay katulad noong mga nasa Dalangin para sa yumao na inihayag ng Báb sa Bayán.  Dinagdagan ni Bahá’u’lláh ng pagsamo na nauuna sa mga talatang ito.

12. Hindi pinawawalang-bisa ng buhok ang inyong panalangin, ni anuman kung saan lumisan ang espiritu, tulad ng mga buto at mga katulad nito.  Malaya kayong magsuot ng balahibo ng sable tulad ng inyong paggamit ng beaver, ng squirrel, at iba pang mga hayop ¶9

Sa ilang naunang mga panrelihiyong Dispensasyon, ang pagsusuot ng balahibo ng ilang mga hayop o ang pagkakaroon ng ilang mga bagay sa sariling katawan ay pinaniniwalaan na pinawawalang-bisa ang panalangin ng isang tao. Pinagtibay dito ni Bahá’u’lláh ang pahayag ng Báb sa Bayán sa wikang Arabiko na ang gayong mga bagay ay hindi pinawawalang-bisa ang pananalangin ng isang tao.

13. Inuutusan Namin kayo na manalangin at mag-ayuno mula sa pagsapit ng hustong gulang ¶10

Ipinaliwanag ni Bahá’u’lláh ang “hustong gulang kaugnay sa mga tungkuling pangrelihiyon” na “labinlima sa kapwa mga lalake at mga babae” (K&K 20).  Para sa mga detalye ng panahon ng pag-aayuno tingnan ang tala 25.

14. Hindi Niya pinananagot dito yaong mahihina dahilan sa karamdaman o katandaang gulang ¶10

Ang kapahintulutan na huwag mag-alay ng mga Dalanging Katungkulang Isagawa at pag-aayuno doon sa mahihina dahilan sa karamdaman o katandaang gulang ay ipinaliwa-nag sa Mga Katanungan at Kasagutan. Sinasabi ni Bahá’u’lláh na sa “panahon ng karamdaman hindi ipinahihintulot ang pag-sagawa ng mga tungkuling ito” (K&K 93). Ipinaliwanag Niya na ang katandaang gulang kaugnay sa nabanggit, ay nagsisimula sa pitumpo (K&K 74).  Bilang tugon sa isang katanungan, nilinaw ni Shoghi Effendi na ang mga taong umabot na sa gulang na pitumpong taon ay pinahihin-tulutang huwag isagawa ito, kahiman o hindi sila mahina.

Ang hindi pag-aayuno ay ipinahihintulot din sa ibang tiyak na uri ng mga tao na nakatala sa Lagom at Pagsasa-ayos, bahagi IV.B.5. Tingnan ang mga tala 20, 30 at 31 para sa karagdagang pagtalakay.

15. Pinahihintulutan na kayo ng Diyos na magpatirapa ng inyong mga sarili sa anumang lugar na malinis, sapagka’t inalis na Namin ang pagtatakda rito na inilahad sa Aklat ¶10

Ang mga natatakdang pangangailangan para sa pananalangin sa mga naunang Dispensasyon kalimitan ay may kasamang pagpapatirapa. Sa Bayán, sa wikang Arabiko, nananawagan ang Báb sa mga nananampalataya na ilagay ang kanilang mga noo sa mga lugar na kristal kapag nagpapatirapa. Gayundin, sa Islám, ilang mga pagbabawal ang iniutos kaugnay sa lugar na pinahihintulutang magpatirapa ang mga Muslim. Pinawawalang-bisa ni Bahá’u’lláh ang gayong mga pagbabawal at iniuutos lamang ang “anumang lugar na malinis.”

16. Hayaan siya na hindi makahanap ng tubig para sa ablusyon ay ulitin nang limang beses ang mga salitang “Sa ngalan ng Diyos, ang Pinaka-Dalisay, ang Pinaka-Dalisay”, at pagkatapos ay ituloy ang kaniyang mga pananalangin. ¶10

Ang ablusyon ay dapat isagawa ng nananampalataya bilang paghahanda sa pag-aalay ng dalanging katung-kulang isagawa. Ang mga iyon ay binubuo ng paghuhugas ng mga kamay at mukha. Kung walang makuhang tubig, ang pag-ulit nang limang beses ng natatanging ipinahayag na bersikulo ay iniuutos. Tingnan ang tala 34 para sa isang pangkalahatang pagtalakay sa ablusyon.

Ang mga naunang alituntunin sa mga nakaraang Dispensasyon para sa itinakdang kapalit na mga kaparaanan na dapat sundin kapag walang makuhang tubig ay matatagpuan sa Qur’án at sa Bayán sa wikang Arabiko.

17. Sa mga pook na ang mga araw at gabi ay humahaba, hayaang ang oras ng pananalangin ay kalkulahin ng mga orasan at ibang mga kasangkapan na nagtatanda sa paglipas ng mga oras. ¶10

Tinutukoy nito ang mga pook na naroroon sa mga dulong hilaga o timog, kung saan ang tagal ng mga araw at gabi ay lubhang naiiba (K&K 64 at 103). Ang tadhanang ito ay may bisa rin sa pag-aayuno.

18. Pinalaya na Namin kayo mula sa kinakailangang pagtupad sa Dalangin ng mga Palatandaan. ¶11

Ang Dalangin ng mga Palatandaan ay isang natatanging uri ng panalanging katungkulang isagawa ng Muslim na itinadhanang usalin sa mga panahon ng mga na mga pang-yayari, tulad ng mga lindol, mga eklipse, at ibang gayong mga pangyayari na maaaring maging dahilan ng takot at pinaniniwalaang mga palatandaan o gawa ng Diyos. Ang pangangailangan sa pagsasagawa ng panalanging ito ay pinawalan na ng bisa. Bilang kapalit nito, ang isang Bahá’í ay maaaring sabihin ang “Ang Kaharian ay sa Diyos, ang Panginoon ng nakikita at hindi nakikita, ang Panginoon ng sangnilikha,” ngunit ito ay hindi sapilitan. (K&K 52)

19. Maliban sa Dalangin para sa Yumao, ang pagsasagawa ng pangkongregasyon na panalangin ay pinawalan na ng bisa. ¶12

Ang pangkongregasyon na panalangin, sa kahulugan ng pormal na panalanging katungkulang isagawa na dapat usalin nang naaayon sa isang iniutos na ritwal, tulad halimbawa, ng kaugalian sa Islám kung saan ang pang-Biyernes na panalangin sa moske ay pinamumunuan ng isang imám, ay pinawalan na ng bisa sa Dispensasyong Bahá’í. Ang Dalangin para sa Yumao (tingnan ang tala 10) ay ang pang-kongregasyong panalangin lamang na iniutos sa batas ng Bahá’í.  Ito ay dapat usalin ng isa sa mga naroroon samantalang ang natitirang pangkat ay tahimik na nakatayo; ang bumabasa ay walang natatanging katayuan. Ang kongregasyon ay hindi kinakailangang humarap sa Qiblih (K&K 85).

Ang tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa sa araw-araw ay dapat usalin ng bawat isa, at hindi sa kongregasyon.

Walang inutos na pamamaraan ng pag-usal sa iba pang maraming panalanging Bahá’í, at lahat ay malayang gamitin ang gayong mga panalanging hindi katungkulang isagawa sa mga pagtitipon o nang nag-iisa sang-ayon sa kanilang kagustuhan. Kaugnay nito, sinabi ni Shoghi Effendi na

…kahiman ang mga kaibigan gayunpaman ay pinahihintulutang sundin ang kanilang sariling kagustuhan … dapat nilang gawain ang sukdulang pag-iingat na anumang pamamaraan ang kanilang ginagawa ay yaong di na maaaring mabago, at sa gayon ay mauwi na maging isang institusyon. Ito ay isang bagay na laging dapat tandaan ng mga kaibigan, upang hindi sila lumihis mula sa malinaw na landas na ipinakikita ng mga Turo.

20. Pinahintulutan ng Diyos ang mga babae na nasa kanilang panahon ng regla na hindi na isagawa ang dalanging katungkulang isagawa at pag-aayuno ¶13

Ang pahintulot na hindi isagawa ang dalanging katungkulang isagawa at pag-aayuno ay ipinagkaloob sa mga babae na may regla; sa halip, dapat nilang gawain ang kanilang ablusyon (tingnan ang tala 34) at ulitin nang 95 na beses sa isang araw mula sa tanghali hanggang sa susunod na tanghali, ang bersikulo na “Luwalhatiin nawa ang Diyos, ang Panginoon ng Karingalan at Kagandahan”. Ang utos na ito ay natutulad din doon sa naroroon sa Bayán sa wikang Arabiko, na kung saan ay isang katulad na kapahintulutan ang ipinagkaloob.

Sa ilang mga naunang pangrelihiyong Dispensasyon, sang-ayon sa ritwal, ang mga babae na rineregla ay ipinapalagay na hindi malinis at ipinagbabawal na isagawa ang mga tungkulin ng pananalangin at pag-aayuno. Ang konsepto na ayon sa ritwal ng pagiging di-malinis ay inalis ni Bahá’u’lláh (tingnan ang tala 106).

Nilinaw ng Universal House of Justice na ang mga itinadhana sa Kitáb-i-Aqdas na nagkakaloob ng mga kapahin-tulutan sa hindi pagsasagawa ng ilang mga tungkulin at panana-gutan, tulad ng inihahayag ng salita, ay mga kapahintulutang hindi isagawa at hindi mga pagbabawal. Sinumang nananalig, kung gayon, lalake o babae man, ay malaya upang isagawa ang isang pinaiiral na kapahintulutan kung ninanais nila.  Data-puwa’t ipinapayo ng House of Justice na sa pagpapasiya kung dapat isagawa o hindi dapat, ang nananampalataya ay kailangang gamitin ang dunong at maunawaan na ipinag-kaloob ni Bahá’u’lláh ang mga kapahintulutang ito dahilan sa mabuting kadahilanan.

Ang iniutos na kapahintulutan na huwag isagawa ang dalanging katungkulang isagawa, na datihang kaugnay ng Dalanging Katungkulang Isagawa na binubuo ng siyam na mga rak’ah ay may bisa na ngayon sa tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa na humalili dito.

21. Kapag naglalakbay, kung kayo ay hihinto at mamamahinga sa isang ligtas na lugar, isagawa ninyo—kapwa mga lalake at mga babae—ang isang pagpapatirapa bilang kapalit ng bawat isang Dala-nging Katungkulang Isagawa na hindi nausal ¶14

Ang pahintulot na huwag isagawa ang dalanging katungkulang isagawa ay ipinagkakaloob doon sa mga nalagay sa isang mapanganib na kalagayan na ang pag-usal ng mga Dalanging Katungkulang Isagawa ay hindi magagawa. Ang kapahintulutan sa hindi pagsasagawa ay may bisa kahiman ang isang tao ay naglalakbay o nasa tahanan, at ito ay nagbibigay ng isang paraan upang ang mga Dalanging Katungkulang Isagawa na hindi nausal dahilan sa mga mapanganib na kalagayang ito ay mabibigyan ng kapalit.

Ginawang malinaw ni Bahá’u’lláh na ang dalanging katungkulang isagawa “ay hindi itinitigil sa panahon ng paglalakbay” hangga’t makakakita ng isang “matiwasay na pook” na kung saan maisasagawa niya ito (K&K 58).

Ganap na ipinaliwanag pa ang tadhanang ito sa bilang 21, 58, at 61 sa mga Katanungan at Kasagutan.

22. Sa pagtatapos ng inyong mga pagpapatirapa, iupo ninyo ang inyong sarili nang magkakrus ang mga paa ¶14

Sa wikang Arabiko ang salitang “haykalu’t-tawhíd”, na isinalin dito na “magka-krus ang mga paa”, ay may kahulugan ang “ayos ng pagkakaisa”. Kinaugalian nang ipakita ito sa katayuang magkakrus ang paa.

23. Sabihin: Ginawa ng Diyos ang Aking natatagong pag-ibig na maging susi sa Kayamanan ¶15

Mayroong kilalang-kilala na tradisyon sa Islám tungkol sa Diyos at sa Kaniyang kinapal:


Ako ay isang Natatagong Kayamanan. Aking ninais na makilala, at sa gayon ay binigyang-buhay Ko ang sangnilikha upang Ako ay makilala.

Ang mga pagtukoy at mga pahiwatig sa tradisyong ito ay matatagpuan sa lahat ng mga kasulatang Bahá’í. Halimbawa, sa isa sa Kaniyang dasalin, ipinahahayag ni Bahá’u’lláh:

Purihin nawa ang Iyong pangalan, O Panginoon aking Diyos! Sumasaksi ako na Ikaw ang isang natatagong Kayamanan na napapaloob sa Iyong Sarili na naroroon na mula sa kasimula-simula pang panahon at ng isang hindi malirip na Kahiwagaan na nadadambana sa Iyong sariling Diwa. Ninanais na ipahayag ang Iyong Sarili, Iyong nilikha ang Malalaki at ng Maliliit na mga Daigdig, at pinili ang Tao na mangibabaw sa lahat ng Iyong mga nilalang, at ginawa Siya na isang sagisag ng kapwa mga daigdig na ito, O Ikaw Na aming Panginoon, ang Pinaka-Madamayin!

Iyong itinaas Siya upang umupo sa Iyong trono sa harap ng lahat ng mga tao ng Iyong sangnilikha. Iyong ginawa Siya na maibunyag ang Iyong mga kahiwagaan, at sumikat nang taglay ang mga liwanag ng Iyong inspirasyon at Iyong Rebelasyon, at upang maihayag ang Iyong mga pangalan at Iyong mga katangian. Sa pamamagitan Niya Iyong pinalamutihan ang paunang salita ng aklat ng Iyong sangnilikha, O Ikaw na Pinuno ng sangtinakpan na Iyong nilikha! (Prayers & Meditations by Bahá’u’lláh, XXXVIII)

Gayundin, sa Natatagong mga Salita, sinasabi Niya:

O Anak ng Tao! Inibig Ko ang paglikha sa iyo, kaya’t nilikha Ko ikaw. Dahil doon, pakaibigin mo Ako, nang sa ganyan ay banggitin Ko ang pangalan mo at puspusin ang iyong kaluluwa ng espiritu ng buhay.

Si ‘Abdu’l-Bahá, sa Kaniyang pagtalakay sa tradisyong sinipi sa itaas, ay sumulat:

O manlalakbay sa landas ng Minamahal! Alamin mo na ang pangunahing layunin ng banal na tradisyong ito ay upang banggitin ang mga yugto ng pagiging tago at pagiging hayag ng Diyos sa loob ng mga Sagisag ng Katotohanan, Sila na mga Pook-liwayway ng Kaniyang Maluwalhati sa Lahat na Sarili. Halimbawa, bago masindihan at mahayag ang ningas ng di-namamatay na Apoy, ito ay naroroon na sa kaniyang sarili sa loob nito mismo sa natatagong pagkakakilanlan ng pangsantinakpang mga Kahayagan, at ito ang yugto ng “Natatagong Kayamanan”. At nang ang pinagpalang Puno ay pinagningas ang sarili nito sa loob mismo nito at ang Banal na Apoy ay nagningas sa sariling diwa sa loob ng kaniyang diwa, ito ang yugto ng “Ninais ko na makilala”. At nang ito ay magningning mula sa Guhit-Tagpuan ng santinakpan nang may walang hanggang mga Banal na Pangalan at mga Katangian sa umaasang nilikha at takdang mga daigdig, ito ang bumubuo sa paglitaw ng isang bago at kahanga-hangang nilikha na tanda ng yugto ng “Kung kaya binigyang-buhay Ko ang sangnilikha”. At nang ang pinabanal na mga kaluluwa ay pinagpunit-punit ang mga lambong ng lahat ng mga makalupang pinangangapitan at makamundong kalagayan, at nagmamadaling magtungo sa yugto ng pagtitig sa kagandahan ng Kaniyang Kabanalan at pinarangalan sa pamamagitan ng pagkilala sa Kahayagan at nagawang masaksihan ang karilagan ng Pinaka-Dakilang Palatandaan ng Diyos sa kanilang mga puso, saka lamang mahahayag ang layunin ng paglalalang, at ito ang pagkilala sa Kaniya na Siyang Walang Hanggang Katotohanan, ay magiging hayag.

24. O Panulat ng Pinaka-Mataas! ¶16

“Panulat ng Pinaka-Mataas,” “ang Kataas-taasang Panulat” at “ang Pinaka-Dakilang Panulat” ay mga tumutukoy kay Bahá’u’lláh, inilalarawan ang tungkulin Niya bilang Tagapagpahayag ng Salita ng Diyos.

25. Iniutos Namin sa inyo ang pag-aayuno sa loob ng isang maikling panahon ¶16

Ang pag-aayuno at dalanging katungkulang isagawa ang bumubuo sa dalawang haligi na nagtataguyod sa ipinahayag na Batas ng Diyos. Sa isa sa Kaniyang mga Tableta ay pinagtitibay ni Bahá’u’lláh na nagpahayag Siya ng mga batas ng dalanging katungkulang isagawa at pag-aayuno upang sa pamamagitan ng mga iyon ang mga mananampalataya ay mapalapit sa Diyos.

Sinasabi ni Shoghi Effendi na ang panahon ng pag-aayuno, na nangangailangan ng ganap na hindi pagkain o pag-inom mula sa bukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw, ay

... itinalagang isang panahon ng pagninilay-nilay at panalangin, ng espiritwal na muling pagpapalakas, kung kailan ang nananampalataya ay dapat magsikap na gawain ang kinakailangang mga muling pag-aayos ng kaniyang panloob na buhay, at upang muling panariwain at pasiglahin ang mga espiritwal na lakas na natatago sa kaniyang kaluluwa. Ang kahalagahan at layunin nito, samakatuwid, ay may pangunahing katangian na espiritwal. Ang pag-aayuno ay may sinasagisag at isang pagpapaalaala sa pag-iwas sa makasarili at mahalay na mga hangarin.

Ang pag-aayuno ay iniuutos sa lahat ng mga mana-nampalataya kapag narating na nila ang gulang na 15 at hanggang sa maabot nila ang gulang na 70 taon.

Ang isang buod ng madetalyeng mga tadhana tungkol sa batas ng pag-aayuno at sa mga kapahintulutan na huwag isagawa ito na ipinagkaloob sa ilang uri ng tao ay napapaloob sa Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.B.1.–6. Para sa pagtatalakay sa mga kapahintulutan na huwag isagawa ang pag-aayuno, tingnan ang mga tala 14, 20, 30 at 31.

Ang labinsiyam na araw na panahon ng pag-aayuno ay kasabay ng buwan ng Bahá’í na ‘Alá’, na kalimitan ay 2-20 ng Marso, at ito ay kasunod kaagad ng pagwawakas ng Paningit na mga Araw (tingnan ang mga tala 27 at 147), at sinusundan ng pista ng Naw-Rúz (tingnan ang tala 26).1

26. at sa pagwawakas nito ay itinakda para sa inyo ang Naw-Rúz bilang isang pagdiriwang ¶16

Sinimulan ng Báb ang isang bagong kalendaryo, na kilala ngayon na kalendaryong Badí’ o Bahá’í (tingnan ang mga tala 27 at 147). Sang-ayon sa kalendaryong ito, ang isang araw ay ang panahon mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw. Sa Bayán, itinadhana ng Báb ang buwan ng ‘Alá’ na maging buwan ng pag-aayuno, iniutos na ang araw ng Naw-Rúz ay dapat na maging tanda ng pagtatapos ng panahong iyon, at pinangalanan ang Naw-Rúz bilang Araw ng Diyos. Pinagtibay ni Bahá’u’lláh ang kalendaryong Badí kung saan ang Naw-Rúz ay itinakda bilang isang pista.

Ang Naw-Rúz ay ang unang araw ng bagong taon. Ito ay kasabay ng equinox ng tagsibol sa Hilagang Hating-daigdig na kalimitan nagaganap sa 21 ng Marso. Ipinaliwanag ni Bahá’u’lláh na ang araw ng kapistahan na ito ay dapat ipagdiwang sa anumang araw na ang araw ay pumapasok sa konstelasyon ng Aries (a.b. ang vernal equinox), kahit na ito ay mangyari ng isang minuto bago lumubog ang araw (K & K 35). Kung gayon ang Naw-Rúz ay maaaring pumatak sa 20, 21, o 22 ng Marso, sang-ayon sa oras ng equinox.

Iniwanan ni Bahá’u’lláh ang mga detalye ng maraming batas na pupunuan ng Universal House of Justice. Kabilang dito ay ilang mga bagay na makapagpapabago sa kalendaryong Bahá’í. Sinabi ng Guardian na ang pagsasakatuparan, sa buong daigdig, ng batas tungkol sa pagsasa-oras ng Naw-Rúz ay mangangailangan ng pagpili ng isang natatanging pook sa daigdig na magsisilbi bilang batayan para sa pagtatakda ng oras ng equinox ng tagsibol. Sinabi rin niya na ang pagpili sa pook na ito ay iniwanan sa pagpapasiya ng Unisal House of Justice.2

27. Hayaang ang mga araw na labis sa mga buwan ay ilagay bago sumapit ang buwan ng pag-aayuno ¶16

Ang kalendaryong Badí’ ay nababatay sa taon ayon sa araw na may 365 na mga araw, 5 oras, at higit ng kaunti sa 50 sandali. Ang taon ay binubuo ng 19 na buwan na may 19 na araw ang bawat buwan (a.b. 361 na araw), na may karagdagang 4 na karagdagang araw (lima kung taong bisyesto).  Hindi tiniyak ng Báb ang kalalagyan ng paningit na mga araw sa bagong kalendaryo. Nilutas ng Kitáb-i-Aqdas ang katanungang ito sa pamamagitan ng pagtatakda sa “labis” na mga araw sa isang tiyak na kalalagyan sa kalendaryo kagyat bago sa buwan ng ‘Alá’, ang panahon ng pag-aayuno. Para sa karagdagang mga detalye tingnan ang bahagi ng kalendaryong Bahá’í sa The Bahá’í World, tomo XVIII.

28. Iniutos Namin na ang mga ito ... ay maging kahayagan ng titik na Há ¶16

Kilala bilang Ayyám-í-Há (ang mga Araw ng Há), ang Paningit na mga Araw ay may katangian ng pagiging may kaugnayan sa “titik na Há”. Ayon sa abjad, ang bilang ng Arabikong titik na ito ay lima, na katumbas sa maaaring maging bilang ng paningit na mga araw.

Ang titik na “Há” ay pinagkalooban ng ilang mga espirituwal na kahulugan sa mga Banal na Kasulatan, isa sa mga iyon ay bilang isang sagisag ng Diwa ng Diyos.

29. ang mga araw na ito ng pagbibigayan na nauuna sa panahon ng pagtitimpi ¶16

Iniutos ni Bahá’u’lláh sa mga nananalig sa Kaniya na ilaan ang mga araw na ito sa pagpipiging, pagsasaya at kawanggawa. Sa isang liham na isinulat sa ngalan ni Shoghi Effendi ipinaliwanag na “ang paningit na mga araw ay tanging ibinukod para sa mabuting pagtanggap sa mga panauhin, sa pagbibigay ng mga regalo, atbp.”

30. Ang manlalakbay … ay hindi nasasaklaw ng Pag-aayuno ¶16

Ang pinakamaikling tagal ng isang paglalakbay na nagbibigay pahintulot sa nananampalataya na hindi mag-ayuno ay ipinaliwanang ni Bahá’u’lláh (K&K 22 at 75). Ang mga detalye ng tadhanang ito ay binuod sa Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.B.5.a.i.–v.

Nilinaw ni Shoghi Effendi na samantalang ang mga manlalakbay ay pinahihintulutang hindi mag-ayuno, sila ay malayang makapag-ayuno kung ninanais nila. Sinabi rin niya na ang kapahintulutan ay may bisa sa buong panahon ng paglalakbay ng isang tao, hindi lamang sa mga oras na ang isa ay nasa tren o kotse, atbp.

31. Ang manlalakbay, ang may karamdaman, yaong nagdadalang-tao o nagpapasuso, ay hindi nasasaklaw ng Pag-aayuno; sila ay pinahihintulutan ng Diyos na hindi na gawain ito bilang tanda ng pagpapala Niya. ¶16

Ang pahintulot na hindi mag-ayuno ay ipinagkakaloob sa mga may karamdaman o matatanda (tingnan ang tala 14), mga babaeng may regla (tingnan ang tala 20), mga manlalakbay (tingnan ang tala 30) at sa mga babae na nagdadalang-tao at yaong mga nagpapasuso. Ang kapahintulutang ito ay ibinibigay din sa mga tao na gumagawa ng mabibigat na trabaho, na, sa katulad na pagkakataon, ay pinapayuhang “upang maipakita ang paggalang sa batas ng Diyos at sa dakilang katayuan ng Pag-aayuno” sa pamamagitan ng pagkain “nang may katipiran at nang nag-iisa” (K&K 76). Sinabi ni Shoghi Effendi na ang mga uri ng gawain na nagpapahintulot sa mga tao upang hindi mag-ayuno ay liliwanagin ng Universal House of Justice.

32. Huwag kumain at uminom mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw ¶17

Ito ay nauukol sa panahon ng pag-aayuno.  Sa isa sa Kaniyang mga Tableta, si ‘Abdu’l-Bahá, matapos na maihayag na ang pag-aayuno ay binubuo ng pag-iwas sa pagkain at inumin, bilang karagdagan ay nagsabi na ang paninigarilyo ay isang uri ng “inumin”. Sa wikang Arabiko ang pandiwa na “uminom” ay ginagamit din sa paninigarilyo.

33. Iniatas na ang bawat isang nananalig sa Diyos … ay dapat, sa araw-araw … ay ulit-ulitin ang Alláh-u-Abhá nang siyamnapu’t limang beses. ¶18

Ang “Alláh-u-Abhá” ay isang parirala sa wikang Arabiko na nangangahulugang “ang Diyos ang Maluwalhati sa Lahat”.  Ito ay isang uri ng Pinakadakilang Pangalan ng Diyos (tingnan ang tala 137). Mayroong isang tradisyon sa Islám na sa maraming pangalan ng Diyos, may isang pinakadakila; gayunpaman, ang pagkakakilanlan sa Pinakadakilang Pangalan na ito ay natatago.  Pinagtibay ni Bahá’u’lláh na ang Pinakadakilang Pangalan ay “Bahá”.

Ang iba’t ibang mga salitang nanggaling mula sa salitang “Bahá” ay ipinapalagay din na Pinakadakilang Pangalan. Ang kalihim ni Shoghi Effendi na sumulat sa ngalan niya ay nagpaliwanag na

Ang Pinakadakilang Pangalan ay ang Pangalan ni Bahá’u’lláh. Ang “Yá Bahá’u’l-Abhá” ay isang panawagan na nangangahulugan ng: “O Ikaw na Luwalhati ng mga Kaluwalhatian!”. Ang “Alláh-u-Abhá” ay isang pagbati na nangangahulugan ng: “Ang Diyos ang Maluwalhati sa Lahat”.  Kapwa tinutukoy nito si Bahá’u’lláh. Ang kahulugan ng Pinakadakilang Pangalan ng Diyos ay si Bahá’u’lláh ay dumating sa Pinakadakilang Pangalan ng Diyos, sa ibang salita, Siya ang pinakadakilang Kahayagan ng Diyos.

Ang pagbati na “Alláh-u-Abhá” ay sinimulang ginamit noong panahon ng pagkakatapon ni Bahá’u’lláh sa Adrianople.

Ang pag-ulit-ulit ng “Alláh-u-Abhá” ng siyamnapu’t limang beses ay dapat pangunahan ng pagsasagawa ng ablusyon (tingnan ang tala 34).

34. Gawain ninyo … ang ablusyon para sa Dalanging Katungkulang Isagawa ¶18

Ang ablusyon ay natatanging may kaugnayan sa ilang mga panalangin.  Ang mga ito ay dapat mauna sa pag-aalay ng tatlong Dalanging Katungkulang Isagawa, sa araw-araw na pag-usal ng “Alláh-u-Abhá” nang siyamnapu’t limang beses, at ang pag-usal ng bersikulo na iniutos bilang kapalit ng dalanging katungkulang isagawa at pag-aayuno para sa mga babae na may regla (tingnan ang tala 20).

Ang iniutos na ablusyon ay binubuo ng paghuhugas ng mga kamay at mukha bilang paghahanda sa pananalangin. Sa kaso ng katamtamang Dalanging Katungkulang Isagawa, ito ay sinasamahan ng pag-usal ng ilang mga bersikulo (tingnan ang Ilang Mga Kasulatan na Ipinahayag ni Bahá’u’lláh Bilang Karagdagan sa Kitáb-i-Aqdas).

Na ang ablusyon ay may kahalagahan nang higit pa sa paghuhugas ay makikita mula sa katotohanan na kahit na ang isa ay nakapaligo na kagyat bago usalin ang Dalanging Katungkulang Isagawa, kinakailangan pa ring isagawa ang mga ablusyon (K&K 18).

Kung walang makukuhang tubig para sa ablusyon, isang iniatas na bersikulo ang dapat ulitin nang limang beses (tingnan ng tala 16), at ang itinadhanang ito ay umiiral din doon sa ang paggamit ng tubig ay maaaring makapinsala sa katawan (K&K 51).

Ang madetalyeng mga itinadhana ng batas kaugnay ng ablusyon ay nakalagay sa Lagom at Pagsasayos, bahagi IV.A.10.a.–g., gayundin sa Mga Katanungan at Kasagutan bilang 51, 62, 66, 77 at 86.

35. Kayo ay pinagbawalan na pumatay ¶19

Ang pagbabawal sa pagputol ng buhay ng iba ay inulit ni Bahá’u’lláh sa parapo 73 ng Kitáb-i-Aqdas. Itinakda ang mga kaparusahan sa sadyang pagpatay (tingnan ang tala 86). Sa kaso ng di-sadyang pagpatay, kinakailangang magbayad ng isang tiniyak na kabayaran sa pamilya ng napatay (tingnan ang Kitáb-i-Aqdas ¶188).

36. o makiapid ¶19 

Ang salitang “ziná” sa wikang Arabiko, isinalin dito bilang “pakikiapid”, ay kapwa nangangahulugan ng pakikitalik labas sa kasal at pakikiapid. Ito ay tumutukoy hindi lamang sa sekswal na mga ugnayan ng isang may-asawang tao at sa hindi niya asawa ngunit pati sa mga karaniwang pagtatalik na labas sa mag-asawa. Ang isang uri ng “ziná” ay ang panggagahasa. Ang kaparusahan lamang na iniutos ni Bahá’u’lláh ay para doon sa mga gumawa ng pakikitalik labas sa kasal (tingnan ang tala 77); ang mga kaparusahan para sa ibang uri ng sekswal na kasalanan ay iniwanan sa pagpapasiya ng Universal House of Justice.

37. paninirang-puri o malisyosong pagbibintang ¶19

Ang paninirang-puri, pagbibintang ng masama sa kapwa at laging pag-ungkat sa mga pagkakamali ng iba ay paulit-ulit na isinumpa ni Bahá’u’lláh. Sa Natatagong mga Salita, malinaw na sinasabi Niya: “O Anak ng Katauhan!  Papaano mong maaaring malimutan ang iyong sariling mga pagkakamali at inaabala ang iyong sarili sa mga pagkakamali ng iba? Sinumang gumawa nito ay isinusumpa Ko.” At muli: “O Anak ng Tao! Huwag ihinga ang mga pagkakasala ng iba habang ikaw sa iyong sarili ay isang makasalanan. Kapag iyong lalabagin ang kautusang ito, ikaw ay isusumpa, at sa bagay na ito Ako ay sumasaksi.” Ang malakas na babala na ito ay inulit pa sa Kaniyang huling kasulatan, “ang Aklat ng Aking Banal na Kasunduan”: “Sa katunayan sinasabi Ko, ang dila ay para sa pagbanggit noong kabutihan, huwag itong dungisan ng hindi nararapat na usapan. Pinatawad na ng Diyos ang nakalipas. Mula ngayon dapat bigkasin ng bawat isa ang nararapat at nababagay at dapat magpigil sa malisyosong pagbibintang, kalabisan at anumang magiging sanhi ng kalungkutan sa mga tao.”

38. Hinati Namin ang mana sa pitong kaurian ¶20

Ang mga batas ng Bahá’í tungkol sa mana ay may bisa lamang kung walang testamento, iyon ay, kapag ang isang tao ay namatay nang hindi nag-iwan ng isang habilin. Sa Kitáb-i-Aqdas (¶109), iniuutos ni Bahá’u’lláh sa bawat mananampalataya na sumulat ng isang habilin. Sa ibang lugar malinaw na sinasabi Niya na ang isang tao ay may ganap na karapatan sa kaniyang ari-arian at malayang ipasiya ang paraan kung paano dapat hatiin ang kaniyang ari-arian at itakda, doon sa habilin, yaong dapat magmana, kahiman Bahá’í o hindi Bahá’í (K&K 69). Tungkol dito, isang liham na isinulat sa ngalan ni Shoghi Effendi ang nagpapaliwanag na:

… kahiman ang isang Bahá’í ay pinahihintulutang ipamahagi sa kaniyang habilin ang kaniyang kayamanan sa paraang ninanais niya, gayunpaman siya ay nasasaklaw ng moralidad at budhi na palaging alalahanin, samantalang isinusulat ang kaniyang habilin, ang pangangailangan na kaniyang itaguyod ang simulain ni Bahá’u’lláh tungkol sa panlipunang tungkulin ng kayamanan, at ang kasunod na pangangailangan sa pag-iwas sa lubhang pagkakamal nito, ang pagkakaipon nito sa ilang mga tao o pangkat ng mga tao.

Ipinaaalam ng bersikulong ito sa Aqdas ang isang mahabang talata kung saan ipinaliliwanag pa ni Bahá’u’lláh ang batas ng Bahá tungkol sa mana. Sa pagbasa sa talatang ito dapat tandaan ng isa na ang batas ay binalangkas sa pagpapalagay na ang pumanaw ay isang lalake; ang mga itinadhana nito ay may bisa rin, mutatis mutandis, kapag ang pumanaw ay isang babae.

Ang pamamaraan ng pagpapamana na nagtatadhana sa pamamahagi ng ari-arian ng pumanaw sa pitong uri ng mga tagapagmana (mga anak, asawa, ama, ina, mga kapatid na lalake, mga kapatid na babae, at mga guro) ay nababatay sa mga itinadhana na itinakda ng Báb sa Bayán. Ang mahahalagang katangian ng mga batas ng Bahá’í tungkol sa mana kung walang testamento ay:

1. Kung ang pumanaw ay isang ama at ang kaniyang ari-arian ay kasama ang isang pansariling tirahan, ang tirahang iyon ay pupunta sa panganay na anak na lalake (K&K 34).

2. Kung ang pumanaw ay walang mga anak na lalake, dalawang ikatlong bahagi ng tirahan ay pupunta sa kaniyang mga anak na babae at ang natitirang ikatlong bahagi ay pupunta sa House of Justice (K&K 41, 72). Tingnan ang tala 42 tungkol sa mga antas ng institisyon ng House of Justice na ang batas na ito ay may bisa. (Tingnan rin ang tala 44.)

3. Ang natitira sa ari-arian ay hahatiin sa pitong uri ng mga tagapagmana.  Sa mga detalye ng bilang ng parte na dapat tanggapin ng bawat pangkat, tingnan ang Mga Katanungan at Kasagutan bilang 5, at ang Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.C.3.a.

4. Sa mga pangyayari na mayroong higit pa sa isang tagapagmana sa anumang uri, ang bahaging itinakda sa uri na iyon ay dapat hatiin sa kanila nang pantay, kahiman lalake o babae sila.

5. Sa mga pangyayari na walang anak, ang bahagi ng mga anak ay tutungo sa House of Justice (K&K 7, 41).

6. Kung ang isa ay mag-iwan ng anak, ngunit ilan man o lahat ng ibang uri ng mga tagapagmana ay wala, dalawang ikatlo ng kanilang bahagi ay tutungo sa anak at ang ikatlong bahagi ay sa House of Justice (K&K 7).

 

7. Kung alinman sa nabanggit na mga uri ay wala, dalawang ikatlong bahagi ng ari-arian ay tutungo sa mga pamangkin na lalake at babae ng pumanaw. Kung wala ang mga ito, ang gayunding bahagi ay tutungo sa mga tiyahin at tiyuhin; kung wala ang mga ito, sa kanilang mga anak na lalake at babae. Sa anuman gang pangyayari ang natitirang ikatlong bahagi ay tutungo sa House of Justice.

 

8. Kung alinman sa mga nabanggit na tagapagmana ay wala, ang lahat ng ari-arian ay tutungo sa House of Justice.

 

9. Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang mga hindi Bahá’í ay walang karapatang magmana mula sa kanilang mga magulang o kamag-anak na Bahá’í (K&K 34). Si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa ngalan niya, ay nagsabi na ang pagbabawal na ito ay may bisa “lamang sa mga pangyayaring ang isang Bahá’í ay namatay nang hindi nag-iiwan ng isang habilin at kapag, samakatuwid, ang kaniyang ari-arian ay dapat na hatiin sang-ayon sa mga batas na inihayag sa Aqdas. Kung hindi, ang isang Bahá’í ay malayang ipamana ang kaniyang ari-arian sa sinumang tao, anuman ang pananampalataya, gayunpaman sa kondisyon na siya ay nag-iwan ng isang habilin, na tinitiyak ang kaniyang mga kagustuhan.” Laging maaaring mangyari, kung gayon, para sa isang Bahá’í na mag-iwan para sa kaniyang hindi Bahá’í na asawa o maybahay, mga anak o mga kamag-anak sa pamamagitan ng pag-iiwan ng isang habilin.

 

Ang karagdagang detalye ng mga batas ng Bahá’í tungkol sa mana ay binuod sa Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.C.3.a.–0.

39. sa mga kapatid na lalake, limang parte … sa mga kapatid na babae, apat na parte ¶20

Ang Mga Katanungan at Kasagutan ay nagdaragdag sa alitun-tunin ng batas na may kinalaman sa mga parte ng mana na ipagkakaloob sa mga kapatid na lalake at babae ng yumao. Kung ang kapatid na lalake o babae ay mula sa iisang ama tulad ng namatay, ang kapatid na lalake o babae ay magma-mana ng kanilang buong natatakdang bahagi.  Kung, gayun-paman, ang kapatid na lalake o babae ay mula sa ibang ama, ang lalake o babae ay magmamana lamang ng dalawang ikatlong bahagi ng naitakdang bahagi; ang natitirang ikatlong bahagi ay tutungo sa House of Justice (K&K 6). Bukod dito, kung ang pumanaw ay mayroong buong kapatid na lalake o babae sa kaniyang mga tagapag-mana, ang kaniyang mga kapatid na lalake at babae mula sa panig ng kaniyang ina ay hindi magmamana (K&K 53).  Ang mga kapatid na lalake at babae sa ina ay maliwanag lamang na tatanggap ng mana mula sa ari-arian ng kanilang sariling ama.

40. sa mga guro ¶20

Sa isang Tableta, inihahalintulad ni ‘Abdu’l-Bahá ang mga guro na may kinalaman sa espirituwal na edukasyon ng bata sa “espiritual na ama” na “pinagkalooban ang kaniyang anak ng buhay na walang hanggan”.  Ipinaliliwanag Niya na ito ang dahilan kung bakit ang “mga guro ay itinala sa mga tagapagmana” sa “Batas ng Diyos”.

Tinitiyak ni Bahá’u’lláh ang mga kalagayan na kung kailan ang mga guro ay magmamana at ang bahagi na tatanggapin nila, lalake o babae man (K&K 33).

41. Nang Aming marinig ang maingay na pamimilit ng mga batang hindi pa ipinanganganak, Aming dinoble ang kanilang bahagi at binawasan yaong sa natitira. ¶20

Sa mga batas ng Báb sa pagpapamana ang mga anak ng pumanaw ay binigyan ng siyam na parte na binubuo ng 540 na bahagi. Ang itinakdang ito ay binuo ng kulang sa ika-apat na bahagi ng buong pag-aari. Dinoble ni Bahá’u’lláh ang kanilang parte sa 1,080 na bahagi at binawasan yaong itinakda sa anim na uri ng mga tagapagmana. Binalangkas rin Niya ang tunay na layunin ng bersikulong ito at ang mga pahiwatig nito para sa pamamahagi ng mana (K&K 5).

42. sa House of Justice ¶21

Sa pagtukoy sa House of Justice sa Kitáb-i-Aqdas, hindi laging tiyak na nililiwanag ni Bahá’u’lláh kung ito ay ang Universal House of Justice o ang Local House of Justice na ang kapwa institusyon ay itinadhana sa Aklat na iyon.  Kalimitang tinutukoy lamang Niya “ang House of Justice”, na iniiwanang bukas para sa paglilinaw sa dakong huli ang antas o mga antas ng buong institusyon na kung saan paiiralin ang bawat batas.

Sa isang Tableta na inisa-isa ang mga kita ng lokal na ingatang-yaman, isinasama ni ‘Abdu’l-Bahá yaong mga mana na walang mga tagapagmana, na ipinahihiwatig sa gayon na ang House of Justice na tinutukoy sa mga talatang ito sa Aqdas na may kaugnayan sa mana ay yaong lokal.

43. Kung ang yumao ay mag-iwan ng anak, ngunit wala doon sa ibang mga uri ng mga tagapagmana ¶22

Nililinaw ni Bahá’u’lláh na “Ang utos na ito ay mayroong kapwa pangkalahatan at tiyakang pagpapairal, na ang ibig sabihin ay kailanman ang anumang kategoriya ng nahuhuling uri ng tagapagmana ay wala, ang dalawang ikatlong bahagi ng kanilang mana ay tutungo sa anak at ang natitirang ikatlong bahagi ay sa House of Justice” (K&K 7).

44. Aming itinalaga ang tirahan at ang personal na pananamit ng yumao sa anak na lalake, hindi sa babae, ni hindi sa ibang mga tagapagmana. ¶25

Sa isang Tableta, tinutukoy ni ‘Abdu’l-Bahá na ang tirahan at ang personal na pananamit ng isang namatay na lalake ay mananatili sa kaanakan na lalake.  Ang mga iyon ay tutungo sa panganay na anak na lalake at kung walang pinakamatandang anak na lalake, ang mga iyon ay tutungo sa pangalawang anak na lalake, at gayundin ang pagkakasunod-sunod. Ipinaliliwanag Niya na ang pagtatadhanang ito ay isang pagpapahayag ng batas ng karapatan ng pinakamatandang anak na lalake, na walang pagbabagong pinagtitibay ng Batas ng Diyos. Sa isang Tableta para sa isang nananalig sa Pananampalataya sa Persia, isinulat Niya: “Sa lahat ng mga Banal na Dispensasyon ang pinakamatandang anak na lalake ay binigyan ng mga di-pangkaraniwang pagtatangi. Kahit na ang katayuan ng pagka-propeta ay naging karapatan niya.” Gayunpaman, kasama ng mga pagtatanging ibinigay sa pinakamatandang anak na lalake, ay ang kapanabay na mga tungkulin. Halimbawa, siya ay may moral na pananagutan, alang-alang sa Diyos, na alagaan ang kaniyang ina at isaalang-alang ang mga pangangailangan ng ibang mga tagapagmana.

Nililinaw ni Bahá’u’lláh ang iba’t ibang mga aspeto sa bahaging ito ng batas ng pagpapamana. Tinitiyak Niya na kung mayroong higit sa isang tirahan, ang pangunahin at pinakamahalaga ay tutungo sa anak na lalake. Ang natitirang mga tirahan, kasama ng iba pang mga pag-aari ng pumanaw, ay dapat hatiin sa mga tagapagmana (K&K 34), at sinasabi Niya na kung walang anak na lalake, dalawang ikatlong bahagi ng pangunahing tirahan at ng personal na pananamit ng pumanaw na ama ay tutungo sa anak na babae at ang ikatlong bahagi ay sa House of Justice (K&K 72). Bilang karagdagan, kapag ang pumanaw ay babae, sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang lahat ng kaniyang nagamit na pananamit ay dapat hatiin nang pantay sa kaniyang mga anak na babae. Ang kaniyang hindi nagamit na pananamit, mga alahas at ari-arian ay dapat hatiin sa lahat ng kaniyang mga tagapagmana, gayundin ang kaniyang mga pananamit na naisuot na kung wala siyang anak na babae (K&K 37).

45. Kung ang anak na lalake ng yumao ay sumakabilang-buhay nang nabubuhay pa ang kaniyang ama at nag-iwan ng mga anak, sila ang magmamana ng kaparte ng kanilang ama ¶26


Ang aspetong ito sa batas ay may bisa lamang kung ang anak na lalake ay naunang namatay sa kaniyang ama o ina.  Kung ang anak na babae ng pumanaw ay patay na at nag-iwan ng anak, ang kaniyang bahagi ay dapat hatiin sang-ayon sa pitong kategoriya na tiniyak sa Pinakabanal na Aklat (K&K 54).

46. Kung ang yumao ay mag-iwan ng mga anak na wala pa sa hustong gulang, ang kanilang bahagi sa mana ay dapat ipagkatiwala sa isang tao na mapagkakatiwalaan ¶27

Ang salitang “amin”, na isinalin sa parapong ito na “tao na mapagkakatiwalaan” at “katiwala”, ay nangangahulugan sa wikang Arabiko ng isang malawak ang saklaw na mga kahulugan na may pangunahing kaugnayan sa paksa ng pagka-mapagkakatiwalaan, ngunit nangangahulugan din ng gayong mga katangian tulad ng pagka-maaasahan, katapatan, mapagmahal nang tapat, pagkamatuwid, makatotohanan, at iba pa.  Kapag ginamit sa mga pana-nalita tungkol sa batas, ang “amin” ay nangangahulugan, bukod sa iba pang mga bagay, bilang isang katiwala, tagapanagot, tagapag-ingat, tagapangalaga, at taga-pangasiwa.

47. Ang paghahati sa ari-arian ay dapat lamang gawain matapos mabayaran na ang Huqúqu’lláh, ang anumang mga utang ay naisaayos na, ang mga ginu-gol na kaugnay sa paglilibing ay nabayaran na ¶28

Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang pagkakasunod-sunod para sa pagbabayad ng mga guguling ito ay una ang mga gugulin na kaugnay sa paglilibing, pagkatapos ay ang mga utang ng pumanaw, pagkatapos ay ang Huqúqu’lláh (tingnan ang tala 125) (K&K 9). Binabanggit din Niya na kapag gagamitin ang ari-arian sa mga ito, ang kabayaran ay dapat munang kunin mula sa natitira sa ari-arian at pagkatapos, kung ito ay hindi makasasapat, mula sa tirahan at personal na pananamit ng pumanaw (K&K 80).

48. Ito yaong natatagong kaalaman na hindi kailanman magbabago, dahilan sa ang simula nito ay siyam ¶29

Sa Bayán sa wikang Arabiko, inilarawan ng Báb ang Kaniyang batas sa mana bilang “nasasang-ayon sa isang natatagong kaalaman sa Aklat ng Diyos—isang kaalaman na hindi kailanman mababago o mapapalitan”. Ipinahayag din Niya na ang bilang na kung saan ang paghahati ng mana ay sinabi, ay binigyan ng kahalagahan na naglalayong tumulong sa pagkilala sa Kaniya Na ihahayag ng Diyos.

Ang “siyam” na binanggit dito ay kumakatawan sa teksto sa wikang Arabiko ng titik na “Tá”, na katumbas nito sa talaan ng abjad (tingnan ang Talakahuluganan). Ito ang unang saligan ng paghahati ng Báb sa mana, kung saan itinadhana Niya ang “siyam na bahagi” bilang kaparte ng mga anak.  Ang kahalagahan ng siyam ay napapaloob sa pagiging katumbas na bilang ng Pinakadakilang Pangalang “Bahá”, na ipinahiwatig sa susunod na bahagi ng bersikulong ito bilang “ang natatago at hayag, ang di- malalabag at di-mapapantayan ang kadakilaan na pangalan”. (Tingnan rin ang tala 33)

49. Iniutos ng Panginoon na sa bawat lungsod, ay isang House of Justice ang dapat itatag ¶30

Ang institusyon ng House of Justice ay binubuo ng nahalal na mga lupon na nanunungkulan sa lokal, pambansa at pandaigdig na mga antas ng lipunan.  Kapwa itinadhana ni Bahá’u’lláh ang Universal House of Justice at ang mga Local House of Justice sa Kitáb-i-Aqdas. Si ‘Abdu’l-Bahá, sa Kaniyang Habilin at Testamento, ay itinatadhana ang Pangpangalawang (Pambansa o Pangrehiyon) na mga House of Justice at binabalangkas ang paraan na dapat gawain para sa paghalal ng Universal House of Justice.

Sa bersikulong nabanggit sa itaas, ang tinutukoy ay para sa Local House of Justice, isang institusyon na ihahalal sa isang pamayanan kapag mayroon ng siyam o higit na ninirahang mga Bahá’í na nasa hustong gulang. Sa layuning ito, ang kahulugan ng hustong gulang ay pansamantalang itinakda ng Guardian sa edad na 21, na binanggit na maaaring baguhin ito ng Universal House of Justice sa hinaharap.

Ang Lokal at Pangpangalawang mga House of Justice para sa kasalukuyan, ay kilala bilang mga Local Spiritual Assembly at mga National Spiritual Assembly. Sinasabi ni Shoghi Effendi na ito ay “pansamantalang pangalan” na,

… habang ang katayuan at mga layunin ng Pananampalatayang Bahá’í ay higit na nauunawaan at higit na lubos na makikilala, ito ay unti-unting mapapalitan ng permanente at higit na karapat-dapat na pangalang House of Justice. Hindi lamang maiiba ang pagkilala sa pangkasalukuyang mga Spiritual Assembly sa hinaharap, kundi magagawa rin nilang idagdag sa kanilang kasalukuyang mga tungkulin yaong mga kapangyarihan, mga gawain, at mga karapatan na kakailanganin dahilan sa pagkilala sa Pananampalataya ni Bahá’u’lláh, hindi lamang bilang isa sa mga kinikilalang pangrelihiyong pamamaraan ng daigdig, kundi bilang isang Pambansang Relihiyon ng isang malaya ay May-Kapangyarihang Lakas.

50. sa bilang ng Bahá ¶30

Ang katumbas sa bilang na abjad ng “Bahá” ay siyam. Ang Universal House of Justice, at ang mga National at mga Local Spiritual Assembly sa kasalukuyan ay may siyam na kasapi ang bawat isa, ang pinakamaliit na bilang na itinadhana ni Bahá’u’lláh.

51. Nararapat sa kanila na maging mga katiwala ng Mahabagin sa mga tao ¶30

Ang karaniwang mga kapangyarihan at tungkulin ng Universal House of Justice, ng mga National Spiritual Assembly at ng mga Local Spiritual Assembly at ang mga pangangailangan para sa pagiging kasapi ay inihayag sa mga Banal na Kasulatan nina Bahá’u’lláh at ‘Abdu’l-Bahá, sa mga liham ni Shoghi Effendi, at sa mga paliwanag ng Universal House of Justice. Ang pangkalahatang mga tungkulin ng mga institusyong ito ay binalangkas sa Saligang-Batas ng Universal House of Justice, at doon sa mga National at Local Spiritual Assembly.

52. magsanggunian nang sama-sama ¶30

Ginawa ni Bahá’u’lláh ang pagsasanggunian bilang isa sa mga pangunahing simulain ng Kaniyang Pananampalataya at pinayuhan ang mga nananampalataya na “magsanggunian nang sama-sama tungkol sa lahat ng mga bagay”. Inilarawan Niya ang sanggunian bilang “ang ilaw ng patnubay na umaakay sa landas” at bilang “ang nagkakaloob ng pang-unawa”. Sinasabi ni Shoghi Effendi na ang “simulain ng pagsasanggunian … ang bumubuo sa isa sa mga saligang batas” ng Pampangasiwaang Kaayusan ng Bahá’í.

Sa Mga Katanungan at Kasagutan, bilang 99, binabalangkas ni Bahá’u’lláh ang isang paraan sa pagsasanggunian at binigyang-diin ang kahalagahan sa pagtatamo ng buong pagkakaisa sa pagsasagawa ng pasiya, na kung mabigo rito ang kapasiyahan ng nakararami ang dapat mamayani. Nilinaw ng Universal House of Justice na ang patnubay na ito tungkol sa sanggunian ay ipinahayag bago naitatag ang mga Spiritual Assembly at ito ay isang kasagutan sa isang katanungan sa mga turo ng Bahá’í tungkol sa sanggunian. Pinagtitibay ng House of Justice na ang paglitaw ng mga Spiritual Assembly, na maaaring laging balingan ng mga kaibigan upang hingian ng tulong, ay hindi sila kailanman pinagbabawalan sa pagsunod sa pamamaraan na binalangkas sa Mga Katanungan at Kasagutan. Ang paraang ito ay maaaring gamitin ng mga kaibigan, kung ninanais nila, kapag hangad nilang isangguni ang kanilang mga personal na suliranin.

53. Magtayo kayo ng mga bahay-sambahan sa lahat ng mga lupain ¶31

Ang Bahay-Sambahan ng Bahá’í ay iniuukol sa pagpupuri sa Diyos. Ang Bahay-Sambahan ay ang pinakamahalagang gusali ng Mashriqu’l-Adhkár (ang Pook-Liwayway ng Pagpupuri sa Diyos), isang bilang ng mga gusali na, sa pamumukadkad nito sa hinaharap na panahon, ay bubuo bilang karagdagan sa Bahay-Sambahan ng ilang mga kaugnay na institusyong nauukol sa panlipunan, pantao, pang-edukasyon at pang-agham na mga adhikain. Inilalarawan ni ‘Abdu’l-Bahá ang Mashriqu’l-Adhkár bilang “isa sa pinaka-mahalagang institusyon sa daigdig” at sinasabi ni Shoghi Effendi na nagbibigay halimbawa ito sa isang nakikitang anyo ng pagsasanib ng “pagsamba at paglilingkod ng Bahá’í”. Sa pag-aasam ng darating na pag-unlad ng institusyong ito, nakikita ni Shoghi Effendi na ang Bahay-Sambahan at mga kaugnay na institusyon nito, ay “makapagbibigay ng ginhawa sa mga nagdurusa, panustos sa mga nagdarahop, kanlungan para sa manlalakbay, aliw sa nagdadalamhati, at edukasyon sa mangmang”. Sa darating na panahon, ang mga Bahay-Sambahan ng Bahá’í ay itatayo sa bawat bayan at nayon.

54. Iniutos ng Panginoon na yaong may kakayahan sa inyo ay magsagawa ng peregrinasyon sa banal na Tahanan ¶32

Dalawang banal na Tahanan ang sinasaklaw ng kautusang ito, ang Tahanan ng Báb sa Shíráz at ang Tahanan ni Bahá’u’lláh sa Baghdád. Nilinaw ni Bahá’u’lláh na ang peregrinasyon sa alinman sa dalawang Tahanang ito ay katuparan na sa hinihingi sa sipi na ito (K&K 25, 29). Sa dalawang magkahiwalay na Tableta, kilala sa ngalang Súriy-i-Hajj (K&K 10), iniutos ni Bahá’u’lláh ang mga tiyak na ritwal para sa bawat isa sa mga peregrinasyong ito. Dahil sa isinasagawang ito, ang pagsasagawa ng isang peregrinasyon ay higit pa kaysa sa pagdalaw lamang sa dalawang Tahanang ito.

Pagkamatay ni Bahá’u’lláh, itinalaga ni ‘Abdu’l-Bahá ang Dambana ni Bahá’u’lláh sa Bahjí bilang isang pook ng peregrinasyon. Sa isang Tableta sinasabi Niya na ang “Pinakabanal na Dambana, ang Banal na Tahanan sa Baghdád at ang iginagalang na Tahanan ng Báb sa Shíráz” ay “banal na itinalaga para sa peregrinasyon,” at ang pag-dalaw sa mga pook na ito ay “sapilitan kung makakayang matustusan ito at kung magagawa iyon, at kung walang humahadlang sa kaniyang landas.” Walang iniutos na mga ritwal para sa peregrinasyon sa Pinakabanal na Dambana.

55. at dito ay Kaniyang pinahintulutan ang mga babae na maaaring hindi isagawa ito bilang isang habag mula sa Kaniya ¶32

Sa Bayán, iniutos ng Báb ang panuntunan ng peregrinasyon nang minsan habang nabubuhay doon sa mga nananalig sa Kaniya na magagawang matustusan ang paglalakbay. Sinabi Niya na ang tungkuling ito ay hindi pinaiiral sa kababaihan upang makaiwas sila sa mga hirap ng paglalakbay.

Gayundin ay pinahihintulutan ni Bahá’u’lláh na hindi isagawa ng kababaihan ang Kaniyang mga kautusan sa peregrinasyon. Nilinaw ng Universal House of Justice na ang kapahintulutang ito ay hindi isang pagbabawal, at ang mga babae ay malayang magsagawa ng peregrinasyon.

56. maging abala sa anumang hanap-buhay ¶33

Tungkulin ng mga lalake at mga babae na maging abala sa isang trabaho o propesyon. Itinataas ni Bahá’u’lláh ang “pagiging abala sa gayong gawain” sa “antas ng pagsamba” sa Diyos. Ang espiritwal at praktikal na kahulugan ng batas na ito, at ang kapwa tungkulin ng tao at ng lipunan para sa pagsasagawa nito ay ipinaliwanag sa isang liham na isinulat sa ngalan ni Shoghi Effendi:

Tungkol sa utos ni Bahá’u’lláh na may kaugnayan sa pagiging abala ng mga nananalig sa anumang uri ng propesyon: Lubhang binigyang-diin ng mga Turo ang bagay na ito, lalo na ang sinabi sa Aqdas sa pagpapairal nito na ginagawang malinaw na ang walang ginagawang tao na walang hangaring magtrabaho ay hindi maaaring magkaroon ng lugar sa bagong Pandaigdig na Kaayusan. Bilang isang kaagapay ng simulaing ito, sinasabi ni Bahá’u’lláh, bilang karagdagan, na ang pamamalimos ay hindi lamang dapat sikaping pigilin kundi ganap na mapawi sa mukha ng lipunan. Tungkulin ito noong mga nangangasiwa sa pagsasaayos ng lipunan na maibigay sa bawat tao ang pagkakataon na makapagtamo ng kinakailangang kakayahan sa anumang uri ng propesyon, at gayundin ang pamamaraan sa paggamit ng gayong kakayahan, kapwa alang-alang sa sarili nito at alang-alang sa pagkakamit ng mga pamamaraan sa kaniyang ikabubuhay. Bawat isa, gaanuman ang maaaring maging balakid at kakulangan sa kaniya, ay may tungkuling maging abala sa isang gawain o propesyon, sapagka’t ang gawain, lalo na kung ginagawa sa diwa ng paglilingkod, sang-ayon kay Bahá’u’lláh, ay isang anyo ng pagsamba. Hindi lamang sa ito ay may kapakinabangan, kundi may halaga rin mismo sa sarili nito, dahilan sa lalo tayong inilalapit nito sa Diyos, at nagagawa nating higit na maunawaan ang layunin Niya para sa atin sa daigdig na ito. Maliwanag, kung gayon, na ang pagmamana ng kayamanan ay hindi maaaring magpahintulot sa sinuman na huwag magtrabaho sa araw-araw.

Sa isa sa Kaniyang mga Tableta, sinasabi ni ‘Abdu’l-Bahá na “kung ang isang tao ay walang kakayahang maghanap-buhay, dinapuan ng malubhang kasalatan o nawalan ng kakayahan, tungkulin kung gayon ng mayayaman o ng mga Kinatawan na mabigyan siya ng isang buwanang panustos para sa kaniyang ikabubuhay. … Ang kahulugan ng mga ‘Kinatawan’ ay yaong mga kinatawan ng mga tao na ang ibig sabihin ay ang mga kaanib ng House of Justice.” (Tingnan rin ang tala 162 tungkol sa pamamalimos.)

Bilang tugon sa isang katanungan tungkol sa kung ang tagubilin ni Bahá’u’lláh ay kinakailangan na ang maybahay at ang ina, gayundin ang kaniyang asawa, ay dapat magtrabaho para sa ikabubuhay, ipinaliwanag ng Universal House of Justice na ang iniuutos ni Bahá’u’lláh na ang mga kaibigan ay dapat maging abala sa isang gawain na pakikinabangan nila at ng iba, at ang pag-aalaga ng tahanan ay isang lubhang marangal at may malaking pananagutang gawain na may pangunahing kahalagahan sa lipunan.

Tungkol sa pamamahinga mula sa gawain ng mga tao na narating ang isang tiyak na gulang, sinabi ni Shoghi Effendi sa isang liham na isinulat sa ngalan niya na “ang bagay na ito ay pagpapasiyahan ng International House of Justice dahilan sa walang mga itinadhana sa Aqdas tungkol dito”.

57. Ang paghalik sa kamay ay ipinagbabawal sa Aklat ¶34

Sa ilang bilang ng mga naunang pangrelihiyong Dispensasyon at sa ilang mga kalinangan ang paghalik sa kamay ng isang tanyag na relihiyoso o ng bantog na tao ay inaasahan bilang isang tanda ng banal na paggalang at pagpapauna sa gayong mga tao at bilang sagisag ng pagpapailalim sa kanilang kapangyarihan. Ipinagbabawal ni Bahá’u’lláh ang paghalik sa mga kamay, sa Kaniyang mga Tableta, at mahigpit na ipinagbabawal din Niya ang gayong mga gawain tulad ng pagpapatirapa ng sarili sa harap ng ibang tao at ibang mga gawi ng kilos na nagiging hamak ang isang tao sa harap ng iba. (Tingnan ang tala 58)

58. Ang sinuman ay hindi pinahihintulutang humingi ng kapatawaran mula sa ibang kaluluwa ¶34

Ipinagbabawal ni Bahá’u’lláh ang pangungumpisal, at paghingi ng kapatawaran ng mga kasalanan, sa ibang tao. Sa halip ay dapat sumamo ng kapatawaran mula sa Diyos. Sa Tableta ng Bishárát, sinasabi Niya na “ang ganyang pangungumpisal sa harap ng tao ay nagiging dahilan ng kahihiyan at pagkahamak ng isa”, at pinagtibay Niya na ang Diyos “ay hindi naghahangad ng kahihiyan ng Kaniyang mga tagapaglingkod”.

Ipinaliliwanag ni Shoghi Effendi ang kahulugan ng pagbabawal. Ang kaniyang kalihim ay sumulat sa ngalan niya na tayo

… ay pinagbabawalang mangumpisal sa sinumang tao, na katulad ng ginagawa ng mga Katoliko sa kanilang mga pari, ang ating mga kasalanan at mga pagkukulang, o gawain iyon nang lantaran, na tulad ng ginagawa ng ibang mga sekta ng relihiyon. Gayumpaman, kung bigla na lamang at kusang loob nating hahangarin na tanggapin na tayo ay nagkamali sa ilang bagay, o kaya na tayo ay mayroong pagkukulang sa ugali, at hiningi ang kapatawaran o pagpapaumanhin ng ibang tao, tayo ay malayang gawain iyon.

Nilinaw din ng Universal House of Justice na ang pagbabawal ni Bahá’u’lláh tungkol sa pangungumpisal ng mga kasalanan ay hindi hadlang sa isang tao na aminin ang mga pagkakamali habang nagaganap ang sanggunian sa ilalim ng pangangasiwa ng mga institusyong Bahá’í. Gayundin, hindi nito hinahadlangan ang maaaring paghingi ng payo mula sa isang malapit na kaibigan o ng isang propesyonal na tagapayo tungkol sa ganitong mga bagay.

59. Kabilang sa mga tao ay siya na iniupo ang kaniyang sarili na kasama sa mga sandalyas sa tabi ng pintuan samantalang ninanasa sa kaniyang puso ang luklukang pandangal. ¶36

Nang nakaugalian na sa Silangan, naging gawi na ang hubarin ang mga sandalyas at sapatos bago pumasok sa isang pagtitipon. Ang panig ng isang silid na pinakamalayo sa pasukan ang ipinapalagay na bilang ulo ng silid at pandangal na lugar kung saan ang pinakabantog doon sa mga naroroon ay umuupo. Ang iba ay nakaupo sa pababang antas patungo sa pintuan, kung saan iniiwanan ang mga sapatos at sandalyas, at kung saan ang pinakahamak ay mauupo.

60. At sa mga tao ay mayroong yaong umaangkin ng panloob na kaalaman ¶36

Ito ay nauukol doon sa mga tao na nag-aangkin na sila ay mayroong lihim na kaalaman para sa pinili lamang, at ang kanilang pangangapit sa gayong kaalaman ang nagkukubli sa kanila mula sa Rebelasyon ng Kahayagan ng Diyos. Sa ibang dako pinagtitibay ni Bahá’u’lláh: “Silang mga sumasamba sa diyus-diyusan na inukit ng kanilang mga hinagap, at tinatawag itong Panloob na Katotohanan, ang ganoong mga tao sa katotohanan ay nabibilang sa mga walang Diyos.”

61. Gaano karami ang inilayo ang kaniyang sarili sa mga klima sa India, ipinagkait sa kaniyang sarili ang mga bagay na iniatas ng Diyos na naaayon sa batas, ipinataw sa kaniyang sarili ang mga karahupan at pagpepenitensiya ¶36

Ang mga bersikulong ito ang bumubuo sa pagbabawal sa pagmomonghe at matinding pagkakait sa sarili. Tingnan ang Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.D.1.y.iii. –iv. Sa Mga Salita ng Paraiso ipinaliwanag ni Bahá’u’lláh ang mga tadhanang ito. Sinasabi Niya: “Ang pamumuhay ng hiwalay sa lipunan o pagsasagawa ng lubhang pagkakait sa sarili ay hindi tinatanggap sa harap ng Diyos,” at nananawagan Siya doon sa mga nasasangkot na “isagawa yaong magiging dahilan ng kaligayahan at kaningningan.” Iniuutos Niya doon sa mga ginawa ang “kanilang mga tahanan sa mga yungib ng mga kabundukan” o yaong mga “nagtutungo sa mga libingan kung gabi” na iwanan ang mga gawaing ito, at iniuutos Niya sa kanila na huwag ipagkait sa kanilang mga sarili ang mga “biyaya” ng daigdig na ito na nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan.  At sa Tableta ng Bishárát, samantalang kinikilala ang “mga banal na gawa” ng mga monghe at pari, nananawagan si Bahá’u’lláh sa kanila na “iwanan ang pamumuhay na hiwalay sa lipunan at ibaling ang kanilang mga yapak doon sa lantad na daigdig at maging abala ang kanilang mga sarili doon sa pakikinabangan ng kanilang sarili at ng iba.” Pinagkalooban din Niya sila ng pahintulot na “mag-asawa upang mula sa kanila ay manggaling ang isang babanggit sa Diyos.”

62. Sinuman ang umangkin sa isang Rebelasyon na tuwirang nanggaling sa Diyos, bago lumipas ang buong isang libong taon ¶37

Ang Dispensasyon ni Bahá’u’lláh ay tatagal hanggang sa pagdating ng susunod na Kahayagan ng Diyos, Na ang pagsapit ay hindi magaganap, bago matapos ang “buong isang libong taon.” Nagbabala si Bahá’u’lláh sa pagbibigay ng kahulugan sa “bersikulong ito” ng anupaman maliban doon sa “maliwanag na kahulugan” nito, at sa isa sa mga Tableta Niya, nililiwanag Niya na “ang bawat taon” ng isang libong taon na ito ay binubuo ng “labindalawang buwan sang-ayon sa Qur’án, at ng labinsiyam na buwan ng may labinsiyam na araw ang bawat buwan, sang-ayon sa Bayán.”

Ang pahiwatig ng Rebelasyon Niya kay Bahá’u’lláh sa Síyáh-Chál ng Tihrán, noong Oktubre 1852, ay ang tanda sa pagsilang ng Kaniyang Maka-propetang Misyon at sa gayon ay ang simula ng isang libong taon o higit pa na dapat lumipas bago sumapit ang susunod na Kahayagan ng Diyos.

63. Nauukol dito yaong Aming ibinigay sa inyo na naunang babala noong Kami ay naninirahan pa sa ‘Iráq, at pagkatapos sa dakong huli samantalang nasa Lupain ng Hiwaga, at ngayon mula sa Maringal na Pook na ito. ¶37

Ang “Lupain ng Hiwaga” ay tumutukoy sa Adrianople, at ang “Maringal na Pook na ito” ay isang pagtukoy sa ‘Akká.

64. Kabilang sa mga tao ay siya na ang karunungan ay ginawa siyang palalo … na nang marinig niya ang yapak ng mga sandalyas na sumusunod sa kaniya, lalong tumindi ang kaniyang pagpapahalaga sa sarili ¶41

Sa Silangan, bilang paggalang sa isang pinuno ng relihiyon, ang kaugalian ay ang paglakad ng mga nananalig nang isa o dalawang hakbang sa likuran niya.

65. Nimrod ¶41

Ang Nimrod na tinutukoy sa bersikulong ito sa kapwa mga tradisyon ng Hudyo at Islam, ay isang Hari na umusig kay Abraham at ang pangalan ay naging sagisag ng isang lubhang palalo.

66. Aghsán ¶42

“Aghsán” (pangmaramihan ng Ghusn) ay ang salita sa wikang Arabiko para sa mga “Sanga”. Ang salitang ito ay ginamit ni Bahá’u’lláh upang itawag sa mga anak at inapo na lalake Niya. Ito ay may natatanging mga pahiwatig, hindi lamang para sa pamamahagi ng mga kaloob kundi para rin sa susunod na hahawak ng kapangyarihan matapos ang pagyao ni Bahá’u’lláh (tingnan ang tala 145) at ni ‘Abdu’l-Bahá. Si Bahá’u’lláh, sa Kaniyang Aklat ng Banal na Kasunduan ay inatasan si ‘Abdu’l-Bahá, ang Kaniyang panaganay na anak na lalake, bilang Sentro ng Kaniyang Banal na Kasunduan at ang Pinuno ng Pananampalataya. Si ‘Abdu’l-Bahá, sa Kaniyang Habilin at Testamento, ay inatasan si Shoghi Effendi, ang Kaniyang pinaka-panganay na apong lalake, bilang Guardian at Pinuno ng Pananampalataya.


Ang talatang ito ng Aqdas, kung gayon, ay inaasam ang pagpapamana ng tungkulin sa napiling Aghsán at samakatuwid ang institusyon ng Panunungkulan ng Guardian at isinaisip ang maaaring pagkaputol ng kanilang angkan. Ang pagyao ni Shoghi Effendi noong 1957 ang nagbunsod sa pinaka-pangyayari na itinadhana sa talatang ito, na ang angkan ng Aghsán ay nagwakas bago naitatag ang Universal House of Justice (tingnan ang tala 67).

67. babalik sa mga tao ng Bahá ¶42

Binanggit ni Bahá’u’lláh ang maaaring mangyari na ang angkan ng Aghsán ay magwawakas bago maitatag ang Universal House of Justice.  Itinadhana Niya na sa gayong pagkakataon “ang mga ipinagkaloob na ari-arian ay babalik sa mga tao ng Bahá.” Ang taguring “tao ng Bahá” ay ginagamit sa ilang bilang ng magkakaibang pakahulugan sa mga Kasulatang Bahá’í. Sa halimbawang ito, inilalarawan sila bilang yaong mga “hindi nagsasalita maliban sa kapahintulutan Niya at hindi nagpapasiya maliban kung naaayon doon sa iniutos ng Diyos sa Tabletang ito.” Kasunod ng pagkamatay ni Shoghi Effendi noong 1957, ang mga Hands of the Cause of God ang nangasiwa sa mga gawain ng Kapakanan hanggang maihalal ang Universal House of Justice noong 1963 (tingnan ang tala 183).

68. Huwag mag-ahit ng inyong mga ulo ¶44

Sa ilang mga pangrelihiyong tradisyon ipinalalagay na kalugod-lugod ang pag-aahit ng ulo. Ang pag-aahit ng ulo ay ipinagbawal ni Bahá’u’lláh, at nililiwanag Niya na ang utos na napapaloob sa Kaniyang Súriy-i-Haji na hinihingi sa mga peregrino sa Banal na Tahanan sa Shíráz na ahitin ang kanilang mga ulo ay napalitan na sa pamamagitan ng bersikulong ito ng Kitáb-i-Aqdas (K&K 10).

69. hindi marapat na hayaang lumampas ang buhok sa hangganan ng mga tainga ¶44

Nilinaw ni Shoghi Effendi na, hindi tulad ng pag-aahit ng ulo, ang batas na nagbabawal sa pagpapahaba ng buhok nang lampas sa lambi ng tainga ay para sa mga lalake lamang. Ang pagpapairal ng batas na ito ay nangangailangan ng paglilinaw ng Universal House of Justice.

70. Ang pagpapatapon at pagbibilanggo ay iniuutos para sa magnanakaw ¶45

Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang kapasiyahan ng antas ng parusa sang-ayon sa kalubhaan ng kasalanan, ay nasasalalay sa House of Justice (K&K 49). Ang mga parusa sa pagnanakaw ay nilalayon para sa darating na kalagayan ng lipunan, kung kailan ang mga iyon ay daragdagan at paiiralin ng Universal House of Justice.

71. sa ikatlong pagkakasala, ay lagyan ninyo ng isang tatak sa kaniyang noo upang, sa ganitong pagkakakilanlan, hindi na siya maaaring tanggapin sa mga lunsod ng Diyos at Kaniyang sa mga bansa ¶45

Ang tanda na itatatak sa noo ng magnanakaw ay magsisilbing babala sa mga tao tungkol sa kaniyang mga masasamang hilig. Lahat ng mga detalye tungkol sa uri ng tanda, kung paano ilalagay ang tanda, gaano katagal ito mananatili, sa anong mga kalagayan ito ay maaaring alisin, gayundin ang kalubhaan ng iba’t ibang antas ng pagnanakaw ay iniwanan ni Bahá’u’lláh sa Universal House of Justice upang pagpasiyahan kapag pinairal na ang batas.

72. Sinuman ang nagnanais na gumamit ng mga kagamitan sa pagkain na yari sa pilak at ginto ay malayang gawain iyon. ¶46

Sa Bayán, pinahintulutan ng Báb ang paggamit ng mga kagamitan sa pagkain na yari sa ginto at pilak, na pinawawalang-bisa, kung gayon, ang pagbabawal sa Islam ng paggamit sa mga iyon na hindi naman nanggagaling mula sa maliwanag na utos ng Qur’án, kundi mula sa mga tradisyong Muslim.  Pinagtitibay dito ni Bahá’u’lláh ang panuntunan ng Báb.

73. Mag-ingat at baka kung kumakain, ay itubog ang inyong mga kamay sa nilalaman ng mga mangkok at bandehado. ¶46

Ang pagbabawal na ito ay ipinaliwanag ni Shoghi Effendi bilang ang “paglulublob ng kamay sa pagkain”.  Sa maraming panig ng daigdig naging kaugalian ang paggamit ng mga kamay sa pagkain mula sa iisang mangkok para sa lahat.

74. Isagawa ninyo ang gayong mga kilos na pinaka-angkop sa kapinuhan ng asal ¶46

Ito ang una sa ilang mga talata na tumutukoy sa kahalagahan ng kapinuhan ng asal at kalinisan.  Ang orihinal na salitang “latáfat” sa salitang Arabiko, na isinalin dito bilang “kapinuhan ng asal”, ay may malawak na saklaw ng mga kahulugan na kapwa espirituwal at pisikal na mga pakahulugan tulad ng dingal, kagandahan ng kilos, kalinisan, pagkamapitagan, pagkamagalang, pagkamahinahon, kapinuhan at pagkamagiliw, pati na ang pagiging maingat, pino, banal at dalisay. Sang-ayon sa ibig sabihin ng iba’t ibang mga talata kung saan ito makikita sa Kitáb-i-Aqdas, isinasalin ito bilang “kapinuhan ng asal” o “kalinisan”.

75. Siya Na Pook-Liwayway ng Kapakanan ng Diyos ay walang kasama sa Pinaka-Dakilang Walang Pagkakamali ¶47

Sa Tableta ng Ishráqát, pinagtitibay ni Bahá’u’lláh na ang Pinaka-Dakilang Walang Pagkakamali ay para sa mga Kahayagan ng Diyos lamang.

Ang Kabanata 45 ng Some Answered Questions ay iniuukol sa isang paliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá tungkol sa bersikulong ito sa Aqdas.  Sa kabanatang ito binibigyang-diin Niya, kabilang sa ibang mga bagay, na hindi mapaghi-hiwalay ang likas na “walang pagkakamali” mula sa mga Kahayagan ng Diyos, at iginigiit na “anuman ang magmula sa Kanila ay siya rin ang katotohanan, at nasasang-ayon sa katotohanan”, na “Sila ay hindi napapailalim sa anino ng dating mga batas”, at “Anuman ang sabihin Nila ay ang salita ng Diyos, at anuman ang gawain Nila ay isang makatuwirang kilos”.

76. Sa bawat ama ay iniatas ang pagtuturo sa kaniyang anak na lalake at anak na babae sa sining ng pagbabasa at pagsusulat ¶48


Si ‘Abdu’l-Bahá, sa Kaniyang mga Tableta, ay hindi lamang tinatawag ang pansin sa tungkulin ng mga magulang upang turuan ang lahat ng kanilang mga anak, ngunit maliwanag na tiniyak Niya na ang “pagsasanay at pagtuturo sa mga anak na babae ay higit na kailangan kaysa doon sa mga anak na lalake”, sapagka’t ang mga batang babae isang araw ay magiging mga ina, at ang mga ina ang unang tagapagturo ng bagong salinlahi.  Samakatuwid, kung hindi magagawa ng isang mag-anak na paaralin ang lahat ng mga anak, ang pagkiling ay dapat ibigay sa mga anak na babae dahilan sa pamamagitan ng nakapag-aral na mga ina, ang mga kapakinabangan ng kaalaman ay higit na may bisa at mabilis na mapala-laganap sa buong lipunan.

77. Ang Diyos ay nagpataw ng multa sa bawat makikiapid na lalake at babae, na ibabayad sa House of Justice ¶49

Kahima’t ang taguri ay isinalin dito na pakikiapid, sa pinakamalawak na kahulugan nito, tinutukoy nito ang labag sa batas na seksuwal na pakikipagtalik ng isang tao kahiman may asawa o wala (tingnan ang tala 36 para sa kahulugan ng taguri), nilinaw ni ‘Abdu’l-Bahá na ang parusang iniutos dito ay para sa pagtatalik ng mga taong hindi kasal.  Sinasabi Niya na nasa kapasiyahan ito ng Universal House of Justice upang pagpasiyahan ang kaparusahan para sa pakikiapid na ginawa ng isang may-asawang tao.  (Tingnan rin ang K&K 49.)

Sa isa sa mga Tableta Niya, tinutukoy ni ‘Abdu’l-Bahá ang ilan sa mga espirituwal at panglipunang pahiwatig ng paglabag sa mga batas ng moralidad, at tungkol sa kaparusahang iniutos dito, sinasabi Niya na ang layunin ng batas na ito ay upang gawaing malinaw para sa lahat na ang gayong kilos ay kahiya-hiya sa mata ng Diyos at kung ang kasalanan ay mapapatunayan  at ang multa ay maipataw, ang pangunahing layunin ay ang mailantad ang mga nagkasala—nang sila ay mapahiya at mawalan ng mukha sa mata ng lipunan. Pinagtitibay Niya na ang gayong paglalantad ay ang pinakamatinding parusa mismo.

Ang House of Justice na tinutukoy sa bersikulong ito ay ipinapalagay na ang Local House of Justice, na kasalukuyang kilala bilang Local Spiritual Assembly.

78. siyam na mithqál ng ginto, na gagawaing doble kung uulitin nila ang pagkakasala ¶49

Ang mithqál ay isang sukat ng timbang.  Ang timbang ng kinaugaliang mithqál na ginagamit sa Gitnang Silangan ay katumbas ng 24 na nakhud.  Gayunpaman, ang mithqál na ginagamit ng mga Bahá’í ay binubuo ng 19 na nakhud, “sang-ayon sa itinakda ng Bayán” (K&K 23).  Ang timbang ng siyam na mga mithqál na ito ay katumbas ng 32.775 na gramo o 1.05374  troy ounces.

Tungkol sa pagpapairal ng multa, malinaw na itinadhana ni Bahá’u’lláh na ang bawat kasunod na multa ay doble ng nauna (K&K 23); kung gayon ang multa na ipinapataw ay lumalaki nang may geometrikong paglaki. Ang pagpapataw ng multang ito ay para sa isang hinaharap na kalagayan ng lipunan, na sa panahong iyon ang batas ay daragdagan at paiiralin ng Universal House of Justice.

79. Ginawa Namin na naaalinsunod sa batas na makinig kayo sa musika at awit. ¶51

Isinulat ni ‘Abdu’l-Bahá na “Sa ilang mga bansa sa Silangan, ang musika ay ipinapalagay na hindi kanais-nais”. Kahiman ang Qur’án ay hindi naglalaman ng maliwanag na patnubay sa paksang ito, ipinapalagay ng ilang mga Muslim na ang pakikinig ng musika ay labag sa batas, samantalang ang iba ay pumapayag sa musika sa loob ng ilang mga pagtatakda at napapailalim sa natatanging mga kalagayan.

Mayroong ilang bilang ng mga talata sa mga Kasulatang Bahá’í na pumupuri sa musika.  Halimbawa, ipinahayag ni ‘Abdu’l-Bahá na ang “musika, inaawit o tinutugtog, ay espirituwal na pagkain para sa kaluluwa at puso”.

80. O kayong mga Tao ng Katarungan ¶52

Ipinaliwanag na sa mga kasulatan ni ‘Abdu’l-Bahá at Shoghi Effendi na, samantalang ang pagiging kaanib ng Universal House of Justice ay para sa mga lalake lamang, kapwa mga babae at mga lalake ay maaaring ihalal sa Sekondarya at Lokal na mga House of Justice (sa ngayon ay tinatawag na National at Local Spiritual Assemblies).

81. Ang mga parusa sa pagsugat o sa paghampas sa isang tao ay nababatay sa kalubhaan ng pinsala; para sa bawat antas ang Panginoon ng Paghuhukom ay nag-atas ng isang tanging kabayaran. ¶56

Samantalang nililiwanag ni Bahá’u’lláh na ang tindi ng kaparusahan ay nababatay sa “kalubhaan ng pinsala”, walang tala na Siya ay nagbigay ng mga detalye tungkol sa laki ng kabayaran na kaugnay ng bawat antas ng pagkakasala.  Ang tungkulin ng pagpapasiya sa mga ito ay iniaatas Universal House of Justice.

82. Sa katunayan, iniatas sa inyo na maghandog ng isang kapistahan minsan sa isang buwan ¶57

Ang tagubilin na ito ay naging batayan para sa pagkakaroon ng isang pagdiriwang ng Bahá’í sa bawat buwan at kung gayon binubuo ang tadhana ng Nineteen Day Feast. Sa Bayán sa wikang Arabiko nananawagan ang Báb sa mga nananampalataya sa Kaniya na magsama-sama nang minsan sa labing-siyam na araw upang magpakita ng kagandahang-loob at pagkakaibigan. Ito ay pinagtibay ni Bahá’u’lláh dito at binaggit na ang gayong mga pagkakataon ay nagtataguyod sa pagkakaisa.

Si ‘Abdu’l-Bahá at si Shoghi Effendi, pagkatapos Niya, ay unti-unting inilahad ang pang-institusyong kahalagahan ng tagubilin na ito. Binigyang-diin ni ‘Abdu’l-Bahá ang kahalagahan ng espirituwal at madalanging katangian ng mga pagtitipong ito. Si Shoghi Effendi, bukod sa higit pang pagpapaliwanag sa mapanalangin at panlipunang bahagi ng Feast ay sinimulan ang pangasiwaang bahagi ng gayong mga pagtitipon at, sa maparaang pagtatatag ng Feast ay nagtadhana ng isang panahon para sa pagsasanggunian tungkol sa mga gawain ng pamayanang Bahá’í, kasama ang pagpapaabot ng mga balita at mga mensahe.

Bilang tugon sa isang katanungan kung ang kautusang ito ay sapilitan, sinabi ni Bahá’u’lláh na ito ay hindi sapilitan (K&K 48). Si Shoghi Effendi sa isang liham na isinulat sa kaniyang ngalan, bilang dagdag, ay nagsabi:


Ang pagdalo sa mga Nineteen Day Feast ay hindi sapilitan ngunit napakahalaga, at bawat mananampalataya ay dapat isaalang-alang na ito ay isang tungkulin at tanging karapatan na makadalo sa gayong mga pagkakataon.

83. Kung mangangaso kayo sa pamamagitan ng mga hayop o mga ibong mandaragit, tawagan mo ang Pangalan ng Diyos kapag itinaboy sila upang habulin ang kanilang tinutugis; sapagka’t kung gayon, anuman ang kanilang mahuli ay magiging sang-ayon sa batas sa inyo, kahit na kung matagpuan ninyo itong namatay na. ¶60

Sa pamamagitan ng batas na ito, lubhang pinadali ni Bahá’u’lláh ang mga gawain at mga pangrelihiyong alituntunin ng nakaraan tungkol sa pangangaso. Ipinahayag rin Niya na ang pangangaso sa pamamagitan ng gayong mga sandata tulad ng pana, baril at katulad nito, ay kasama sa panuntunang ito, ngunit ipinagbawal ang pagkain ng mga nahuling hayop kung natagpuan itong patay na sa isang patibong o lambat (K&K 24)

84. huwag kayong mangaso nang labis ¶60

Samantalang ang pangangaso ay hindi ipinagbabawal ni Bahá’u’lláh, nagbabala Siya laban sa labis na pangangaso. Ang Universal House of Justice, sa tamang panahon, ay isasaalang-alang kung ano ang bumubuo sa labis na pangangaso.

85. hindi Niya sila binigyan ng karapatan sa ari-arian ng iba. ¶61

Ang tagubilin na magpakita ng kagandahang-loob sa angkan ni Bahá’u’lláh ay hindi nagbibigay sa kanila ng isang bahagi sa ari-arian ng iba. Ito ay naiiba sa kinagawian sa Shí’ih Muslim, kung saan ang mga inapo ng angkan ni Muhammad ay may karapatang tumanggap ng isang bahagi ng isang uri ng buwis.

86. Sinuman ang sadyang manunog ng isang bahay, siya rin ay dapat ninyong sunugin; sinuman ang sadyang kumitil sa buhay ng iba, siya rin ay dapat ninyong kitilan ng buhay. ¶62

Ang batas ni Bahá’u’lláh ay nag-uutos ng kaparusahang kamatayan sa pagpatay at sadyang panununog, na maaaring mapalitan ng panghabang buhay na pagkabilanggo (tingnan ang tala 87).

Sa Kaniyang mga Tableta, ipinaliliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá ang kaibahan ng paghihiganti at kaparusahan. Pinagtitibay Niya na ang mga indibidwal ay walang karapatang maghiganti, na ang paghihiganti ay kinapopootan sa paningin ng Diyos, at ang layunin ng pagpaparusa ay hindi pagganti, kundi ang pagpataw ng isang parusa para sa ginawang pagkakasala. Sa Some Answered Questions, pinagtitibay Niya na karapatan ng lipunan na magpataw ng mga kaparusahan sa mga kriminal para sa layuning mapangalagaan ang mga kaanib nito at maipagtanggol ang pananatili ng buhay nito.

Tungkol sa itinadhanang ito, si Shoghi Effendi sa isang liham na isinulat sa ngalan niya ay nagbibigay ng sumusunod na paliwanag:

Sa Aqdas ipinataw ni Bahá’u’lláh ang kamatayan bilang parusa sa pagpatay. Gayunpaman, ipinahintulot Niya ang habang-buhay na pagkabilanggo bilang kapalit. Ang kapwa pamamaraan ay magiging sang-ayon sa Kaniyang mga Batas. Ilan sa atin ay maaaring hindi maunawaan ang wastong kadahilanan nito kung ito ay salungat sa ating sariling makitid na pananaw; ngunit dapat nating tanggapin ito, nababatid na ang Kaniyang Wastong Kadahilanan, ang Kaniyang Habag at ang Kaniyang Katarungan ay lubos at para sa kaligtasan ng buong daigdig. Kung ang isang tao ay maling nahatulan ng kamatayan, hindi ba natin mapapaniwalaan na ang Makapangyarihan sa Lahat na Diyos ay babayaran siya ng libong ulit, sa susunod na daigdig, para dito sa kawalang-katarungan na gawa ng tao? Hindi ninyo maaaring di-pairalin ang isang kapaki-pakinabang na batas dahilan lamang na sa bihirang pagkakataon ay maaaring maparusahan ang isang walang kasalanan.

Ang mga detalye ng batas ng Bahá’í sa kaparusahan para sa pagpatay at panununog, isang batas na binalangkas para sa isang darating na kalagayan ng lipunan, ay hindi tiniyak ni Bahá’u’lláh. Ang iba’t ibang detalye ng batas, tulad ng mga antas ng pagkakasala, kung ang mga may kinalamang pangyayari ay isasaalang-alang, at alin sa dalawang ipinag-uutos na mga kaparusahan ang dapat na maging pamantayan ay ibinibigay sa Universal House of Justice upang pagpasiyahan sang-ayon sa namamayaning mga kalagayan kapag ang batas ay isasagawa na. Ang paraan kung paano isasagawa ang kaparusahan ay ibinibigay din sa Universal House of Justice upang pagpasiyahan.

Tungkol sa sadyang panununog, ito ay nasasalalay kung anong “bahay” ang sinunog.  Maliwanag na may napakalaking pagkakaiba sa antas ng pagkakasala sa taong susunog ng isang walang lamang bodega at sa isang susunog ng isang paaralang puno ng mga bata.

87. Kung hahatulan ninyo ang manununog at ang mamamatay-tao ng habang buhay na pagkabilanggo, ito ay pinahihintulutan sang-ayon sa mga itinadhana sa Aklat. ¶62

Pinagtibay ni Shoghi Effendi, bilang tugon sa katanungan tungkol sa bersikulong ito ng Aqdas, na samantalang ang kaparusahang kamatayan ay pinahihintulutan, isang mapagpipilian, ang “habang buhay na pagkabilanggo”, ang itinadhana “upang ang mga paghihirap ng gayong hatol ay lubhang mababawasan”.  Sinasabi niya na “binigyan tayo ni Bahá’u’lláh ng mapagpipilian at sa gayon hinayaan tayong gamitin nang malaya ang ating sariling pasiya na saklaw ng ilang hangganang ipinasusunod ayon sa Kaniyang batas.”  Kung walang tiyak na patnubay tungkol sa pagpapasunod sa aspetong ito ng batas ng Bahá’í, nasa Universal House of Justice ang pagsasabatas sa bagay na ito sa hinaharap na panahon.

88. Iniutos sa inyo ng Diyos ang pag-aasawa. ¶63

Si Bahá’u’lláh, sa isa sa Kaniyang mga Tableta, ay nagsabi na ang Diyos, sa pagtatatag ng batas na ito, ay ginawa ang pag-aasawa na “isang muog para sa katiwasayan at kaligtasan”.

Ang Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.C.I.a.–0., ay binubuod at pinag-iisa ang mga itinadhana sa Kitáb-i-Aqdas at sa Mga Katanungan at Kasagutan tungkol sa pag-aasawa at ang mga kalagayan na nagpapahintulot dito (K&K 3, 13, 46, 50, 84, at 92), at ang batas ng kasunduan sa pagpa-pakasal (K&K 43), ang pagbabayad ng dote (K&K 12, 26, 39, 47, 87, at 88), ang mga hakbang na dapat gawain kapag nangyari ang matagal na pagkawala ng asawa (K&K 4 at 27), at ang ibang sari-saring mga kalagayan (K&K 12 at 47).  (Tingnan rin ang mga tala 89-99.)

89. Mag-ingat na hindi kayo kukuha para sa inyong sarili ng higit pa sa dalawang maybahay. Sinuman ang masiyahan sa iisang kabiyak mula sa mga babaing tagapaglingkod ng Diyos, kapwa siya at ang maybahay ay mamumuhay sa katiwasayan. ¶63

Samantalang ang teksto ng Kitáb-i-Aqdas ay waring pinahihintulutan ang pagkakaroon ng dalawang asawa, nagpapayo si Bahá’u’lláh na ang kapanatagan at kasiyahan ay nagmumula sa pagkakaroon ng isang asawa lamang.  Sa isa pang Tableta, ibinabatay Niya ang kahalagahan ng pagkilos ng isang tao sa gayong gawi na “makapagbibigay ng kaginhawahan sa kaniyang sarili at sa kaniyang kasama sa buhay”.  Si ‘Abdu’l-Bahá, ang binigyang-kapangyarihang Tagapagpaliwanag ng mga Kasulatang Bahá’í, ay nagsasabi na sa teksto ng Aqdas ang pagkakaroon ng iisang asawa sa gayon ay iniuutos.  Ipinaliliwanag Niya ang paksang ito sa ilang bilang ng mga Tableta, kasama ang sumusunod:

Alamin mo na ang pag-aasawa ng higit pa sa isa ay hindi pinahihintulutan sa batas ng Diyos, sapagka’t ang kasiyahan sa iisang maybahay ay malinaw na itinadhana.  Ang pagkuha ng pangalawang maybahay ay ginawang nababatay sa walang-kinikilingang pagkamakatao at pagkamakatarungan sa dalawang maybahay sa lahat ng pagkakataon. Datapuwa’t ang pagsasakatuparan ng katarungan at walang-kinikilingan pagkamakatao sa dalawang maybahay ay ganap na hindi mangyayari. Ang katotohanan na ang pagkakaroon ng dalawang asawa ay ginawang nababatay sa isang di-maaaring mangyaring kalagayan ay malinaw na katibayan sa lubos na pagbabawal nito. Kung gayon, hindi pinahihintulutan ang isang lalake na magkaroon ng higit pa sa isang maybahay.

Ang pag-aasawa ng higit sa isa ay isang matandang kaugalian sa karamihan ng sangkatauhan. Ang pagsisimula ng pag-aasawa ng isa lamang ay unti-unting nagawa ng mga Kahayagan ng Diyos. Si Jesus, halimbawa, ay hindi ipinagbawal ang pagkakaroon ng maraming asawa, ngunit inalis ang diborsiyo maliban sa kaso ng pakikiagulo; itinakda ni Muhammad ang bilang ng mga asawa sa apat, ngunit ginawa ang pagkakaroon ng maraming asawa na nababatay sa katarungan, at pinairal na muli ang kapahintulutan sa diborsiyo; si Bahá’u’lláh, na ipinahahayag ang mga Turo Niya sa kalagayan ng lipunang Muslim, ay sinimulan ang paksa ng monogamiya nang unti-unti nang naaayon sa mga simulain ng wastong kadahilanan at ng papaunlad na paglalahad ng Kaniyang layunin.  Ang katotohanan na nag-iwan Siya sa mga nananalig sa Kaniya ng isang hindi magkakamaling Tagapagpaliwanag ng Kaniyang mga Banal na Kasulatan ay nagbigay-daan na magawa Niyang waring nagpapahintulot, ng dalawang asawa sa Kitáb-i-Aqdas ngunit itinaguyod ang kalagayan upang magawa ni ‘Abdu’l-Bahá na ipaliwanag sa dakong-huli na ang layunin ng batas ay ang isakatuparan ang monogamiya.

90. ang lalake na kukuha ng isang babaeng katulong upang maglingkod sa kaniya ay magagawa ito nang may kaangkupan ¶63

Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang isang lalake ay maaaringkumuha ng mamamasukang babae para sa pantahanang paglilingkod.  Ito ay hindi pinahihintulutan sa ilalim ng kaugalian ng Shí’ih Muslim hangga’t ang pinaglilingkuran ay hindi nagpa-pakasal sa kaniya.  Binigyang-diin ni Bahá’u’lláh na ang “paglilingkod” na tinutukoy sa bersong ito ay para lamang “sa gayong gawain nasa paglilingkod tulad ng ginagawa ng anumang uri ng mga tagapaglingkod, maging sila ay bata o matanda, na may kapalit na sahod” (K&K 30).  Ang isang pinaglilingkuran ay walang sekswal na karapatan sa kaniyang tagapaglingkod na babae.  Siya ay “malayang pumili ng asawa sa anumang oras na nanaisin niya”, sapagka’t ang pagbili ng mga babae ay ipinagbabawal (K&K 30).

91. Ito ang Aking utos sa inyo; mangapit nang mahigpit dito bilang tulong sa inyong mga sarili. ¶63

Bagaman ang pag-aasawa ay iniuutos sa Kitáb-i-Aqdas, nilinaw ni Bahá’u’lláh na hindi ito sapilitan (K&K 46).  Si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa kaniyang ngalan, ay nagpahayag din na “ang pag-aasawa sa anumang gawi ay hindi sapilitan”, at pinagtibay niya na “sa dakong huli nasa sa tao ang pagpapasiya kung ninanais niyang mag-karoon ng isang buhay na may pamilya o mamuhay sa kalagayang walang asawa”.  Kung ang isang tao ay mag-hintay ng isang mahabang panahon bago makatagpo ng asawa, o sa katapusan ay dapat manatiling walang asawa hindi ito nangangahulugan na ang isang tao kung magkagayon ay hindi nagawang tuparin ang kaniyang layunin sa buhay, na ang pangunahing simulain ay espiritwal.

92. ibinatay Namin ito . . . sa pahintulot ng kanilang mga magulang ¶65

Sa isang liham na isinulat sa ngalan niya, tinalakay ni Shoghi Effendi ang itinadhanang pangangailangan ng batas na ito:

Malinaw na ipinahayag ni Bahá’u’lláh na kailangan ang pahintulot ng lahat ng nabubuhay na magulang para sa isang Bahá’í na pagpapakasal. Ito ay may bisa kahiman ang mga magulang ay mga Bahá’í o hindi, matagal nang diborsiyo o hindi.  Ang dakilang batas na ito ay ipinataw Niya upang palakasin ang balangkas ng lipunan, upang lalong magkasama ang mga bigkis sa tahanan, upang magbigay ng isang tiyak na pasasalamat at pagpipitagan sa mga puso ng mga anak doon sa nagbigay sa kanila ng buhay at pinasulong ang kanilang mga kaluluwa doon sa walang hanggang paglalakbay patungo sa Maylikha sa kanila.

93. Walang kasal ang maaaring isagawa nang hindi nagbabayad ng dote ¶66

Binuod ng Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.C.I.j.i.–v., ang pangunahing mga itinadhana tungkol sa dote.  Ang mga pinagmulan ng mga tadhanang ito ay nasa Bayán.

Ang dote ay dapat ibayad ng nobyo sa nobya.  Ito ay nakatakda sa 19 na mithqál ng purong ginto para sa mga taga-lunsod, at 19 na mithqál ng pilak para sa taga-nayon (tingnan ang tala 94).  Sinasabi ni Bahá’u’lláh na, kung sa oras ng kasalan, hindi magawang bayaran nang buo ng nobyo ang dote, pinahihintulutan siyang magbigay ng isang nakasulat ng pangako sa nobya (K&K 39).

Sa Rebelasyon ni Bahá’u’lláh muling niliwanag at binigyan ng bagong kahulugan ang maraming kilalang mga konsepto, mga kaugalian at mga institusyon.  Ang isa dito ay ang dote.  Ang institusyon ng dote ay isang napakatandang kaugalian sa maraming mga kultura at mayroong maraming kaparaanan.  Sa ilang mga bansa ito ay isang kabayaran na ibinibigay ng mga magulang ng nobya sa nobyo; sa iba ito ay kabayaran na ibinibigay ng nobyo sa mga magulang ng nobya, tinatawag na “isang halaga ng nobya”.  Sa kapwa mga pangyayari ang halaga kalimitan ay may kalakihan.  Inalis ng batas ni Bahá’u’lláh ang lahat ng gayong mga iba-ibang anyo at ginawa ang dote na isang makahulugang kilos sa pamamagitan ng pagbibigay ng nobyo ng isang handog sa nobya ng isang maliit na natatakdang halaga.

94. na itinakda sa labinsiyam na mithqál ng dalisay na ginto para sa mga naninirahan sa lunsod, at sa gayunding halaga ng pilak para sa mga naninirahan sa mga nayon ¶66

Tinitiyak ni Bahá’u’lláh na ang batayan para mapag-pasiyahan ang kabayaran ng dote ay ang pook ng pirmihang tirahan ng nobyo, hindi ng nobya (K&K 87, 88).

95. Sinuman ang nagnanais na dagdagan ang halagang ito, ipinagbabawal sa kaniya na lampasan ang nakatakdang siyamnapu’t limang mithqál … Datapuwa’t kung masisiyahan siya sa kabayaran ng pinakamababang halaga, ito ay higit na makabubuti sa kaniya sang-ayon sa Aklat. ¶66

Bilang tugon sa isang katanungan tungkol sa dote, sinabi ni Bahá’u’lláh:

Anuman ang ipinahayag sa Bayán, tungkol doon sa mga naninirahan sa mga lunsod at mga nayon, ay pinahihintulutanpinagtibay at dapat isagawa.  Gayunpaman, binanggit sa Kitáb-i-Aqdas ang pinakamababang halaga. Ang layunin ay labing siyam na mithqál ng pilak, na itinakda sa Bayán para sa mga taga-nayon. Ito ay higit na kasiya-siya sa Diyos, kung ang dalawang panig ay sumang-ayon. Ang layunin ay ang itaguyod ang kaginhawahan ng lahat, at maging dahilan ng pagkakasundo at pagkakaisa ng mga tao.  Kung gayon, ang higit na pagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga bagay na ito ay higit na makabubuti … Ang mga tao ng Bahá ay dapat makisalamuha at makisama sa isa’t isa nang mayroong sukdulang pagmamahal at katapatan. Dapat nilang isaalang-alang ang kapakanan ng lahat, lalo na ang mga kaibigan ng Diyos.

Si ‘Abdu’l-Bahá, sa isa sa Kaniyang mga Tableta ay binuod ang ilang mga itinadhana sa pagpapasiya ng halaga ng dote.  Ang pamantayan ng bayad na binanggit sa halaw, na sinipi sa ibaba, ay ang “váhid”.  Ang isang váhid ay may katumbas na labinsiyam na mithqál.  Sinabi niya:

Ang mga taga-lunsod ay dapat magbayad sa ginto at ang mga taga-nayon ay sa pilak. Ito ay nasasalalay sa kakayahan sa pananalapi na maibibigay ng nobyo.  Kung siya ay mahirap, siya ay magbabayad ng isang váhid; kung may katamtamang kayamanan, magba-bayad siya ng dalawang váhid; kung may malaki-laking kayamanan, tatlong váhid; kung mayaman, apat na váhid; at kung napakayaman siya ay magbibigay ng limang váhid.  Ito, sa katotohanan, ay isang bagay na dapat pagkasunduan ng nobyo, ng nobya, at ng kanilang mga magulang.  Anuman ang mapagkayariang kasun-duan ay dapat isagawa.

Sa Tableta ring ito, hinikayat ni ‘Abdu’l-Bahá ang mga mana-nampalataya na isangguni ang mga katanungan tungkol sa pagpapairal ng batas na ito sa Universal House of Justice, na may “kapangyarihang gumawa ng batas”.  Binigyang-diin Niya na “ito ang lupon na magsasagawa ng mga batas at magpapasiya sa mga di-pangunahing bagay na hindi malinaw sa Banal na Teksto”.

96. kung sinuman sa mga tagapaglingkod Niya ang may balak na maglakbay, dapat niyang itakda sa kaniyang maybahay kung kailan ang kaniyang pag-uwi ¶67

Kung ang asawa ay aalis nang hindi sinasabi sa kaniyang maybahay ang petsa ng kaniyang pagbabalik, at walang balita tungkol sa kaniya ang makaaabot sa maybahay at lahat ng bakas niya ay mawawala, sinabi ni Bahá’u’lláh na kung nalalaman ng asawa ang batas na itinadhana sa Kitáb-i-Aqdas, ang maybahay ay maaaring mag-asawang muli matapos ang paghihintay ng isang taong singkad.  Ngunit kung hindi nalalaman ng asawa ang batas, ang maybahay ay dapat maghintay hanggang may balitang makarating tungkol sa kaniyang asawa (K&K 4).

97. nararapat sa maybahay na maghintay sa loob ng siyam na buwan, na pagkatapos nito ay walang makahahadlang sa kaniya upang makipag-isang dibdib sa iba ¶67

Sa pangyayaring mabigo ang asawa, alinman sa pagbabalik sa katapusan ng itinakdang panahon o pasabihan ang kaniyang maybahay ng isang pagkabalam, ang maybahay ay dapat maghintay ng siyam na buwan, na pagkatapos ay malaya siyang makapag-aasawang muli, ngunit lalong mabuti kung siya ay maghintay nang mas matagal (tingnan ang tala 147 sa kalendaryong Bahá’í).

Ipinahahayag ni Bahá’u’lláh na sa gayong mga pangyayari, kung ang balita ay makarating sa maybahay ng “pagkamatay ng kaniyang asawa o pagpatay dito”, siya ay dapat ring maghintay ng siyam na buwan, bago mag-asawang muli (K&K 27).  Si ‘Abdu’l-Bahá, sa isang Tableta, ay nilinaw pa na ang siyam na buwan na panahon ng paghihintay kasunod ng balita ng pagkamatay ng kaniyang asawa ay may bisa lamang kung ang asawa ay nasa malayo nang siya ay mamatay, at hindi kung siya ay namatay sa tahanan.

98. dapat niyang piliin ang hakbang na kapuri-puri ¶67

Ipinaliwanag ni Bahá’u’lláh na “ang hakbang na kapuri-puri” ay “ang pagsasagawa ng pagtitiyaga” (K&K 4).

99. dalawang makatarungang saksi ¶67

Ipinahayag ni Bahá’u’lláh “ang batayan ng pagkamakata-rungan” kaugnay sa mga saksi na may “mabuting pagkaka-kilala sa mga tao”.  Sinasabi Niya na ang mga saksi ay hindi kailangan na mga Bahá’í ang mga saksi dahilan sa “Ang patunay ng lahat ng tagapaglingkod ng Diyos, anuman ang pana-nampalataya o paniniwalang doktrina, ay tinatanggap sa harap ng Kaniyang Trono” (K&K 79).

100. Kung magkaroon ng paghihinanakitan o pagkamuhi sa pagitan ng asawa at ng kaniyang may-bahay, hindi dapat diborsiyohin ng lalake ang babae kundi dapat maghintay nang matiyaga hanggang sa matapos ang isang taong singkad ¶68

Ang diborsiyo ay malubhang isinusumpa sa mga Turo ng Bahá’í.  Ngunit, kung ang pagkapoot o hinanakit ay mangyari sa pagitan ng mag-asawa, ang diborsiyo ay pinahi-hintulutan matapos ang paglipas ng isang buong taon.  Sa loob ng taon ng pagtitiyaga na ito, tungkulin ng asawa na tustusan ang pangangailangan ng kaniyang maybahay at mga anak, at ang mag-asawa ay hinihimok na magsikap upang pagkasunduin ang kanilang mga alitan. Pinagtitibay ni Shoghi Effendi na kapwa ang asawa at maybahay “ay may pantay na karapatan upang humingi ng diborsiyo” kailanman ang alinman sa mag-asawa ay maramdamang ganap na kailangang gawain iyon”.

Sa Mga Katanungan at Kasagutan, ipinaliliwanag nang lubos ni Bahá’u’lláh ang ilang bilang ng mga paksa tungkol sa taon ng pagtitiyaga, ang pagsasagawa nito (K&K 12), pagtatakda ng petsa ng simula nito (K&K 19 & 40), ang mga kondisyon sa muling pagkakasundo (K&K 38), at ang bahagi ng mga saksi at ng Local House of Justice (K&K 73 & 98).  Tungkol sa mga saksi, nilinaw ng Universal House of Justice na sa mga araw na ito ang mga tungkulin ng mga saksi sa mga kaso ng diborsiyo ay ginagampanan ng mga Spiritual Assembly.

Ang madetalyeng mga tadhana ng mga batas ng Bahá’í sa diborsiyo ay binuod sa Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.C.2.a.–i.

101. Ipinagbabawal ng Panginoon … ang kaugalian na datihan ninyong ginagawa kapag inyong diniborsiyo nang tatlong ulit ang isang babae. ¶68

Ito ay may kaugnayan sa batas ng Islám na nasusulat sa Qur’án na nag-uutos na sa ilalim ng ilang mga kalagayan ang isang lalake ay hindi maaaring pakasalang muli ang kaniyang diniborsiyong maybahay hanggang hindi siya nag-asawa at diniborsiyo ng ibang lalake.  Pinagtitibay ni Bahá’u’lláh na ang kaugaliang ito ang ipinagbabawal sa Kitáb-i-Aqdas (K&K 31).

102. Siya na diniborsiyo ang kaniyang maybahay ay maaaring piliin, sa paglipas ng bawat buwan, na muling pakasalan siya kung mayroong pagmamahal sa isa’t isa at pagsang-ayon, hangga’t hindi pa nakikipag-isang dibdib sa iba ang maybahay … hangga’t malinaw na ang kaniyang kalagayan ay nagbago. ¶68

Sinasabi ni Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa kaniyang ngalan, na ang layunin ng “paglipas ng bawat buwan” ay hindi upang magpataw ng isang pagtatakda, at maaaring mangyari sa nagdiborsiyong mag-asawa na muling magpakasal sa anumang oras matapos ang kanilang diborsiyo, hangga’t ang alinmang panig ay hindi nakakasal sa ibang tao.

103. ang tamod ay hindi marumi ¶74

Sa ilang bilang ng mga pangrelihiyong tradisyon at sa kaugaliang Shí’ih Muslim ang tamod ay ipinahayag na ritwal na hindi malinis.  Iwinawaksi ni Bahá’u’lláh dito ang konsepto na ito.  Tingnan rin ang tala 106 sa ibaba.

104. Mangapit kayo sa kurdon ng pagiging pino ¶74

Tinutukoy ni ‘Abdu’l-Bahá ang bisa ng “kadalisayan at kabanalan, kalinisan at pagiging pino” sa pagdadakila ng “kalagayan ng tao” at sa “pag-unlad ng panloob na tunay na kalikasan ng tao”.  Sinasabi Niya: “Ang katotohanan ng pagkakaroon ng isang dalisay at walang batik na katawan ay may bisa sa espiritu ng tao.”  (Tingnan rin ang tala 74.)

105. Hugasan ninyo ang bawat maruming bagay sa tubig na hindi nagkaroon ng pagbabago sa alinman sa isa sa tatlong paraan ¶74

Ang “tatlong paraan” na tinutukoy sa bersikulong ito ay ang mga pagbabago sa kulay, lasa o amoy ng tubig.  Nagbibigay si Bahá’u’lláh ng karagdagang patnubay tungkol sa dalisay na tubig at ang kalagayan kung kailan ipinapalagay na hindi na ito nararapat gamitin (K&K 91).

106. ...ang Diyos … ay inalis ang konsepto tungkol sa “di-kalinisan”, na kung saan ang iba-ibang mga bagay at mga tao ay ipinapalagay na hindi malinis. ¶75

Winaksi ni Bahá’u’lláh ang konsepto ng ritwal na “di-kalinisan”, tulad ng pagkaunawa at ginagawa ng ilang mga pangtribong lipunan at sa mga pangrelihiyong pamayanan ng ilang naunang mga Dispensasyon. Sinasabi Niya na sa pamamagitan ng Kaniyang Rebelasyon “lahat ng nilalang na bagay ay inilubog sa karagatan na nagdadalisay”.  (Tingnan rin ang mga tala 12, 20 at 103.)

107. unang araw ng Ridván ¶75

Ito ay isang pagtukoy sa pagdating ni Bahá’u’lláh at ng Kaniyang mga kasamahan sa Hardin ng Najíbíyyih sa labas ng lunsod ng Baghdád, na sa dakong huli ay tinawag ng mga Bahá’í na Hardin ng Ridván.  Ang pangyayaring ito, na naganap makalipas ang tatlumpu’t isang araw pagkatapos ng Naw-Rúz, noong Abril 1863, ang nagtanda sa pagsisimula ng panahon nang ipahayag ni Bahá’u’lláh ang Kaniyang Misyon sa Kaniyang mga kasamahan.  Sa isang Tableta, tinutukoy Niya ang Kaniyang Pagpapahayag bilang “ang Araw ng sukdulang kaligayahan” at inilalarawan Niya ang Hardin ng Ridván na “ang Pook na kung saan isinabog Niya sa buong sangnilikha ang mga karingalan ng Kaniyang Pangalan, ang Mahabagin sa Lahat”.  Labindalawang araw ang ginugol ni Bahá’ulláh sa Hardin na ito bago nagtungo sa Istanbul, ang lugar na pinagtapunan sa Kaniya.

Ang Pagpapahayag ni Bahá’u’lláh ay ipinagdiriwang taon-taon sa pamamagitan ng labindalawang araw ng Pagdiriwang ng Ridván, na inilarawan ni Shoghi Effendi bilang ang “pinakabanal at pinakamahalaga sa lahat ng mga pagdiriwang ng Bahá’í” (tingnan ang mga tala 138 at 140).

108. sa Bayán ¶77

Ang Bayán, ang Inang Aklat ng Dispensasyong Bábí, ang pamagat na ibinigay ng Báb sa Kaniyang Aklat ng mga Batas, at ito ay tumutukoy rin sa kabuuan ng Kaniyang mga Akda.  Ang Bayán sa wikang Persiyano ay ang pinakamahalang pang-doktrinang akda at pangunahing sisidlan ng mga batas na iniutos ng Báb.  Ang Bayán sa wikang Arabiko ay kaagapay sa nilalaman nito subalit mas maikli at hindi kapantay ang timbang.  Sa paglalarawan ng Bayán sa w ikang Persiyano sa God Passes By sinabi ni Shoghi Effendi na ito ay dapat ipalagay na “unang-una bilang isang mataas na papuri sa Siya na Ipinangako sa halip na isang talaan ng mga batas at patakaran na binalangkas upang maging gabay sa darating na mga salinlahi”.

Isinulat ni ‘Abdu’l-Bahá: “Ang Bayán ay hinalinhan ng Kitáb-i-Aqdas, maliban doon sa gayong mga batas na pinagtibay at binanggit sa Kitáb-i-Aqdas.”

109. sa pagsira ng mga aklat ¶77

Sa Tableta ng Ishráqát sinabi ni Bahá’u’lláh, sa pagtukoy sa katotohanan na ginawa ng Báb ang mga batas sa Bayán na nasasalalay sa Kaniyang kapahintulutan, na pinaiiral Niya ngayon ang ilan sa mga batas ng Báb “sa pamamagitan ng paglalangkap ng mga iyon sa Kitáb-i-Aqdas sa ibang mga salita”, samantalang ang iba ay isinaisang tabi Niya.

Tungkol sa pagsira ng mga aklat, ipinag-utos ng Bayán sa mga sumusunod sa Báb na sirain ang lahat ng mga aklat maliban doon sa mga isinulat bilang pagtatanggol sa Kapakanan at Pananampalata ng Diyos.  Pinawalang-bisa ni Bahá’u’lláh ang natatanging batas na ito ng Bayán.

Tungkol sa kalikasan at kahigpitan ng mga batas ng Bayán, si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa ngalan niya, ay nagbigay ng sumusunod na komentaryo:

Ang mahigpit na mga batas at tagubilin na ipinahayag ng Báb ay maaaring pahalagahan nang nararapat at mauunawaan lamang kapag ipinaliwanag sa pamamagitan ng Kaniyang sariling mga pangungusap tungkol sa kalikasan, layunin at katangian ng Kaniyang sariling Dispensasyon.  Tulad ng malinaw na ipinahayag ng mga salitang ito, ang Dispensasyon ng Bábí ay talagang nasa kalikasan ng isang pangrelihiyon at sa katunayan ay isang panlipunang rebolusyon, at ang panahon nito, kung gayon ay kailangang maging maikli, ngunit tigib ng kalunos-lunos na mga pangyayari, ng malawak at marahas na pagbabago.  Ang mararahas na hakbang na pinairal ng Báb at ng mga sumusunod sa Kaniya ay ginawa nang may layuning buwagin ang mga pinaka-saligan ng umiiral na relihiyong Shí’ih at sa gayon ay ihanda ang landas para sa pagdating ni Bahá’u’lláh. Upang igiit ang kalayaan ng bagong Dispensasyon, at upang ihanda rin ang landas sa papalapit na Rebelasyon ni Bahá’u’lláh, ang Báb, samakatuwid ay kailangang magpahayag ng lubhang mararahas na batas, kahima’t ang marami doon ay hindi kailanman naisakatuparan. Ngunit sa pangyayari lamang na ipinahayag Niya ang mga iyon ay isang katibayan na mismo ng pagkakaroon ng isang malayang katangian ng Kaniyang Dispensasyon at nakasapat upang lumikha ng isang malawak na kaguluhan, at upang gisingin ang gayong pagsalungat sa panig ng kleriko na nagbulid sa kanila sa dakong huli na isagawa ang Kaniyang pagmamartir.

110. Pinahihintulutan Namin kayo na basahin ang gayong mga agham na kapaki-pakinabang sa inyo, hindi yaong nagwawakas sa walang saysay na pagtatalo ¶77

Iniuutos ng mga Kasulatang Bahá’í ang pagtatamo ng kaalaman at ang pag-aaral ng mga sining at agham.  Pinapaalalahanan ang mga Bahá’í na igalang ang mga taong may pinag-aralan at mayroon nang naisakatuparan, at nagbabala laban sa pag-aabala sa mga aralin na nagbubunga lamang ng walang halagang pagtatalo.

Sa mga Tableta Niya, pinapayuhan ni Bahá’u’lláh ang mga nananalig na pag-aralan ang gayong mga agham at sining na “kapaki-pakinabang” at makadaragdag sa “pag-unlad at pagsulong” ng lipunan, at pinapag-iingat laban sa mga agham na “nagsisimula sa mga salita at nagwawakas as mga salita”, na ang pag-aabala doon ay magbubulid sa “walang saysay na pagtatalo”.  Si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa ngalan niya, ay itinulad ang mga agham na nagsisimula sa mga salita at nagwawakas sa mga salita sa “walang ibinubungang panghihimasok sa metapisikang tila paghiwa ng buhok”, at, sa ibang liham, ipinaliwanag niya na ang pangunahing nilalayon ni Bahá’u’lláh sa gayong mga “agham” ay “yaong pangteolohiyang mga sanaysay at komentaryo na nakabibigat sa isipan ng tao sa halip na makatulong itong matamo ang katotohanan”.

111. Siya Na nakipag-usap sa Diyos ¶80

Ito ay isang kinaugaliang titulo sa pananampalatayang Hudeo at Islam para kay Moises.  Sinasabi ni Bahá’u’lláh na sa pagdating ng Kaniyang Rebelasyon “ang tainga ng tao ay nabigyan ng karapatan na marinig yaong narinig Niya Na nakipag-usap sa Diyos sa Sinai”.

112. Sinai ¶80

Ang bundok kung saan ipinahayag ng Diyos ang Batas kay Moises.

113. ng Espiritu ng Diyos ¶80

Ito ang isa sa mga titulo na ginamit sa mga Banal na Kasulatan ng Islam at Bahá’í bilang panturing kay Jesukristo.

114. Carmel … Zion ¶80

Ang Carmel, ang “Ubasan ng Diyos”, ay ang bundok sa Banal na Lupain kung saan naroroon ang Dambana ng Báb at ang luklukan ng pandaigdig na pampangasiwaang sentro ng Pananampalataya.

Ang Zion ay isang burol sa Jerusalem, na ayon sa tradisyon ay pook ng puntod ni Haring David, at sagisag ng Jerusalem bilang isang Banal na Lunsod.

115. Ang Krimson na Arko ¶84

Ang “Krimson na Arko” ay tumutukoy sa Kapakanan ni Bahá’u’lláh. Ang mga kasamahan Niya ay tinaguriang “mga kasamahan ng Krimson na Arko”, na pinapurihan ng Báb sa Qayyúmu’l-Asmá’.

116. O Emperador ng Austria! Siya Na Pamimitak ng Liwanag ng Diyos ay naninirahan sa bilangguan ng ‘Akká sa panahon nang ikaw ay nagtungo roon upang dumalaw sa Moske ng Aqsá ¶85

Si Francis Joseph (Franz Josef, 1830-1916), Emperador ng Austria at Hari ng Hungary, ay isinagawa ang isang peregrinasyon sa Jerusalem noong 1869.  Samantalang nasa Banal na Lupain hindi niya nasamantala ang pagkakataon na magtanong tungkol kay Bahá’u’lláh na noon ay isang bilanggo sa ‘Akká (Acre).

Ang Moske ng Aqsá, na literal na “Pinaka-malayong” Moske, ay tinukoy sa Qur’án, at kinilala bilang ang Temple Mount sa Jerusalem.

117. O Hari ng Berlin! ¶86

Si Kaiser William I (Wilhelm Friedrich Ludwig, 1797-1888), ang ika-pitong hari ng Prussia, ay kinilala bilang unang Emperador ng Alemanya noong 1871 sa Versailles sa Pransya, matapos magapi ng Alemanya ang Pransya sa Digmaang Franco-Prussian.

118. siya na ang kapangyarihan ay higit sa iyong kapangyarihan, at ang katayuan ay daig ang iyong katayuan ¶86

Ito ay isang pagtukoy kay Napoleon III (1808-1873), ang Emperador ng mga Pranses na ipinapalagay ng mga mananalaysay na pinakabantog na hari sa Kanluran noong kaniyang kapanahunan.

Nagpadala si Bahá’u’lláh ng dalawang Tableta kay Napoleon III, na sa pangalawa ay malinaw na inihula Niya na ang kaharian ni Napoleon ay “masasadlak sa kaguluhan”, na ang kaniyang “kaharian ay mawawala” sa kaniyang mga kamay, at ang mga tao ay dadanas ng malalaking mga “kaguluhan”.

Sa loob ng isang taon, si Napoleon III ay nagdusa ng isang umaalingawngaw nadi-maitatagong pagkatalo, sa mga kamay ni Kaiser William I, sa Labanan sa Sedan noong 1870.  Siya ay nagtungo sa Inglatera bilang isang tapon, kung saan siya ay namatay pagkalipas ng tatlong taon.

119.   O mga tao ng Constantinople! ¶89

Ang salita na isinalin rito na “Constantinople”, sa orihinal ay, “Ar-Rúm” o “Roma”.  Ang taguring ito ay pang-karaniwang ginagamit sa Gitnang Silangan upang ipangalan sa Constantinople at ang Silangang Imperyo ng Roma na noon ay ang lunsod ng Byzantium at ang kaharian nito, at sa dakong huli ay ang Imperiyong Ottoman.

120. O Pook na inilagay sa mga pampang ng dalawang karagatan! ¶89

Ito ay isang pagtukoy sa Constantinople, na ngayon ay tinatawag na Istanbul. Nasa Bosphorus, isang kipot na may 31 kilometro na haba na nagkakabit sa Black Sea at sa Sea of Marmara, ito ang pinakamalaking lunsod at daungan sa Turkey.

Ang Constantinople ang punong-lunsod ng Imperyo ng Ottoman mula 1453 hanggang 1922.  Nang tumira si Bahá’u’lláh sa lunsod na ito, ang malupit na si Sultan ‘Abdu’l-‘Azíz ang nakaupo sa trono. Ang mga Sultan ng Ottoman ay sila rin ang mga Caliph, ang mga pinuno ng Sunní Islám.  Inihula ni Bahá’u’lláh ang pagbagsak ng Caliphate, na inalis noong 1924.

121. O mga pampang ng Rhine! ¶90

Sa isa sa Kaniyang mga Tableta na isinulat bago ang Unang Digmaang Pandaigdig (1914-1918), ipinaliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá ang pagtukoy ni Bahá’u’lláh na nakita ang mga pampang ng Rhine “na dumanak ng dugo” ay kaugnay sa Digmaang Franco-Prussian (1870-1871) at may darating pang higit na pagdurusa.

Sa God Passes By sinasabi ni Shoghi Effendi na ang “nagpapahirap na kahigpitan ng kasunduan” na ipinataw sa Alemanya kasunod ng pagkatalo nito noong Unang Digmaang Pandaigdig ang “nagbunsod ‘sa mga panaghoy [ng Berlin]’ na, noong nakaraang kalahating siglo, ay nakatatakot na inihula”.

122. O Lupain ng Tá ¶91

Ang “Tá” ay ang unang titik ng Tihrán, na punong-lunsod ng Iran.  Madalas piliin ni Bahá’u’lláh na ipakilala ang pangalan ng ilang pook sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang unang titik.  Sang-ayon sa pamamaraang abjad ng pagkalkula, ang katumbas na bilang ng Tá ay siyam, na kapareho ng katumbas na bilang ng pangalang Bahá.

123. sa loob mo ay isinilang ang Kahayagan ng Kaniyang Luwalhati ¶92

Ito ay isang pagtukoy sa pagsilang ni Bahá’u’lláh sa Tihrán noong 12 Nobyembre 1817.

124. O lupain ng Khá! ¶94

Isang pagtukoy sa Khurásán, isang lalawigan ng Iran at mga kanugnog na pook, na kasama ang lunsod ng ‘Ishqábád (Ashkhabad).


125. Sinuman ang magkaroon ng isandaang mithqál ng ginto, ang labinsiyam na mithqál niyon ay sa Diyos at dapat ihandog sa Kaniya ¶97

Itinatag ng bersikulong ito ang Huqúqu’lláh, ang Karapatan ng Diyos, ang paghahandog ng isang natatakdang bahagi ng halaga ng mga ari-arian ng nananalig.  Ang paghahandog na ito ay ibinigay kay Bahá’u’lláh bilang Kahayagan ng Diyos at pagkatapos, kasunod ng Kaniyang Pagyao, kay ‘Abdu’l-Bahá bilang Sentro ng Banal na Kasunduan.  Sa Kaniyang Habilin at Testamento, itinadhana ni ‘Abdu’l-Bahá na ang Huqúqu’lláh ay dapat ialay “sa pamamagitan ng Guardian ng Kapakanan ng Diyos”. Ngayon na wala ng Guardian, ito ay iniaalay sa pamamagitan ng Universal House of Justice bilang Pinuno ng Pananampalataya. Ang pondo na ito ay ginagamit para sa pagtataguyod ng Pananampalataya ng Diyos at mga kapakanan nito gayundin para sa iba’t ibang mga pangkawang-gawang layunin. Ang pag-aalay ng Huqúqu’lláh ay isang espirituwal na tungkulin, na ang pagtupad nito ay iniwanan sa budhi ng bawat isang Bahá’í.  Samantalang ang pamayanan ay pinaaalalahanan ng mga kinakailangan para sa batas ng Huqúq, ang nananalig ay hindi maaaring lapitan nang isa-isa upang bayaran ito.

Ilang bilang ng mga bagay sa Mga Katanungan at Kasagutan ang nagpapaliwanag pa sa batas na ito.  Ang pagbabayad ng Huqúqu’lláh ay nababatay sa pagkalkula ng halaga ng ari-arian ng isang tao.  Kung ang isang tao ay may mga ari-ariang may katumbas na pinakamababang halaga na labinsiyam na mithqál ng ginto (K&K 8), ito ay isang espirituwal na tungkulin na magbayad ng labinsiyam na porsiyento ng kabuuang halaga, nang minsan lamang, bilang Huqúqu’lláh (K&K 89).  Pagkatapos kailanman na ang kita ng isang tao, matapos na mabayaran ang lahat ng mga gastusin, ay nadagdagan ang halaga ng mga ari-arian ng isa sa pinakamababang halaga na labinsiyam na mithqál ng ginto, ang isang tao ay dapat magbayad ng labinsiyam na porsiyento sa karagdagang ito at ganoon sa bawat magiging karagdagang paglaki (K&K 8, 90).

Ilang uri ng mga ari-arian, tulad ng tahanan ng isang tao, ay hindi kailangang pagbayaran ang Huqúqu’lláh (K&K 8, 42, 95), at mga tiyak na itinadhana ay inisa-isa upang masaklaw ang mga kaso ng pagkalugi (K&K 44, 45), ang pagkabigo ng pamumuhunan upang magkaroon ng tubo (K&K 102) at para sa kabayaran ng Huqúq kung mamatay ang tao (K&K 9, 69, 80).  (Dito sa huling kaso, tingnan ang tala 47.)

Maraming mga halaw mula sa mga Tableta, Mga Katanungan at Kasagutan at ibang mga Kasulatan tungkol sa espirituwal na kahulugan ng Huqúqu’lláh at ang mga detalye ng pagpapairal nito ay nailathala na sa isang kalipunang pinamagatang Huqúqu’lláh.

126. Iba’t ibang mga kahilingan ang iniharap sa Aming trono mula sa mga nananalig, tungkol sa mga batas mula sa Diyos … Ipinahayag Namin, bilang bunga nito, ang Banal na Tabletang ito at dinamitan ng kapa ng Kaniyang Batas, upang harinawang masunod ng mga tao ang mga kautusan ng kanilang Panginoon. ¶98

“Sa maraming taon”, sinasabi ni Bahá’u’lláh sa isa sa Kaniyang mga Tableta, “Nakarating sa Pinakabanal na Kinaroroonan ang iba’t ibang mga kahilingan mula sa iba’t ibang mga lupain na nagsusumamo na makamtan ang mga batas ng Diyos, ngunit pinigil Namin ang Panulat hanggang sa pagdating ng itinakdang panahon.”  Hanggang hindi nakalipas ang dalawampung taon mula sa pagsilang ng Kaniyang Pang-Propetang Misyon sa Síyáh-Chál ng Tihrán, nang inihayag ni Bahá’u’lláh ang Kitáb-i-Aqdas, ang Pinaglagakan ng mga batas ng Kaniyang Dispensasyon.  Kahit na pagkatapos ng pagpapahayag nito, ang Aqdas ay Kaniyang di-ibinigaynang ilang panahon bago ito ipinadala sa mga kaibigan sa Persia.  Itong banal na itinakdang pag-aantala sa pagpapahayag ng mga saligang batas ng Diyos para sa panahong ito, at ang kasunod na unti-unting pagsasagawa ng kanilang mga itinadhana, ay naglalarawan sa simulain ng papaunlad na rebelasyon na isinasagawa kahit na sa loob ng panunungkulan ng bawat Propeta.

127. krimson na Pook ¶100

Ito ay tumutukoy sa lunsod-bilangguan ng ‘Akká’.  Sa mga Kasulatang Bahá’í ang salitang “krimson” ay ginagamit sa ilang makahulugan at matalinghagang pang-unawa.  (Tingnan rin ang tala 115.)

128. ang Sadratu’l-Muntahá ¶100

Sa literal na pang-unawa “ang pinakamalayong Puno ng Lote”, isinalin ni Shoghi Effendi na “ang Puno na sa kabila nito ay walang makararaan”. Ito ay ginagamit bilang isang sagisag sa Islám, halimbawa, sa mga salaysay ng Gabi ng Paglalakbay ni Muhammad, upang tandaan ang pook sa kalangitan na sa kabila nito ni mga tao o mga anghel ay hindi makakadaan sa kanilang paglapit sa Diyos at nang sa gayon ay matakdaan ang mga hangganan ng banal na kaalaman na inihayag sa sangkatauhan.  Kaya malimit na gamitin ito sa mga Kasulatang Bahá’í upang itaguri sa Kahayagan ng Diyos mismo.  (Tingnan rin ang tala 164.)

129. ang Inang Aklat ¶103

Ang taguring “Inang Aklat” ay karaniwang ginagamit upang itawag sa pangunahing aklat ng isang pangrelihiyong Dispensasyon.  Sa Qur’án at sa Hadíth ng Islam, ang taguri ay ginagamit upang itawag sa Qur’án mismo.  Sa Dispensasyong Bábí, ang Bayán ang Inang Aklat, at ang Kitáb-i-Aqdas ang Inang Aklat ng Dispensasyon ni Bahá’u’lláh. Bilang karagdagan, ang Guardian sa isang liham na isinulat sa ngalan niya ay sinabi na ang konseptong ito ay magagamit din bilang isang “panlahat na taguri na tumutukoy sa kabuuan ng mga Turo na ipinahayag ni Bahá’u’lláh”.  Ang taguring ito ay ginagamit din sa isang higit na malawak na kahulugan upang tumukoy sa Banal na Lagakan ng Pagpapahayag.

130. Sinuman ang magpapaliwanag sa ibinaba mula sa kalangitan ng Rebelasyon, at binago ang maliwanag na kahulugan nito ¶105

Sa ilan sa Kaniyang mga Tableta, pinagtibay ni Bahá’u’lláh ang pagkakaiba sa pagitan ng mga matalinghagang bersikulo, na maaaring bigyan ng pagpapakahulugan, at yaong mga bersikulo na may kaugnayan sa mga gayong paksa tulad ng mga batas at alituntunin, pagsamba at mga pangrelihiyong gawain, na ang mga kahulugan ay maliliwanag at kailangang sinusunod ng mga mananampalataya.

Tulad ng ipinaliwanag sa mga tala 145 at 184, hinirang ni Bahá’u’lláh si ‘Abdu’l-Bahá, ang Kaniyang pinakamatandang Anak na Lalake, bilang Tagapagmana ng Tungkulin Niya at ang Tagapagpaliwanag ng Kaniyang mga Turo.  Si ‘Abdu’l-Bahá naman ay hinirang ang Kaniyang pinakamatandang apong lalake, si Shoghi Effendi, na tagapagmana ng tungkulin Niya bilang tagapagpaliwanag ng banal na Kasulatan at bilang Guardian ng Kapakanan. Ang mga paliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá at Shoghi Effendi ay pinaniniwalaang banal na napatnubayan at tinatanggap ng lahat ng mga Bahá’í.

Ang pagkakaroon ng binigyang-kapangyarihang mga paliwanag ay hindi humahadlang sa isang indibidwal na magsagawa ng pag-aaral sa mga Turo at sa gayon ay magkaroon ng isang pansariling paliwanag o pang-unawa.  Isang malinaw na pagkakaiba, gayunpaman, ang nababanggitsa mga Kasulatang Bahá’í sa pagitan ng binigyang-kapangyarihang paliwanag at ang pagkaunawa na nararating ng bawat isa mula sa pag-aaral ng mga Turo nito. Ang mga pansariling pagpapakahulugan na nababatay sa pagkaunawa ng isang indibidwal sa mga Turo ay bumubuo ng bunga ng kapangyarihan ng katuwiran ng tao at maaaring may mabuting maibigay sa isang higit na matalinong pagkaunawa sa Pananampalataya.  Ang gayong mga pananaw, gayunpaman, ay walang ipinagkaloob na karapatan.  Sa paglalahad ng kanilang personal na mga palagay, ang mga indibidwal ay pinag-iingat na huwag pawalang-halaga ang kapangyarihan ng ipinahayag ng mga salita, ni huwag itatuwa o makipagtalo sa binigyang-kapangyarihang paliwanag, at huwag magtuligsahan; sa halip dapat nilang ialay ang kanilang mga pananaw bilang pagpapayaman sa kaalaman, nilinaw na ang kanilang mga pananaw ay buhat sa kanilang sarili lamang.

131. hindi kayo lalapit sa pambayang languyan ng mga paliguang Persiano ¶106

Ipinagbabawal ni Bahá’u’lláh ang paggamit ng mga languyan na matatagpuan sa kinaugaliang mga pampublikong paliguan sa Persia.  Sa mga paliguang ito, kinaugalian ng maraming tao na hinuhugasan ang kanilang sarili sa iisang languyan at bihi-bihirang palitan ang tubig nito.  Samakatuwid nag-iiba ang kulay ng tubig, nadudumihan at hindi ayon sa kalusugan, at nagkakaroon ng napakabahong amoy.

132. Gayundin, iwasan ang mababahong lawa sa mga harap ng bahay sa bakuran ng mga tahanang Persiano ¶106

Karamihan sa mga bahay sa Persia dati ay mayroong isang lawa sa kanilang bakuran na nagsisilbing isang imbakan ng tubig para sa paglilinis, paglalaba at ibang mga pantahanang gawain.  Dahilan sa ang tubig sa lawa ay hindi dumadaloy at karaniwang hindi pinapalitan sa loob ng maraming linggo, ito ay nagkakaroon ng isang napaka-bahong amoy.

133. Ipinagbabawal sa inyo na pakasalan ang mga maybahay ng inyong mga ama. ¶107

Ang pagpapakasal ng isang lalake sa kaniyang madrasta ay maliwanag na ipinagbabawal dito.  Ang pagbabawal na ito ay may bisa rin sa pagpapakasal sa kaniyang padrasto.  Kapag nagpahayag si Bahá’u’lláh ng isang batas tungkol sa isang lalake at babae ito ay umiiral nang mutatis mutandis na tulad ng sa isang babae at isang lalake maliban na lamang kung ito ay imposibleng mangyari.

Pinagtibay nina ‘Abdu’l-Bahá at Shoghi Effendi na samantalang ang mga madrasta ay ang uri lamang ng mga kamag-anak na nabanggit sa teksto, hindi ito nangangahulugan na lahat ng ibang mga pagpipisan sa loob ng isang pamilya ay pinahihintulutan.  Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ibinibigay ito sa Universal House of Justice upang gumawa ng batas “tungkol sa pahihintulutan o hindi ng pag-aasawa sa kamag-anak” (K&K 50).  Isinulat ni ‘Abdu’l-Bahá na ang higit na malayo ang pagiging magkamag-anak ng mag-asawa ay higit na mabuti, sapagka’t ang gayong mga pag-aasawa ay nagbibigay ng saligan para sa pisikal na kagalingan ng sangkatauhan at nakatutulong sa magandang pagsasamahan ng lahat ng tao.

134. ang paksa ng mga kabataang lalake ¶107

Ang salitang isinalin rito na “mga kabataang lalake”, sa kaugnay na kahulugan nito, sa orihinal na wikang Arabiko, ay may kinalaman sa paederasty.  Ipinaliwanag ni Shoghi Effendi ang pagtukoy na ito ay isang pagbabawal sa lahat ng relasyong homosekswal.

Ang mga turo ng Bahá’í tungkol sa pangseksuwal na moralidad ay nasesentro sa pag-aasawa at ng pamilya bilang saligan ng buong balangkas ng lipunan ng tao at ginawa upang pangalagaan at palakasin ang banal na institusyong ito. Ang batas ng Bahá’í, kung gayon, ay tinatakdaan ang pinahihintulutang pagtatalik ng isang lalake at isang babae na siya ay kasal.

Sa isang liham na isinulat sa ngalan ni Shoghi Effendi, sinasabi:

Gaanuman ang katapatan at kainaman ng pagmamahalan ng mga taong magkatulad ng kasarian, ang pahintulutan itong ipahayag sa mga sekswal na kilos ay mali.  Ang sabihin na ito ay uliran ay hindi tinatanggap na dahilan.  Ang anumang uri ng imoralidad ay tunay na ipinagbabawal ni Bahá’u’lláh, at ang mga relasyong homoseksuwal ay tinitingnan Niya nang ganoon bukod sa pagiging taliwas sa kalikasan.  Ang magkaroon ng ganitong kalagayan ay isang malaking pabigat sa isang matapat na kaluluwa. Ngunit sa pamamagitan ng payo at tulong ng mga manggagamot, sa pamamagitan ng isang malakas at matatag na pagsisikap, at sa pamamagitan ng panalangin, mada daig ng isang kaluluwa ang balakid na ito.

Itinadhana ni Bahá’u’lláh sa Universal House of Justice ang pagpapasiya, sang-ayon sa antas ng pagkakasala, ang mga kaparusahan sa pakikiapid at taliwas sa kalikasan na pagtatalik (K&K 49).

135. Ang sinuman ay hindi pinahihintulutan na magbulong ng mga banal na bersikulo sa harap ng paningin ng madla habang siya ay naglalakad sa lansangan o sa pamilihan ¶108

Ito ay isang pahiwatig sa gawain ng ilang mga kleriko at mga pinuno ng relihiyon ng mga naunang Dispensasyon, na dahilan sa pagkukunwari at di-naaangkop na kilos, at upang makamtan ang papuri ng kanilang mga tagasunod, ay mayabang na bumubulong-bulong ng mga panalangin sa mga pampublikong lugar bilang isang pagpapakita ng kanilang kabanalan.  Ipinagbabawal ni Bahá’u’lláh ang gayong asal at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapakumbaba at tunay na katapatan sa Diyos.

136. Sa bawat isa ay iniutos ang pagsulat ng isang huling habilin ¶109

Sang-ayon sa mga Turo ni Bahá’u’lláh, tungkulin ng isang indibidwal ang sumulat ng isang habilin at testamento, at may kalayaang ipamahagi ang kaniyang ari-arian sa anumang paraan na piliin niya (tingnan ang tala 38).

Pinagtibay ni Bahá’u’lláh na sa paggawa ng kaniyang habilin “ang isang tao ay may ganap na karapatan sa kaniyang ari-arian”, dahilan sa pinahihintulutan ng Diyos ang indibidwal na “pagpasiyahan yaong ipinagkaloob sa kaniya sa anumang paraan na ninanais niya” (K&K 69).  Inilahad ang mga pamamaraan sa Kitáb-i-Aqdas para sa pamamahagi ng mana kung walang naisulat na testamento.  (Tingnan ang mga tala 38-48).

137. ng Pinaka-Dakilang Pangalan ¶109

Tulad ng ipinaliwanag sa tala 33, ang Pinaka-Dakilang Pangalan ng Diyos ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang anyo, lahat ay nababatay sa salitang “Bahá”.  Isinasakatuparan ng mga Bahá’í sa Silangan ang tagubiling ito ng Aqdas sa pamamagitan ng pagsisimula sa kanilang mga habilin ng gayong mga parirala tulad ng “O Ikaw na Luwalhati ng Maluwalhati sa Lahat”, “Sa ngalan ng Diyos, ang Maluwalhati sa Lahat” o “Siya ang Maluwalhati sa Lahat” at ang mga katulad nito.

138. Lahat ng mga Kapistahan ay natamo ang kanilang kaganapan sa dalawang Pinaka-Dakilang Pagdiriwang, at sa dalawang iba pang Pagdiriwang na pumatak sa kambal na mga araw ¶110


Itinatag ng siping ito ang apat na dakilang mga pagdiriwang sa taon ng Bahá’í.  Ang dalawang tinagurian ni Bahá’u’lláh na “ang dalawang pinaka-Dakilang Pagdiriwang” ay, una, ang Pagdiriwang ng Ridván, na gumugunita sa Pagpapahayag ni Bahá’u’lláh ng Kaniyang Pang-Propetang Misyon sa Hardin ng Ridván sa Baghdád sa loob ng labindalawang araw noong Abril/Mayo 1863 at tinukoy Niya na “ang Hari ng mga pagdiriwang” at, pangalawa, ang Pagpapahayag ng Báb, na naganap noong Mayo 1844 sa Shíráz.  Ang una, ika-siyam, at ika-labindalawang araw ng Pagdiriwang ng Ridván ay mga Banal na Araw (K&K 1), katulad rin ng araw ng Pagpapahayag ng Báb.

Ang “dalawang iba pang Pagdiriwang” ay ang mga anibersaryo ng mga kapanganakan ni Bahá’u’lláh at ng Báb.  Sa kalendaryong batay sa buwan ng mga Muslim ang mga ito ay pumapatak sa magkasunod na araw, ang kapanganakan ni Bahá’u’lláh sa pangalawang araw ng buwan ng Muharram 1233 A.H. (12 Nobyembre 1817), at ang kapanganakan ng Báb sa unang araw ng buwan ding iyon 1235 A.H. (20 Oktubre 1819), alinsunod sa pagkakabanggit.  Samakatuwid ang mga iyon ay tinutukoy bilang “Kambal na mga Kaarawan” at sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang dalawang araw na ito ay nabibilang na iisa sa paningin ng Diyos (K&K 2). Sinabi Niya, na kung papatak ang mga iyon sa loob ng buwan ng pag-aayuno, ang kautusang pag-aayuno ay hindi pinaiiral sa mga araw na iyon (K&K 36).  Yamang ang kalendaryong Bahá’í (tingnan ang mga tala 26 & 147) ay isang kalendaryong batay sa araw, nasa Universal House of Justice ang pagpapasiya kung ang Kambal na Banal na mga Kaarawan ay dapat ipagdiwang ayon sa araw o sa buwan.3

139. sa unang araw ng buwan ng Bahá ¶111

Sa kalendaryong Bahá’í ang unang buwan ng taon at ang unang araw ng bawat buwan ay binigyan ng pangalang “Bahá”.  Ang araw na Bahá sa buwan ng Bahá kung gayon ay ang Bagong Taon ng Bahá’í, ang Naw-Rúz, na itinadhana ng Báb bilang isang pagdiriwang at dito ay pinagtibay ni Bahá’u’lláh (tingnan ang mga tala 26 & 147).

Bilang karagdagan sa pitong Banal na Araw na itinad-hana sa mga siping ito ng Kitáb-i-Aqdas, ang anibersaryo ng Pagmamartir ng Báb ay idinaraos din bilang isang Banal na Araw noong nabubuhay pa si Bahá’u’lláh at, bilang kaugnay dito, idinagdag ni ‘Abdu’l-Bahá ang pagdaraos sa Pagyao ni Bahá’u’lláh, at naging siyam lahat ang mga Banal na Araw. Dalawang ibang anibersaryo na idinaraos ngunit hindi itinitigil ang pagtratrabaho, ay ang Araw ng Banal na Kasunduan at ang anibersaryo ng Pagpanaw ni ‘Abdu’l-Bahá.  Tingnan ang bahagi sa kalendaryong Bahá’í sa The Bahá’í World, tomo XVIII.

140. Ang Pinaka-Dakilang Pagdiriwang ay tunay na siyang Hari ng mga Pagdiriwang ¶112

Isang pagtukoy sa Pagdiriwang ng Ridván (tingnan ang mga tala 107 at 138).

141. Inihayag noon ng Diyos sa bawat isa sa mga nananampalataya ang tungkulin na ialay sa harap ng Aming trono ang mga handog na walang katumbas na halaga mula sa kaniyang mga ari-arian. Ngayon … pinalaya Namin sila sa tungkulin na ito. ¶114

Pinawawalang-bisa ng siping ito ang isang itinadhana sa Bayán na nag-utos na lahat ng bagay na walang kapantay sa kanilang uri ay dapat ialay sa Kaniya, pagdating Niya na ihahayag ng Diyos. Ipinaliwanag ng Báb na dahilan sa ang Kahayagan ng Diyos ay walang kapantay, anuman ang walang kapantay sa uri nito ay karapat-dapat na ilaan sa Kaniya maliban na lamang kung mag-uutos Siya ng iba.

142. sa oras ng bukang-liwayway ¶115

Tungkol sa pagdalo sa pananalangin sa bukang-liwayway sa Mashriqu’l-Adhkár, ang Bahay-Sambahan ng Bahá’í, ipinaliwanag ni Bahá’u’lláh na kahima’t ang tunay na itinakdang oras sa Aklat ng Diyos ay “ang oras ng bukang-liwayway”, tinatanggap ito anumang oras mula “sa pinakamaagang pagbubukang-liwayway, sa pagitan ng bukang liwayway at pagsikat ng araw, o kahit na hanggang sa dalawang oras makalipas ng pagsikat ng araw” (K&K 15).

143. Ang mga Tableta na ito ay pinalamutihan ng selyo Niya Na sanhi ng pagdating ng bukang-liwayway, Na pinailanlang ang Kaniyang tinig sa pagitan ng mga kalangitan at kalupaan. ¶117

Paulit-ulit na pinagtitibay ni Bahá’u’lláh na mapapanaligan nang lubos ang Kaniyang mga Kasulatan bilang Salita ng Diyos.  Ilan sa Kaniyang mga Tableta ay taglay rin ang tanda ng isa sa Kaniyang mga selyo.  Ang The Bahá’í World, tomo V, p. 4, ay naglalaman ng isang litrato ng ilang bilang ng mga pang-selyo ni Bahá’u’lláh.

144. Hindi matatanggap na ang tao, na pinag-kalooban ng katuwiran, ay gagamit noong nanakaw dito. ¶119

Maraming mga pagtukoy sa mga Kasulatang Bahá’í na nagbabawal sa paggamit ng alak at ng ibang mga nakalalasing na inumin at yaong naglalarawan sa nakasasamang bunga ng gayong mga nakalalasing sa tao. Sa isa sa mga tableta Niya, isinasaaad ni Bahá’u’lláh:

Mag-ingat na baka ipagpalit ninyo ang Alak ng Diyos sa inyong sariling alak, sapagka’t gagawin nitong tuliro ang inyong isipan, at ibabaling ang inyong mukha palayo sa Anyo ng Diyos, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Walang Kaparis, ang Hindi Malalapitan.  Huwag lapitan ito sapagka’t ipinagbawal ito sa inyo sa utos ng Diyos, ang Dakila, ang Makapangyarihan sa Lahat.

Ipinaliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá na ipinagbabawal ng Aqdas “kapwa ang mahina o malakas na mga inumin”, at sinasabi Niya na ang dahilan sa pagbabawal sa pag-inom ng mga nakalalasaing na inumin ay dahilan sa “inaakay ng alkohol ang isipan sa kasamaan at nagiging dahilan ng panghihina ng katawan”.

Si Shoghi Effendi, sa mga liham na isinulat sa ngalan niya, ay nagsasabi na kasama ng pagbabawal na ito hindi lamang ang pag-inom ng alak kundi noong “lahat ng nakasisira ng isipan”, at niliwanag niya na ang paggamit ng alkohol ay pinahihintulutan lamang kung bahagi ito ng isang paggagamot na isinasagawa, “sa ilalim ng payo ng mahusay at maingat na manggagamot, na maaaring iutos ito bilang isang gamot sa ilang tanging karamdaman”.

145. ibaling ang inyong mga mukha tungo sa Kaniya Na nilayon ng Diyos, Siya Na nagsanga mula sa Napaka-tandang Ugat na ito ¶121

Ipinahihiwatig dito ni Bahá’u’lláh si ‘Abdu’l-Bahá bilang Tagapagmana ng Tungkulin Niya at tinatawagan ang mga nananampalataya na bumaling sa Kaniya.  Sa Aklat ng Banal na Kasunduan, ang Kaniyang Habilin at Testamento, ipinapahayag ni Bahá’u’lláh ang layunin ng bersikulong ito.  Sinasabi Niya: “Ang tinutukoy ng banal na bersikulong ito ay walang iba kundi ang Pinaka-Makapangyarihang Sanga”. Ang “Pinaka-Makapangyarihang Sanga” ay isa sa mga titulong ipinagkaloob ni Bahá’u’lláh kay ‘Abdu’l-Bahá (Tingnan rin ang mga tala 66 at 184.)

146. Sa Bayán ipinagbawal sa inyo na magtanong sa Amin ¶126

Ipinagbawal ng Báb sa mga sumusunod sa Kaniya na magtanong sa Kaniya Na ihahayag ng Diyos (Bahá’u’lláh), maliban na lamang kung ang kanilang mga katanungan ay ibinigay nang nakasulat at nauukol sa mga paksang karapat-dapat sa mataas na katayuan Niya.  Tingnan ang Selections from the Writings of the Báb.

Inaalis ni Bahá’u’lláh ang pagbabawal na ito ng Báb.  Inaanyayahan Niya ang mga nananampalataya na magbigay ng gayong mga katanungan na “kanilang kailangang itanong”, at pinag-iingat Niya sila na magpigil sa pagbibigay ng mga “walang saysay na katanungan” na ang uri ay pinagka-kaabalahan ng “mga tao noong naunang panahon”.

147. Ang bilang ng mga buwan sa isang taon, na itinakda sa Aklat ng Diyos, ay labinsiyam. ¶127

Ang taon ng Bahá’í, sang-ayon sa kalendaryong Badí, ay binubuo ng labinsiyam na buwan na may labinsiyam na araw bawat isa, na may dagdag na ilang paningit na mga araw (apat sa karaniwang taon at lima kapag taong bisyesto) sa pagitan ng ika-labing walo at labinsiyam na buwan upang iakma ang kalendaryo sa taon ayon sa araw.4  Pinangalanan ng Báb ang mga buwan sang-ayon sa ilang mga katangian ng Diyos.  Ang Bagong Taon ng Bahá’í, Naw-Rúz, ay pang-astronomiyang itinakda, kasabay ng equinox ng Marso (tingnan ang tala 26).  Para sa karagdagang mga detalye, kasama ang mga pangalan ng mga araw sa linggo at ng mga buwan, tingnan ang bahagi tungkol sa kalendaryong Bahá’í sa The Bahá’í World, tomo XVIII.

148. ang una ay pinalamutihan ng Pangalan na ito na nangingibabaw sa buong sangnilikha ¶127

Sa Bayán sa wikang Persiano, ipinagkaloob ng Báb ang pangalang “Bahá” sa unang buwan ng taon (tingnan ang tala 139).

149. Iniutos ng Panginoon na ang mga patay ay dapat ilibing nang nasa loob ng mga kabaong ¶128

Sa Bayán, iniutos ng Báb na ang pumanaw ay dapat ilibing nang nakalagay sa kabaong na yari sa kristal o makinis na bato.  Si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa ngalan niya, ay ipinaliwanag na ang kahalagahan ng utos na ito ay upang ipakita ang paggalang sa katawan ng tao na “minsan ay dinakila ng walang-hanggang kaluluwa ng tao”.

Sa maikling paliwanag, ang batas ng Bahá’í para sa paglilibing ng bangkay ay nagsasaad na ipinagbabawal ang pagdadala ng bangkay nang mahigit sa isang oras na paglalakabay mula sa pook ng kinamatayan; na ang bangkay ay dapat balutin sa tela na sutla o bulak, at sa daliri nito ay dapat isuot ang isang singsing na taglay ang inskripsiyon na “Nanggaling ako mula sa Diyos, at babalik sa Kaniya, nakawalay sa lahat maliban sa Kaniya, mahigpit na nangangapit sa Pangalan Niya, ang Mahabagin, ang Madamayin”; at ang kabaong ay dapat na kristal, bato o matigas at pinong kahoy.  Ang isang natatanging Dalangin para sa Yumao (tingnan ang tala 10), ang itinakda na dapat usalin bago ilibing.  Tulad ng pinagtibay ni ‘Abdu’l-Bahá at ng Guardian, ipinagbabawal ng batas na ito ang kremasyon ng bangkay.  Ang pormal na panalangin at ang singsing ay sadya para gamitin noong mga umabot sa hustong gulang, a.b., 15 taong gulang (K&K 70).

Tungkol sa materyal na dapat gamitin sa pagyari ng kabaong, ang diwa ng batas ay yaong ang mga kabaong ay dapat na maging matibay na materyal hangga’t maaari.  Kaya, ipinaliwanag ng Universal House of Justice na, bukod sa mga materyales na itinakda sa Aqdas, walang pagtutol sa paggamit ng pinakamatigas na kahoy na makukuha o konkreto para sa kabaong.  Sa ngayon, ang mga Bahá’í ay malayang makapamili ng kanilang sariling kagustuhan sa bagay na ito.

150. Ang Tuldok ng Bayán ¶129

Ang “Tuldok ng Bayán” ay isa sa mga titulo na itinawag ng Báb sa Kaniyang Sarili.

151. ang bangkay ay dapat balutin ng limang pirasong sutla o tela na yari sa bulak ¶130

Sa Bayán, tiniyak ng Báb na ang katawan ng pumanaw ay dapat balutin sa limang pirasong sutla o bulak.  Pinagtibay ni Bahá’u’lláh ang itinadhanang ito at idinagdag ang kondisyon na para “doon sa ang kakayahan ay kulang ang isang pilas ng alinmang tela ay makasasapat”.

Nang tanungin kung ang “limang piraso” na binanggit sa batas ay tumutukoy sa “limang mahahabang piraso ng tela na pambalot sa bangkay” o “limang tela na hanggang kasalukuyan ay karaniwang ginagamit”, tumugon si Bahá’u’lláh na ang hinahangad ay ang “paggamit ng limang tela” (K&K 56).

Tungkol sa paraan ng pagbalot ng katawan, walang ipinapaliwanag sa mga Kasulatang Bahá’í kung paano ang gagawain sa pagbalot ng katawan, ni kapag ang “limang tela” ay ginamit o kung “isang tela” lamang.  Sa ngayon, ang mga Bahá’í ay malayang gamitin ang kanilang pasiya sa bagay na ito. 

152. Ipinagbabawal sa inyo na dalhin ang bangkay ng yumao sa layong mahigit na isang oras na paglalakbay mula sa lunsod ¶130

Ang layunin ng kautusang ito ay ang takdaan ang tagal ng paglalakbay sa isang oras, na hindi isinasaalang-alang ang paraan ng paghahatid na pinili upang dalahin ang bangkay sa pook na paglilibingan.  Pinagtitibay ni Bahá’u’lláh na kung kaagad na gagawain ang paglilibing, “magiging higit na nararapat at tinatanggap iyon”. (K&K 16).

Ang pook na kinamatayan ay maaaring ipakahulugan na sa paligid ng lunsod o bayan kung saan sumakabilang-buhay ang tao, at samakatuwid ang isang oras na paglalakbay ay maaaring kalkulahin mula sa hangganan ng lunsod hanggang sa pook ng paglilibingan.  Ang diwa ng batas ni Bahá’u’lláh ay upang mailibing ang yumao nang malapit sa pook na kaniyang kinamatayan.

153. Inalis ng Diyos ang mga ipinagbabawal ukol sa paglalakbay na iniutos sa Bayán ¶131

May mga ipinagbabawal ukol sa paglalakbay na iniutos ng Báb na dapat pairalin hanggan sa pagdating Niya Na Ipinangako ng Bayán, na sa panahong iyon ang mga nananampalataya ay inuutusang magsilakbay, kahit na naglalakad, upang makipagkita sa Kaniya, dahilan sa ang makarating sa Kaniyang harapan ay siyang bunga at layunin ng kanilang pinaka-buhay.

154. Parangalan at dakilain ang dalawang Tahanan sa Kambal na Banal na Pook, at sa ibang mga pook kung saan ang trono ng inyong Panginoon ... ay naitatag. ¶133

Tinutukoy ni Bahá’u’lláh ang “dalawang Tahanan” na ang Kaniyang Tahanan sa Baghdád, na tinagurian Niya na ang “Pinaka-Dakilang Tahanan”, at ang Tahanan ng Báb sa Shíráz, na kapwa itinadhana Niya na mga pook ng peregrinasyon.  (Tingnan ang K&K 29, 32, at ang tala 54).

Ipinaliwanag ni Shoghi Effendi na “ang ibang mga pook kung saan ang trono ng inyong Panginoon . . . ay naitatag” ay tumutukoy sa mga lugar na kung saan ang mismong Kahayagan ng Diyos ay nanirahan.  Sinasabi ni Bahá’u’lláh na “ang mga tao sa mga pook na kung saan ang mga ito ay naroroon ay maaaring pumili na pangangalagaan ang bawat tahanan” na tinirahan Niya, “o isa sa mga iyon” (K&K 32).  Ang mga institusyong Bahá’í ay tinukoy, ginawaan ng kasulatan, at kung saan magagawa, ay napasakanila at naibalik sa dating kalagayan ang ilang bilang ng mga makasaysayang pook na may kaugnayan sa Kambal na mga Kahayagan.

155. Mag-ingat na baka mahadlangan kayo ng anumang naitala sa Aklat na mapakinggan ito, ang Nabubuhay na Aklat ¶134

Ang “Aklat” ay ang tala na ipinahayag na Salita ng mga Kahayagan ng Diyos.  Ang “Nabubuhay na Aklat” ay isang pagtukoy mismo sa Kahayagan.

Ang mga salitang ito ay naglalaman ng pahiwatig sa isang pangungusap ng Báb sa Bayán sa wikang Persiano tungkol sa “Nabubuhay na Aklat”, na itinutukoy Niya na ang Siya Na ihahayag ng Diyos.  Sa isa sa Kaniyang mga Tableta ay ipinahayag ni Bahá’u’lláh Mismo na: “Ang Aklat ng Diyos ay ipinadala sa anyo ng Kabataang ito.”

Sa bersikulong ito ng Aqdas, at muli sa parapo bilang 168 ng Aqdas, tinutukoy ni Bahá’u’lláh ang Kaniyang Sarili bilang ang “Nabubuhay na Aklat”.  Binabalaan Niya ang “mga tagasunod ng bawat ibang Pananampalataya” laban sa paghanap “ng mga kadahilanan sa kanilang mga Banal na Aklat” upang pabulaanan ang mga pahayag ng “Nabubuhay na Aklat”. Binabalaan Niya ang mga tao na huwag pahintulutan noong naitala sa “Aklat” na hadlangan sila sa pagkilala sa Katayuan Niya at sa matatag na pangangapit sa napapaloob sa bagong Rebelasyon na ito.

156. parangal sa Rebelasyon na ito, mula sa Panulat Niya Na Tagapagpauna sa Akin ¶135

Ang “parangal” na sinipi ni Bahá’u’lláh sa pangungusap na ito ay mula sa Bayán sa wikang Arabiko.

157. “Ang Qiblih ay tunay na Siya Na ihahayag ng Diyos; kailanman Siya kumilos, ito ay kikilos, hanggang sa Siya ay tumigil.” ¶137

Para sa isang pagtalakay sa bersikulong ito tingnan ang mga tala 7 at 8.

158. Labag sa batas ang makipag-isang dibdib sa iba maliban sa isang nananalig sa Bayán.  Kung isang panig lamang sa isang pag-aasawa ang tumanggap sa Kapakanang ito, ang ari-arian ng lalake o babae ay magiging hindi ayon sa batas sa kabilang panig ¶139

Ang sipi sa Bayán na inuulit ni Bahá’u’lláh dito ay tumatawag sa pansin ng mga nananampalataya sa nalalapit na pagdating “Niya na ihahayag ng Diyos”.  Ang pagbabawal na ito sa pagpapakasal sa isang hindi Bábí at ang itinadhana nito na ang ari-arian ng asawa o maybahay na tumanggap sa Pananampalataya ay hindi maaaring ilipat sa kabiyak na hindi Bábí nang hindi lalabag sa batas, ay maliwanag na ipinagpaliban ng Báb, at sa dakong huli ay pinawalang-bisa ni Bahá’u’lláh bago pa man ito maipatupad.  Si Bahá’u’lláh, sa pag-uulit sa batas na ito, ay tinutukoy ang katotohanan, na sa pagpapahayag nito, ay maliwanag na inasam ng Báb na maaaring mangyari na ang Kapakanan ni Bahá’u’lláh ay magiging higit na bantog bago doon sa Báb mismo.

Sa God Passes By sinasabi ni Shoghi Effendi na ang Bayán “ay dapat kilalaning una sa lahat bilang isang parangal sa Kaniya na Ipinangako sa halip na isang talaan ng mga batas at alituntunin na binalangkas upang maging isang pirmihang gabay sa susunod na mga salinlahi”. “Ang mga batas at alituntunin na ipinataw nito ay sinadyang napakahigpit,” ipinagpatuloy niya, “lubusang nagpapabago doon sa mga simulaing ikinintal nito, sinadya upang gisingin mula sa kanilang napakatagal na pamamanhid ang mga kleriko at ang mga tao, at upang ibigay ang isang biglaan at nakapapatay na dagok sa lipas na at bulok na mga institusyon, ipinahayag nito, sa pamamagitan ng mararahas na tadhana nito, ang pagsapit ng inaasam na Araw, ang Araw na ang ‘Mananawagan ay tatawagin para sa isang masinsing gawain’, kung saan Kaniyang wawasakin ang anuman na naroroon na, tulad ng pagwasak ng Apostol ng Diyos sa mga gawi noong nauna sa Kaniya.  (Tingnan rin ang tala 109).

159. Ang Tuldok ng Bayán ¶140

Isa sa mga titulo ng Báb.

160. Sa katunayan, walang ibang Diyos maliban sa Akin ¶143

Naglalaman ng maraming mga sipi ang mga Kasulatang Bahá’í na nagpapaliwanag sa kalikasan ng Kahayagan at ang kaugnayan Niya sa Diyos.  Binigyang-diin ni Bahá’u’lláh ang bukod-tangi at nangingibabaw na kalikasan ng pagiging Diyos.  Ipinaliliwanag Niya na “dahilan sa hindi maaaring magkaroon ng tuwirang kaugnayan na magbibigkis sa iisang tunay na Diyos sa Kaniyang nilikha” itinadhana ng Diyos na “sa bawat panahon at dispensasyon isang dalisay at walang batik na Kaluluwa ang ipahahayag sa mga kaharian ng lupa at kalangitan”.  Ang “mahiwaga at makalangit na Katauhan” na ito, ang Kahayagan ng Diyos, ay may pantaong kalikasan na nauukol sa “daigdig ng materyal” at isang espirituwal na kalikasan “na buhat sa sangkap ng Diyos Mismo”.  Siya ay pinagkalooban din ng isang “dobleng katayuan”:

Ang unang katayuan, na may kaugnayan sa Kaniyang pinaka-naloloob na katotohanan, ay kumakatawan sa Kaniya bilang Siya Na ang tinig ay tinig ng Diyos Mismo . . . Ang pangalawang katayuan ay ang pantaong katayuan na ihinahalimbawa ng mga sumusunod na bersikulo: “Ako ay isang taong tulad ninyo.” “Sabihin, purihin ang aking Panginoon! Ako ba ay higit pa sa isang tao, isang apostol?”

Pinagtibay rin ni Bahá’u’lláh na sa espirituwal na kaharian, mayroong isang “pangunahing pagkakaisa” ng lahat ng mga Kahayagan ng Diyos.  Lahat Sila ay nagpapahayag ng “Kagandahan ng Diyos”, ipinakikilala ang Kaniyang mga pangalan at katangian, at binibigkas ang Kaniyang Rebelasyon.   Kaugnay nito, sinasabi Niya:

Kung sinuman sa nakasasakop-sa-lahat na mga Kahayagan ng Diyos ang maghayag ng: “Ako ang Diyos!”, Siya, sa katunayan, ay nagsasabi ng katotohanan, at walang alinlangan ang lalakip dito.  Sapagka’t paulit-ulit na ipinakita na sa pamamagitan ng kanilang Rebelasyon, ng Kanilang mga katangian at mga pangalan, ang Rebelasyon ng Diyos, ang Kaniyang pangalan at Kaniyang mga katangian, ay ginawang mahayag sa daigdig.

Samantalang inihahayag ng mga Kahayagan ang mga pangalan at katangian ng Diyos at ang mga paraan upang ang sangkatauhan ay magkaroon ng daan tungo sa kaalaman ng Diyos at Kaniyang Rebelasyon, sinasabi ni Shoghi Effendi na ang mga Kahayagan ay “hindi kailanman dapat … na ipalagay na Sila ay ang hindi nakikitang Katotohanan, ang diwa ng pagka-Diyos mismo”.  Tungkol kay Bahá’u’lláh, isinulat ng Guardian na ang “makataong templo na naging behikulo ng lubhang nakapangyayaring Rebelasyon” ay hindi dapat ipalagay na ito ang “Katotohanan” ng Diyos mismo.

Tungkol sa namumukod-tanging katayuan ni Bahá’u’lláh at ang kadakilaan ng Kaniyang Rebelasyon, pinagtitibay ni Shoghi Effendi na ang mapanghulang mga salita tungkol sa “Araw ng Diyos”, na natatagpuan sa mga Banal na Kasulatan ng mga nakalipas na Dispensasyon ay natupad sa pagdating ni Bahá’u’lláh:

Para sa Israel Siya ay hindi humigit kumulang na ang pagkakatawang-tao ng “Walang Hanggang Ama”, ang “Panginoon ng mga Hukbo” na bumaba na “kasama ang sampung libong mga santo”; sa pamayanang-Kristiano ang nagbalik na Kristo “sa kaluwalhatian ng Ama”; sa Shí‘ah Islám ang pagbabalik ng Imám  Husayn; sa Sunní Islám ang pagbaba ng “Espiritu ng Diyos” (Jesukristo); sa mga Zoroastriano ang ipinangakong Sháh-Bahrám; sa mga Hindu ang pagkakatawang-tao muli ni Krishna; sa mga Buddhist ang ikalimang Buddha.

Inilalarawan ni Bahá’u’lláh ang katayuan ng “Pagka-Diyos” na kabahagi Niya ang lahat ng mga Kahayagan ng Diyos bilang

… ang katayuan na ang isa ay namamatay sa kaniyang sarili at nabubuhay sa Diyos.  Ang Pagka-Diyos, kailanman ito ay binabanggit Ko, ay nagpapakilala sa Aking lubos at ganap na pagkapawi ng sarili.  Ito ang katayuan na wala Akong kapangyarihan sa aking sariling mabuting kalagayan o kasawian ni sa aking buhay ni sa aking muling pagkabuhay.

At, tungkol sa sariling kaugnayan Niya sa Diyos, nagpapatunay Siya:

Kapag minumuni-muni ko, O aking Diyos, ang kaugnayan na nagbibigkis sa akin sa Iyo, ako ay napipilitang ipahayag sa lahat ng nilalang na bagay na “sa katunayan, ako ang Diyos!”; at kapag iniisip ko ang aking sarili, aba, aking nakikita na ito ay magaspang pa sa luwad!

161. pagbabayad ng Zakát ¶146

Tinutukoy sa Qur’án ang Zakát bilang isang palagiang kawanggawa na ipinatutupad sa mga Muslim. Sa paglakad ng panahon ang konsepto ay marahang nagbago na maging isang anyo ng ambag-buwis na nag-utos sa tungkuling magbigay ng isang takdang bahagi ng ilang mga uri ng kita, nang lagpas sa naitakdang mga halaga, para sa kaginhawahan ng mahihirap, para sa iba’t ibang pangkawanggawang mga layunin, at upang tulungan ang Pananampalataya ng Diyos. Ang pagtatasa sa hindi pagbabayad ay nag-iiba para sa iba’t ibang kalakal, tulad ng porsiyentong dapat bayaran sa bahaging binubuwisan.

Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang batas ng Bahá’í sa Zakát ay sinusundan “yaong naipahayag sa Qur’án” (K&K 107).  Dahilan sa ang mga paksa tulad ng mga pagtatakda sa hindi babayaran, ang pagtukoy sa mga uri ng kita na nabibilang dito, ang kadalasan ng mga pagbabayad, at ang antas ng halaga para sa iba’t ibang uri ng Zakát ay hindi binabanggit sa Qur’án, ang mga bagay na ito ay dapat pagpasiyahan sa hinaharap ng Universal House of Justice.  Sinabi ni Shoghi Effendi na hanggang wala pa ang ganoong batas ang mga nananampalataya, sang-ayon sa kanilang kakayahan at mga magagawa, ay dapat laging magbigay sa Pondong Bahá’í.

162. Labag sa batas ang mamalimos, at ipinag-babawal ang magbigay sa kaniya na namamalimos. ¶147

Sa isang Tableta ipinaliliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá ang kahulugan ng bersikulong ito.  Sinasabi Niya na ang “pagpapalimos ay ipinagbabawal at ang magbigay ng kawang-gawa sa mga taong ginagawang hanapbuhay ang pamamalimos ay ipinagbabawal din”.  Bilang karagdagan sinasabi Niya sa Tableta ring iyon na: “Ang layunin ay ang lipulin nang lubusan ang pamamalimos.  Subalit kung ang isang tao ay walang kakayahan na makapaghanap-buhay, dinapuan ng lubos na kahirapan o nawalan na ng kakayahan, kung gayon nararapat sa mayayaman o sa mga Kinatawan na bigyan siya ng buwanang panustos para sa kaniyang pantawid-buhay … Ang mga ‘Kinatawan’ ay nangangahulugan na mga kinatawan ng tao, iyon ay ang mga kaanib ng House of Justice.”

Ang pagbabawal sa pagbibigay ng kawang-gawa sa mga taong nagpapalimos ay hindi hadlang sa mga indibiduwal at mga Spiritual Assemblies sa pagbibigay ng tulong na pananalapi sa mahihirap at nangangailangan o sa pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon upang makapagtamo ng mga kasanayan upang magawa nilang makapaghanap-buhay (tingnan ang tala 56).

163. Isang multa … ang iniutos noon … sa sinuman na naging sanhi ng kalungkutan sa iba ¶148

Pinawalang-bisa ni Bahá’u’lláh ang batas ng Bayán sa wikang Persiano tungkol sa pagbabayad ng isang multa bilang kabayaran sa pagiging sanhi ng kalungkutan sa kaniyang kapitbahay.

164. Na Banal na Puno ng Lote ¶148

Ang “banal na Puno ng Lote” ay isang pagtukoy sa Sadratu’l-Muntahá, ang “Puno na sa kabila nito ay walang makararaan” (tingnan ang tala 128).  Ginagamit ito dito bilang sagisag na tumutukoy kay Bahá’u’lláh. 

165. Bigkasin ninyo ang mga bersikulo ng Diyos tuwing umaga at gabi. ¶149 

Sinasabi ni Bahá’u’lláh na ang pangunahing “kinakailangan” para sa pag-usal “ng mga bersikulo ng Diyos” ay ang “pananabik at pagmamahal” ng mga nananampalataya sa “pagbasa sa Salita ng Diyos” (K&K 68). 

Tungkol sa kahulugan ng “mga bersikulo ng Diyos”, sinasabi ni Bahá’u’lláh na tinutukoy nito ang “lahat ng ipinadala mula sa Kalangitan ng Banal na Pananalita”.  Nilinaw ni Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa isa sa mga nananalig sa Silangan na hindi kasama sa itinuturing na “mga bersikulo ng Diyos” ang mga kasulatan ni ‘Abdu’l-Bahá; gayundin sinabi niya na hindi nabibilang ang kaniyang sariling mga kasulatan sa taguring ito. 

166. Iniuutos sa inyo na baguhin ang mga kasang-kapan sa inyong mga tahanan matapos lumipas ang bawat labinsiyam na taon ¶151

Pinagtitibay ni Bahá’u’lláh ang tagubilin sa Bayán sa wikang Arabiko ang tungkol sa pagbabago tuwing ika-labinsiyam na taon, ng mga kasangkapan sa kaniyang tahanan kung magagawa niya ito.  Iniuugnay ni ‘Abdu’l-Bahá ang alituntuning ito sa pagtataguyod ng pagiging pino at ng kalinisan.  Ipinaliliwanag Niya na ang layunin ng batas ay upang dapat palitan yaong mga kasangkapang naluma na, nawala na ang kinang at nakaririmarim.  Hindi ito ipinaiiral sa mga gayong bagay na pambihira o mahahalagang bagay, mga antigo o kaya alahas.

167. Hugasan ang inyong mga paa ¶152

Ang mga mananampalataya ay pinapayuhan sa Kitáb-i-Aqdas na palaging maligo, magsuot ng malilinis na damit at sa kalimitan ay maging diwa ng kalinisan at pagiging pino. Binuod sa Lagom at Pagsasaayos, bahagi IV.D.3.y.i.–vii., ang mga nauugnay na mga tadhana. Tungkol sa paghu-hugas ng paa, sinasabi ni Bahá’u’lláh na higit na mabuti na gumamit ng maligamgam na tubig; gayunpaman, ang paghuhugas sa malamig na tubig ay pinahihintulutan din (K&K 97).

168. Pinagbabawalan kayo na gamitin ang mga pulpito.  Sinuman ang nagnanais na bigkasin sa inyo ang mga bersikulo ng kaniyang Panginoon, hayaan siyang umupo sa isang upuan na inilagay sa isang plataporma ¶154 

Ang mga itinadhanang ito ay may pinagmulan sa Bayán sa wikang Persiano.  Ipinagbawal ng Báb ang paggamit ng mga pulipito para ipahayag ang mga sermon at sa pagbasa ng mga Teksto.  Sa halip, sinabi Niya na upang malinaw na marinig ng lahat ang Salita ng Diyos, isang upuan para sa nagsasalita ang dapat ilagay sa isang plataporma.

Bilang mga komentaryo sa batas na ito, ginawang malinaw nina ‘Abdu’l-Bahá at Shoghi Effendi na sa Mashriqu’l-Adhkár (kung saan ang mga sermon ay ipinagbabawal at mga salita sa Banal na Kasulatan ang maaari lamang basahin) ang tagabasa ay maaaring nakatayo o nakaupo, at kung kailangan upang lalong mapakinggan, ay maaaring gumamit ng isang mababang naililipat na plataporma, ngunit hindi pinahihintulutan ang pulpito.  Sa kaso ng mga pulong sa mga pook bukod sa Mashriqu’l-Adhkár, pinahihintulutan din ang tagabasa o tagapagsalita na umupo o tumayo, at gumamit ng isang plataporma.  Sa isa sa Kaniyang mga Tableta, sa pag-uulit ng pagbabawal sa paggamit ng mga pulpito sa alinmang lugar, binigyang-diin ni ‘Abdu’l-Bahá na kapag ibinibigay ng mga Bahá’í ang kanilang talumpati sa mga pagtitipon, gagawin nila iyon sa isang kilos na may sukdulang pagpapakumbaba at pagtatakwil ng sarili. 

169. ang pagsusugal ¶155 

Ang mga gawaing kasama sa pagbabawal na ito ay hindi binalangkas sa mga Kasulatan ni Bahá’u’lláh. Tulad ng sinabi nina ‘Abdu’l-Bahá at Shoghi Effendi, nasa pasiya ng Universal House of Justice ang pagtiyak sa mga detalye ng pagbabawal na ito.  Bilang tugon sa mga katanungan kung ang mga loteriya, pagpusta sa mga bagay tulad ng karera ng kabayo, mga larong football, bingo at mga katulad nito, ay kasama sa pagbabawal sa sugal, sinabi ng Universal House of Justice na ito ay isang bagay na isasaalang-alang nang madetalye sa hinaharap na panahon.  Samantala, ang mga Assembly at indibiduwal ay pinapayuhang huwag gawaing usapin ang mga bagay na ito at iwanan ito sa budhi ng bawat isang mananampalataya.

Ipinasiya ng House of Justice na hindi nararapat na maglikom ng pondo para sa Pananampalataya sa pama-magitan ng mga loteriya, paripa, at may-sapalarang mga laro.

170. ang paggamit ng opyo … anumang sangkap na nagiging sanhi ng pananamlay at pamamanhid ng isipan ¶155 

Ang pagbabawal na ito sa paggamit ng opyo ay inuulit ni Bahá’u’lláh sa pangwakas na parapo ng Kitáb-i-Aqdas.  Kaugnay nito, sinabi ni Shoghi Effendi na isa sa mga hinihingi ng “isang malinis at banal na buhay” ay ang “ganap na pag-iwas … sa opyo at sa ibang katulad ng mga kinasa-sanayan na droga”.  Ang heroin, hashish, at ibang mga nanggagaling sa cannabis tulad ng marijuana, gayundin ang ibang mga sanhi ng alusinasyon tulad ng LSD, peyote at magkakakatulad na mga sangkap, ay itinuturing na nasasakopng pagbabawal na ito.

Isinulat ni ‘Abdu’l-Bahá:

Tungkol sa opyo, ito ay napakarumi at isinusumpa.  Pangalagaan nawa tayo ng Diyos sa kaparusahan na ipinadadanas Niya sa gumagamit nito.  Sang-ayon sa maliwanag na Teksto ng Pinakabanal na Aklat, ito ay ipinagbabawal at ang paggamit nito ay lubos na isinusumpa.  Ipinakikita ng pag-iisip na ang paghithit ng opyo ay isang uri ng pagkabaliw, at pinatutunayan ng karanasan na ang gumagamit nito ay ganap na napapahiwalay sa daigdig ng tao.  Nawa ay pangalagaan ng Diyos ang lahat laban sa pagsasagawa ng isang kilos na nakapangingilabot tulad nito, isang kilos na nagwawasak sa pinaka-saligan noong kung paano ang pagiging tao, at nagiging sanhi ng pagkawala ng kakayanan ng gumagamit magpakailanman hanggang magpakailanman.  Sapagka’t kumakapit ang opyo sa kaluluwa, kung kaya ang budhi ng gumagamit ay namamatay, ang kaniyang isipan ay pinapawi, ang kaniyang pang-unawa ay inaagnas.  Ginagawa nitong patay ang buhay.  Inaapula nito ang likas na init.  Wala nang hihigit na kapinsalaan ang maiisip pa kaysa sa ipinalalasap ng opyo.  Mapalad sila na kahit kailan ay hindi binibigkas ang pangalan nito; kung gayon, isipin kung gaanong naging lubhang kahabag-habag ang gamagamit nito.

O kayong mga mangingibig ng Diyos!  Dito, sa siglo ng Makapangyarihan sa Lahat na Diyos, ang karahasan at lakas, ang pag-alis ng laya at paniniil ang bawat isa at lahat ay mahigpit na ipinagbabawal.  Subalit, kinakailangan na ang paggamit ng opyo ay dapat supilin sa anumang paraan, upang baka sakali ang sangkatauhanay mailigtas mula sa pinakamatinding salot na ito.  At kung hindi, pighati at pagdurusa sa sinumang nagkulang sa kaniyang tungkulin sa kaniyang Panginoon. 

Sa isa sa Kaniyang mga Tableta ipinahayag ni ‘Abdu’l-Bahá ang tungkol sa opyo: “ang gumagamit, ang bumibili, at ang nagtitinda ay lahat pinagkakaitan ng biyaya at pagpapala ng Diyos”.

Sa isa pang Tableta, isinulat ni ‘Abdu’l-Bahá: 


Tungkol sa hashish, iyong sinabi na ilan sa mga Persiano ang naging bihasa na sa paggamit nito. Mapagpalang Diyos!  Ito ang pinakamasama sa lahat ng mga nakalalasing, at ang pagbabawal nito ay malinaw na naipahayag.  Ang paggamit nito ang nagiging dahilan ng pagkasira ng isipan at ng lubos na pamamanhid ng kaluluwa.  Paanong magagawa ng sinuman ang hanapin ang bunga ng mala-demonyong puno, at sa paggamit nito ay ibunsod na ilarawan ang mga katangian ng isang halimaw?  Paano magagamit ng isang tao ang ipinagbabawal na droga na ito, at sa gayon ay pagkaitan ang kaniyang sarili ng mga pagpapala ng Mahabagin sa Lahat?

Nilalamon ng alkohol ang isipan at nagiging dahilan upang gumawa ang tao ng mga kilos ng kabalighuan, ngunit ang opyo na ito, ang masamang bunga ng mala-demonyong puno na ito, at ang napakasamang “hashih” na ito, ay pinapatay ang isipan, pinagiging yelo ang espiritu, pinagiging bato ang kaluluwa, winawasak ang katawan at iniiwanan ang tao na bigo at nawawala.

Dapat tandaan na ang nasa itaaas na pagbabawal laban sa paggamit ng ilang mga uri ng droga ay hindi ipinagbabawal ang paggamit sa mga iyon kapag inireseta ng may-kakayahang mga manggagamot bilang bahagi ng isang panggagamot.

171. ang “hiwaga ng Dakilang Pagbaligtad sa Palatandaan ng Hari” ¶157 

Inihula ni Shaykh Ahmad-i-Ahsá’í (1753-1831), na nagtatatag ng Pangkat ng Shaykhí at ang isa sa mga “kambal na paham na nagbalita sa pagdating ng Pananampalataya ng Báb”, na sa pagdating Niya na Ipinangako lahat ng bagay ay mababaliktad, ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli. Tinutukoy ni Bahá’u’lláh, sa isa sa Kaniyang mga Tableta, ang “simbolo at ang pahiwatig” ng “hiwaga ng Dakilang Pagbaligtad sa Palatandaan ng Hari”. Sinasabi Niya: “Sa pamamagitan ng pagbaligtad na ito ginawa Niya ang dakila na maging aba at ang aba na maging dakila”, at naalaala Niya na “noong mga araw ni Jesus, yaong mga natangi dahilan sa kanilang karunungan, ang mga tao ng literatura at ng pananampalataya, ang nagtatuwa sa Kaniya, samantalang ang mga hamak na mangingisda ay nagmadali upang makapasok sa Kaharian” (tingnan rin ang tala 172).  Para sa karagdagang kaalaman tungkol kay Shaykh Ahmad-i-Ahsá’í tingnan ang The Dawn-Breakers, kabanata 1 at 10.

172. ang “Anim” na itinaas dahilan sa “Tuwid na Alif” ¶157

Sa kaniyang mga kasulatan, lubhang binigyang-diin ni Shaykh Ahmad-i-Ahsá’í ang Arabikong titik na “Vav”.  Sa The Dawn-Breakers, sinasabi ni Nabíl na ang titik na ito ang “naging simbolo para sa Báb sa pagsapit ng isang bagong siglo ng Banal na Rebelasyon, at mula noon ay ipinahiwatig ni Bahá’u’lláh sa Kitáb-i-Aqdas sa gayong mga sipi na ‘ang hiwaga ng Dakilang Pagbaligtad’ at ‘ang Palatandaan ng Hari’ ”.

Ang taguri para sa titik na “Váv” ay binubuo ng tatlong mga titik: Váv, Alif, Váv. Sangayon sa bilang na abjad, ang katumbas na bilang ng bawat isa sa mga titik na ito ay 6, 1 at 6 ayon sa pagkakasunod-sunod. Si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa ngalan niya para sa isa sa mga mananampalataya sa Silangan, ay nagbibigay ng isang paliwanag sa bersikulong ito ng Aqdas. Sinasabi niya na ang “Tuwid na Alif” ay tumutukoy sa pagdating ng Báb. Ang unang titik na may halagang anim, na nauna bago ang Alif, ay isang simbolo ng mga naunang Dispensasyon at mga Kahayagan na nauna sa Báb, samantalang ang ikatlong titik na mayroon ding katumbas na bilang na anim, ay sumasagisag sa kataas-taasang Rebelasyon ni Bahá’u’lláh na ipinahayag ng kasunod ng Alif.

173. Ipinagbabawal sa inyo ang magdala ng sandata kung hindi kailangang-kailangan ¶159

Pinagtitibay ni Bahá’u’lláh ang isang tagubilin na nakasulat sa Bayán na ginagawa nitong labag sa batas ang pagdadala ng sandata, maliban kung ito ay kinakailangang gawain.  Tungkol sa mga kalagayan na ang pagdadala ng sandata ay maaaring maging “kailangang-kailangan” para sa isang tao, nagbibigay si ‘Abdu’l-Bahá ng pahintulot sa isang mananampalataya para sa pagtatanggol sa sarili sa isang mapanganib na kapaligiran.  Si Shoghi Effendi, sa isang liham na isinulat sa ngalan niya ay sinasabi rin na, sa isang kagipitan, kung walang malapit na puwersa ng batas na mahihingian ng tulong, ang isang Bahá’í ay may karapatang ipagtanggol ang kaniyang buhay.  Mayroong ibang mga kalagayan na kung saan kailangan ang mga sandata at maaaring naaayon rin sa batas; halimbawa, sa mga bansa na ang mga tao ay nangangaso para sa kanilang pagkain at pananamit, at sa gayong mga laro ng pagpana, pagbaril, at eskrima.

Sa antas na panlipunan, ang simulain ng pang-kalahatang katiwasayan na ipinahayag ni Bahá’u’lláh (tingnan ang Gleanings from the Writing of Bahá’u’lláh, CXVII) at ipinaliwanag ni Shoghi Effendi (tingnan ang mga liham ng Guardian sa The World Order of Bahá’u’lláh) ay hindi ipinapalagay ang pag-alis ng paggamit ng puwersa ngunit itinatadhana “ang isang pamamaraan kung saan ang Puwersa ay ginawang tagapaglingkod ng Katarungan”, at nagtatadhana para sa pagkakaroon ng isang pandaigdig na hukbo sa pagpapanatili ng kapayapaan na “mangangalaga sa buhay at nagkakapunuang pagkakaisa ng buong mankomunidad”.  Sa Tableta ng Bishárát ipinaalam ni Bahá’u’lláh ang Kaniyang inaasam na “ang mga sandata ng digmaan sa buong digdig ay gagawaing mga kasangkapan ng pagbubuong muli at ang tunggalian at paglalaban-laban ay maaalis sa pagitan ng mga tao”.

Sa Tableta ring iyon, binibigyang-diin ni Bahá’u’lláh ang kahalagahan na pakikipag-kaibigan sa mga tagasunod ng lahat ng mga relihiyon; sinasabi rin Niya na “ang batas ng banal na digmaan ay binura na sa Aklat”.

174. at pinahihintulutan kayo na magsuot ng sutla ¶159

Sang-ayon sa kaugalian ng Islam, ang pagsusuot ng sutla ng mga lalake ay karaniwang ipinagbabawal, maliban sa mga panahon ng banal na digmaan. Ang pagbabawal na ito na hindi nabatay sa mga bersikulo ng Qur’án, ay pinawalang-bisa ng Báb.

175. Pinalaya kayo ng Panginoon . . . sa mga pagba-bawal na pinaiiral noong una tungkol sa pananamit at sa paggupit ng balbas. ¶159

Maraming mga alituntunin tungkol sa pananamit ang may simula sa mga batas at kinaugaliang ginagawa sa mga relihiyon ng daigdig. Halimbawa, ang kleriko ng Shí’ih ay inangkin para sa kanilang sarili ang natatanging kasuotan sa ulo at mga pormal na mahahabang kasuotan at, sa isang panahon, ay pinagbawalan ang mga tao na gayahin ang pananamit ng mga taga-Europa. Ang kinaugaliang Muslim, sa hangarin nitong tularan ang gawi ng Propeta, ay nagpataw ng ilang bilang ng mga pagbabawal kaugnay ng paggupit sa bigote at haba ng balbas.

Inalis ni Bahá’u’lláh ang gayong mga pagtatakda sa pananamit at balbas ng isang tao. Iniwanan Niya ang gayong mga bagay sa “pasiya” ng indibidwal, at nang may kasabay na panawagan sa mga mananampalataya na huwag lumabag sa mga hangganan ng kaangkupan at isagawa ang kainaman sa lahat ng nauugnay sa pananamit.

176. O Lupain ng Káf at Rá! ¶164

Ang Káf at Rá ay ang unang dalawang katinig ng Kirmán, ang pangalan ng isang lunsod at lalawigan sa Iran.

177. batid Namin yaong palihim at pataksil na kumakalat mula sa iyo ¶164

Ang siping ito ay isang pagtukoy sa mga intriga ng isang pangkat ng mga Azalí, na mga tagasunod ni Mírzá Yahyá (tingnan ang tala 190), na may kaugnayan sa lunsod ng Kirmán.  Sa mga iyon ay kasama sina Mullá Ja’far, ang kaniyang anak na lalake si Shaykh Ahmad-i-Rúhí at Mírzá Áqá Khán-i-Kirmání (kapwa mga manugang ni Mírzá Yahyá), gayundin si Mírzá Ahmád-i-Kirmání. Hindi lamang nila hinangad na wasakin ang Pananampalataya, ngunit isinangkot pa ang kanilang mga sarili sa pampulitikang mga intriga na nagwakas sa pataksil na pagpatay kay Násiri’d-Dín Sháh.

178. Gunitain ninyo ang shaykh na ang pangalan ay Muhammad-Hasan ¶166

Si Shaykh Muhammad-Hasan, isa sa pangunahing tagapagtaguyod ng Shí’ih Islám, ay hindi tumanggap sa Báb. Ang may-akda ng napakaraming kasulatan tungkol sa batas ng Shí’ih, ay naiulat na namatay siya noong 1850.

Inilarawan ni Nabil, sa The Dawn-Breakers, ang pagkikita na naganap sa Najaf nina Mullá ‘Alíy-i-Bastámí, isa sa mga Titik ng Nabubuhay, at ni Shaykh Muhammad-Hasan. Sa pagpupulong, ipinaalam ni Mullá ‘Alí ang kahayagan ng Báb at pinuring maigi ang bisa ng Kaniyang Rebelasyon. Sa panunulsol ng shaykh, si Mullá ‘Alí ay kara-karakang hinatulan na isang erehe at pinalayas sa pulong. Siya ay nilitis, ipinadala sa Istanbul, at hinatulan ng mabigat na gawain.

179. isang taga-bithay ng trigo at barley ¶166

Ito ay isang pagtukoy kay Mullá Muhammad Jáfar Gandum-Pák-Kun, ang unang tao sa Isfahán na tumanggap sa Pananam-palataya ng Báb. Siya ay binanggit sa Bayán sa wikang Persiano at pinuri bilang yaong “nagsuot ng kasuotan ng pagkadisipulo”. Sa The Dawn-Breakers inilalarawan ni Nabíl ang walang pasubaling pagtanggap noong “taga-bithay ng trigo” sa Kalatas at ang kaniyang masigasig na pagtataguyod sa bagong Rebelasyon. Sumama siya sa pangkat ng mga nagtanggol sa Muog ng Shaykh Tabarsí at namatay nang lusubin iyon.

180. Mag-ingat na baka ang salitang “Propeta” ay hadlangan kayo mula dito sa Pinaka-Dakilang Patalastas ¶167

Binabalaan ni Bahá’u’lláh ang mga tao “na may malalim na pang-unawa” na huwag pahintulutan ang kanilang mga pagpapakahulugan sa mga Banal na Kasulatan na mahadlangan sila sa pagkilala sa Kahayagan ng Diyos.  Ang mga tagasunod ng bawat relihiyon ay nahilig na pahintulutan ang kanilang katapatan sa Tagapagtatag nito na ipalagay nilang ang Kaniyang Rebelasyon ay ang pangwakas na Salita ng Diyos at ang itatuwa na maaari pang may dumating na susunod na Propeta. Ito ang nangyari sa pananampalatayang Hudyo, Kristiyanismo, at Islám. Itinatuwa ni Bahá’u’lláh ang katotohanan nitong konseptong ito ng kapwa pagwawakas sa nakaraang mga Dispensasyon at ng sa Kaniyang sarili. Tungkol sa mga Muslim, isinulat Niya sa Kitáb-i-Iqán na ang “mga tao ng Qur’án … ay pinahintulutan ang mga salitang ‘Selyo ng mga Propeta’ na lambungan ang kanilang mata”, “na palabuin ang kanilang pang-unawa, at pagkaitan sila ng pagpapala ng lahat ng Kaniyang napakaraming biyaya!” Pinagtitibay Niya na “ang paksang ito ay … naging malubhang pagsubok sa buong sangkatauhan”, at ipinaghihinagpis ang kapalaran “noong mga nangapit sa mga salitang ito, na hindi nanalig sa Kaniya na kanilang tunay na Tagapagpahayag”. Tinutukoy ng Báb ang ganito ring paksa nang magbabala Siya: “Huwag tulutang ihiwalay kayo ng mga pangalan tulad ng isang lambong mula sa Kaniya Na kanilang Panginoon, kahit na ang pangalan na Propeta, sapagka’t ang gayong pangalan ay isa lamang likha ng Kaniyang pananalita”.

181. anumang pagtukoy sa “Pamamalakad ng Kinatawan” ay mahadlangan kayo sa naghaharing kapangyarihan Niya Na Kinatawan ng Diyos ¶167

Ang salitang isinalin dito na “Pamamalakad ng Kinatawan” ay “vilayat” sa orihinal na wikang Arabiko, na mayroong maraming nasasaklaw na kahulugan kasama ang “pama-malakad ng kinatawan”, “pagiging tagapag-alaga”, “pagiging tagapag-tanggol”, at “tagapagmana ng tungkulin”.  Ito ay ginagamit kaugnay sa Diyos Mismo, sa Kaniyang Kahayagan, o doon sa mga hinirang na mga Tagapagmana ng Tungkulin ng isang Kahayagan.

Sa bersikulong ito ng Aqdas, nagbabala si Bahá’u’lláh laban sa pagpapahintulot sa gayong mga kon-septo na mabulag ang isang tao sa “naghaharing kapang-yarihan” ng bagong Banal na Kahayagan, ang tunay na “Kinatawan ng Diyos”.

182. Gunitain ninyo si Karím ¶170

Si Hájí Mírzá Muhammad Karím Khán-i-Kirmání (1810-noong mga ika-1873) ay ang humirang sa sarili bilang pinuno ng pamayanang Shaykhí pagkamatay ni Siyyid Kázim, na hinirang na kahalili ni Shaykh Ahmad-i-Ahsá’í (tingnan ang mga tala 171 at 172).  Itinalaga niya ang kaniyang sarili sa pagtataguyod ng mga turo ni Shaykh Ahmad. Ang mga kuro-kurong ipinahayag niya ang naging paksa ng pagtatalo kapwa ng kaniyang mga tagapagtaguyod at mga kalaban.

Kinilala bilang isa sa pangunahing pantas at malikhaing mangangatha noong kaniyang panahon, sumulat siya ng maraming aklat at mga epistola tungkol sa iba’t ibang paksa ng karunungan na pinagyayaman noong mga panahong iyon. Masigasig niyang kinalaban kapwa ang Báb at si Bahá’u’lláh, at ginamit ang kaniyang mga komentaryo upang tuligsain ang Báb at ang Kaniyang mga Turo.  Sa Kitáb-i-Iqán, isinusumpa ni Bahá’u’lláh ang tono at nilalaman ng kaniyang mga kasulatan at pinili upang punahin ang isa sa kaniyang ginawa na naglalaman ng masasamang pahiwatig sa Báb. Inilalarawan siya ni Shoghi Effendi bilang “labis na mapaghangad at mapagpanggap” at inilarawan kung paano niya “sa sadyang kahilingan ng Sháh ay mabagsik na tinuligsa sa isang komentaryo ang bagong Pananampalataya at ang mga doktrina nito sa isang komentaryo”.

183. O kayo na marurunong ng Bahá ¶173

Pinapupurihan ni Baha’u’lláh ang marurunong sa Kaniyang mga tagasunod.  Sa Aklat ng Kaniyang Banal na Kasunduan, isinulat Niya: “Pinagpala ang mga namumuno at marurunong sa mga tao ng Bahá.”  Kaugnay ng pangungusap na ito, isinulat ni Shoghi Effendi:

Sa banal na siglong ito ang “marurunong”, sa isang dako, ay ang mga Hands of the Cause of God, at, sa kabilang dako, ay ang mga tagapagturo at tagapagpalaganap ng Kaniyang mga Turo na wala sa antas ng mga Hands, ngunit nakapagtamo ng isang mataas na katayuan sa larangan ng pagtuturo.  Tungkol sa mga “namumuno” ang mga iyon ay tumutukoy sa mga kaanib ng mga Local, National at International House of Justice.  Ang mga tungkulin ng bawat isa sa mga kaluluwang ito ay titiyakin sa hinaharap na panahon.

Ang Hands of the Cause of God ay mga indibiduwal na hinirang ni Bahá’u’lláh at binigyan ng iba’t ibang tungkulin, lalo na yaong sa pangangalaga at pagpapalaganap ng Kaniyang Pananampalataya.  Sa Memorials of the Faithful, tinukoy ni ‘Abdu’l-Bahá ang ibang mga bukod-tanging mananampalataya bilang mga Hands of the Cause, at sa Kaniyang Habilin at Testamento isinama Niya ang isang kautusan na nananawagan sa Guardian ng Pananampalataya na humirang ng mga Hand of the Cause ayon sa kaniyang kapasiyahan.  Itinaas muna ni Shoghi Effendi ang ilang bilang ng mga mananampalataya, na yumao na, sa antas ng Hand of the Cause at sa dakong huli ng kaniyang buhay ay humirang ng kabuuang bilang na 32 na mga mananampalataya mula sa lahat ng kontinente sa katayuang ito.  Sa pagitan ng pagpanaw ni Shoghi Effendi noong 1957 at sa pagkahalal ng Universal House of Justice noong 1963, ang mga Hand of the Cause ang namatnugot sa mga gawain ng Pananampalataya, ayon sa kanilang tungkulin bilang mga Punong Tagapagpaganap ng bagong-silang nabubuo pa lamang na Pandaigdigang Mankomunidad ni Bahá’u’lláh (tingnan ang tala 67).  Noong Nobyembre 1964, ang Universal House of Justice ay nagpasiya na hindi ito makagagawa ng batas upang magawang humirang ng mga Hand of the Cause. Sa halip, sa pamamag-itan ng isang kapasiyahan ng House of Justice noong 1968, ang mga tungkulin ng Hand of the Cause kaugnay sa pangangalaga at pagpapalaganap ng Pananampalataya ay ipinagpapatuloy sa hinaharap na panahon sa pamamagitan ng paglikha sa mga Continental Board of Counsellors, at noong 1973 sa pamamagitan ng pagtatatag ng International Teaching Centre, na ang luklukan nito ay nasa Banal na Lupain.


Ang Universal House of Justice ang humihirang sa mga kaanib na Counsellors ng International Teaching Centre at ng Continental Counsellors. Ang mga kaanib ng Auxiliary Board ay hinihirang ng Continental Counsellors. Lahat ng mga indibiduwal na ito ay nasasaklaw sa kahulugan ng salitang “marurunong” na ibinigay ni Shoghi Effendi sa paliwanag na sinipi sa itaas.

184. idulog ninyo ang anumang hindi ninyo nauunawaan sa Aklat sa Kaniya Na nagsanga mula sa makapangyarihang Puno na ito ¶174

Ipinagkaloob ni Bahá’u’lláh kay ‘Abdu’l-Bahá ang karapatang ipaliwanag ang Kaniyang banal na Kasulatan (tingnan rin ang tala 145).

185. sa Paaralan ng Nangingibabaw na Kaisahan ¶175

Sa bersikulong ito at doon sa kagyat na kasunod nito, hinarap ni Bahá’u’lláh ang isa sa mga kadahilanan kung bakit hindi tinanggap ng ilan sa mga Bábí ang pag-angkin Niya na Siya ang Ipinangako sa Bayán.  Ang kanilang hindi pagtanggap ay nabatay sa isang Tableta na ibinigay ng Báb para sa “Kaniya Na ihahayag” na sa kabila ng pahina ay isinulat ng Báb ang: “Harinawang ang mga sulyap Niya Na ihahayag ng Diyos ay paliwanagin ang liham na ito sa mababang paaralan.”  Ang Tableta na ito ay inilathala sa Selections from the Writings of the Báb.

Ang mga Bábí na ito ay nanindigan na dahil si Bahá’u’lláh ay matanda ng dalawang taon sa Báb, hindi maaaring mangyaring matanggap Niya ang Tabletang ito “sa mababang paaralan”.

Ipinaliliwanag dito ni Bahá’u’lláh na ang tinutukoy ay ang mga pangyayaring naganap sa mga espirituwal na daigdig na nasa ibayo ng kalagayang ito ng buhay.

186. tinanggap Namin ang mga bersikulo ng Diyos … na Kaniyang ibinigay sa Amin ¶175

Sa Tableta Niya para sa “Kaniya Na ihahayag”, inilarawan ng Báb ang Bayán bilang isang alay mula sa Kaniya para kay Bahá’u’lláh. Tingnan ang Selections from the Writings of the Báb.

187. O mga tao ng Bayán! ¶176

Pagtukoy sa mga sumusunod sa Báb.

188. pinagdugtong at pinagkabit ang mga pantig na MA at GING ¶177

Si Shoghi Effendi, sa mga liham na isinulat sa kaniyang ngalan, ay ipinaliwanag ang kahulugan ng mga “pantig na Ma at Ging”.  Binubuo nila ang salitang “Maging” na, sinasabi niya “ay nangangahulugan ng mapanlikhang kapangyarihan ng Diyos Na sa pamamagitan ng Kaniyang utos ay pinagiging buhay ang lahat ng bagay” at “ang kapangyarihan ng Kahayagan ng Diyos, ang Kaniyang dakilang espirituwal na mapanglikhang lakas”.

Ang pautos na “Maging” sa orihinal na Arabiko ay ang salitang “kun”, na binubuo ng dalawang titik na “káf” at “nún”. Isinalin ang mga ito ni Shoghi Effendi sa paraang nasa itaas. Ang salitang ito ay ginamit sa Qur’án bilang utos ng Diyos sa pagbibigay buhay sa sangnilikha.

189. ng bagong Pandaigdigang Kaayusan na ito ¶181

Sa Bayán sa wikang Persiano, sinabi ng Báb: “Makabubuti sa kaniya na itinutok ang kaniyang paningin sa Kaayusan ni Bahá’u’lláh, at nagbibigay ng pasasalamat sa kaniyang Panginoon. Sapagka’t nakatitiyak na Siya ay ipapahayag.     Tunay na hindi mababagong tadhana ito ng Diyos sa Bayán.” Tinukoy ni Shoghi Effendi na ang “Kaayusan” na ito ay ang Pamamaraan na ipinagunita ni Bahá’u’lláh sa Aqdas, kung saan pinatutunayan Niya ang lubos na nakapagbabagong bisa nito sa buhay ng sangkatauhan at ipinapahayag ang mga batas at simulain na magpapalakad sa pagsasagawa nito.

Ang mga katangian ng “bagong Pandaigdigang Kaayusan” ay isinaysay sa mga Kasulatan nina Bahá’u’lláh at ‘Abdu’l-Bahá at sa ma liham ni Shoghi Effendi at ng Universal House of Justice. Ang mga institusyon ng pangkasalukuyang Pampangasiwaang Kaayusan ng Bahá’í, na bumubuo sa “nabalangkas na saligan” ng Pandaigdigang Kaayusan ni Baha’u’lláh, ay magiging ganap at marahang magbabago tungo sa pandaigdig na Mankomunidaad ng Bahá’í.  Kaugnay nito, pinagtitibay ni Shoghi Effendi na ang Pampangasiwaang Kaayusan na “habang ang bumubuong mga bahagi nito, ang organikong mga institusyon nito, ay nagsisimulang manungkulan nang may kahusayan at sigasig, igigiit ang inaangkin nito at ipakikita ang kakayahan nitong makilala hindi lamang bilang ang pinakaubod kundi ang mismong tularan ng Bagong Kaayusang Pandaigdig na natatadhanang saklawin sa kaganapan ng panahon ang buong sangkatauhan”.

Para sa kadagdagang kaalaman sa ebolusyon nitong bagong Pandaigdigang Kaayusan, tingnan, halimbawa, ang mga liham ni Shoghi Effendi na inilathala sa The World Order of Baha’u’lláh.

190. O pinagmumulan ng katiwalian! ¶184

Ito ay isang pagtukoy kay Mírzá Yahyá, na kilala na si Subh-i-Azal (Umaga ng Walang Hanggan), isang nakababatang kapatid sa ama ni Baha’u’lláh, na nagbangon laban sa Kaniya at kinalaban ang Kapakanan Niya.  Si Mírzá Yahyá ay hinirang ng Báb na magsilbi bilang isang pandangal na pinuno sa pamayanang Bábí habang hinihintay ang nalalapit na paghahayag Niya Na Ipinangako. Sa panunulsol ni Siyyid Muhammad-i-Isfahání (tingnan ang tala 192), ipinagkanulo ni Mírzá Yahyá ang pagtitiwala ng Báb, inihayag na siya ang Kaniyang tagapagmana ng tungkulin, at nagpakana ng intriga laban kay Bahá’u’lláh, pati na rin ang pagtatangka na ipapatay Siya. Nang pormal na ipahayag ni Bahá’u’lláh ang Misyon Niya sa kaniya sa Adrianople, ang pagtugon ni Mírzá Yahyá ay umabot sa paghaharap din ng kaniyang sariling pag-angkin na tumanggap ng isang Rebelasyon na may sariling kasarinlan.  Sa katapusan ang kaniyang mga pagpapanggap ay itinatwa ng lahat, maliban lamang sa ilan, na nakilala bilang mga Azalí (tingnan ang tala 177). Inilalarawan siya ni Shoghi Effendi bilang ang “Pangunahing Lumabag sa Banal na Kasunduan ng Báb” (tingnan ang God Passes By, kabanata X).

191. alalahanin kung paano ka Namin inaruga sa araw at sa gabi para sa paglilingkod sa Kapakanan ¶184

Sa God Passes By, binabanggit ni Shoghi Effendi ang katunayan na si Bahá’u’lláh, Na labintatlong taon ang tanda kay Mírzá Yahyá, ay pinayuhan at pinagalagaan siya sa kaniyang kabataan at pagbibinata.

192. Hawak na ng Diyos siya na nanligaw sa iyo. ¶184

Isang pagtukoy kay Siyyid Muhamad-i-Isfahání, na inilalarawan ni Shoghi Effendi bilang ang “Anti-Kristo ng Rebelasyong Bahá’í”.  Siya ay isang lalakeng may bulok na asal at may matinding makasariling hangarin na naghikayat kay Mírzá Yahyá upang kalabanin si Bahá’u’lláh at upang umangkin ng pagka-propeta para sa kaniyang sarili (tingnan ang tala 190). Kahiman siya ay isang mananalig kay Mírzá Yahyá, si Siyyid Muhammad ay ipinatapon kasama ni Baha’u’lláh sa ‘Akká.  Siya ay nagpatuloy na manggulo at magpakana laban kay Bahá’u’lláh.  Sa paglalarawan sa mga pangyayari ng kaniyang pagkamatay, isinulat ni Shoghi Effendi sa God Passes By:

Isang bagong panganib ang ngayon ay malinaw na nagbabanta sa buhay ni Bahá’u’lláh. Kahiman Siya Mismo ay mahigpit na pinagbawalan ang Kaniyang mga tagasunod, sa ilang pagkakataon, kapwa nang sinasabi at nasusulat, sa anumang pagganting mga kilos laban sa kanilang mga taga-usig, at pinabalik pa sa Beirut ang isang walang pakundangang Arabo na naging kaanib, na nagpanukalang ipaghiganti ang mga kapinsalaang ipinagdusa ng kaniyang minamahal na Pinuno, pito sa mga kasamahan ang palihim na hinanap at pinatay ang tatlo sa kanilang mga taga-usig, kasama roon sina Siyyid Muhammad at Áqá Ján.

Ang pagkataranta na sumaklot sa pamayanang naaapi na ay hindi mailarawan. Ang pagkapoot ni Bahá’u’lláh ay walang malamang hangganan. “Kung Aming,” Kaniyang isinatinig ang mga damdamin Niya, sa isang Tableta na hindi naglaon ay ipinahayag matapos gawain ang kilos na ito, “babanggitin ang sinapit Namin, ang mga kalangitan ay mawawasak at ang mga kabundukan ay guguho.” “Ang Aking pagkabilanggo”, isinulat Niya sa ibang pagkakataon, “ay hindi makapipinsala sa Akin. Yaong makapipinsala sa Akin ay ang asal noong mga nagmamahal sa Akin, na naghahayag na may kaugnayan sa Akin, ngunit nagsasagawa noong nagiging dahilan ng pag-ungol ng Aking puso at ng Aking panulat.”

193. Pumili kayo ng isang wika lamang … at pumili kayo … ng isang pagsulat na para sa lahat. ¶189

Iniuutos ni Bahá’u’lláh ang pagpili ng isang pandaigdig na wika at pagsulat.  Ang mga Kasulatan Niya ay ginugunita ang dalawang yugto sa pamamaraang ito.  Ang unang yugto ay binubuo ng pagpili ng isang umiiral na wika o ng isang kinatha na pagkatapos ay ituturo sa lahat ng paaralan ng daigdig bilang isang pantulong sa mga inang wika.  Ang mga pamahalaan ng daigdig, sa pamamagitan ng kanilang mga parliyamento, ay tinatawagan na pairalin ang makasaysayang batas na ito. Ang ikalawang yugto, sa malayong hinaharap na panahon, ay ang pagsapit sa pagpili ng isang wika at pangkalahatang pagsulat para sa lahat ng nasa daigdig.

194. Kami ay nagtakda ng dalawang palatandaan para sa pagdating ng kaganapan ng sangkatauhan ¶189

Ang unang palatandaan ng pagsapit sa hustong gulang ng sangkatauhan na tinutukoy sa mga kasulatan ni Bahá’u’lláh ay ang paglitaw ng isang agham na inilalarawan bilang yaong “banal na pilosopiya” kung saan mabibilang ang pagtuklas sa isang sukdulang bagong pamamaraan sa pagbabago-bago ng mga elemento. Ito ay isang palatandaan ng mga kaluwalhatian ng darating na kamangha-manghang paglawak ng kaalaman.

Tungkol sa pangalawang palatandaan na ipinahihiwatig ni Bahá’u’lláh na ipinahayag sa Kitáb-i-Aqdas, sinasabi ni Shoghi Effendi na si Bahá’u’lláh, “ … sa Pinakabanal na Aklat Niya, ay iniutos ang pagpili ng iisang wika at ang paggamit ng isang pangkalahatang pagsulat para gamitin ng lahat ng nasa daigdig, isang kautusan na, kapag naisagawa, na pinatutunayan Niya Mismo sa Aklat na iyon, ay magiging isa sa mga palatandaan ng ‘pagsapit sa kaganapan ng sangkatauhan’ ”.

Ang karagdagang pagkaunawa sa prosesong ito ng pagsapit sa hustong gulang ng sangkatauhan at pagtungo sa kaganapan ay ibinibigay ng sumusunod na pangungusap ni Bahá’u’lláh:

Isa sa mga palatandaan ng kaganapan ng daigdig ay yaong wala nang tatanggap na balikatin ang bigat ng pagiging hari. Ang pagiging hari ay mananatili nang walang sinuman ang kusang-loob na balikatin nang nag-iisa ang kabigatan nito. Ang araw na iyon ay magiging araw na ang wastong kaalaman ay maipapahayag ng sangkatauhan.

Ang pagsapit sa hustong-gulang ng sangkatauhan ay iniugnay ni Shoghi Effendi sa pagkakaisa ng buong sangkatauhan, ang pagtatatag ng isang pandaigdig na mankomunidad, at isang di pa nararanasang pagpapasigla sa “pangkaisipan, sa moral, at espirituwal na buhay ng buong sangkatauhan”.

•    •    •

Gabay sa mga Sipi Mula sa kitáb-i-Aqdas na Isinalin ni Shoghi Effendi

Daglat ng mga Pinagkuhanan

BA Shoghi Effendi. Bahá’í Administration: Selected Messages 1922-1932.  Wilmette, Illinois:  Bahá’í Publishing Trust, rev. edn., 1968.

BC National Spiritual Assembly of the Bahá’ís of the United States.  The Bahá’í Community: A Summarization of Its Organization and Laws.  Wilmette, Illinois: Bahá’í Publishing Trust, rev. edn., 1963.

CF Shoghi Effendi.  Citadel of Faith: Messages to America, 1947-1957.  Wilmette, Illinois: Bahá’í Publishing Trust, 1965.

ESW Bahá’u’lláh.  Epistle to the Son of the Wolf. Wilmette, Illinois: Bahá’í Publishing Trust, 1979.

GWB Bahá’u’lláh.  Gleanings from the Writings of Bahá’u’lláh.  Wilmette, Illinois: Bahá’í Publishing Trust, rev. edn., 1980.

PDC Shoghi Effendi.  The Promised Day Is Come.  Wilmette, Illinois: Bahá’í Publishing Trust, rev. edn., 1980.

SW Star of the West: The Bahá’í Magazine. vol. XIV, July 1923, no. 4. reprinted 1978. Oxford: George Ronald.

UD Shoghi Effendi.  The Unfolding Destiny of the British Bahá’í Community.  London: Bahá’í Publishing Trust, 1981.

WOB Shoghi Effendi. The World Order of Bahá’u’lláh: Selected Letters.  Wilmette, Illinois: Bahá’í Publishing Trust, 1974.

Pagkilala sa mga Sipi

Parapo

1-5 “Ang unang tungkulin . . . O mga tao na may pang-unawa!” (GWB CLV) 

7 “Kailanman na ang Aking mga utos . . . Kaniyang di mapag-aalinlangang utos.” (GWB CLV)

10 “Inuutusan Namin kayo na manalangin at mag-ayuno   . . . ang Bukas-Palad” (BC p.40)

16 “Iniutos Namin sa inyo ang pag-aayuno . . . isang pagdiriwang.”  “Ang manlalakbay, ang may karamdaman . . . ng Pag-aayuno . . .” (BC p.40)

17 “Huwag kumain . . . itinakda sa Aklat.” (BC p.40)

30 “Iniutos ng Panginoon . . . hindi ito mahalaga.”  “Nararapat sa kanila na maging mga katiwala . . . O kayo na nakauunawa.” (BA p. 21)

35 “O kayong mga tagapaglingkod . . . walang kabuluhang mga hinagap.” (SW p. 112)

37 “Sinuman ang umangkin . . . ang Marunong sa Lahat.” (GWB CLXV)

38-40 “Huwag masiphayo . . . sa mga patay.” (GWB LXXI)

43 “Huwag manangis sa mga oras ng inyong pagsubok   . . . Siya Na nakababatid.” (SW p.112)

48 “Sa bawat ama . . . na bumalot sa daigdig.” (SW p.112)

52 “O kayong mga Tao ng Katarungan . . . ang Matapat.” (SW p.112)

53-55 “Huwag pahintulutang matigatig ang inyong puso . . .  yaong maging mapagpasalamat.” (GWB LXXII)

58-59 “Mag-ingat na baka . . . at kabatiran.” (GWB LXXII)

63 “Magsipag-asawa . . . babanggit sa Akin . . .” (UD P.195)

78-84 “O mga hari ng kalupaan! Siya na naghaharing Panginoon . . . tulong sa kaniya.” (GWB CV)

85 “O Emperador ng Austria! . . . maliwanag na Guhit-Tagpuan na ito.” (PDC pp.36-37)

86 “Sabihin: O Hari ng Berlin! . . . nila na nag-iisip ng malalim.” (PDC pp. 36-37)

87 “Kami ay walang hiningi . . . O kalipunan ng mga hari! (PDC p.26)

88 “Makinig kayo, O mga Namumuno sa Amerika . . . ang Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat.” (CF pp. 18-19)

89 “O Pook na inilagay . . . ang Nakababatid sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.” (PDC p. 40)

90 “O mga pampang ng Rhine! . . . hayag na kaluwalhatian.” (PDC p. 37)

91-93 “Huwag hayaang makalumbay ang anuman sa iyo . . . kamangha-manghang Aklat.” ((GWB LVI)

99-104 “Sabihin: O mga pinuno ng relihiyon . . . nauunawaan lamang ninyo.” (GWB XCVIII)

105 “Sinuman ang magpapaliwanag . . . sa malinaw na Aklat.” (ESW pp. 129-30)

118 “Nagbigay ng pahintulot ang Panginoon . . . buto ay mabigyang-buhay.” (SW p. 113)

120 “Palamutian ang inyong mga ulo . . . ang Marunong sa Lahat.” (SW p. 113)

121 “Kapag ang Karagatan ng Aking pagiging kapiling . . . Napakatandang Ugat na ito.” (WOB p. 134)

122-25 “Bulay-bulayin ang kakitiran . . . kalupaan at kalangitan.” (GWB CLIX)

144 “Makisama sa lahat ng mga relihiyon . . . ng bagay ay nagwawakas.” (SW p. 114)

161-63 “Pinagpala ang tao . . . ang Pinaka-Mapagbigay-biyaya.” (GWB XXXVII)

165 “O kalipunan ng mga teologo! Nang ang Aking . . . kataka-takang bagay.” (PDC p. 82)

165 “Winasak Namin ang mga lambong . . . sa darating . . .” (PDC p. 82)

166 “Kung naniniwala kayo . . . pabaya.” (PDC p. 82)

167 “Ito ang Kapakanan . . . diyus-diyosan.” (PDC p. 82)

169 “O kalipunan ng mga teologo! Mag-ingat na baka . . . lahat ng mga palatandaan!” (PDC p. 82)

171 “Punitin ang mga lambong . . . sa pabaya.” (PDC p. 82)

173 “Maligaya kayo . . . nadudurog na buto.” (SW p. 114)

174 “Kapag ang Mahiwagang Kalapati . . . makapangyarihang Puno na ito.” (WOB p. 13 4)

181-83 “Ang paninimbang ng daigdig . . . ang Makapangyarihan, ang Mapagmahal.” (GWB LXX)

•    •    •

 

The Kitáb-i-Aqdas

1. Napoleon III

2. Ṭihrán

3. Khurásán

4. Ang Báb

5. Ang Báb

6. Bahá’u’lláh

7. Ang Báb

8. Ang Báb

9. Bahá’u’lláh

10. Kirmán

11. Ang Báb

Mga Katanungan at Kasagutan

1. Bahá’u’lláh

2. Unang buwan sa kalendaryong Islam ayon sa buwan

3. Sa wikang Arabe ang dalawang bersikulo ay nagkakaiba sa kasarian

4. Ito ay kaugnay sa pinakamaikling tagal ng isang paglalakbay na nagpapahintulot sa naglalakbay na hindi isagawa ang pag-aayuno

5. Ang vernal equinox sa Hilagang Hating-daigdig

6. Ang Tableta na naglalaman ng tatlong mga Dalanging Katungkulang Isagawa na ginagamit ngayon

7. Qur’án 2:115

8. Tinutukoy nito ang dami na may kalahati ng isang metro kubiko

9. Kulay, lasa at amoy

10. Adrianople

Lagom at Pagsasaayos

1. Ang paraan ng pnaghahati sa ari-arian na dapat isagawa sa mga pangyayari na walang testamento.  Tingnan ang tala o. sa bahaging ito

Mga Tala

1. Noong ika-10 ng Hulyo 2014, ipinahayag ng Universal House of Justice ang mga patakaran para sa pangkalahatang paggamit ng kalendaryong Badí‘ sa simula ng Naw-Rúz 172 (paglubog ng araw sa ika-20 ng Marso 2015). Ang unang araw ng buwan ng pag-aayuno ay nagbabago na ngayon sang-ayon sa araw kung kailan papatak ang Naw-Rúz ng kasunod na taon.

2. Sa mensahe nito ng ika-10 ng Hulyo 2014 kaugnay ng pangkalahatang paggamit ng kalendaryong Badí‘ sa simula ng Naw-Rúz 172, itinakda ng Universal House of Justice ang Ṭihrán bilang ang pook sa lupa na mula roon ay itatakda, sa pamamagitan ng mga kalkulasyong pang-astronomika ng maaasahang mga awtoridad, ang sandali ng equinox ng tagsibol sa hilagang hatingglobo, at sa gayon ang araw ng Naw-Rúz.

3. Sa mensahe nito ng ika-10 ng Hulyo 2014 kaugnay ng pangkalahatang paggamit ng kalendaryong Badí‘, sinabi ng Universal House of Justice na ang Pista ng Kambal na Kaarawan ay ipagdiriwang na sa una at pangalawang araw pagkaran ng ikawalong buwang nagbibilog pagkaraan ng Naw-Rúz, ayon sa itinatakda ng talaang astronomika na ginagamit ang Ṭihrán bilang tukuyan.

4. Sa paggamit ng kalendaryong Badí‘ ayon sa ipinahayag ng Universal House of Justice sa mensahe nito ng ika-10 ng Hulyo 2014, ang bilang ng paningit na mga araw ay mag-iiba sang-ayon sa oras ng equinox ng tagsibol sa kasunod na mga taon.